Pages

18 December 2010

MERON AKONG KUWENTO: SI JOSE ULIT!

Misa de Gallo 4

Mt 1:18-25


“Kaibigan, usap tayo!” – ganito natapos ang kuwentuhan natin kahapon, hindi ba? Salamat po at nagbalik kayo para nga makapag-usap tayo.


Sino po rito ang wala kahapon? Huwag mahiya, panindigan; itaas ang kamay. Ayan, salamat po at nagsasabi kayo ng tutoo. Kaya sa inyo, sinasabi ko rin po, “Kaibigan, tara, usap tayo.”


Sino naman po rito ang may katabing babae ngayon? Kilala ba ninyo iyan? Pakisabi po sa kanya: “Miss, mag-usap daw kayo!”


May narinig po kasi akong nagsabi na may mga babaeng ang hinahanap ay apat na M para mapangasawa nila. Pakitanong n’yo nga po sa katabi ninyong babae kung apat na M din ang hanap n’ya. Ano raw po ang apat na M na hinahanap ng ibang mga babae para maging asawa? Matandang Mayamang Madaling Mamatay. Sino po rito sa tingin ninyo ang may apat na M na yan? Huwag pong ituturo; baka manuno.


Itong tauhan ng kuwento ko na aking ipinakilala sa inyo kahapon ay may apat na M. Hindi po Matandang Mayamang Madaling Mamatay ha.


Ang unang M niya ay Matuwid. Ayon sa unang nagkuwento ng aking kuwento, ito raw si Jose ay isang taong matuwid. Ibig sabihin, ang pamumuhay nitong si Jose ay hindi liku-liko kundi diretsung-diretso. Parang ruler. Hindi siya lumilihis ng daan at hindi lumalabag sa batas. Kaya naman malinis ang kanyang pamumuhay, tapat sa layunin, at patas sa kapwa. Wala pong nasusulat na siya ay matanda, pero nasusulat na siya ay matuwid.


Ang ikalawang M ni Jose ay Mahinahon. Nang matuklasan niyang may ipinagdadalantao ang kanyang katipan na hindi naman galing sa kanya, binulyawan ba niya siya? Binugbog? Isinumpa? Kinaladkad? Ipinahiya sa madlang people? Hindi po. Hindi siya nagpadalus-dalos. Nanahimik siya. Mukha nga pong kaya siya nakatulog ay dahil sa sobrang pananahimik niya. Mahinahon niyang inisip ang dapat niya gawin kahit pa nagtatalo ang mga damdamin sa kanyang kalooban. Sa isang banda, siya ay matuwid kaya nais niyang sundin ang sinasaad sa batas na dapat batuhin hanggang mamatay ang katipan niyang buntis. Sa kabilang banda naman, mahal na mahal niya talaga siya. At ang pag-ibig ay nagbunga ng habag. Si Papa Juan Pablo II ang nagsabi minsan na ang pag-ibig daw ang bulaklak at ang habag naman ang bunga. Sa halip na hingin ang karampatang parusa, ipinagkaloob ni Jose ang maka-Diyos na habag: ipinasiya na lamang niyang hiwalayan ito nang tahimik. Dito siya dinalaw ng antok. At sa kanyang panaginip ay dinalaw naman siya ng anghel ng Panginoon.


Ang ikatlong M ay Mahabagin. Kitang-kita sa kilos ni Jose na ang tunay na pagkamatuwid ay pagkamahabagin. Ang taong matuwid ay hindi lamang ang taong nakikibaka para sa katarungan kundi ang tao ring marunong paamuin ang kahigpitan ng katarungan sa pamamagitan ng habag. Palibhasa, hindi naman talaga alam ni Jose kung anong nangyari sa kanyang katipang biglang nagbuntis kaya, sa tulong na rin ng kanyang pagkamahinahon, ang aksyong pinagpasiyahan niyang gawin ay ang siyang pinakanakatitiyak siyang mapangangalagaan pa rin ang buhay at dangal ng kanyang katipan sa anumang sitwasyon.


Tandaan: hindi laging matuwid ang ipagpilitan ang sariling karapatan at ang hinihingi ng batas. Maaaring sa pagpupumilit na ito ay nakatago ang pagmamatigas ng puso na hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang walang-awang paghingi ng hustisya ay posibleng senyales ng kawalang-hustisya mismo sa puso ng taong humihingi nito. Ang habag at pagsasaalang-alang sa kapakanan ng iba – maging ang ibang ito ay mga nagkasala sa iyo – ay hindi matatawarang bahagi ng hustisyang nagmumula sa Diyos.


At ang ika-apat na M ni Jose ay Masunurin sa nangako ng Diyos. Matapos pagpahayagan ng anghel ng Panginoon at magising, pinakasalan ni Jose si Maria. Daglian siyang sumunod sa kalooban ng Diyos. Sinagip niya ang kanyang katipan hindi lamang sa kahihiyan kundi sa disin sana’y tiyak na kamatayan. At higit pa, binigyan niya ng pagkakataong mabuhay ang Itinakda na nasa sinapupunan na ng kanyang katipan at dahil sa kanya ang Itinakda ay nagkaroon ng legal na ama.


Sya nga po pala, hindi ko pa pala sinasabi sa inyo, itong si Jose ang amain ng Itinakda. Bago pa nagkaroon ng Fr. Jose at Santino, may Jose na at ang Itinakda. Bago pa nagkaroon ng Fr. Bobby at Pipo, meron nang Jose at at Itinakda. Sabi ko nga po sa inyo kahapon e, idol ko talaga itong si Jose: parehas kaming may ampung-anak. Kaya nga po siguro dito kami napadpad ni Pipo, kasi parokya ito ni Jose, na hindi lamang manggagawa kundi amain din ng Itinakda.


Ops, may isa pa palang M si Jose: Manggagawa. Siya po si Joseng Manggagawa. At nang lumaki na ang Itinakda, nakilala Ito bilang anak ni Joseng Karpintero. Sinabi ko na sa inyo e, hindi tatamad-tamad itong si Jose kahit tila palaging tulog. Siguro sobrang pagod lang po talaga. May kasabihan nga po, “Ang taong masipag, laging pagod” (joke lang po).


Manggagawa si Jose hind lamang dahil siya ay isang karpintero. Manggagawa siya talaga dahil isinasagawa niya ang apat na M na nauna kong binanggit: Matuwid; Mahinahon; Mahabagin; at Masunurin sa Diyos. Sa lahat ng kanyang ginagawa, isinasagawa niya ang apat na M na ito. Matuwid siya sa pamumuhay. Mahinahon siya sa harap ng krisis. Mahabagin siya sa kapwa. At masunurin nga po sa Diyos.


Iyan si Jose, ang manggagawa, ang amain ng Itinakda. Huwag n’yo na po siyang sabihan ng “Kapatid, tara, usap tayo” kasi hindi iyan umiimik. Sa kuwento ko, wala siyang sinabi kahit isang salita. Pero tingnan po ninyo, ang dami nating puwedeng sabihin tungkol sa kanya. At magaganda pa ang lahat ng sinasabi natin sa kanya.


Kayo po, kayo ba ay manggagawa o mananalita?


Iyang katabi ninyo, bakit kaya walang imik kanina pa? Natutulog! Nananaginip kaya siya o nangangarap? Magising pa kaya?


Tara, kapatid, tapos na tayong mag-usap; gumawa naman tayo!

No comments:

Post a Comment