Pages

01 May 2011

GANITO BA?

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 20:19-31

          Kung palalagyan ko ng pamagat ang Ebanghelyong binasa ko sa inyo ngayong araw na ito, malamang karamihan po sa inyo ay pamamagatan itong “Ang Nagdududang Tomas” o “The Doubting Thomas”.  Hindi ko po kayo masisisi kung bakit iyan ang gusto ninyong pamagat sa Ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.  Sadyang po kasi namang makabagbag-damdamin ang pagdududa ni Tomas sa magmuling-pagkabuhay ng Panginoong Jesus at ang pagsampalataya niya sa kalaunan kung kaya’t halos hindi na natin napapansin ang unang bahagi ng Ebanghelyong ito.  Hindi naman po natin binabale-wala ang halaga ng karanasan ni Tomas, pero, kung tutuusin, higit pang mahalaga ang nangyari nang magpakita si Jesus sa ibang mga alagad noong gabi ng unang Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.  Dapat nating pagnilayan ito sapagkat noon din ay isinilang ang Santa Iglesiya at ipinagkatiwala ni Jesus sa mga hamak na nilalang ang kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.
          Magkakasama ang mga apostol sa silid na malamang ay doon din nila pinagsaluhan ang Huling Hapunan.  Nakakandado ang mga pintuan.  Sabi ng Ebanghelyo, kaya raw ganun ang kanilang kalagayan ay dahil sa takot sa mga Judyo.  They were an assembly gathered in fear.  Ngunit biglang lumitaw si Jesus sa gitna nila.  Jesus is never hindered by our fears.  Kahit sa tindi ng ating takot – minsan pa nga, kapag takot na takot nga tayo – higit pang nagiging tutoo si Jesus para sa atin.  “Kapayapaan,” bati Niya sa kanila.  Kapayapaan – ito mismo si Jesus para sa atin.
          Noong unang pagpapakita Niyang iyon sa mga alagad, matapos Siyang magmuling-nabuhay, isinugo na agad ni Jesus ang mga apostol.  “Kung paanong isinugo ako ng Ama gayundin naman ay isinusugo Ko kayo,” wika Niya sa kanila.  Pagkasabi nito, hiningahan Niya ang mga apostol sabay wika, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”  Hindi po ba ganun din ang ginawa ng Maylikha nang lalangin Niya ang unang tao: hiningahan Niya ito at ito ay nagkabuhay?  Noong unang gabi ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, sa pamamagitan ng mga apostol na hiningahan ni Jesus, magmuling-nililikha ni Jesus ang sangkatauhan.  Ang tao ay hindi na lamang tao kundi, sa pakikisalo sa mismong buhay ni Jesus, ay anak na rin ng Diyos.  At sa pagkakaloob Niya ng Espiritu Santo sa kanila, isinilang naman ang Santa Iglesiyang laan para sa lahat ng sumasampalataya kay Jesus na Anak ng Diyos.
          Kadalasan po, ang Pentekostes – limampung araw pagkatapos ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay – ang iniisip nating kaarawan o birthday ng Santa Iglesiya dahil sa malapelikulang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol.  Tunay nga po, noong Pentekostes nagsimula sa kanilang pagmimisyon ang mga apostol at nagsimula ring lumago ang Santa Iglesiya; pero hindi iyon ang unang pagkakataong tinanggap nila ang Espiritu Santo.  Para kay San Juan na siyang sumulat ng Ebanghelyo para sa araw na ito, ang pagkakaloob ng Espiritu Santo ay sa mismong araw ng magmuling-pagkabuhay sapagkat ang layunin ng kamatayan at magmuling-pagkabuhay ng Panginoong Jesus ay ang maibigay sa mga mananampalataya ang Espiritu Santo.  Sa teolohiya ni San Juan, ang krus at magmuling-pagkabuhay ay magkabilang pisngi ng iisang mukha at ang magmuling-pagkabuhay at ang pagkakaloob ng Espiritu Santo ay iisa.  Kaya nga po ang Pentekostes, na siyang limampung araw nga pagkatapos na si Jesus ay magmuling-nabuhay, ay hayagang pagpapakita ng Espiritu Santo na naihinga na ni Jesus sa mga apostol noon pang mismong araw ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.
          Para sa ating mga taga-parokyang ito ni San Jose Manggagawa, na nagdiriwang ng ating taunang pista ngayong araw na ito rin mismo, at sa diwa ng mga nauna na nating nabanggit, mahalaga ang isasagot natin sa tatlong katanungang ito.  Una, humihinga pa ba tayo bilang isang buhay na parokya?  Ikalawa, hininga pa ba ni Jesus talaga ang ating inihihinga?  At ikatlo, iisa pa rin ba tayo sa paghinga o kanya-kanya na?  Masasagot lamang natin ng “oo” ang tatlong katanungang ito nang sabay-sabay kung ang Espiritu Santo – ang Espiritu ni Jesus – pa rin ang naghahari sa atin bilang indibidwal at bilang isang sambayanan.  Kung hindi na, malamang ibang espiritu na ‘yan.  At nakakatakot, hindi ba?  Kaya po, bilang iglesiya sa anyo ng parokya, bilang sambayanan ng mga alagad ng Panginoon sa anyo ng kapitbahayan, kailanangan nating tiyaking laging nananahan sa atin ang Espiritu Santo at naghahari Siya sa lahat at bawat iniisip, sinasabi, at ikinikilos natin.
          Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, kasabay na kasabay ng pagsilang ng Santa Iglesiya ang pagkakaloob ni Jesus sa mga apostol – ang haligi ng Santa Iglesiya – ng kapangyarihang magpatawad.  “Anumang kasalanan ang inyong patawarin ay pinatawad nga; anumang kasalanan ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad,” wika ni Jesus.  Napakalinaw ng tatlong bagay tungkol sa pagiging-iglesiya, pagiging sambayanan ng mga alagad ng Panginoon.  Una, ang Santa Iglesiya ay sambayanan ng mga makasalanan.  Kaya nga kailangan ng pagpapatawad ay dahil nagkakasala.  Ikalawa, ang pagiging-iglesiya ay pagiging katiwala ng kapatawaran.  Pangunahin sa mahahalagang misyon ng Santa Iglesiya ang magpatawad.  Pribilehiyo niya ito sa gitna ng mga tao at pananagutan naman niya ito sa Diyos.  Ang Santa Iglesiya ang natatanging sambayanan ng awa at habag.  At ikatlo, may mga kasalanang maaaring hindi patawarin.  Palibhasa, paano nga ba patatawarin ng kasalanang hindi naman inihihingi ng tawad?
          Muli, bilang isang parokya na ngayong araw ding ito mismo ay nagdiriwang ng kanyang taunang pista, harapin nating makatotohanan at sagutin sa harap ni Jesus na Hari ng Awa ang mga katanungang ito.  Maawaing parokya ba tayo?  Mapagpatawad ba tayo sa isa’t isa?  Umaamin ba tayo sa ating mga pagkakasala?  Kung kasalanan ang pagiging mahabagin, guilty ba tayo?
          Ngayon araw na ito ay hindi lamang pista ng ating patrong si San Jose Manggagawa, kundi, higit pa, kapistahan ngayon ng Banal na Awa.  Ang ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ay Linggo ng Awa.  Ngayong araw ding ito ay itatanghal na beato ang mahal nating si Papa Juan Pablo II.  Nagtatagpo sa iisang araw na ito ang mahahalagang sandali sa buhay ng Santa Iglesiya.  At tayo nga ang Iglesiya – isinilang mula sa hininga ni Jesus, pinagkalooban ng Espiritu Santo, at pinagkatiwalaan ng kapangyarihang magpatawad.  Kung mamimiyesta sa atin ngayon ang mahal nating si Beato Juan Pablo II, malamang tatanungin niya tayo: “Ganito nga ba ang parokya n’yo?”  Sana huwag namang pagdudahan ni Tomas ang isasagot natin.
          Beato Juan Pablo II, ipanalangin mo kami.  Amen.

No comments:

Post a Comment