13 February 2010

ALAM MO BA KUNG NASAAN?

Ika-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 6:17, 20-26

Kamakailan, nabasa ko ang isang artikulo na pinamagatang “The American Fairy Tale”. Sa artikulong ito, tinatalakay ni Dr. Harold Treffert, director ng Winnebago Mental Health Institute sa Wisconsin, ang laganap na mga pananaw tungkol sa kaligayahan. Inilista niya ang limang mga ideyang karaniwan at walang-pangingilatis na tinatangkilik ng karamihan bilang kahulugan ng kaligayahan. Isa-isahin natin sila at suriin natin kung ang mga iyon din ang pananaw natin sa kaligayahan.

Una, ang kaligayahan ay mga bagay. Mas marami kang meron, mas merong kang kaligayahan. Sori na lang sa kaunti lang ang meron, kaunti lang din ang kaligayahan nila. Kawawa naman ang walang-wala dahil wala rin silang kaligayahan.

Ikalawa, ang kaligayahan ay ang mga nakamit. Kung marami kang nakamit, mas maligaya ka. Ang kaligayahan ay tuwirang nakaayon sa iyong mga nagawa na sa buhay. Parang sweldo sa trabaho ang kaligayahan. Kapag kaunti ang kita, kaunti rin ang kaligayahan. Ang kaligayahan ay ang pagiging isang “accomplished” na tao. Ang “accomplished” na tao ay taong naka-“accomplish” nga.

Ikatlo, ang kaligayahan ay pakikibagay. Mas “in” ka, mas maligaya ka. Huwag kang maiiba sa lahat. Huwag lalangoy kontra sa agos ng tubig. Malungkot ang mga naiiba dahil ine-etsepuwera. Kaya ika nga ng isang kawikaan, “If you cannot beat them, join them!” Makibagay at maging maligaya. Maiba at magdusa ka!

Ikaapat, ang kaligayahan ay kalusugang pangkaisipan. Mas kaunti ang problema mo, eh di mas maligaya ka. At tandaan: ang isa pang pangalan sa kaligayahan ay kawalang-inaalala. Pero kapag biglang sumulpot sa harap mo ang problema, madaling bumaling sa alcohol, drugs, at sex. At dahil malamang hindi malulutas ng alcohol, drugs, at sex ang mga problema mo – sa halip, palalalain pa nila ang mga ito – andiyan naman ang “rehab”, hindi ba? Sana nga lang hindi pa huli ang lahat.

Ang ikalimang ideya ay akmang-akma sa ating panahon: ang kaligayahan ay ang pagkakaroon at paggamit ng electronic gadgets. Talaga namang nakakakuryente ang kaligayahan! Mas maganda ang cellphone mo, mas maligaya ka. Mas moderno ang appliances mo, mas maligaya ka. Mas mamahalin ang kotse mo, mas maligaya ka. Mas marunong kang mag-computer, mas maligaya ka.

Ito ba ang mga ideya natin tungkol sa kaligayahan? Kung ito rin nga, naku, hindi tayo endangered pero in danger tayo. Mapanganib ang mga ideyang ito.

Ayon kay Dr. Treffert, ang limang mga pakahulugang ito sa kaligayahan, sa tutoo lang, ay mga mito. Hindi tunay na kaligayahan ang binibigay nila sa atin; sa halip, kabaliwan. Sinabi niya na ang limang mapapanganib na ideyang ito tungkol sa kaligayahan ang karaniwang sanhi ng mga sakit sa kaisipan. Kung gayon, saan natin natatagpuan ang wagas na kaligayahan?

Isang matandang mito ang naglalahad ng isang kuwento tungkol sa kaligayahan. Isang araw, ika, nagtipon ang mga diyus-diyosan para sa isang paligsahan. Gusto nilang mapatunayan kung sino sa kanila ang pinakamarunong. Napagkaisahan nilang itago ang kaligayahan. Sinumang makapagtago sa kaligayahan at hindi ito matagpuan ng tao ay siyang ituturing na pinakadakila sa kanila at paglilingkuran siya ng lahat ng mga diyus-diyosan.

Isang diyus-diyosan ang kaagad na tumayo at dinala ang kaligayahan sa pusod ng dagat. Naramdaman kaagad ng tao ang kawalan ng kaligayahan at nagsimula itong maghanap. Hindi nagtagal, naimbento niya ang submarine at iba’t ibang mga sasakyang pang-ilalim ng dagat. Sinisid niya ang pusod ng dagat at natagpuan doon ang kaligayahan.

Isa pang diyus-diyosan ang kumuha sa kaligayahan mula sa tao at itinapon ito sa kalawakan. Matapos ang ilang panahon, nadiskumbre rin ng tao kung paano makukuhang muli ang kaligayahan. Tinungo niya ang mga kalangitan at sinakop ang kalawakan sa pamamagitan ng rocket ships, satellites, at inter-gallactic missions. Wala pang katulad ang nakamit ng tao sa larangang ito, kaya madali niya itong tinawag na kapangyarihan.

Nang magkagayon, isang pang diyus-diyosan ang humarap sa hamon at tinago ang kaligayahan sa cyber space. Subalit hindi lamang nilakbay ng tao ang fiber optics at mga gaya nito, hindi nagtagal ginawa na niyang virtual reality ang cyber reality. Ang kanyang mundo ay hindi lamang lumiit; naging tahanan na rin ito ng bagong nilalang na kung tawagin ay “anime”. Tila laging abot-kamay lamang ng tao ang kaligayahan.

Susuko na sana ang mga diyus-diyosan. Hindi nila maitago sa tao ang kaligayahan. Gayon ang kanilang kalagayan nang mula sa kawalan ay kinuha ng isa pang diyus-diyosan ang kaligayahan at itinago ito. Saan? Hindi malaman ng tao ni maging ng ibang mga diyus-diyosan. Ikaw, alam mo ba?

Ako alam ko! Pero hindi ko sasabihin sa inyo. Tanungin nyo na lang po si Kristo.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home