Pages

13 March 2010

AMPON KA RIN, PASANG-AWA!

Ika-apat na Linggo ng Kuwaresma
Lk 15:1-3, 11-32

Ayon sa mga psychologist, ang pinakamalalim na takot daw ng mga bata ay ang tinatawag na separation anxiety – ito ang takot na abandonahin sila ng kanilang mga magulang. Nangangamba ang mga bata na ang pagmamahal na nagdala sa kanila sa mundong ito, nagbigay-ngalan at umangkin sa kanila, at naging kaseguruhan nila ay bigla na lamang bawiin at humantong sila sa pagiging iniwan, pinabayaan, at pinawalang-halaga. Ang separation anxiety ay ang pangambang mamuhay sa kawalan ng kinasanayang pagmamahal, ang mawalan ng lugar na kinabibilangan, ang maiwan at hindi na hanapin pa.

Naalala ko ang isa sa mga magandang sandali namin ni Pipo, ang aking adopted son. Nagpaalam muna ako sa kanya bago ko gamitin ang halimbawang ito. Isang teleserye lang ang pinapayagan kong panoorin niya: ang “Santino”. Madalas noon, sinasabayan ko syang manood ng “Santino” dahil pagkakataon din iyon para maproseso ko ang kanyang nakaraan. Minsan, hindi ko siya nasabayang manood. Galing ako sa Misa at pagpasok ko sa kuwarto, nakita kong nanonood na siya ng “Santino”. Inaasar siya ni Denis, tinutuksong umiiyak daw. Napansin kong nangingilid nga ang kanyang luha. Nang sundan ko ang episode ng “Santino” ng araw na iyon, nalaman kong si Santino pala ay kinuha ng DSWD o Department of Social Welfare and Development mula kina Fr. Jose. Inilagay sa bahay-ampunan ang bata. Matindi ang iyakan nila Santino, Fr. Jose, at mga paring kumupkop sa batang kaibigan ni “Bro.” Tinabihan ko si Pipo, inakbayan, at tinanong: “Why, Son? Are you afraid that the same might happen to you?” Hindi kumibo ang anak ko. Patuloy ko siyang kinausap: “That will never happen to you because you are my legally adopted son. I went to court to convince the judge that I can take care of you and I promised her that I will do my best to give you a good life. The judge wrote me and I keep her letter inside the vault. I plan to show you her letter when you’re old enough. But do you want to see it now?” Tumango siya at sabay sabi, “Yes po.” Tumayo ako, binuksan ang vault, at, sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakita ko kay Pipo ang kanyang adoption papers. Hinawakan at tiningnan niya ang mga papeles – na parang masusing sinisiyasat at parang naiintindihan na niya talaga ang lahat – tapos, ibinalik sa akin. Nang tinitiklop ko nang muli ang adoption papers, bigla akong niyakap ni Pipo at sinabi: “Thank you, abba.” Palihim akong naluha.

Hindi lamang mga bata ang may ganitong pangamba. Maaaring pangamba rin natin ito. Alam natin mula sa karanasan na ang pagmamahal ay hindi automatic. Kahit pagmamahal ng ama sa kanyang anak ay hindi automatic. Ganun din ng ina at anak, ng anak at kanyang mga magulang, at ng sa mga magkakapatid. May mga anak na matapos maglayas mula sa tahanang kinalakhan ay ni hindi itinuturing na kawalan. “Marunong siyang umalis, matuto siyang bumalik” – madalas ito ang bukambibig ng ilang mga magulang sa halip na hanapin ang anak na naglayas. Ang iba pa ngang naglalayas ay naglalayas dahil itinataboy sila ng mga dapat sana ay tumanggap sa kanila. May mga nawawala pa ngang ipinagpapasalamat ng sarili nilang pamilya.

We lose only the people we love. We do not lose people we do not love; we do not even notice their absence. Ito marahil kung bakit mabuting sukatan din ng pagmamahal ay kung nami-miss ka kapag wala ka.

May mga taong ang ugali ay kamanhidan sa pagkakawala ng kanilang kapwa tao. Ang problema sa ebanghelyo ngayong araw na ito ay ang pagturing sa kapwa bilang taong wala nang pag-asa. Samantalang lapit nang lapit kay Jesus ang mga makasalanan, reklamo naman nang reklamo ang mga eskriba at mga Pariseo. Bakit daw nakikisalamuha si Jesus sa mga makasalanan. Hindi lang Siya nakikipag-usap sa kanila; nakikisalo pa Siya sa kanilang hapag! Ang gusto ng mga reklamador at mga kritikong ito ay hayaan ni Jesus ang mga makasalanang manatiling nawawala. Bakit pa pag-aaksayahan ng panahon ang mga katulad nila? Hindi sila dapat lapitan, kausapin, at, mas lalo na, saluhan sa pagkain. Iba ang mga Pariseo; nahihiwalay sila sa iba, hindi dahil sila ang makasalanan kundi dahil sila, ayon sa kanilang tingin sa sarili, ang matuwid. Iyon nga ang literal na ibig sabihin ng katagang “Pariseo”: “separated one”. Pero iba ang kay Jesus. Para kay Jesus, parehong mga anak ng Amang Diyos ang mga makasalanan at ang mga matuwid, ang mga publikano at ang mga Pariseo, ang mga lumalabag sa batas at ang mga eskribang dalubhasa sa batas. At dahil parehong mga anak ng iisang Ama, sila ay magkakapatid. Sa halip na makipagdebate, ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa amang may dalawang anak na parehong nawala sa kanya.

Ang bunso ay nawala dahil iniwan niya ang ama samantalang ang panganay naman ay ni hindi umalis ng bahay ngunit nawala pa rin. Nilisan ng bunso ang tahanan at humantong ang kanyang paglalakbay sa lugar ng kagutuman at sa sitwasyon ng masahol na kadustahan. Nang malustay na ang lahat ng manang minadaling makuha sa ama, naubos na rin ang kanyang mga kaibigan. Naharap siya sa posibilidad ng tiyak kamatayan sa malayong lupain, nang walang makapapansin at walang magmamalasakit. Natauhan siya sa loob ng isang kural – sa kural ng mga baboy na halos saluhan na niya sa pagkain dala ng matinding gutom. Natanto niyang hindi siya baboy na nararapat sa isang kural; bagkus, isang anak na nararapat sa isang tahanan. Tunay nga, may paraan ang sikmura natin para gisingin tayo sa katotohanan. At umuwi nga siya sa kanyang ama pero ni hindi dahil sa nakita niya ang malaking kamalian ng kanyang ginawa kundi dahil naramdaman niya ang matinding pangangasim ng kanyang sikmura.

Katulad ng maraming magulang, hindi tanggap ng ama ang pagkawala ng kanyang anak. Ang pagkawala ng kanyang bunso ay hindi pagkawala ng kanilang kaugnayan sa isa’t isa: ang pagtalikod ng anak sa kanyang ama ay hindi pagtalikod ng ama sa kanyang anak. Tutoo ang kasabihan: “Matitiis ng anak ang kanyang magulang ngunit hindi ng magulang ang kanyang anak.” Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, nanatiling naghihintay ang ama sa pagbabalik ng kanyang bunso. Ang pagmamahal niya para sa kanyang anak ay nagturo sa kanya na umasang balang araw ay uuwi rin ang anak. At nang dumating na ang balang araw na iyon, malayo-layo pa ang bata, patakbo niyang sinalubong ito at, sa harap ng mga usiserong kapitbahay, pinagtibay ang kanilang ugnayan sa isa’t isa: dinamtan ang anak tanda ng dangal na ibinabalik nang muli ng ama, binigyan ng panyapak at sinuotan ng singsing dahil ang bata ay hindi uuwi bilang alipin kundi bilang anak at tagapagmana pa rin, at ipinaghanda ng piging upang makasalo ang marami sa kagalakang kanyang pagbabalik. Kapag sinasalubong ka, umiigsi ang paglalakbay, hindi ba? Alam nating lahat na kahit gustung-gusto mo nang umuwi, napakahirap umuwi kapag alam mong may atraso ka sa daratnan mo roon. May kamalian sa ang bukambibig ng ilang magulang tungkol sa anak na lumayas – “Marunong siyang umalis, matuto siyang bumalik”; sapat na ang makitang humakbang pauwi ang anak para tulungan siyang makabalik. Sa talinhaga ng ebanghelyo ngayong araw na ito, sinalubong ng ama ang anak hindi lamang sa gitna ng kalsada kundi sa kaluhuan din ng kanyang pag-ibig. Siya, ang ama, ang tunay na alibugha. Alibugha siya sa pagmamahal. At masaya ang lahat. Maliban sa isa.

Ang kuya sa talinhaga ang tipo ng anak na isasakripisyo ang lahat dahil siya ang panganay. Hindi niya sinusuway anumang utos at batas ng ama. Subsob sa pagpapalago ng kabuhayan ng pamilya at halos parang kasalanan na niyang ituring ang paminsan-minsang pagsasaya. Hinding-hindi niya iiwan ang tahanan at ang mga magulang na nagpundar niyon. Subalit nang pabalik na siya mula sa bukid, hindi tulad ng bunsong kapatid, hindi siya nakauwi. Hindi siya nakauwi hindi dahil ayaw siyang pauwiin kundi dahil away niyang umuwi nang malamang ang makinang at maingay na kasiyahan pala sa bahay nila ay para sa kapatid na lumustay ng kabuhayang pinagsasakripisyuhan niya. Muling lumabas ang ama para muling sumalubong ng anak; ngayon naman ay si kuya. Ngunit sinalubong siya ng sumbat ng panganay: “All these years i have slaved for you!” Nakakabigla, nakakalungkot, nakakaasar – ang tingin pala ng panganay sa kanyang sarili ay alipin. Sa kanyang turing pala, ang kaharap ay amo at hindi ama. Ang palagay pala niya sa katapatan ay pagpapaalipin. Busabos siya ng sariling pagmamatuwid. Siya nga ang “hiwalay”, ang “separated one” ang Pariseong away kilalanin ang sariling kapatid bilang “kaputol”, bilang “utol” niya. Masaya na siyang nawawala ang kapatid; kaya nang matagpuan na, malungkot naman siya. May mamanahin pa nga siya sa ama ngunit hindi siya nagmana sa ama dahil, hindi katulad ng kanyang ama, wala siyang awa para sa sariling laman at dugo. Hindi niya kayang sopresahin ang kapatid sa pamamagitan ng matinding habag ng pagmamahal. Nakakabato ang buhay ng batang ito, siguro kaya naging bato na pati ang kanyang puso.

Ngunit hindi bato ang puso ng Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan. Hindi Niya tayo iiwan. Hindi Niya tayo matitiis. Kinamumuhian Niya ang ating mga kasalanan ngunit hindi tayong mga nagkasala. Minamahal Niya tayo nang higit sa ating inaakala. At hindi adoption papers ang patunay at kaseguruhan natin dito; bagkus, ang sarili Niyang Anak na si Jesus na namatay at magmuling-nabuhay para sa atin. Sa pamamagitan ni Jesukristo, tayo ay naging mga ampong anak ng Diyos.

Hindi ang ating sariling galing ang magpapapasok sa atin sa Kaniyang tahanan. Lahat tayo ay may pagkukulang at pagmamalabis para maging marapat makapasok doon. Ika pa ni San Pablo Apostol sa Rom 3:23: “Ang lahat ay nagkasala at naging salat sa kaluwalhatian ng Diyos.” Kumbaga pa sa isang pagsusulit, bagsak tayong lahat. Tanging awa ng Diyos ang magpapapasok sa atin sa langit. Walang pumapasok sa langit na ang grado ay pasado. Pasang-awa tayong lahat. Ang nagsasabi o nag-aakalang pasado siya, sa tutoo lang, siya ang bagsak na bagsak talaga. At ang nangmamaliit ng kapwa, sa tutoo rin lang, ay ampon ding tulad nating lahat.

Ampon ka rin, Pasang-awa!

4 comments:

  1. Hi, Father! This is very enlightening. I do miss listening to your homilies. Thanks for having this blog. God bless!

    ReplyDelete
  2. Gabby Pensotes3:05 PM

    Amen...
    Reminds me of the reason why I hold the name "Prodigal Son"...
    thanks po ...
    :D

    ReplyDelete
  3. Anonymous1:31 PM

    Yes we are "orphans" in this world.
    I remember,I've read an article by a nun and she said that it should also be titled as "Prodigal Father". For the father also "lavishly" love his sons,gave his all,a merciful one though the elder son has been eaten with self-pity,envy and anger , while the younger son left his father after having a part of his inheritance.He never questioned the two but definitely welcome them back into his arms with so much understanding.He,the father, is really extravagant(another meaning for prodigal) not with material things but of Christ-like virtues.

    ReplyDelete
  4. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete