Pages

22 December 2009

WALANG SINUSUNDAN

Ikawalong Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:57-66

Ang sabi ng nanay ko, bago raw po ako ipinanganak, napagpasiyahan na ng tatay kong pangalanan akong Carlo Magno. Carlos po kasi ang pangalan ng tatay ko. Ayaw niya akong gawing junior, pero gusto niyang dalhin ko pa rin ang pangalan niya kahit paano. Kaya po, Carlo Magno – ang pangalan ng dakilang emperador si Charlemagne o Charles the Great.

Pero ang gusto raw ng nanay ko na ipangalan sa akin ay Joselito o Raulito o Carlito o, ang pinakabagay sa akin sa lahat, Angelito. Kasi raw, sabi niya, kapag ang pangalan mo ay may “lito”, kahit may edad ka na, batambata pa rin ang dating. Sino sa inyo ang may pangalang “Lito” o “Lita”? Itaas ang kamay. Ayan, mga mukhang batambata.

Ang gusto ng tatay ko: Carlo Magno. Ang gusto ng nanay ko: kahit ano basta may “lito”. Pero nang binyagan ako, ang ipinangalan po sa akin ay Roberto. Anong nangyari?

Ayon po sa kuwento, bago ako ipanganak, sumakabilang buhay ang pinsang-buo ng tatay ko – Robert Frank ang pangalan at Bobby ang palayaw. Hindi lang sila magpinsan, magkakabarkada pa sila, kasama ang nag-iisang kapatid at mga pinsan ng tatay ko. Kaya, halos nagluluksa pa yata sila nang ipanganak ako noon. At nang unang beses daw ako makita ng tatay ko sa nursery ng FEU Hospital, napansin niya agad na magkahawig na magkahawig daw kami ni Tito Bobby. Sabi pa po ng tatay ko, sa kanila raw magpipinsan, itong si Tito Bobby ang pinaka-guwapo kaya nga may anak na artista. Aba, kahawig ko nga!

Kayo po, anong pangalan ninyo? Gusto ba ninyo ang pangalan ninyo? Sino ang pumili ng panglan ninyo para sa inyo? At ano ang ibig sabihin ng pangalan mo? Bagay ba ang pangalan ninyo sa inyo?

Ngayong araw na ito, pinagkakaguluhan ang anak ni Zach at ni Beth. Kung sabagay, sino nga ba ang hindi magkakagulo kapag nanganak ang isang baog na lola? Anong malay mo kung normal na tao po ang ipanganganak niya. Pero, normal na normal si Johnny at tuwang-tuwa si Zach at Beth. Manghang-mangha naman ang lahat at, marahil dala na nga ng kababalaghang bumalot sa pagdadalantao sa kanya, nagbubulung-bulungan daw ang mga usisero at usisera: “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sa pagsusunat sa bata, hinahanapan ng mga panauhin ng anumang koneksyon sa pamilya nila Zach at Beth ang ipapangalan sa bata. Pero wala silang mahanap na koneksyon. Wala nga dahil wala lubhang katangi-tangi si Johnny.

Kung paanong hulog ng langit si Johnny, ang anghel ng Panginoon din naman ang nagbigay pangalan niya. Hindi ang tatay niya kundi ang Diyos ang nagpangalan kay Johnny.

Sa wikang Hebreo, ang ibig sabihin ng Johnny ay “Mabait ang Diyos.” Si Johnny ang espesyal na pahiwatig ng kagandahang-loob ng Diyos sa mag-asawang inakala na ng marami ay isinumpa sa kabaugan. Si Johnny din ang mataginting na tinig ng kabutihang-loob ng Diyos na umaalingawngaw sa tigang na ilang. Sa panawagan niya tungo sa pagbabalik-loob sa Diyos, isinisigaw niyang may pag-asang mapatawad kahit na sinong makasalanan kung ito ay magsisisi at tatalikdan ang dating pamumuhay.

Tunay ngang walang sinusundang Johnny itong si Johnny dahil siya ang susundan sa buhay ng Israel. Kasunod na niya ang Mesiyas. Inihuhudyat ni Johnny ang isang bagong pagsisimula. Nang makapagsalitang muli ang tatay niyang si Zach, hudyat na iyon ng pagbasag ng matagal na katahimikan ng Diyos mismo. Naririto na ang Kanyang tagapagsalita.

Sa loob ng napakahabang panahon, wala nang propetang lumitaw sa bayan ng Israel. Wala nang tagapagsalita ang Diyos at natuyo na ang diwang propetiko. Para sa mga Judyo, ang katahimikan ng Diyos ay nangangahulugan ng paglisan ng Kanyang kaluwalhatian sa bayang Israel. Ang pagsilang kay Johnny ay hudyat ng muling pakikipag-usap ng Diyos sa Kanyang Bayan. Nagbabalik na ang kaluwalhatian ng Diyos sa piling ng mga Judyo. At sa pagsilang naman kay Jesus, ang kaluwalhatiang ito ay magiging kaloob sa lahat na ng mga tao, hindi lamang sa mga Judyo.

Ang bait talaga ng Diyos, hindi ba? At iyan po ang ibig sabihin ng pangalan ni Johnny. Iyan din po ang pinagsikapan niyang isabuhay. Siya ang kagandahang-loob ng Diyos sa kanyang mga magulang, sa bayang Israel, at sa ating lahat.

Ikaw, anong pangalan mo? Mabait ka rin ba?

No comments:

Post a Comment