Pages

25 December 2009

MALIGAYANG PASKO!

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ng Panginoong Jesukristo
Jn 1:1-18

Maligayang Pasko po! Ito ang batian nating ngayong araw na ito. Maligaya ka ba ngayong Pasko? Maligayang, maligaya ka ba? Maligaya ka ba talaga?

Bakit nga ba tayo dapat maligaya tuwing Pasko? May tatlong dahilan para tayo ay lumigaya.

Una. Tinupad ng Diyos ang pangako Niya sa atin. Tapat Siya sa Kanyang salita. Sa gitna ng marami nating karanasan ng pagtataksil, pagkakanulo, pagtalikod sa mga salitang binitiwan, ang katapatan sa pangako ay higit na dahilan para tayo ay lumigaya at magdiwang. Sa hardin ng Eden, matapos magkasala ang unang nilikhang tao, may binitiwang salita ang Diyos. Kadalasan, ang natatandaan lang natin ay ang salita ng kaparusahan sanhi ng pagsuway ng ating unang mga magulang. Subalit, hindi lang salita ng kaparusahan ang binitiwan ng Diyos nang mga sandaling yaon. Ibinigay din Niya sa kanila ang isang pangako: ang Manunubos. Sa kabila ng pagtalikod sa Kanya, hindi pa rin pinabayaan ng Diyos na mapaalipin ang sankatauhan sa kapangyarihan ng diyablo at sa sumpa ng kamatayang walang-hanggan. Isusugo Niya ang isang Tagapagligts na tutubos sa ating lahat sa ating pagsangla ng ating kaluluwa sa paghahari ng kasamaan dala ng pagpasok ng kasalanan sa mundo. Ngayong Pasko, tinupad ng Diyos ang pangako Niyang iyon. Nagkalaman ang salitang binitiwan Niya. Dapat nga tayong lumigaya.

Ikalawa. Laking bigla natin nang tumambad sa ating paningin ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nang binitiwan Niya ang Kanyang salita na magsusugo Siya ng tutubos sa atin mula sa kamay ng kaaway, hindi Niya tinukoy kung sino ang Manunubos na ito. At ngayong Pasko, kitang-kita nating lahat – at anong pagkamangha natin – ang isusugo pala Niyang Mesiyas ay walang iba kundi ang sarili Niyang bugtong na Anak. Wala tayong masabi sa ating pagkakabigla. Maaari naman sanang iba na lang. Ngunit ang ipinagkaloob Niya sa atin ay ang kaisa-isa at sarili Niyang Anak na si Jesus. At ngayong alam na rin natin ang sasapitin ng Kanyang Anak sa kamay ng tao, masasabi nating may isinakripisyo ang Diyos sa pagtupad ng pangako Niya sa atin. Matalik na bahagi Niya ang Kanyang itinaya sa katuparan ng Kanyang salita. Hindi ba tayo halos malunod sa damdamin ng pasasalamat? Huwag tayong malunod; maging maligaya na lang tayo.

Ikatlo. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako. Ang katuparan pala ng pangako Niya ay ang sarili at kaisa-isa Niyang bugtong na Anak. Pero hindi lamang iyon. Maaari sanang lumitaw na lamang sa ating harapan si Jesus. Puwede namang i-exempt Siya sa mga pangkaraniwang proseso ng pagiging tao at pagpapakatao. Pero minarapat Niyang isilang at maging katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan. Hindi Siya nagpa-exempt. Hindi Siya humingi ng kung anu-anong pribilehiyo. At kung sakaling ganun ang Kanyang ginawa, talaga namang may karapatan Siya. Ngunit hindi, pumasok Siya sa ating kasaysayan at napabilang sa ating lahi bilang tao nang buong kababaang-loob, sa karaniwang paraan ng pagpasok sa mundo, at tumulad nga Siya sa atin sa lahat ng bagay maliban sa paggawa ng kasalanan. Nagpaka-sanggol Siya at ang Pasko ay bahagi ng pagpapakatao ng Diyos. Hindi lang nakakatuwang makita ang Diyos bilang isang sanggol. Nakabighani, nakakapukaw-damdamin, nakaka-iyak din, ngunit, higit sa lahat, nakaliligayang malamang katulad na natin ang Diyos kaya hindi tayo dapat kailanman matakot. Kung tayo ay tunay na nagpapakatao, kakampi natin ang Diyos.

Maligaya ka ba ngayong Pasko? Maligaya ka ba tuwing Pasko? Bakit ka nga ba, maligaya? Dahil ba sa bonus, thirteen-month pay, mga regalo, parties, reunions, mga dekorasyon, at iba pang mga materyal na bagay? E kung ganoon ang sanhi ng ating kaligayahan, napakalungkot pala ng orihinal na Pasko dahil wala ang lahat ng iyon noong unang Pasko. Pero ang tunay na pinakamaligaya sa araw ng Pasko ay ang Diyos, si Maria, at si Jose. Ang Diyos dahil maligaya Siyang tupdin ang Kanyang pangako, magtaya para sa atin, at buong kababaang-loob na tumulad sa atin. Si Maria at si Jose rin dahil batid nilang tumatalima sila sa kalooban ng Diyos at ang kanilang sanggol, sa kabila ng kanilang karukhaan, ang tunay at hindi mapapantayang kayamanan. Samakatuwid, kung gusto natin talagang madama, maranasan, at maisabuhay ang tunay na ligaya ng Pasko, dapat tayong bumaling at magpaturo sa Diyos, kay Maria, at kay Jose. Sila talaga ang tunay na maligaya. Sila ang “orig”.

Maligayang Pasko po sa inyong lahat! Lumigaya at magpaligaya sana kayo.

1 comment:

  1. Anonymous11:25 PM

    First of all,may I greet you a Blessed Christmas.

    YES, it is really sad to note that people forgot the real essence of Christmas.Lagi na lang twing Pasko, lakaran nang lakaran ang lahat para mamasko,bilihan ng mga bago para sa kanilang mga sarili, mas matimbang ang materyal na bagay.Nalimutan na nila na ang araw ng pasko ay ang kapanganakan ni Jesus,birthday ni Jesus. May nakakaalala pa bang bigyan siya ng aginaldo?O batiin man lamang siya sa kanyang kaarawan at pasalamatan siya dahil kung hindi sa kanya, walang tagapagligtas. Nakapanlulumo ring isipin na wala na ang kasimplehan ng buhay. Maraming nalulungkot kapag walang maihain na noche buena, walang bagong gamit,pero sabi ninyo nga, walang lahat ng mga ito noong panahon na isilang si Kristo.Bakit kailangan nating malungkot?

    Siya ang tunay na yaman na hindi nakikita ng karamihan, siya ang aginaldo na ibinigay sa atin pero mas madalas na naisasantabi.

    Lord, patnubayan ninyo po kaming lahat na pahalagahan ang pinakamaganda at pinakamahalagang regalo na inyong ibinigay sa amin, ang inyong bugtong na anak, si Hesus, na aming tagapagligtas.Salamat po sa lahat ng biyaya.Amen.

    ReplyDelete