Ikasiyam na Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:67-79
Bakasyon ang mga bata, pati si mister walang pasok, sabi ni nanay sa sarili: “Ah, ipagluluto ko ng paboritong ulam ang mag-aama ko!” Naisip si misis, maasim na sinigang ang ihahanda niyang pananghalian. Pagkamorya sa mga rekado, naghanda na siyang mamalengke. Tulog pa si mister at ang mga bata, kaya sinamantala muna niya ang pagkakataon para mamalengke. Papuntang palengke, nadaan siya sa simbahan. Kasalukuyan namang may Misa de Gallo kaya sabi niya sa sarili, “A, makapagsimba nga muna sandali.” Pero sa kalagitnaan ng sermon ni Father, tutuka-tuka na siya. Pero, dahil Lumen ang pangalan niya, kaya wais si misis. Para hindi tuluyang makatulog, habang nagsesermon si Father, patagong isinulat ni Lumen sa palad niya ang minemoryang mga rekadong bibilhin: dalawang kilong baboy, sampumpisong kangkong, limampisong sampalok, tatlum pisong asin, etc…etc…etc…. Sobra siyang nalibang at hindi napansing nagsisitayuan na ang mga tao para mangumonyon. Dali-dali siyang tumayo para mangumunyon din. Kay Father siya pumila. Pero kahit nakapila na siya para mangumunyon, isip pa rin siya nang isip kung ano pa ang mga kailangan niyang bilhin sa palengke pagkatapos niyang magsimba. Kaya, nagulat siya nang makita niyang nasa harap na pala siya ni Father na tangan-tangan ang ostiya at sinasabing, “Katawan ni Kristo.” Sumagot si Lumen, “Piso lang po, Father.”

May mga pagkakataong kahit habang nagsisimba, lumilipad ang isip natin, hindi ba? Ano kaya ng iniisip nitong mga naka-upo sa harap ko ngayon? Kanina pa sila nakatitig sa akin. Ang katabi mo, tingnan; ano kaya ang iniisip niya? Baka mangungutang sa iyo. Ops, huwag tatalikod!
Ngayong huling araw ng ating pagmi-Misa de Gallo, hindi pa ba kayo hilo? Siyam na araw na rin kayong puyat. Hindi ako magtataka kung mamaya sa komunyon, pagsabi ko ng “Katawan ni Kristo”, meron sa inyong sasagot ng “Thank you.” Kung sabagay, mas mabuti na ‘yun kesa naman “Piso lang po, Father”, hindi ba? Baka mabuko pa kung magkano ang inihulog mo sa koleksyon. Kaya, maling sagot, ayos na rin ang “Thank you.”
Thank you – iyan nga po ang tunay na kahulugan ng blessing. Ang salin sa wikang Hebreo ng salitang “blessing” ay berakah. At ang literal na kahulugan ng berakah ay “magpasalamat”. Kaya kapag bini-bless natin ang anumang bagay – bahay, kotse, imahen o gamit sa pagdedebosyon, pagkain o maging tao – ang una nating ginagawa talaga ay pinasasalamatan natin ang Diyos.
Medyo malabo ito sa lenguahe natin kasi ang salin sa Pilipino ng “to bless” ay “basbasan”. Sige, i-bless mo ang katabi mo. Palayasin mo ang mga demonyo sa katawan niya. Sayang, hindi litaw na litaw sa kamalayan natin ang pasasalamat kapag nagbe-bless tayo. Madalas pa nga ang nasa isip ng mga nagpapa-bless, halimbawa ng bahay, ay pagpapalayas ng demonyo.
Minsan isang misis ang dinala ang sariling mister kay Father. “Father, paki-bless nga ang mister ko; dinedemonyo,” sabi ni misis sa pari. Tiningnan ng pari si mister. Tapos si misis naman, mula ulo hanggang paa, tsaka sinabi ng pari kay misis: “Lumayas ka, Satanas! Palayain mo ang lalaking ito.”
Ang “to bless” ay “to give thanks”. Ito ang unang mga kataga ng awit ni Zach ngayong araw na ito: “Blessed be the Lord, the God of Israel! He has come to His people to set them free. He has raised up for us a mighty Savior, born of the house of David His servant.” Binabasbasan ni Zach ang Diyos. Ibig sabihin, pinasasalamatan niya ang Diyos. Kaya nga ang salin sa Pilipino ng awit ni Zach sa ebanghelyo ngayon ay “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang Kanyang bayan, at nagpadala siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa lipi ni David na Kanyang lingkod.”
Pansin ba ninyo na sa binasa kong awit ni Zach sa ebanghelyo ngayong araw na ito, nagpapasalamat si Zach sa Diyos hindi dahil sa pagbabalik ng kanyang kakayahang makapagsalita at makarinig kundi dahil sa katapatan ng Diyos sa Kanyang pangako. Ang sentro ng blessing ni Zach ay hindi ang sarili o anuman kundi ang Diyos. Bine-bless niya ang Diyos; pinasasalamatan niya ang Diyos.
Nakita ni Zach kung paanong gumagalaw ang Diyos sa buhay ng kanyang lahi. Natanto niya napakalaking biyayang tinanggap niya sa pagiging ama ni Johnny, “ang propeta ng Kataas-taasan na mangunguna sa Panginoon upang ihanda ang Kanyang daraanan at ituro sa Kanyang bayan ang landas ng kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” Naranasan niya mismo ang lubhang pagkamahabagin ng Diyos. Natanaw na niya ang araw ng kaligtasan na “magbubukang-liwayway upang magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubay satin tungo sa daan ng kapayapaan.” Kaya, nagpapasalamat si Zach sa Diyos.
Tayo, ano ang ating nakikita? Ano ang ating nararanasan? Ano ang ating natatanaw? Nagpapasalamat din ba tayo? Binabasbasan nga ba natin ang Diyos o gusto nating tayo lang ang basabasan Niya?
Basbasan natin ang Diyos. Pasalamatan natin Siya sa lahat ng sandali ng ating buhay, sa karukhaan man o kariwasaan, sa karamdaman man o kalusugan, sa kalungkutan man o kagalakan. Laging hanapin ang mga dahilan para magpasalamat, hindi ang mga dahilan para magreklamo, mamintas, mainggit, o sumama ang loob. Basbasan natin ang Diyos: salamat sa Diyos!
O, bakasyon ngayon, walang pasok, magpa-Pasko na kasi. Ipagluto mo ang Diyos ng paborito Niyang putahe. Iyong mapapa-wow Siya sa sarap. Wow, nagsisimba ka na! Wow, kinakausap mo na Ako! Wow, nangungumpisal ka na! Wow, aktibo ka na sa parokya! Wow, nag-aabuloy ka na sa simbahan! Wow, mabait ka na! Wow, hindi ka na mareklamo, mapamintas, at mainggitin! Wow, nakipagkasundo ka na sa kaaway mo! Wow, iniwan mo na ang kulasisi mo! Wow, binalikan mo na ang asawa at mga anak mo! Wow, nag-aaral ka na at hindi ka na istambay sa computer shop. Wow, tinigil mo na ang pagdo-droga! Wow, hindi ka na nagsusugal, hindi ka na naglalasing, at hindi ka na nambubugbog! Wow, hindi ka na nagmumura, hindi ka na nagsisinungaling, hindi ka na mayabang! Wow, marunong ka nang magmalasakit, mabilis ka nang dumamay, magaan na sa loob mong tumulong! Wow, nakikinig ka nang mabuti bago magsalita! Wow, hindi ka na talak nang talak! Wow, disente ka na, tapat ka na, mababang-loob ka na! Wow, marunong ka nang magpasalamat ka na!
Sabihin sa katabi: “Wow, katabi pala kita!”
Sagutin: “Kanina pa kaya.”
Sana, magsilbi rin tayong dahilan para magpasalamat sa Diyos ang mga kapwa-tao natin. Higit nawang basbasan ang Diyos dahil sa atin. At tayo rin nawa ang maging basbas ng Diyos sa lahat ng tao.
Tandaan: ang “God bless you” ay hindi lamang pagbati. Ang “God bless you” ay paalala sa ating magsikap na maging dahilan ng pasasalamat sa Diyos.
At dahil diyan, may nagtext. Ang sabi: “God bless you!”
MERRY CHRISTMAS Fr. Bob! sana ok ka lang lagi, yun wish ko sayo...
ReplyDelete