Kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose
Lk 2:41-52
Ngayon ay Kapistahan ng Banal na Mag-anak. Hindi lamang ito pista nila Jesus, Maria, at Jose. Kapistahan natin ito.
Lk 2:41-52
Ngayon ay Kapistahan ng Banal na Mag-anak. Hindi lamang ito pista nila Jesus, Maria, at Jose. Kapistahan natin ito.
Kung paanong mahirap para sa kapanahunan ni Jesus na akalaing Siya ay Diyos, siya naman pong madali nating malimutang si Jesus ay taong-tao rin bagamat tanggap na nating Siya ay Diyos na tutoo. Si Jesus ay pinalaki bilang isang banal na masunurin sa batas ng mga Judyo. Judyo ang Kanyang lahi at Judaismo naman ang Kanyang relihiyon. Ang mga Salmo ang pangunahin Niyang mga panalangin at hinubog Siya ng Kanyang relihiyon batay sa makasaysayang karanasan ng Kanyang bayang Israel – ang kasaysayang mababasa natin sa Lumang Tipan.
Si Jesus ay hindi taga-ibang planeta na bigla na lang lumagpak sa langit. Isinilang Siya ni Maria na siyang nagpalaki sa Kanya , kasama ni Jose. At gaya ng mabuting Judyo, namuhay Siya tulad ng isang butihing Judyong anak na lalaki. Mula sa Kanyang mga magulang, una Niyang naranasan ang mahalin, hawakan, pakinggan, at arugain. Naging bahagi Siya hindi lamang ng Kanyang maliit na pamilya, kundi ng malawak na mag-anak na Judyo rin. At sa malawak na mag-anak na Judyong ito, kabilang ang bawat uri ng pagkakaugnay gaano man kalayo na. Malaon pa, katulad ng sa bawat pamilya, sinasabi sa atin ng ebanghelyo na si Jesus ay may mga kamag-anak at mga kapitbahay ding hindi kanais-nais.
Sa mga pangaral Niya at mapagmalasakit na pagdamay sa kapwa-tao, noong Siya ay nasa hustong edad na, ipangangaral Niya ang salita ng Diyos. Pero sa kalaunan pa iyon. Habang lumalaki, minana Niya ang salita mula sa kanilang tradisyon, gayun na rin ang manalangin ayon sa tradisyong Judeiko, ipagdiwang ang mga kostumbre ng kanyang mga kababayan, at galangin ang mga dakilang kapistahan ng Kanyang relihiyong Judaismo. Hindi ba, sa ating ebanghelyo ngayong Kapistahan ng Banal na Mag-anak kaya nagpunta sa Templo sina Jesus, Maria, at Jose ay para ipangilin ang pista ng Paskuwa? At ang sabi pa ni San Lukas, gayon nga ang kanilang ugali. Lumaki si Jesus nang isinasabuhay ang mga tradisyon ng Kanyang pagka-Judyo. Sa madaling sabi, nakabilang Siya.
Batay sa ating karanasan, habang lumalaki ang mga anak, ang kanilang pamilya ay parang isang punong pinagkakapitan nila samantalang sila ay nagsisipagsanga. Hindi mapipigilan ang kanilang pagsanga; ayaw nilang maging mga tagapagmana lang ng tradisyong kinagisnan; gusto nilang umukit ng sariling marka sa kasaysayan ng kanilang angkan. Unti-unti silang nagkakaroon ng mga sariling simulain. Minsan, bagamat alam ng mga magulang na mangyayari ang lahat ng ito, nahihirapan pa rin silang unawain at tanggapin ang landas na pinagpasiyahang tahakin ng kanilang mga anak. Bakit kaya si Junjun na topnatcher sa bar ay tinalikuran ang matagumpay na karera sa abogasiya at pumasok ng seminaryo para magpari? Si Mary Joy na kumikita nang limpak-limpak na salapi sa isang multinational company ay biglang nagbitiw sa trabaho at sumapi sa isang non-government organization sa tumutulong sa maliliit na kooperatiba. Samantalang karamihan sa mga kabataan kasalukuyan ay nais kumita ng dolyar, bakit kaya sa College of Music papasok itong si Adrian, e walang pera roon? Kailangang matutunan ng lahat ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay hindi maliliit na rebulto nila. Hindi sila projection ng kanilang mga magulang. Bagamat hindi sila ibang tao, ang mga anak ay ibang tao pa rin.
Ganyan din sa buhay ni Jesus. Nang simulan Niyang tukuyin at buuin ang Kanyang sariling mga pagpapahalaga sa buhay at ipangaral ang Kanyang sariling pananaw, natagpuan ni Jesus na Siya ay katunggali ng sarili Niyang tradisyong relihiyoso. Kaya nga, hindi miminsang narinig natin si Jesus sa ebanghelyo na ganito ang hirit: “Narinig ninyong sinabi sa inyo...ngunit sinasabi Ko sa inyo.” Isipin n’yo na lang ang laking gulat ng maraming mga Pariseo, mga eskriba, at matatanda ng bayan nang makita nilang nilalabag ni Jesus ang batas at hinihikayat pa ang Kanyang mga alagad na gayon din ang gawin: ang paghuhugas ng kamay bago kumain, ang pamamahinga sa araw ng Shabbat, ang pakikisalamuha sa mga itinuturing na patapon ng lipunan, at marami pang iba. Bakit nga ba hindi na lang manatili itong si Jesus sa mga hangganan ng Kaniyang sariling tradisyong relihiyoso?
Para sa mga kapitbahay, mga kababayan, at mga kababata Niya, si Jesus ay walang iba kundi ang anak ng karpintero. Maging mga kamag-anak ni Jesus ay aakalaing si Jesus ay na buuang na. Tila kahihiyan pa nga ang sasapitin nila, kung kaya’t may kuwento sa ebanghelyong pinipilit nang iuwi si Jesus ng Kanyang mga kamag-anak. Pero, hindi baliw si Jesus at higit pa Siya sa pagiging anak ng karpintero. May ibang pinagmumulan si Jesus sa Kanyang pagpili sa kakaibang pamumuhay.
Kakailangang harapin ni Jesus ang hidwaan sa pagitan ng magkatungaling katapatan: katapatan sa Kanyang kinamulatang tradisyon laban sa katapatan sa kalooban ng Kanyang Ama. Hahatakin si Jesus sa magkabilang direksyon: sa isang banda ay ang landas ng pagtupad sa tradisyon at sa kabila naman ay ang landas ng pagtalima sa Diyos.
Ang hidwaang iyon ay nababanaagan na sa ebanghelyo ngayong araw na ito nang si Jesus – labindalawang taong gulang pa lang – ay mas pinili ang kaabalahan ng Kanyang Ama kaysa manatiling kasamang naglalakbay pauwi ng Kanyang pamilya. Nang ipaliwanag kay Maria at Jose ang pagpiling iyon, bulong ni San Lukas ay hindi raw nila naunawaan ang sinasabi ni Jesus. Pero babalik ang hidwaang ito. At sa ngayon, sapat na munang pinagaan ni San Lukas ang tagpo sa pamamagitan ng pagsabing si Jesus ay namuhay sa ilalim ng poder ng Kanyang mga magulang na si Maria at Jose, at sa gayon ay lumago Siya sa karungan at dangal.
Sa gitna ng buhay-pamilya para kay Jesus ay isang hindi mapapalitang personalidad: ang Diyos na Ama Niyang tunay. Ang Diyos Ama rin ang nasa sentro ng hayagang pagmiministeryo ni Jesus. Ang Kanyang napakatalik na kaugnayan sa Diyos Ama ang pinakamahalaga sa Kanyang buhay. Sa kasukdulan, ang kaugnayan Niyang ito ang nagbibigay-direksyon at nagtataguyod sa Kanya; at, higit sa lahat, sa sandali ng Kanyang paghihirap at kamatayan, ang ugnayang ito pa rin ang magpapalakas sa Kanya at magkakaloob ng tagumpay. Hindi Niya talaga ipagpapalit ang ugnayang Nilang mag-ama. Nang ilarawan ni Jesus sa ebanghelyo ang sariling pamilya Niya, malinaw na ang nag-uugnay sa Kanya sa mga maaaring ituring na mga kapatid Niya ay hindi dugo kundi katapatan sa salita ng Diyos. “Ang aking ina at mga kapatid,” ika ni Jesus, “ ay silang mga nakikinig sa Diyos at isinasagawa ang kanilang napapakinggan.”
Katulad ni Jesus, ang bawat-isa sa atin ay hinahamong laging ilagay sa sentro ng ating buhay ang salita ng Diyos – pakinggan ito at isabuhay. At kapag gayon ang ating gagawin, higit pa tayo sa pagiging kamag-anak at kadugo ni Jesus.
Ngayon nga ay Kapistahan ng Banal na Mag-anak. Kabilang ka ba sa mag-anak na ito?
No comments:
Post a Comment