Pages

22 May 2011

ANG DAAN, ANG KATOTOHANAN, AT ANG BUHAY

Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 14:1-12

          May mga taong talagang bibihirang pag-isipan ang sariling buhay nila.  Basta araw-araw sapat na sa kanila ang buhay sila.  Malaking kaabalahan para sa kanila ang tanungin pa ang mga katanungang katulad nito: Bakit ako nabubuhay?  Ano ang kahulugan ng buhay ko?  Saan patungo ang buhay ko?  Kamusta na ba ang aking pamumuhay?  Pero, may mga panahong sadyang papapatigil ang tao sa kanyang karaniwang ginagawa at, sa ayaw man niya o sa gusto, napipilitan siyang itanong ang mga katanungang ito sa kanyang sarili.  Gaya halimbawa, kapag may biglaang pumanaw na mahal sa buhay at naiiwan ang mga naulila nang may malaking kawalan.  Kapag gayon, parang bumaliktad ang ating mundo, hindi ba?  Ang dating mga binabale-wala natin ay biglang nagkakaroon ng halaga para sa atin at ang mga dating inakala nating napakahalaga ay nagsisimulang maging walang-saysay kung ihahambing sa ating karanasan ng kawalan.
          Nagsisimula tayong magtanong.  At kung may pinatutunguhan man ang ating pamumuhay, inisip-isip nating kung saan tayo papunta.  Pasaan ba ang buhay natin?  Kung sakaling hindi natin gusto ang ating nakikita, puwede tayo magbago ng direksyon.  Pero anong direksyon ang tatahakin natin kung ang mismong kamalayan natin ng direksyon sa buhay ay tila wala na?  Maraming tao ang paikut-ikot lang sa buhay pero wala namang pinatutunguhan.
          Tunay nga, ang karanasan natin ng malalim na kawalan sa buhay ay laging nagtutulak sa ating tanungin kung ano nga ba ang direksyon ng buhay natin.  Ganito rin ang karanasan ng mga alagad sa Ebanghelyo ngayong araw na ito.  Binibigkas ni Jesus ang Kanyang tila huling talumpati.  Iisa ang payo Niya sa kanila: “Huwag kayong matakot; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa Akin.”
          Alam ba ninyo na ayon sa mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan, ang “Huwag kayong matakot” ay  365 na beses binabanggit sa Bibliya?  Napapahiwatig ito na hindi tayo pinababayaan ng Diyos sa araw-araw.  Hindi Siya nakalilimot.  Hindi Siya nagkukulang sa pag-aaruga sa atin at walang-sawa Niya tayong ginagabayan sa tamang daan.
          Nang sabihin ni Jesus sa mga alagad sa Ebanghelyo ngayong araw na ito na Siya ika ay lilisan para ipaghanda sila ng matitirhan ngunit babalik din Siya para isama sila sa Kanyang paroroonan, idinugtong pa Niyang alam na raw ng mga alagad ang daan patungo sa pupuntahan Niya.  Kitang-kita natin ang problema ng mga alagad, na si Tomas ang nagkalakas ng loob magsabi: “Guro, hindi nga namin alam kung saan Ka pupunta yung daan pa kaya patungo sa pupuntahan N’yo?  Hindi po namin alam ang daan.”  Oo nga naman po, hindi ba?
          Binigyan ba ni Jesus ang mga alagad ng aklat na sumasagot sa lahat ng kanilang mga katanungan tungkol sa Diyos, sa tao, sa mundo, at sa buhay?  Nag-iwan ba si Jesus ng detalyadong listahan ng mga sagot sa bawat katanungan natin?  Sana.  Pero hindi po.  Wala Siyang iginuhit na mapa na maaaring gamitin ninuman nang wala nang anumang katanungan.  Sa halip, ibinigay ni Jesus sa atin ang Kanyang sarili mismo.  “Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay,” wika Niya.  At wala nga raw makararating sa Ama kundi sa pamamagitan Niya.
          Si Jesus ang Daan.  Siya mismo ang daan patungo sa kaganapan ng Diyos, sa kaganapan ng buhay.  Pansinin natin: hindi sinabi ni Jesus, “May daan Ako,” kundi “Ako ang Daan.”  Si Jesus ay hindi lamang isa sa mga posibleng daan.  Siya lamang ang Daan dahil Siya nga mismo ang Daan.  Kaya nga, malibang nakaugnay tayo kay Jesus, hindi tayo makararating sa Ama.  Si Jesus ang mukha ng Diyos para sa atin.  Siya ang puso ng Diyos.  Siya ang salita ng Diyos.  Kaya nga, para sa ating mga Kristiyano, ang mapawalay sa Kanya ay mapawalay sa Diyos mismo.  Ang tumatahak sa ibang daan maliban kay Jesus ay nawawala.  Ang hindi pagtulad kay Jesus ay pagwawala.
          Si Jesus ang Katotohanan.  Walang bahid ng anumang kasinungalingan, pagbabalatkayo, o panlilinlang kay Jesus.  Pansinin natin ulit: hindi sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi Ko,” kundi “Ako ang Katotohanan.  Siya mismo ang katotohanan.  Ang katotohanan ay hindi kung anong konseptong lulutang-lutang sa himpapawid.  Hindi ito isang sistema ng kaisipang nananahan lamang sa mga salita.  Ang katotohanan ay si Jesus mismo.  Hindi teoriya ang katotohanan kundi isang tao.  Si Jesus ang katotohanan tungkol sa Diyos kung paanong Siya rin ang katotohanan tungkol sa tao.  Sa Kanyan ay nakikita natin kung ano ang Diyos at kung ano dapat ang tao.  Ito ang sagot sa tanong ni Pilato nang litisin niya si Jesus.  “Veritas? Qui est veritas?”  Ano raw ang katotohanang binanggit ni Jesus, tanong ni Pilato.  Ngunit gaputok man ay hindi na siya sinagot ni Jesus.  Bakit?  Kasi nga nakatayo na ang katotohanan mismo sa harap niya.  Si Jesus ang katotohanan.  Tama si Pilato – bagamat hindi niya sinadya ni namalayan – nang itanghal niya sa taumbayan si Jesus na sugatan na mula sa paghampas sa Kanya sa haliging bato: “Ecce Homo!”  Masdan ninyo ang tao.  Si Jesus nga ang tunay na tao, taong-tao, talagang nagpakatao, tugatog ng pagpapakatao: sugatan ngunit iniibig ng Diyos.  Ito ang katotohanan natin.
          Si Jesus ang Buhay.  Halos alingawngaw ito ng nauna nang pahayag ni San Juan sa simula ng kanyang Ebanghelyo: “Sa pamamagitan Niya ang lahat ay nalikha, walang anumang umiral na hindi sa pamamagitan Niya.  Lahat ng umiral ay nagkabuhay sa Kanya” (1:3-4).
          Kaya may ako dahil may Jesus.  Kaya may ikaw dahil may Jesus.  Kaya may tayo dahil may Jesus.  Kaloob ni Jesus ang mismong buhay natin.  Kaya nga napakasagrado ng buhay mula sa simula hanggang sa likas na katapusan nito.  Hindi dapat pinaglalaruan ang buhay.  Hindi dapat kinikitil ang buhay ninuman, naisilang na o naghihintay pang maisilang mula sa sinapupunan ng ina.  Hindi batas ang dapat magtakda kung sino ang dapat mabuhay at sino ang hindi.  Wala sa kapangyarihan ninuman ang pagpigil, pagtanggi, at pagkitil ng buhay kahit pa bigyang-anyo ng batas ng tao ang kapangyarihang ito na natatanging poder ng Diyos.
          Ang buhay ay hindi aksidente ng tadhana o pagkakamali ng kapusukan.  Sa halip, ang buhay, paano man ito nabuo, ay isa sa mga katangi-tanging regalo ng Diyos sa atin.  At ang buhay na nasa sinapupunan pa lamang ng ina ay hindi lamang isang estadistika ng ekonomiya.  Hindi aksidente si Jesus.  Hindi pagkakamali si Jesus.  Hindi estadistika si Jesus.  Si Jesus mismo ang buhay.  At ang bawat-tao ay kalarawan ni Jesus sa anumang estado ng proseso ng pagiging tao – ito man ay sa bahagi pa lamang ng unang sandali ng pagtatagpo ng mga binhi o sa mga huling sandali ng buhay sa daigdig.
Malaon pa, yayamang si Jesus nga mismo ang buhay, dapat lagi tayong bukas sa buhay.  Sa usaping ito, higit pa ang inaasahan sa mga mag-asawang pinagpala ng Sakramento ng Matrimonyo para sa layunin ng pagbubuklod at pagkamakabuhay.  Sa bawat pagtatalik, dapat silang bukas na posibilidad na makabuo ng buhay.  Anumang artipisyal na panghadlang sa ikabubuo ng buhay – para sa anumang dahilan – ay intrinsically evil o likas na masama.  Ang paglapastangan sa buhay ay paglapastangan kay Jesus.  Ang pagtanggi sa buhay ay pagtanggi kay Jesus.  Ang paghadlang sa buhay ay paghadlang kay Jesus.  Si Jesus ang Buhay.
Bilang mga Kristiyano, iniaangat pa ang pakahulugan ng pahayag na si Jesus ang Buhay.  Kamatayan para sa atin ang mapawalay kay Jesus.  Kaya ang Eukaristiya – na si Jesus mismo – ang bukal at tugatog ng ating buhay bilang mga Kristiyano.
Nang umakyat na si Jesus sa langit, hindi nagtagal na nabatid ng mga alagad na wala pala silang kagyat na sagot para sa lahat ng mga katanungan nila.  Gaya ng pangyayari sa unang pagbasa ngayong araw na ito, natutunan nila mula sa sa mga hidwaan sa sinaunang sambayanang Kristiyano na para matagpuan nila ang daan pasulong kailangan nilang magtulung-tulungan.  Maraming hindi sinabi si Jesus sa kanila, at dapat nilang pagsikapang harapin ang bukas ng buong katapatan.  At nang nagkakaisa.
Sa pagtatapos ng ating pagninilay, napakabuting baunin natin ang kaisipang ito.  Sabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, aalis daw Siya para ipaghanda sila ng matitirhan.  Pero alam naman natin ang pupuntahan ni Jesus, hindi ba?  Papunta Siyang langit.  At lagi nang maayos doon dahil naroroon ang Ama.  Hindi ba tayo ang dapat isaayos?  Tayo nga ang dapat ihanda para maging karapat-dapat manahan doon, para maging marapat panahanan ng Diyos.  Sabi nga ni San Agustin, “He prepares the dwelling places by preparing those who are to dwell in them.”  Laging handa ang tahanan ng Diyos.  Tayo, handa ba tayong manirahan doon?

No comments:

Post a Comment