Pages

20 March 2010

MAY TSISMIS AKO (baka tamaan ka)

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Jn 8:1-11

May tsismis ako. Batay sa aking source, batay daw sa pinakamatanda at pinakamapagkakatiwalaang mga kasulatan at iba pang matatandang patutoo, ang Jn 7:53 hanggang 8:11 ay wala sa sinaunang sipi ebanghelyo ayon kay San Juan. Ang ebanghelyo natin ngayong ikalimang Linggo ng Kuwaresma – ang kuwento tungkol sa pagpapatawad ni Jesus sa babaeng nahuling nakikiapid – ay Jn 8:1-11. Samakatuwid, wala ang binasa natin ngayon sa sinaunang sipi ng ebanghelyo ayon kay San Juan! Hindi ba kayo nababagabag? Wala nga ba o nawawala o winala kaya ang bahaging ito sa ebanghelyo ni San Juan? Hmmm...makontrobersiya! Sabi ng ilang mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan, kaya daw hindi agad isinama ang kuwentong ito ay malamang dahil nahihirapan ang maraming mga Kristiyano na tanggapin ang tila pagkamaluwag ni Jesus sa babaeng nahuling nakikiapid. At ang kaluwagang ito ni Jesus sa Kanyang pakikitungo sa babaeng makasalanan ay taliwas sa napakahigpit namang mga pagpepenitensya ng sinaunang Iglesiya. Kung tutoo nga ang pahayag na ito ng ilang mga dalubhasa, sinasalamin ng kaisipan sa likod ng dahilang ito ang malaon nang problema ng maraming mga tao kay Jesus at maging sa Diyos Ama mismo: napaka-weird ng habag ng Diyos. Ganoon ba talaga kadaling magpatawad ang Diyos?

May kuwento ako sa inyo. Sa gitna ng matinding digmaan, isang batang kawal na Frances daw ang tumiwalag sa hanay ng mga mandirigma ni Napoleon. Subalit, agad din naman siyang nadakip ng sariling tropa. Para huwag magkalakas ng loob ang sinumang kawal na nagbabalak tumiwalag, kamatayan daw ang kabayaran. Nang marinig ng ina ng batang kawal na Frances na napatawan ng parusang kamatayan ang anak, agad-agad daw itong nagpunta kay Napoleon at nagsumamong patawarin ang nagawa ng anak at iligtas ang buhay nito. Matapos pakinggan ang pagmamakaawa ng ina, ipinaliwanag sa kanya ni Napoleon na ang kasalanan ng kanyang anak ay sadyang napakalubha para pagkalooban ng awa.

“Batid ko pong hindi karapat-dapat kaawaan ang aking anak,” wika ng ina kay Napoleon. “Hindi na po awa iyon kung karapat-dapat siya.”

Yaon nga ang katuturan ng awa: walang karapat-dapat sa awa. Ang nararapat sa lahat ay katarungan; ang awa naman ay sadyang handog lamang. Ang awa ay biyaya, hindi gantimpala. Pinatatawad ng awa ang mga kamalian at mga kasalanan – hindi dahil sa mahusay na pagdadahilan ng nagkamali o nagkasala – kundi dahil awa ang malayang tugon ng taong nasaktan ng nagkamali o nagkasala. Hindi ipinapalagay ng awa na walang-sala ang may sala. Ngunit hindi na hinihingi ng awa ang parusang nararapat sa nagkasala. Sinasalamin ng awa ang sukdulang kagandahang-loob ng maawain.

May mga tanong ako. Dalawa. Una, nahuli raw sa mismong akto ng pakikiapid ang babaeng kinaladgad sa harap ni Jesus. Paano kaya iyon? May naninilip! Sino kaya ang nanilip para mahuli sa mismong akto ng pakikiapid ang babaeng iyon? Nasaan ang maninilip? Hindi ba dapat din siyang litisin at disiplinahin? Ikalawa, hindi naman puwedeng makiapid sa sarili; kung gayon, may kasamang lalaki ang babaeng iyon. At ito ang sinasabi sa Batas ni Moises: “Kung ang isang lalaki ay makipagtalik sa asawa ng iba, pareho silang dapat mamatay, nakiapid at nagpa-apid, at nang sa gayon ay mawala sa Israel ang peste” (Deut 22:22). Nasaan ang magaling na lalaking iyon?

May haka-haka ako. Maaari kayang isa sa mga kumaladkad sa babaeng iyon ang hinahanap nating maninilip? Maaari rin kayang isa pa sa mga kumaladkad sa babaeng iyon ang lalaking nakiapid din na para na lang bulang biglang nawala? Sino nga ba ulit ang kumaladkad sa babaeng iyon? Ang mga eskriba at mga Pariseo. “Kung sino ang walang-sala, siyang unang bumato sa babaeng ito,” sinabi ni Jesus sa kanila. Walang bumato. May guilty. Silang lahat.

May bato ako. Guilty kayo. Pero hindi ko ibabato ang bato ko sa inyo. Guilty rin ako. Guilty tayong lahat. Tanging si Jesus – na pinagpipilitang hanapan ng mga eskriba at mga Pariseo ng sala – ang walang-sala. Siya lamang ang hindi guilty. Siya lamang ang may karapatang bumato. Pero bumato na ba siya? Binato na ba Niya tayo? Hindi. Sa halip, kinaaawaan Niya tayo at pinatatawad sa ating mga pagkakamali at mga pagkakasala. Bato ang dapat sa atin pero awa ang ibinabato Niya sa atin. Hindi ba dapat lang na maging maawain at mapagpatawad din tayo?

Para n’yo nang awa, maawa kayo. Una kayong kinaawaan ng Diyos.

May tsismis ako sa iyo. Yung katabi mo, may hawak na bato. (Baka tamaan ka!)

3 comments:

  1. Anonymous5:07 PM

    Magandang Hapon po.

    Ang inyong isinulat na paliwanag ay mahusay.Totoong lahat tayo ay may mga kasalanan.Pero, ang Dios, higit sa lahat ay mas mapagpatawad,mapagmahal at maunawain kaysa sa ating mga tao. Nguni't uli, hindi puedeng sabihin na kasi tao lang tayo;kaya nga nagkatawang tao si Hesus upang maging isang halimbawa rin na kahit tao ay kayang magpatawad ng kasing tatag ng tulad sa Dios.Jesus is divine and human in nature,so are we.

    ReplyDelete
  2. Gabriel Pensotes1:37 PM

    Padre mas maganda pala po ang mga reflections niyo kung kayo po mismo ang nagsasalita o naririnig ng mga taong nagkukwento nito... ang ganda po nito lalo na nung pinakita niyo po sa amin yung bato... sana po magkaroon po kayo nung katulad kay bishop tagle... hehehhe... God bless po...

    ReplyDelete
  3. Anonymous1:19 AM

    thank you po Father Bobby!

    hindi po kasi ako magaling makaintindi kapag pinapakinggan lang. pero po dahil sa website na ito, nababasa ko ng maayos kaya mas naiintindihan ko na ang Gospel tuwing misa.

    ReplyDelete