Misa de Gallo 2
Mt 1:1-17
May naghihikab! Tingnan ang katabi. Naghihikab ba? Sabihan ninyo: “Kapatid, takpan mo; baka pumasok ang lamok.” Batiin n’yo muna pala: “Good morning!” Tapos sabay, “Good night!” Sabihan n’yo: “Binabantayan kita: Walang tulugan!”
Sige na nga po, ituloy na natin ang kuwentuhan natin. Mahaba-haba pa po ito.
Kahapon, ipinakilala ko po sa inyo si Juan, ang unang tauhan sa aking kuwento. Siya ang unang tanda ng Itinakda. Siya ang tinig sa ilang at maningas na ilaw. Nagpatutoo siya sa katotohanan hanggang kamatayan. At ika nga po ng ating Bida sa aking kuwwento, walang nakahihigit kay Juan maliban sa mga anawim, ang mga aba sa Kanyang kaharian na tanging Siya lamang ang inaasahan.
Sandali lang po, ‘yang binabantayan n’yo, natutulog! Teka, hindi pala natutulog; parang natutulog lang. Huwag n’yo na pong pagalitan. Hindi natin masisisi ang mga inaantok ngayon kasi parang ipinaghele ko po yata sila kanina nang awitin ko ang Ebanghelyo. Napakahaba ng listahan. Napakarami ng mga pangalan. Apatnapu’t dalawang henerasyon ng mga taong may pangalang kakaiba sa ating pandinig. Wala po kasi akong ibang maisip gawin para hindi kayo ma-bored, kaya kinanta ko na lang.
Iyan nga po ang dating sa iba ng kuwento ko. Boring. Parang wala raw aksyon, walang nangyayari. Pero ang tutoo po, sa mga sandaling parang walang nangyayari, doon talaga may nangyayaring matindi at maganda. Hindi ba pagkatapos mong itanim ang mga binhi, parang walang nangyayari? Pero isang araw, mapapansin mo na lang na may usbong na pala ang mga binhing itinanim mo? Para ring walang nangyayari habang nahihimbing ang sanggol, pero lumalaki siya at nagiging isang paslit. Tahimik din ang bulkan bago sumabog at tiwasay ang kapaligiran bago dumating ang matinding bagyo. Malinaw ang aral ng kuwento: hindi porke tila walang aksyon ay walang nangyayari. Mangyayari ang mahahalagang sandali sa mga pangkaraniwang pangyayayri.
Kahapon po, sinabi ko na, kung tutuusin, bago pa lumitaw si Juan ay dumadaloy na ang mga pangyayaring maghahatid sa kabuuan ng aking kuwento. Ang mga pangyayaring tinutukoy ko po ay ang bumabalot sa mga pangalang narinig ninyo sa tala-angkan ng ating Bida. Kapag wala ang mga pangyayaring iyon, maiiba ang kuwento ko. Kung maiba ang mga pangalan sa tala-angkan, baka maiba na rin ang Bida, hindi ba? Kaya mahalaga ang tala-angkang ito, at hindi ito boring kasi tala-angkan nga ito ng ating Bida.
Ang malaking kuwento ng Bida natin ay binubuo ng maliliit ngunit makukulay na kani-kaniyang kuwento ng Kanyang mga ninuno. Para sa ating mga Pinoy, madaling maintindihan iyan. Karaniwan po kasi nating inihahanap ng mapag-uugnayan ang isang tao para higit natin siyang makilala: Kanino ka nga bang apo? Ikaw ba ang anak ng punong-bantay? Kamukhang-kamukha ka ng tatay mo. Kasinganda ka ng nanay mo. Nagmula ka pala sa angkan ng mga pulitiko. Kaya siya nagpari kasi relihiyoso talaga ang pamilya niya. Palagi tayong naghahanap ng mga ugnayan sa pagsisikap hindi lamang para makakilala ang kapwa kundi para higit din siyang maunawaan.
Pansin po ba ninyo, napakahabang kuwento pala talaga ng kuwento ko. Anupa’t apatnapu’t dalawang salinlahi ang bumubuo rito. Kumbaga ba sa ulam, napakatagal maluto. Hindi malakas ang apoy para dahan-dahang maluto – iyan din daw po ang sekreto sa masarap na luto, sabi ng mahuhusay magluto. Indeed, great things take time to happen. Para rin pong prutas, kapag hinog sa pilit maasim o mapakla. Dapat hinog sa puno. Dapat pinipitas lamang kapag hinog na sa panahon. Sa daigdig ng Bida sa kuwento ko, kairos ang tawag sa panahong ito. Sa atin naman ang isang pantawag dito ay grasya.
Ngunit sa kuwento ko, parang nadisgrasya yata ang tala-angkan ng Bida natin. Marami nga Siyang matutuwid na ninuno, gaya nila Abraham, Isaac, at Jacob. Pero marami rin Siyang mga super naughty na lolo at lola. Pinagsamantalahan ni Lola Tamar si Lolo Juda na kanyang biyenan at nagbunga ito ng kambal sis Lolo Fares at Lolo Zara. Si Lola Rahab naman po, na lola sa tuhod ni ni Haring David, ay isang prostitute. Samantalang si Lola Ruth na lola niya ay hindi naman Judyo kundi isang paganong Moabita. Si Haring David, matapos manilip, ay nakiapid kay Bathseba na asawa ni Urias na kanyang matapat na kawal. Nang magkabunga ang pakikiapid, si Haring David pa mismo ang nagplano kung paano ililigpit si Urias. Si Solomon naman na siyang naging bunga ng pagkakamali ni Haring David at Bathseba ay naganyak ng kanyang mga asawa na sumamba sa mga diyus-diyosan. Hanggang dito na lang po kasi kung iisa-isahin natin talaga ang kuwento ng bawat pangalan sa tala-angkan ng ating Bida, naku po, Pasko na ay hindi pa tayo tapos. Sapat na pong maunawaan nating, hindi isang perfect o ideal family tree ang pinagmulan ng ating Bida.
Kayo po, perfect ba ang family n’yo? Walang kapangitan? Walang dungis? Wala kayong gustong palitan sa kasaysayan ng inyong angkan? E, kamag-anak po, wala kayong gustong palitan?
Ang kuwento ng Bida sa kuwento ko ay nag-ugat sa isang angkang gaya ng sa atin: hindi perfect. Pero, hindi pa rin disgrasya ang naging huling salita para sa pamilya Niya. Sa halip, grasya. Siya po kasi ang nagdala ng grasya sa disin sana’y disgrasya.
Hindi po ba, madalas hinahanap natin ang grasya sa sarili nating pamilya? At kapag hindi natin matagpuan ang hinahanap natin sa sarili nating tahanan, marami sa atin ang lumalayas sa pag-aakalang mahahanap nila ang grasya sa ibang lugar, sa piling ng iba, ngunit sa halip na grasya, disgrasya ang inaabot nila. Ang iba pa nga ay nagiging disgrasyada. Meron ding mga nababaliw at nagiging taong-grasa.
Sa halip na talikuran ang sariling pamilyang may kahinaan, may kapangitan, at may kakulangan, dapat pa nga natin itong higit na mahalin. Tayo ang maging grasya saan man may disgrasya. Simulan natin ito sa sariling pamilya, sa sariling kamag-anak, sa sariling angkan. Pero huwag tayong tumigil doon. Maging grasya tayo sa lahat ng tao. Kung ang hamon sa atin kahapon ay ang tularan si Juan sa pagiging matapang, matatag, at matapat na patutoo ng katotohanan, ang hamon naman sa atin ngayon ay ang maging grasya sa buong sangkatauhan.
Marami pa po tayong puwedeng sabihin sa bahaging ito ng aking kuwento, pero hanggang dito na lang muna po. Alam ko, bitin kayo. Minsan mas mabuti na yung bitin kaysa ma-impatso, hindi ba? Kapag bitin, bumabalik. Kapag sobrang busog, natutulog. Bukas ang kuwento ko sa inyo ay tungkol sa isang natutulog.
No comments:
Post a Comment