Misa de Gallo 5
Lk 1:26-38
Aba, nandito pa kayo?! Apat na araw na po kayong puyat. Puyat pa rin kayo? Limang araw na kayong nagsisimba nang madaling-araw. Congratulations! Palakpakan! Kaya n’yo pala pong magsimba kahit alas-tres nang umaga e. Gawin na po kaya natin itong permanent schedule ng Misa sa simbahan natin? Sino ang may gusto, pakitaas ang kamay. Ayan, iyan po ang mga may insomnia sa parokya. Pero, wala pong halong biro, hanga ang Diyos sa inyo. Mas hahanga pa ang Diyos kung kahit hindi na po madaling-araw ay magsisimba pa rin kayong lahat kahit man lamang sa araw ng Linggo. Siguro po, kung mangyayari lang ang gayon, mawawala ang malas at maghahari ang tunay na pagmamahalan tuwina sa ating mga tahanan at sa ating sambayanan.
Naniniwala po ba kayo sa malas? Sino rito ang malas? Sino naman ang minamalas kasi mukhang hindi pa nagsipilyo ang katabi?
Si Jose, natatandaan po ba ninyo ang kuwento ko kahapon at noong nakaraang araw? Sa unang tingin, para siyang minalas, ano po? Pero hindi pala, napakapalad n’ya pala para maging amain ng Itinakda. Pero, may higit pa pong mapalad sa kanya: ang kanyang katipan.
Sa mga hindi nakauunawa agad, para rin siyang minalas. Biro ninyo, hindi pa ikinakasal ay nagbuntis na. Naiintindihan ko po, ‘yan ang uso ngayon. Pero noong panahon nila at sa kultura’t relihiyon nila, ang pagbubuntis nang walang asawa ay napakalaking kasalanan na ang katapat na parusa ay kamatayan sa pamamagitan ng pagbato. Naku po, kung ipinatutupad pa ngayon ang batas na ‘yan, baka ng maubusan ng bato ang mundo!
Pero itong katipan ni Jose ay hindi pala talaga malas. Sa halip, siya pa nga ang bukod na pinagpala. Kakaib siya sa lahat ng mga babae. Nag-iisa siya. Ang panglan niya ay Maria. Siya po ang hinirang na babaeng maging ina ng Itinakda.
Ayon sa kuwento, kahit bago pa siya naging ina ng Itinakda, itong si Maria ay talaga nang pinagpala. Kasabay ng pagbitiw ng pangako sa hardin ng Eden ang paghirang sa babaeng ito, kaya nga po talagang inihanda siya ng Nangako para maging karapat-dapat na ina ng ipinangakong Itinakda. Sa lahat ng nilalang, siya ang unang iniligtas sa sumpa ng kataksilan, kaya nga’s sa unang sandali pa lamang ng kanyang buhay ay napuno na siya ng grasya.
Heto na naman po tayo: grasya at disgrasya. Hindi ba tema po natin iyan noong nakaraang mga araw? Talaga po kasing malaking bahagi ng kuwento ko ang grasya. Palibhasa, ang lahat ay grasya at ang grasya ay nasa lahat. Ngunit ang babaeng ito ang nag-iisang napupuno ng grasya. Sa mata siguro ng mga kapitbahay niya, isa siyang disgrasyada: nagbuntis nang wala pang asawa. Ang hindi po nila talaga nalalaman ay siya pa nga ang may dala ng grasyang papawi sa kanilang pagkakadisgrasya.
Pero alam po ba ninyo, hindi ganun kadali iyon para sa kanya. Sige nga po, kayo ang magbuntis nang walang asawa. Lumalaki ang tiyan araw-araw hanggang hindi mo na ito matatago. Tapos, kapag may makapansin at magtanong, “Sino ang tatay niyan?” Ang isasagot mo ay “Ang Espiritu Santo”. Sinong maniniwala sa ‘yo? At dahil wala ngang maniniwala sa ‘yo, maligtas ka man sa parusang kamatayan, habambuhay ka naming tatakan kagaya ni Lia sa “Immortal”. Tuwing makikita ka nila, alam mo na ang iniisp nila tungkol sa iyo. Kawawa ka naman. Pero kawawa rin ang katipan mo at ang magiging anak mo.
Hindi ganun kadali para kay Maria ang tanggapin na maging ina ng Itinakda. Minsan po siguro kasi iniisip nating napakadali ng kanyang ginawa at napakasuwerte niya naman. Pero may mga sariling pangarap din po itong si Maria. At, katulad din ni Jose na kanyang katipan, kinailangan din niyang isakripisyo ang mga iyon alang-alang sa Itinakda. Gaya nang nasabi ko rin po tungkol kay Jose at tungkol sa lahat ng tao, hindi madaling isakripisyo ang sariling mga pangarap.
Alam po ninyo, sa tutoo lang, nabuo ang kuwento ko kasi maraming nagsakripisyo ng kanilang mga sarili. Ang naging daan ng paglitaw ng Itinakda ay ang pagsasakripisyo ng maraming tao. Unang-una na po riyan si Maria. Pasalamatan po natin siya sa isang napakalakas at napakamasigabong palakpakan.
Pero, alam po ninyo, ang sabi ng isang dalubhasa ng kuwento ko – Agustin ang panglan niya at siya ay tubong Hippo, Africa – ito raw pong si Maria ay bukod ngang pinagpala hindi lamang dahil sa siya ang ina ng Itinakda. Pinagpala raw po siya dahil bago pa niya ipinagdalantao ang Itinakda sa kanyang sinapupunan, ipinagdalantao na niya Ito sa kanyang puso: “Mary is blest among all women because before she conceived the Word in her womb, she has first conceived it in her heart.” Kaya nga po, ayon sa kuwento, ang bansag sa kanya ng mahiwagang sugo ay ito: “kecharitomene” na ang ibig sabihin nga sa atin ay “napupuno ka ng grasya”. Ang kecharitomene po ay pandiwang Griyego na nasa past perfect tense; kaya’t ang literal na salin sa Tagalog ay “pinuno ng grasya”. Kaya siya napupuno ng grasya dahil pinuno nga siya ng grasya. Ang ganda po, hindi ba? Sana, mapuno po tayong lahat ng grasya. Sabihin n’yo po sa katabi n’yo, “Mapuno ka nawa ng grasya!”
Grasya – iyan po talaga ang lumalagom sa kabuuan ng aking kuwento. Ang kapanganakan ng Itinakda ay paglitaw ng grasya. Makikita natin ang tunay na larawan ng grasya sa mukha ng Itinakdang sanggol na isisilang ni Maria. Makita rin nawa natin ang mukha Niya sa pagkatao ng bawat-isa sa atin. Sa Misang ito, humihingi tayo sa Diyos ng grasya, hindi po ba? Sana, hilingin din po nating tayo mismo ang maging grasya Niya. At muling lilitaw ang Itinakda.
O, paano po, hanggang dito na muna ulit ang kuwento ko ha. Huwag po kayong mag-alala, hindi pa tapos ang kabanata natin tungkol kay Maria. Bukas, sa makalawa, at sa mismong araw ng Pasko, naroroon pa rin siya. Siya nga po ang dahilan ng ating Misa nobenaryo e: ang siyam na araw ng Misa de Gallo ay sumasagisag sa siyam na buwan ng Itinakda sa sinapupunan ni Maria. Sa pagsisimba po natin araw-araw sa loob ng siyam na madaling-araw, sinasamahan natin si Maria sa kanyang pagdadalantao sa Itinakda. Kaya, huwag po kayong magkukulang: bawal um-absent! Kasi magkukulang sa buwan ang inyong dinadala…sa puso hindi sa sinapupunan. Ingatan n’yo ang Itinakda; huwag Siyang ipalalaglag.
No comments:
Post a Comment