Pages

31 March 2010

ANG PITONG HULING WIKA NG PANGINOONG JESUKRISTO

ANG UNANG HULING WIKA
“AMA, PATAWARIN MO SILA SAPAGKAT HINDI NILA NALALAMAN ANG KANILANG GINAGAWA.”
(Lk 23:34)

Si Jesus ay hindi lamang buhay. Siya mismo ang buhay. Hindi Siya namamatay taun-taon kapag Biyernes Santo. Magmuli na Siyang nabuhay. At ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ang pinakasentro ng kasaysayan ng tao. Wala pang pangyayari sa kasaysayan ng mundo ang sintindi ng magmuling-pagkabuhay ni Jesukristo. Binago nito hindi lamang ang maraming tao kundi ang buong nilikha. Siyang magmuling-nabuhay ang naging buhay ng sanilikha. Ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ay parang ikalawang genesis: sa magmuling-pagkabuhay ni Kristo Jesus, napasimulan ng Ama ang magmuling-paglilikha. Kung paanong ang unang genesis ay ang paglilikha ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita, ang ikalawang genesis naman ay sa pamamagitan din ng Kanyang Salitang-Nagkatawang-Tao. Sa unang genesis, hiningahan ng Diyos ang tao, sa ikalawang genesis ang hinihinga ng Kanyang Bugtong na Anak ang tumubos at bumago sa lahat.

Kung nais nating malaman at matutunan ang tunay na kahulugan ng buhay natin, dapat nating ipako ang ating paningin, pandinig, at pandama sa krus ni Jesus. Ang krus ay pinakadakilang pulpito ni Jesus na nagsiwalat, nangaral, at nagbigay-halimbawa sa tunay na kahulugan ng ating buhay. Kay Jesus – na Diyos na tutoo at tao rin namang tutoo – lantad na lantad ang misteryo ng buhay ng tao. At, sa halip na lumiliwanag, ang misteryong ito ng tao ay dumidilim kapag hindi ito naiilawan ng misteryo ng Diyos. Dapat nating maunawaan ang misteryo ng Diyos kung nais nating maunawaan ang misteryo ng tao. At ito ang nakikita natin kapag naiilawan ng misteryo ng Diyos ang misteryo ng buhay ng tao: ang Diyos ay para sa tao at ang tao ay para sa Diyos. Sa pagkakabayubay ni Jesus sa krus nakikita nating magkayakap ang dalawang misteryong ito at, mula sa kanilang pagkakabigkis ay bumubukal ang liwanag at init. Hindi lamang liwanag o init lamang, bagkus, liwanag at init. Kung liwanag lamang, makikita nga natin ang dapat nating lakaran ngunit mahina ang ating tuhod dahil nanlalamig, kaya’t anupang silbi kung hindi rin naman tayo makalakad. Kung init lamang, makalalakad nga tayo pero madarapa dahil hindi natin makikita ang ating nilalakaran gayung walang liwanag.

Liwanag at init – ito ang masaganang dumaloy mula sa puso ni Jesus. Liwanag ang tubig at init ang dugo na bumulwak sa tagilirang sinibat. Buhat sa tagilirang ito, higit pa, buhat sa mga labi ng may ari ng tagilirang yaon, narinig natin na ang unang wika ng Panginoong Jesus ay tungkol sa pagpapatawad: “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”
Medyo pangit pero matindi ang dating sa palasak na pananalita, ganito talaga ang sinasabi ni Jesus: “Itay, patawarin Mo po sila kasi ang tatanga nila.” Kaya nga liwanag si Jesus para sa atin dahil tayo ay mga taong walang liwanag. Paano nga ba natin makikita na ang pinako natin sa krus ay ang mismong buhay kung wala tayong liwanag? Marami sa atin ang nagpapakamatay sa kung anu-ano at kung sinu-sino. May nagpapakamatay bang matino ang pag-iisip? Wala. Kaya nga tanga.

Si Jesus ay isinilang bilang liwanag ng daigdig. Sa pagpapanauli Niya ng paningin sa taong isinilang na bulag, pinagdidiinan ni Jesus na Siya nga ang liwanag ng sanlibutan.

Ang Liwanag na ito ang nagbubunyag ng tunay na katayuan nating lahat: tayo ay makasalanan. Bukung-buko tayo. Kahit anupang mga maskara ang isuot natin para itago ang anumang kapangitan natin, ibinubuko tayo ng Liwanag na ito. Ibinubuko tayo ng Liwanag na ito hindi dahil nais Niyang saktan tayo o kaya ay ipahiya tayo o kondenahin tayo sa walang katapusang kaparusahan. Sadyang gayon lang talaga ang katangian at gawa ng liwanag, hindi ba? Ang isiwalat ang tunay na kulay ng mga bagay-bagay. Sa ilalim ng liwanag nakikita ang pagkabughaw ng bughaw, pagkaluntian ng luntian, pagkapula ng pula, pagkaputi ng puti, at pagka-itim ng itim. Hindi makapagsinungalng ang liwanag. Liwanag nga ang liwanag sa tutoo lang.

Sa pagsikat ng liwanag, lumilitaw ang taong tanga. Takot sa liwanag ang taong tanga dahil mabubuko ang tunay niyang anyo. Pangit siya. Laging pangit ang katangahan, hindi ba? At ano nga ba ang tunay na kapangitan? Ang ugat ng tunay na kapangitan ay ang karumihan ng budhi. Ang tunay na pangit ay ang taong nanlilimahid ang kalooban. At ang mga pangit – hindi ba sila ang takot sa liwanag? Sila nga! Takot ang pangit sa liwanag dahil makikita ang kanilang kapangitan. Kaya nga mahilig sa dilim ang pangit. Sa dilim, pantay-pantay ang lahat – walang maganda, walang pangit – lahat ay maitim. Hindi nga kataka-taka, nang isilang si Jesus na Siyang tunay na Liwanag, nagsipagtago ang mga taong may pangit na kalooban. Hindi ba ang agad na pinagpala ng kapanganakan ni Jesus ay ang mga taong may magandang kalooban? “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban,” at ang mga taong may mabuting kalooban nga ang kinalulugdan ng Diyos (Tg. Lk 2:14). Pero ang mga pangit ang kalooban, tumalikod sila sa Liwanag at nagkaisang patayin ang Liwanag: “Ipinako Siya sa krus!” sigaw nila. Nagtagumpay ba sila? Iyan ang una nilang akala. Sa pagpako nila sa Liwanag, lalo lamang Siyang sumambulat at lumiwanag ang lahat ng madidilim na sulok ng kasaysayan ng sangkatauhan. At sa pagsambulat ng Liwanag at pagliliwanag ng bawat madilim na sulok ng sanilikha, higit pang napatunayan na kailanman ang katotohanan ay hindi malulupig nang kahit ano at kahit sino.

Ito ang ugat ng katangahan ng tao: sa halip na humarap siya sa liwanag, tinatalikuran niya ito. Napapansin ba ninyong kapag tumatalikod tayo sa liwanag, lumilikha tayo ng isang aninong higit pang malaki kaysa sa atin? Tapos matatakot tayo sa ating sariling anino. At kahit anupaman ang gawin nating pagtakas sa aninong ito, hindi tayo makawala-wala sa pagkakakapit niya sa atin. Takbo tayo nang takbo habang nasa likod naman natin ang liwanag. At saan man tayo makarating, laging nakaharap pa rin tayo sa ating sariling anino. Hindi ba katangahan iyon? Kung tutuusin, napakadaling gamutin ang ganitong katangahan: harapin ang liwanag! Kapag humarap ka sa liwanag, biglang nawawala ang anino, naglalaho ang kadiliman. Humarap kay Jesus, ang Liwanag ng sanlibutan. Sa Kanya naliliwanagan ang misteryo ng tao sa pamamagitan ng misteryo ng Diyos.

Ito ang misteryo ng tao: ang misteryo ng isang makasalanan. Nakapadilim ng misteryong ito ngunit pinaliliwanag ito ni Kristo. Nagliliwanag ang misteryo ng buhay natin bilang tao sa misteryo ng Diyos. Ang Diyos ay mapagpatawad. Pagkamahabagin nga ang pinakadakilang katangian Niya, sabi ni Sta. Faustina Kowalska, ang alagad ng Banal na Awa. Kung taus-pusong aaminin lang natin ang ating kasalanan at hihingi ng tawad sa Diyos, gaganda tayo. Tutulungan tayo ng Liwanag, na si Jesukristo, na mapawi ang ating kasalanan na siyang sanhi ng ating kapangitan. Mawawala ang mga aninong humahabol sa atin dahil humaharap na tayo sa tunay Liwanag. Ito ang dahilan kung bakit ang unang huling wika ni Jesus ay “Ama, patawarin mo sila….” Kung wala ang kapatawarang ito, lalo tayong mabibilanggo sa ating katangahan. Tatakbo at tatakbo tayo at tatakas nang tatakas palayo sa katotohanan. Pero wala naman tayong mapagtataguan. Tanging iisa ang makapagliligtas sa atin: ang awa ng Diyos.

Huwag kang tatanga-tanga. Maawain ang Diyos.

Huwag kang tatanga-tanga. Humarap ka sa liwanag, hindi sa kadiliman.

Huwag kang tatanga-tanga.
Tanga ka ba?

ANG IKALAWANG HULING WIKA
“TUNAY KONG SINASABI SA IYO: SA ARAW NA ITO AY MAKAKASAMA KITA SA PARAISO.”
(Lk 23:43)

Kung ang Unang Huling Wika ni Jesus sa krus ay ang Misteryo ng Nagpatawad, ang Ikalawang Huling Wika naman Niya ay ang Misteryo ng Pinatawad. Dito nagkalaman ang Unang Huling Wika. Sa madaling sabi, si Jesus ay hindi panay daldal lang. Kay Jesus, laging magkasama ang salita at gawa. Ipinaliliwanag ng salita ang gawa at pinagtitibay naman ng gawa ang salita. Sa larangan ng Huling Pitong Wika ni Jesus, ang Unang Huling Wika ang salita, samantalang ang Ikalawang Huling Wika naman ang gawa. Saksi tayo kung paanong nanuot sa puso ng isang talamak na makasalanan – isang kriminal – ang liwanag at init na nagsimulang dumaloy nang unang bumigkas ang mga labi ni Jesus mula sa krus.

Mulat na mulat ang puso at isip ni Dimas – ang pangalang ibinigay natin sa kriminal na yaon – sa kabila ng matinding paghihirap at pag-aagaw-buhay. Pareho silang nakikipagtunggali ni Jesus sa isang madugo at kahindik-hindik na kamatayan. Pero nakita ni Dimas ang kaibahan niya kay Jesus: “Marapat lamang na pagbayaran ko at ng aking kasamang magnanakaw ang mga ginawa naming masama, subalit itong si Jesus ay walang ginawang anumang masama. Bakit pati si Jesus ay pinarusahan gayong wala naman Siyang kasalanan? Hindi makatarungan ang paghihirap ng taong ito. Ako – dapat lang akong parusahan. At sa kabila pa ng lahat, humihiling Siya ng kapatawaran para sa mga dumakip, tumadyak, humagupit, nagmura, lumura, naniko, bumatok, tumulak, nagpako, nang-insulto, sumumpa, bumastos, at yumurak sa Kanyang pagkatao?” Nakakita si Dimas ng liwanag at nakadama ng init. Ang liwanag at init na yaon ay ang pag-ibig ng Diyos. Sa situwasyong kinalalagyan nilang pareho ni Jesus, walang ibang maka-iisip magpatawad kundi tanging ang Diyos lamang. At ang Diyos nga lamang ang makapagpapatawad dahil Siya lamang ang may kapangyarihang higit na malakas kaysa sa kasalanan.

Kapag may tao tayong ayaw patawarin, hindi man natin tanggapin pero kitang-kita na ang naghahari sa ating puso ay kasalanan at hindi pag-ibig. Kapag gayon, ang pangit talaga natin. Pumapangit ang taong ayaw magpatawad. Hindi maglalaon, nahahawa sila sa kapangitan ng ginawa sa kanila ng ayaw nilang patawarin.

Subalit ang kagandahan ng Diyos ay higit sa ganda. Kailanman hindi Siya maaaring mahawa ni mabahiran ng kapangitan ng kasalanan, ng pangit na pinaggagagawa natin sa Kanya. Dahil dito, tanging Siya lamang ang nakapagpapatawad at sa tulong lamang Niya tayo nakapagpapatawad din sa isa’t isa. Sa pagpapatawad ni Jesus sa mga nagkasala sa Kanya, namalas ni Dimas ang pagka-Diyos ni Jesus. Bago pa Siya nakasama kay Jesus sa paraiso, nakita na ni Dimas ang Diyos mula sa krus. Namunga agad ng malalim na pananampalataya ang paghihirap ni Jesus; nakamit agad ni Dimas ang langit: “Sa araw na ito, makakasama Kita sa paraiso.”

Maraming nakarinig sa mga salita ni Jesus at nakakita sa mga himalang ginawa Niya. Pero bakit kaya wala ni isa sa kanila ang agad na pinangakuan ni Jesus ng langit? Bakit? Kasi hindi sila si Dimas. Si Dimas ang nakatagpo sa Diyos sa tama Niyang luklukan: ang luklukan ng awa. Muli, ang pinakadakilang katangian ng Diyos ay ang Kanyang pagkamaawain. At laging ito ang itinuturo ng salita at gawa ni Jesus. Ano nga ba ang lagi Niyang sinasabi sa mga pinagagaling Niya o sa mga humihiling na pagalingin ang mahal nila sa buhay? Hindi ba ang “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan”? At dito rin naman madalas matalisod ang mga ayaw manampalataya sa Kanya: “Bakit ganyan magsalita ang taong iyan? Nilalapastangan Niya ang Diyos. Sino ba ang maaaring magpatawad ng mga kasalanan kundi Diyos lamang” (Mk 2:7)? At sa halip na mananampalataya sila sa pamamagitan ng kanilang narinig at nakita, lalo silang nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan. Tunay ngang ang makasaksi sa mga himala ay hindi katiyakan ng pagsampalataya ng nakasaksi. Pero, iba si Dimas. First impression pa lang kay Jesus, tinamaan na siya agad: nakita niya ang pagka-Diyos ni Jesus. Hindi na niya kailangan pa ang anumang milagro. Tama nga ang kasabihan, para sa mga may pananalig, hindi na kailangan ang himala, ngunit para sa mga ayaw talagang manalig, kahit gaanong karaming himala ay hindi uobra. Para kay Dimas, sapat nang makita at marinig si Jesus na taus-pusong nagpapatawad. Sa isang nagkasala, kapatawaran talaga ang himala. At kay Jesus, natagpuan ni Dimas ang tunay na Diyos: maawain. Dito siya humugot ng lakas ng loob para humiling: “Jesus, alalahanin Mo ako pagdating Mo sa Iyong kaharian” (Lk 23:42). At hindi siya binigo ni Jesus: “Tunay Kong sinasabi sa iyo: sa araw na ito makakasama Kita sa paraiso” (Lk 23:43).

Ito ang misteryo ng buhay ng tao: Oo nga’t makasalanan tayo pero nakaukol tayo para sa langit. Ang langit nga ay para lamang sa mga anak ng Diyos dahil ang mga anak lamang ang maaaring maging likas na tagapagmana ng kaharian. Pero paano makikilala na ang isang tao ay anak ng Diyos? Hindi sa pamamagitan ng pagkawalang-kasalanan. Hindi sa pamamagitan ng pagkawalang-kapangitan. Hindi sa pamamagitan ng pagkawalang-katangahan. Makikilala na ang isang tao ay anak ng Diyos sa paghingi niya ng tawad at sa pagpapatawad din niya. Sa madaling sabi, si Dimas! Si Dimas, sa kabila ng kabalintunaan, ay isang mahusay na halimbawa ng kung ano ang anak ng Diyos.

Ang langit ay hindi para sa mga pasado. Ang langit ay para sa mga pasang-awa. Lahat ng pumapasok sa langit ay mga pasang-awa. Tanging awa ng Diyos ang kaligtasan natin.

Nakaukol tayo sa langit kahit hindi tayo karapat-dapat sa langit. Ang karapat-dapat tayo ay sa awa ng Diyos. Lahat tayo ay Dimas na kasama ni Jesus sa krus. Hindi ba dapat din maging Jesus tayong kasama ng ibang mga Dimas?

ANG IKATLONG HULING WIKA
“BABAE, HAYAN ANG IYONG ANAK…. HAYAN ANG IYONG INA.”
(Jn 19:26-27)

Sino ang hindi magsasabing ang Ikatlong Huling Wika ni Jesus ay hindi para sa kapakanan ng iiwan Niyang ina? Sa sandali ng pag-aagaw-buhay, natural lamang para sa isang mapagmahal na anak na isipin ang magiging kalagayan ng kanyang ina: Sino ang mag-aaruga sa kanya? At sino ang pinaghabilinan ni Jesus? Ang alagad niyang si Juan.

Naisip na ba ninyo bakit kay Juan inihabilin ni Jesus ang Kanyang inang si Maria? Lahat naman silang labindalawang apostol ay mahal na mahal ni Jesus. Pero bakit kay Juan? Bakit kaya hindi kay Simon Pedro na siyang itinalaga niyang pinuno ng mga alagad? Bakit hindi sa isa sa mga Santiago, yaong pinakamatanda? Bakit hindi kay Andres, yayamang si Andres ang unang naging alagad ni Jesus? Bakit hindi kay Bartolome, na ang tunay na pangalan ay Nataniel, gayong sinabi ni Jesus ay wala itong pagkukunwari kaya’t isa siyang tunay na Israelita? Bakit kay Juan?

O, si Maria nga ba ang inihabilin kay Juan o si Juan ang ibinilin kay Maria?
Dahil siya ang pinakabata sa Labindalawa, si Juan ang higit na nangangailangan ng isang matibay na gabay. Dala ng kanyang murang edad, si Juan ang pinakamapusok sa kanila. May kuwento ngang nagpapatunay na minsan hindi siya makapagpigil sa galit. Sa Lk 9:51-56 nasusulat na isang araw daw samantalang si Jesus at ang Kanyang mga alagad ay patungong Jerusalem, balak sana nilang dumaan sa bayan ng mga Samaritano, ngunit hindi sila tinanggap sa bayang yaon. Gayon na lamang ang galit ng magkapatid na Santiago at Juan at kaya sinabi nila: “Ano po, Guro, sabihin N’yo lang at tatawag na kami ng apoy mula sa langit para pagsusunugin ang mga lokong ito.” At pinagalitan sila ni Jesus. Naging mapusok si Juan at ang kanyang kapatid na siya namang nagpalabo sa kanilang paningin at pagkilala sa kalooban ng Diyos. Kitang-kita, kailangan nila ng gabay. Si Jesus ang kanilang gabay; ngunit ngayong papanaw na si Jesus, sino pa ang gagabay kay Juan? Sino pa nga ba kundi ang ina ni Jesus – si Maria.

At, maliban kay Jesus, sino pa ba ang nakahihigit sa pagkilala at pagtalima sa kalooban ng Diyos Ama kundi si Maria? Sabi pa nga ni San Agustin, si Maria raw ay bukod na pinagpala sa babaeng lahat sapagkat bago pa niya ipinaglihi ang Salita sa kanyang sinapupunan, ipinaglihi na niya Ito sa kanyang puso. Basta tungkol sa Diyos, iisa ang destinasyon para kay Maria: ang kanyang puso kung saan niya pinagninilay-nilayan ang mga pangyayari sa liwanag ng kalooban ng Diyos bago ito isakatuparan. Kaya nga’t nang ligawan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang anghel, bagamat hindi ganoong kadali ang magpasiya, nakahanda si Mariang ibigay ang kanyang matamis na “oo”. At nang sumang-ayon na siya sa kalooban ng Diyos, walang pasubali ang kanyang pagtanggap sa nais ng Diyos sa pamamagitan niya. Ang “oo” ni Maria ay walang “subalit” at walang “kung”: “Narito ang lingkod ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi” (Lk 1:38).

Bakit ganoon si Maria? Dahil sa kanyang pampalagiang pagmumuni-muni sa kalooban ng Diyos sa buhay niya, nabuo sa katauhan ni Maria ang walang sinlalim na pagtitiwala sa Diyos. At kahit pa ang mga sumunod na pangyayari ay tila salungat sa mga dapat sana niyang asahan bilang ina ng Diyos, kapit-tuko si Maria sa kalooban ng Diyos. Mula sa sabsaban sa Belen hanggang krus sa kalbaryo, buo ang puso ni Maria sa pagtanggap at pagtupad sa kalooban ng Diyos. Ito ang karunungan ni Maria: isang karunungang sinasalok sa pinagyayaman niya sa kanyang puso. At mula sa karunungang yaon, hindi malayong isiping nakinabang nang malaki si Juan sa mga isinulat niya para sa atin.

Ang karunungang ito ni Maria ay patuloy na gumagabay sa buong sangkatauhan magpahanggang ngayon. Hanggang ngayon sa makabagong panahon, nagpapakita si Maria sa mga piling tagapaghatid ng kanyang paulit-ulit ngunit nag-iisang utos sa ebanghelyo ayon kay San Juan mismo: “Gawin ninyo anumang sabihin Niya sa inyo” (Jn 2:5). Mula Cana hanggang Golgotha. Mula Golgotha patungo sa mga makabagong lugar ng Lourdes, Fatima, Guadalupe, at iba pa. Sa iba’t ibang dako ng daigdig, patuloy pa rin si Mariang nagpaparamdam ng kanyang mapagmalasakit na pagkalinga sa atin.

Bago pumanaw, sinabi ni Jesus kay Maria: “Hayan ang iyong anak.” Sa atin din namang pagpanaw, sabihin nawa ni Maria kay Jesus: “Hayan ang anak na inihabilin Mo sa akin.”

ANG IKA-APAT NA HULING WIKA
“DIYOS KO, DIYOS KO, BAKIT MO AKO PINABAYAAN?”(Mt 27:46; Mk 15:34)


Sa unang dinig, ang Ika-apat na Huling Wika ni Jesus ay parang ungol ng isang taong larawan ng kawalang-pag-asa. Ngunit, ang katotohanan isang napakalalim na panalangin ito. Nagdarasal si Jesus sa mga kataga ng ika-dalawampu’t dalawang Salmo. Ibinubunyag ng Ika-apat na Huling Wikang ang misteryo ng Ama.

Nakarinig na ba kayo ng nasaktan, nasugatan, nahirapan, natakot, o nalito na ang isinigaw ay “Itay ko po”? Kadalasan, ang bukambibig natin ay “Inay ko po”, hindi ba? Bakit?

Karaniwan din nating ikinakabit sa pangalan ng Mahal na Birheng Maria ang titulong “Ina ng Awa”. Pero madalas ba nating naririnig na pantawag sa Diyos Ama ang titulong “Ama ng Awa”? Bakit?

Higit na mahirap unawain ang misteryo ng Ama kaysa sa misteryo ng ina. Ngunit para maging matino ang buhay natin, talagang kailangang-kailangan nating maunawaan nag misteryo ng Ama.
Sabi ng mga dalubhasang psychologist, ang mahusay na paglaki ng bata ay nakasalalay nang malaki sa papel na ginagampanan ng kanyang ama sa buhay niya. Madalas, karamihan daw sa suliraning gumugulo sa buhay ng isang tao ay nakaugat sa di umano’y mga hindi pa nalulutas na suliranin niya sa kanyang ama. Pati rin sa larangan ng espirituwalidad, may sinasabi ito. Bagamat ang Diyos ay lampas sa mga hangganan ng kasarian, nagpakilala Siya sa atin ng Kanyang sarili bilang isang Ama. At dahil nga ang Diyos ay isa ring ama, likas nating inililipat ang ating pakikipag-ugnayan sa ating ama sa bahay sa ating pakikipag-unayan natin sa ating Ama sa langit. Pero paano na kung walang ama sa bahay? Paano kung ang ama, bukod sa kanyang tunay na maybahay, ay may binabahay pang iba? Paano kung ang ama ay isang masamang ama?

Ano nga ba ang masasabi natin tungkol sa isang pangkaraniwang ama? Masikap siya sa pangangasiwa ng mag-anak niya. Siya ay tahimik na haligi ng sambahayan. Kung bibihira man siya magalit o mamalo, isang tingin lang naman niya, alam na natin kung saan tayo dapat puwesto. May mga pagkakataong maganda ang gayon pero, kadalasan, dahil na rin sa katahimikang pinamamalas niya, maaaring pangilagan natin siya at tuluyan nang hindi tayo makabuo ng komportableng pakikipag-ugnayan sa kanya. Dahil madalang nga magsalita si tatay, bihira ang anak na sa ama unang lumalapit; kapag may kailangan, kadalasan kay nanay tayo unang naglalambing. Pero, hindi tutoong hindi natin mahal si tatay; may halong takot ang pagmamahal natin sa kanya. May kabutihan ang ganitong uri ng takot subalit masama kapag labis.

Minsan bantulot tayong lumapit kay tatay. Para sa karamihan sa atin, mas madaling lapitan si nanay. Kung kaya’t ang paglapit natin kay tatay ay para nang isang mapagtangkang kilos at pasiya. Sa paglapit natin sa kanya, parang tinatanong natin sa ating sarili: “Si tatay kaya ay katulad din ni nanay? Maaawa rin kaya siya sa akin? Sapat ba ang awa ni tatay?”

“Sapat ba ang awa ng ama?” – minsan, ganyan din ang tanong natin tungkol sa Diyos. Mas madali para sa karamihan sa atin ang lumapit sa Mahal na Inang Maria dahil paslit pa tayo ay nakintal na sa ating puso na si Maria ang Ina ng Awa. Ganito rin ba ang naging kamulatan natin sa Diyos?

“Ama ng awa” – medyo hindi bagay, hindi ba? Hindi tayo mapalagay sa titulong ito kapag ikinakapit sa isang lalaki. Pero, minsan pa, may narinig na ba kayong naghihirap, nasasaktan, o nasisindak na ang sigaw ay “Itay!” Meron. Si Jesus.

Sa pagdarasal Niya ng ikadalawampu’t dalawang Salmo, tinatawag ni Jesus ang Diyos na Kaniyang Ama: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo ako pinabayaan?” Mas lalo yatang napasama kasi parang hindi ang awa ng Diyos ang ibinubunyag nito. Pinabayaan ba talaga ng Ama ang si Jesus?

Kung babasahin nating mabuti ang ika-dalawampu’t dalawang Salmo, mababatid nating ang Salmong ito ay hindi panalangin ng isang taong nawawalan na ng pag-asa sa awa ng Diyos. Sa halip, ipinagsisigawan nito ang awa ng Diyos!

Hindi natin agad-agad nauunawaan ang awa ng Diyos Ama kasi may mga pagkakataon sa buhay natin na nakabibingi ang katahimikan ng Diyos. Natatakot tayo sa katahimikang ito. Parang wala Siya pakialam kung anong nangyayari sa atin. Natatandaan pa ba ninyo nang minsan ay pansumandaling inihiwalay tayo ni tatay kay nanay? Iyak tayo nang iyak. Nagwawala. At kung si nanay lang ang masusunod talaga, ayaw niyang mawalay tayo sa kanya gaputok man. Pero, isang araw, hiniwalay nga tayo ni tatay kay nanay, pinatayong malayo sa kanilang dalawa at hinamon tayo: “Lakad, Anak. Lakad!” Sa una, ayaw nating humakbang, ni hindi natin maitaas ang ating binti para ihakbang, hanggang sa magawa natin ang ating unang paghakbang, pangalawa, pangatlo, at marami pang mga sumunod na hakbang. Pero sa mga pagitan ng mga hakbang naroon ang nadarapa tayo, napasusubasob, nagkakabukol, nagagasgasan, napipilayan, umiiyak, nagmamakaawa kay nanay na kampihan na tayo at kargahin na lang. Pero matibay ang pagbabawal ni tatay: “Huwag mong kakargahin iyan!” Tapos, babaling ulit sa atin si tatay at patuloy ang hamon: “Lakad, Anak. Lakad! Lakad!” Sa mga pagkakataong yaon, ano ang iniisip natin? Ano ang nararamdaman natin? Hindi ba akala natin, wala man lamang awa si tatay, malupit siya, gusto niya tayong masaktan. Ang iba pa nga ay nagtatanim ng sama ng loob kay tatay: “Hindi man lamang niya pinansin ang bukol ko nang madapa ako,” Pero ngayong malalaki na tayo at hindi na lamang nakalalakad kundi nakatatakbo pa, nakapagmamartsa, nakatatalon, makasasayaw, nakapaggi-gymnastics, nakakalangoy, nakakapag-skating, minamasama pa ba natin ang pagdidisiplina sa atin ni tatay para makatayo tayo sa sarili nating mga paa? Malamang, kung hindi nagmatigas si tatay noon, nakaandador pa tayo hanggang ngayon! Ang awa ng ama ay nauunawaan lamang nang lubusan ng anak sa paglipas ng panahon, sa pagtanda ng anak at pagiging isang ama na rin.

Ang disiplinang ipinadanas sa atin ng ating ama, bagamat masakit, ay paghahanda upang tayo ay matuto at tumibay sa pakikibaka para sa higit na kabutihan sa anumang aspeto ng buhay. Palibahasa, sa ating paglaki, unti-unti nating hinaharap ang isang daigdig na patuloy na pinagugulo ng tungalian ng mabuti at masama. Kaawa-awa ang batang pinalaki ng kanyang ama sa layaw. Sa tutoo lang, hindi niya ito pinalaki; pinaliit niya siya at ginawang inutil.

Sa kanyang homiliya noong Huwebes Santo, dalawang taon na ang nakararaan, sinabi ng Kanyang Kabunyian Gaudencio Cardinal Rosales, “Ang taong namumuhay sa kariwasaan ay kaawa-awa – siya talaga ang taong pinabayaan na ng Diyos. Hindi pinapansin ng Diyos. Pinabayaan na siya sa kanyang kariwasaan.” At kapag tutuong hindi na tayo pinansin ng Diyos at pinabayaan na Niya sa kariwasaan, wala na tayong kahahatungan kundi ang kapahamakang sinasapit ng taong nilisan na ng pagdisiplina ng Diyos.

“Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo ako pinabayaan?” Mahirap maunawaan agad subalit ang Ika-apat na Huling Wikang ito ni Jesus, sa katunayan, ay simula pa lamang ng panalangin ng isang anak na nagpapasalamat sa kanyang maawaing ama. May ama nga bang nagmamamahal sa kanyang anak nang hindi ito dinidisiplina? Kung meron man, masamang ama iyon. Ito ang nasusulat sa Hebreo 12:5-11: “Mga anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagwawasto ng Panginoon, ni ikasama ng loob ang pangaral Niya. Sapagkat iwinawasto ng Panginoon ang Kanyang minamahal, pinapalo ang pawang inaako Niyang anak.”

Kapag nakararanas tayo ng pagdidisiplina ng Diyos, dapat tayong magalak at magpasalamat dahil ang ibig sabihin noon ay hindi pa tayo kinalilimutan ng Diyos, napapansin pa Niya tayo at hindi pa Niya talaga pinababayaan. Sa halip, kapag may taong sumisigaw ng “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan” at ang sigaw na yaon ay nagmumula sa kawalang-pag-asa, malamang hindi Diyos ang nagpabaya sa taong iyon kundi ang kanyang kapwa-tao rin.

ANG IKALIMANG HULING WIKA
“AKO’Y NAUUHAW.”(Jn 19:28)


Isang kabalintunaan. Isang kabaliwan. Isang nakapangingilabot na larawan: ang Diyos ay nauuhaw. Ang Makapangyarihang Maykapal ay ngangapal ang lalamunan, naninikip dahil sa uhaw. Nakapangingilabot marinig ang daing na ito mula sa mga labi ng Lumikha ng tubig, batis, ilog, lawa, at dagat. Nakapangingilabot makitang ang nagsabing Siya ang Tubig ng buhay ay tuyung-tuyo. Paano nangyari ito? Bakit nagkanoon?

“Nauuhaw Ako!” daing ni Jesus. Pero bakit hindi Niya ipamalas ang Kanyang kapangyarihan sa mga sandaling ito ng simpleng pagkauhaw? Hinayaan ni Jesus na Siya ay mauhaw kaysa gumawa ng kababalaghan dahil higit pa sa kapangyarihan ng Diyos ang misteryong nais Niyang ibunyag. Na ang Diyos ay makapangyarihan ay hindi na misteryo para kaninuman. Talagang makapangyarihan ang Diyos. Ngunit ang kahinaan ng Diyos ay laging misteryo para sa lahat.

Nais ni Jesus na makilala natin Siya bilang kung ano Siya talaga: Siya ang pag-ibig ng Diyos. Dahil ang Diyos ay pag-ibig (Tg. 1 Jn 4:16) at si Jesus ay Diyos, Siya mismo ang pag-ibig ng Diyos. Ang nais matutong magmahal nang tunay ay dapat tumulad kay Jesus. Dapat siyang mauhaw.

Ang tao raw ay umiibig dahil sa ang minamahal ay may taglay na kapangyarihang nasa anyo ng kagandahan, katalinuhan, at kayamanan. Meron ba ritong gustong makapangasawa ng saksakan ng pangit? Meron ba ritong gustong makasama habambuhay ang isang taong tatanga-tanga? Meron ba ritong talagang nagmamahal ng hindi man lamang sumasagi sa isipan kung ano ang mapapala niya sa kabaliwan niya para sa isang tao? Aminin natin ang tutoo, ang pag-ibig na nakabatay sa anumang maaaring sukatin ay hindi tunay na pag-ibig. Sinabi ni San Bernardino ng Clairvaux, “Ang tunay na sukatan ng pag-ibig ay ang pag-ibig na walang sukat” (The true measure of love is love without measure).

Walang sukat ang wagas na pag-ibig. Hindi ito kayang sukatin ninuman at ng anuman. Hindi ito nakasalalay sa panahon: “Mahal kita ngayon.” “E, bukas paano na?” “A, e, ibang usapan na iyon.” Ito ang dahilan kung bakit ang taong umiibig dahil sa kapangyarihang nasa iba’t ibang anyo ay hindi tunay na umiibig. May simula at wakas ang kapangyarihan. Hanggang kailan nga ba tumatagal ang ganda, talino at yaman ng tao?

Ngayon, maaaring napakaraming humahanga sa talas ng isip mo at husay ng iyong pananalita, pero tatanda ka rin at magiging ulyanin. May makikinig pa kaya sa iyo? Ngayon, sariwang-sariwa ka, mabango, flawless, maalindog, kaakit-akit, pero tatanda ka rin, kukulubot ang balat, puputi ang buhok, yuyuko ang katawan, mag-aamoy lupa at mawawalan ng asim. May magnanasa pa kaya sa iyo? Ngayon, ang dami mong kaibigan dahil limpak-limpak ang salapi mo, maraming naghahanap sa iyo, maraming nakikinig, maraming susunud-sunod, maraming gustong umutang, maraming nagpapasalamat, maraming nag-iimbita, maraming nagsasabing kamag-anak o kaibigan ka nila, pero kapag nagdarahop ka na, may makakikilala ba kaya sa iyo? May kikilala pa kaya sa iyo? Ganyan ang tao kung umibig. Tumatagal ang pag-ibig niya hanggang meron kang naibibigay sa kanya. Ngunit hindi iyon pag-ibig; suhol iyon.

Hindi manunuhol ang Diyos dahil unang-una nang hindi Siya nasusuhulan. Hindi natin mabibili ang pag-ibig Niya. Bakit ba tayo mamahalin ng Diyos? Dahil maganda tayo? Dahil mabait tayo? Dahil mabango tayo? Dahil matalino tayo? Dahil palasimba tayo? Dahil sankatutak ang debosyon natin? Dahil lingu-lingo tayong nag-aayuno? Dahil malaki tayong mag-abuloy sa simbahan? Bakit, bakit tayo mamahalin ng Diyos? Dahil ba minamahal din natin Siya nang parehas?

Wala. Wala lang. Basta mahal na mahal Niya tayo. Kailangan bang may dahilan ang pagmamahal? Minamahal tayo ng Diyos nang higit sa ating inaakala. Kung inaakala mong dahil sa mga nagawa mong kasalanan ay hindi ka na mahal ng Diyos, akala mo lang iyon! At gaya ng sinabi ko na sa pagninilay sa Unang Huling Wika ni Jesus, huwag kang tatanga-tanga: humarap ka sa Liwanag!

Ang pag-ibig ng tao ay puwedeng pagdudahan. Pero hindi ang pag-ibig ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit pinili ng Diyos na makibahagi sa lahat ng ating mga kahinaan – maliban sa paggawa ng kasalanan ngunit kabilang ang ating kamatayan – para maliwanagan tayo sa misteryo ng pag-ibig Niya sa atin: minamahal Niya tayo hindi lamang sa kabila ng ating mga kahinaan, bagkus, kundi dahil nga marami tayong kahinaan.

Ito ang problema: hindi natin matangap-tangap ang katotohanang ito. Ayaw nating kilalanin ang ating mga kahinaan, mga kapangitan, mga kasalanan, dahil sa maling pag-aakalang kung mahina na tayo, kung pangit na tayo, kung magkasala na tayo ay hindi na tayo mamahalin ng Diyos. Winawaldas natin ang ating panahon at lakas sa pagkukubli sa Diyos. Nang magkasala si Adan, ayon sa aklat ng Genesis, hindi ba nagtago na siya sa Diyos? At ang unang nasusulat na tanong ng Diyos sa tao ay ito: “Nasaan ka” (Gen 3:9). “Natakot ako dahil hubad ako,” sagot ni Adan, “kaya nagtago ako” (Gen 3:10). Kanino natakot si Adan? Hindi sa Diyos, kung tutuusin; kundi sa kanyang sarili: “Natakot ako dahil hubad ako….”

Upang mapalaya tayo sa takot na iyan – sa takot sa ating sarili – kinatawan ng Diyos ang lahat ng ating kahinaan at doon sa krus pinakita Niya ito sa atin nang lubus-lubusan. Ang kahubarang kinatakutan ng unang nilikhang tao ay kitang-kita natin sa krus: hubad ang Kristo!

Narito ang Diyos na nauuhaw. Diyos na naghihingalo. Duguan. Pangit ang anyo. Dukhang-dukha. Itinuring na kriminal. Sukdulang ipinahiya. Nilalait. Nauuhaw. Nagmamahal. Ito ang misteryo ng Diyos: ang misteryo ng pag-ibig na sa harap ng iniibig ay mahina dahil ipinaubaya sa iniibig maging mga sandatang maaaring gamitin laban sa umiibig. Ito ang Diyos nating nauuhaw.

ANG IKA-ANIM NA HULING WIKA
“NATUPAD NA.”(Jn 19:30)

Ang Ika-anim na Huling Wika ni Jesus ay mula sa ebanghelyo ayon kay San Juan. Maaalala nating sa ikalawang kabanata ng ebanghelyo ni San Juan din natin unang narinig kay Jesus ang mga katagang “hindi pa sumasapit ang oras Ko.” Sinabi Niya ito sa Mahal na Inang Maria sa kasalan sa Canaa, hindi ba?

“Hindi Ko pa oras” – pero ngayon, oras na Niya! Oras na nga ng Kanyang kamatayan. At yaon din ang oras ng Kanyang kaluwalhatian. Bakit oras ng Kanyang kaluwalhatian ang oras ng Kanyang kamatayan? Dahil ang oras na ito ang hudyat ng Kanyang paghahari sa sanlibutan matapos Niyang lubusang magampanan ang Kanyang misyon sa daigdig. Kaya, hindi Siyang nangingiming ipagsigawan: “Tetelestai!”

Ang sabi ni Jesus, “Natapos na. Natupad na” at hindi, “Matatapos pa lang” o “Patapos na.” Napakalinaw – tapos na raw. Telelestai!

Ang pangungusap na binubuo ng dalawang salita sa ating wika – Natapos na – ay isang salita lamang sa orihinal na wika ng Ebanghelyo: tetelestai. Mula sa mga nadiskubreng matandang papyri o sulatan ng mga Griyego, ang salitang “tetelestai” ay karaniwang ginagamit noong unang panahon para sabihing “Bayad na.” Sa madaling sabi, resibo. Noong panahon ni Jesus, kapag nagbayad ka ng buwis, bibigyan ka ng resibong tinatakan ng tetelestai na ang ibig sabihin ay “Bayad na ang buwis ng taong ito.”

Pero hindi lamang tungkol sa pagbabayad ng pagkakautang ginagamit ang katagang tetelestai. Ang tetelestai ay hiyaw rin ng taong panalo. Ang tetelestai ay sigaw ng tagumpay. Kaya kung ikaw ay bayad na, kung ikaw ay wagi, isigaw: Tetelestai!

Pero teka, nang gamitin ni Jesus ang katagang ito, nakapako Siya sa krus. Magpapako ka muna bago ka magsisisigaw diyan. Biro lang, dahil hindi na mo nang kailangang magpapako kasi ang ibig sabihin nga ng tetelestai ni Jesus ay ito: Hindi na kailangan at hindi na tayo dapat magpapako sa krus. Bakit? Kasi nga tetelestai. Natapos na ito ni Jesus. Nagawa na Niya ito para sa atin. At ganap, buo, lubos, walang labis at walang kulang Niyang ginawa ang nararapat para sa ikatutubos natin. Nabayaran Niya nang buung-buo ang ating utang. Napagtagumpayan na Niya nang lubos ang kasalanan at ipakikita Niya ito sa magmuling-pagkabuhay Niya. Ito pa nga ang panunuya ni San Pablo Apostol sa kamatayan: : “Nasaan, kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” (Where, O death, is your victory? Where, O death, is your sting?) (1 Cor 15:55). Parang sinasabi ni San Pablo, “O, ano, kamatayan, wala ka palang binatbat! Itsura mo lang. Tse!”

“Tetelestai.” “It is finished.” Natapos na. Naganap na. Sinasabi sa atin ni Jesus, “Bayad ka na. Wala ka nang utang. Sinagot Ko na.”

Tinubos tayo ni Jesus mula sa walang patutunguhang pamumuhay at kaalipinan. Pinalaya na tayo ni Jesus. Huwag na tayong muling magpapalipin pa. Natapos na ang ating pagiging mga alipin. Huwag na tayong muling magpapagapi sa anumang uri ng tanikala. Ito ang sabi ni San Pablo Apostol: “Pinalaya tayo ni Kristo para sa kalayaan. Maging matatag, kung gayon, at huwag nating hahayaang magdusa tayong muli sa pasanin ng pagkaalipin” (Gal 5:1).

“Tetelestai.” “It is finished.” Natapos na. Masasabi lang din natin ito kung pagsisikapan nating hindi na muling magkaroon ng utang na dapat bayaran, ng kasalanang dapat ihingi ng kapatawaran. Masasabi lang din natin ito kung gagawin natin ang lahat upang manatili sa atin ang tagumpay na nakamit ni Kristo. Kapag tayo ay nagba-backslide o patuloy na namumuhay na talunan, hindi pa natin oras para sabihing “Tetelestai”. Kapag gayon, sa halip na tetelestai, ang dapat nating sabihin ay “nilulustay!” Nilulustay natin ang tagumpay ni Jesus para sa atin. Winawaldas natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Ikaw, oras mo na rin ba? Ang oras mo rin ba ay oras ng kaluwalhatian? Ano ang sigaw ng oras mo: tetelestai o nilulustay?

ANG IKAPITONG HULING WIKA
“AMA, INIHAHABILIN KO SA MGA KAMAY MO ANG AKING ESPIRITU.”(Lk 23:46)
Sabi ng propesor ko sa pag-aaral ng Bibliya, maraming mga nasusulat sa Banal na Aklat ang gumagamit ng paglalakip. Ang ibig sabihin niya, kung babasahin, pag-aaralan, at pagninilayan nating mabuti ang iba’t ibang paraan ng pagkukuwento at pagtuturo na nilalaman ng Banal an Kasulatan, makikita nating kung paanong ang kuwento o aral ay nagsisimula, gayun din naman ito nagwawakas. Isang halimbawa nito ay ang Pitong Huling Wika ni Jesus.

Ang unang huling wika ni Jesus: “Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginawa.” Ang ikapitong huling wika naman Niya ay ganito: “Ama, inihahabilin ko sa mga kamay Mo ang Aking kaluluwa.” Pansinin: nagsimula sa Ama at nagtapos sa Ama; ang una’t huling wika ay nakikiusap sa Ama – ang una ay kapatawaran para sa mga kaaway at ang ikapito naman ay pagtanggap sa kaluluwang pumapanaw; at mula simula hanggang katapusan, kitang-kita ang pagtitiwala ng Anak sa Ama.

Hanggang kamatayan, nangangaral si Jesus at ang Kanyang pulpito ay ang krus. Sa igsi ng Kanyang mga pangungusap, siya namang dami ng nilalamang aral nito. At ngayon, sa pinakahuling wika, inilalagay ni Jesus ang paglalakip.

Sa pagsapit natin sa ikapitong huling wika Niya, ganap nating nakikita na ang buong pitong huling wika ni Jesus ay hindi mga kataga ng pagsuko, kundi ng pagpapaubaya. Ang pitong huling wika ni Jesus ay binubuo ng mga katagang nagpapahiwatig ng isang pinagpasiyang kilos. Ang kamatayan ni Jesus ay isang malayang pagpapaubaya ng sarili sa Ama at hindi isang sapilitang pagsuko sa mga kaaway. Bagama’t bago pa maganap ang mga pangyayari sa Kalbaryo, sinabi na ni Jesus na Siya ay ipagkakanulo at mapapasakamay ng mga makasalanan (halimbawa sa Mt 17:22 at Lk 24:7), at kahit pa natupad nga ang Kanyang sinabi, hindi hinayaan ni Jesus na mahadlangan Siya ng sinabi Niyang magaganap at ng naganap nga upang hanapin at tupdin ang kalooban ng Diyos: mula sa kamay ng mga makasalanan, ngayon ay inihahabilin Niya ang Kanyang kaluluwa sa mga kamay ng Ama.

Ito ang aral ng pinakahuling wika ni Jesus sa krus: Ipaubaya at Bumitiw. Paano? Sa pamamagitan ng tunay na pagtatalaga ng buong buhay sa Diyos Ama.

Mula sa halos lahat ng angulo na maari nating gamitin sa pagtingin sa krus, ang krus ay mistulang kawalang-katarungan at pagkahindi-patas. Subalit sa kabila nito, sa gana ni Jesus, ang krus ay Kanyang pinaghandaan nang may sinadyang pagpapaubaya. Sa Jn 10:17-18, winika ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Dahil dito, minamahal Ako ng Aking Ama, sapagkat iniaalay Ko ang Aking buhay upang muli Ko itong kunin. Walang makakukuha nito sa Akin kung hindi Ko kusang iniaalay. May kapangyarihan Akong ialay ito at muli itong kunin. Ang atas na ito ay tinganggap Ko mula sa Aking Ama.” Buung-buo ang pagtitiwala ni Jesus sa Ama kung kaya’t ipinauubaya Niya sa mga kamay ng Ama ang takbo ng buhay Niya.

Hindi nga ba’t minsan marahil ay nasabi na natin, pagkatapos ng isang krus sa ating buhay, “Sana nagtiwala pa ako ng lubos sa Diyos. Ipinaubaya ko na lang sana sa Kanya ang lahat ng nangyari sa buhay ko?” Nangyari. Paano kaya yaong nangyayari? Kung hindi natin kayang ipaubaya sa Diyos na ating Ama ang nangyayari, huwag na tayong umasa pang ipauubaya natin sa Kanya yaong mangyayari pa lang. Gusto nating ipaubaya sa Diyos ang ating buhay magpasawalang-hanggan? Bueno, tantunin natin na ang magpasawalang-hanggan ay nagsisimula ngayon.

Ang mapagtiwalang pagpapaubaya ni Jesus ng Kanyang sarili sa Ama ay pang ngayon at magpasawalang-hanggan. At tinatawag tayo ng krus, na ngayon ay ating itinatanghal, na tularan si Jesus sa pagpapaubaya ng sarili sa Diyos…mapagtiwalang pagpapaubaya ngayon at magpasawalang-hanggan. Tandaan ang krus, para sa ating mga Kristiyano, ay hindi paraan ng pagtakas kundi ng pagtulad. Tularan ang Kristong ipinako sa krus.

Sa kanyang sulat sa mga Taga-Felipo (3:8-11), sinabi ni San Pablo Apostol: “Only this I want, but to know the Lord, and to bear His cross, so to wear the crown He wore. All but this is lost, worthless refuse to me. But to gain the Lord is to gain all I need.

Dinggin at sundin natin ang napakahalagang payo ni San Pablo: bumitiw sa pagkakakapit sa lahat ng bagay upang makilala si Kristo; bumitiw sa pagkakakapit sa lahat ng bagay upang makamit si Kristo; bumitiw sa pagkakakapit sa lahat ng bagay upang makatulad si Kristo. At ang pagbitiw na ito na pangwalang-hanggan ay nagsisimula sa mga katagang “inihahabilin Ko sa mga kamay Mo….” Dahil ipinasiya nating maging mga alagad ni Jesus, ang naitukoy na na dapat na landas ng lahat ng ating pagkilos ngayon at kailanman ay ang daan ng krus.

May paglalakip ang buhay at aral ni Jesus. Maging ang Kanyang pitong huling wika ay may paglalakip din. Ang Kanyang buhay, aral, at pitong huling wika ay nagsisimula at nagwawakas sa Ama.

Ikaw, kapatid, sino at ano ang naglalakip ng buhay mo?

4 comments:

  1. Anonymous10:34 PM

    Dear Fr. Bobby,

    When we got to your parish yesterday, you are about to start to preach the fifth last Word of Jesus Christ.

    Deep inside me I was feeling sad because I know we missed the main objective: To listen.

    Though we were there for your mass, it was totally incomplete so that when we got home,I immediately opened your website and there it is all posted.

    All narrations are very well-composed, very clearly illustrated, encounters are full of emotions, very well understood by the listeners.

    The presentation stems from a tremendous and simply burning display of Love and Affection to Jesus Christ.

    Very well done Fr. Bobby !

    A blessed Happy Easter to you, Mommy, Pipo,Ate Merlie, Moochie, Ate Carie, their families and Tita Linda . May God 's abundant blessing be with you always.

    -rory

    ReplyDelete
  2. i love you Lord! With these seven last words of Jesus I offer my life to thee with all my heart, my mind and my soul.

    ReplyDelete
  3. Hi Fr Bob, your reflection for the 7 Last Words of Jesus are inspirational and well-crafted reflections coming from the heart. Please allow me to post it at my facebook account with proper reference of your entire beautiful work. May God continuously inspires you to create more a down-to-earth reflections in order to inspire others. May God be with you always and strengthen your vocation and faith. Thank you very much in advance. - Randy Olguera Badal

    ReplyDelete
  4. Hi Fr Bob, allow me to post your wonderful reflection of the 7 Last Words of Jesus at my facebok personal account. I will properly mentioned you as the sole reference of the entire down-to-earth reflections. May God inspires you always to create more inspirational writings or brief refelctions. Thank you very much in advance. - Randy Olguera Badal

    ReplyDelete