KAMUSTA KA NA, KRISTIYANONG PINOY?
Kapistahan ng Señor Sto. Niño
Kapistahang Naangkop sa Pilipinas
Mk 10:13-16
(The feast of Señor Sto. Niño is proper to the Philippines. In view of this, CRUMBS is posted today in Tagalog.)
Kapistahang Naangkop sa Pilipinas
Mk 10:13-16
(The feast of Señor Sto. Niño is proper to the Philippines. In view of this, CRUMBS is posted today in Tagalog.)
Pinoy na Pinoy ang pista ngayong araw na ito. Ang kapistahan ng Señor Sto. Niño ay kapistahang naaangkop sa Pilipinas. Ang Pilipinas ay natatanging bansang binigyan ng Santo Papa ng permiso na ipagdiwang tuwing ikatlong Linggo ng Enero ang kapistahang ito. Malalim kasi ang kaugnayan ng debosyon sa Sto. Niño sa kasaysayan ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa natin.
Sa pagdiriwang natin sa kapistahan ng Sto. Niño, ginugunita rin natin ang pagsisimula ng ebanghelisasyon sa ating bansa. Nang dumating sa ating mga dalampasigan ang mga unang Kastilang misyonero, kasama ang mga conquistadores, noong 1521, wala silang inaksayang panahon; agad nilang inakit ang ating mga ninuno sa pananampalatayang Kristiyano. Hindi naman nagtagal, ang hari ng Cebu, kasama ang kanyang mga nasasakupan, ay nagpabinyag sa mga prayle. Bilang regalo sa kanyang binyag, ibinigay ni Ferdinand Magellan kay Prinsesa Juana ang isang imahen ng Niño Jesus. Subalit naganap ang digmaan sa pagitan ni Magellan at Lapu-lapu at kanilang mga kawal, at sa loob ng mahabang panahon ay wala nang narinig pa tungkol sa imaheng iniregalo sa Prinsesa. Pansumandaling naitaboy ng ating mga ninuno ang mga dayuhang nagtangkang sumakop sa kanila. Ngunit matapos ang apatnapu’t apat na taon, nagbalik ang mga Kastila sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legazpi. Sinasabing nagkaroon nang mga panahong iyon ng malaking sunog sa Cebu at natagpuan ng mga tauhan ni Legazpi, nakabalot ng mga balumbon at nakatago sa isang kaban, ang imahen ng Niño Jesus na iniregalo ni Magellan kay Prinsesa Juana. Magpahanggang ngayon, ang imaheng ito ay nananatili sa pag-iingat ng Pilipinas at nakalagak sa Basilika ng Sto. Niño sa Arkediyosesis ng Cebu. Malinaw na malinaw na ang Sto. Niño ay nasa pagsilang ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Pero maglilimandaang taon na ang nakalipas mula nang isilang ang Kristiyanismo sa ating bansa. At kung ang iniregalong imahen ng Sto. Niño kay Prinsesa Juana ay hindi yari sa kahoy kundi tunay at buhay na sanggol noong 1521, tiyak uugud-ugod na ito. Napakatanda na Niya! Kamusta naman ang pananampalatayang isinilang nito sa ating bansa – tumanda rin ba? Nananatiling mistulang sanggol ang imahen ng Sto. Niño sa Cebu pero ang ating pagka-Kristiyano ba ay musmos pa rin? Kamusta ka na, Kristiyanong Pinoy?
Sa isang banda, malayu-layo na rin ang naabot natin bilang pinakamalaking bansang Kristiyano sa Asya. May San Lorenzo Ruiz na tayo. Meron pang Beato Pedro Calungsod – isang kabataang pinatay sa Guam bilang martir – na nagmula mismo sa Cebu. Naririyan rin ang mga kahanga-hangang kapanalig at kalahi natin – mga kilala at mga hindi pa gaanong kilala – gaya nila Mo. Ignacia del Espiritu Santo na kauna-unahang Filipinang nagtatag ng ordeng relihiyoso para sa mga katutubong Filipina at ngayon ay kandidato rin sa pagiging beata, Bp. Obviar na kilalang napakabanal na dating obispo ng Lucena at kandidato rin sa pagiging santo, ang magkapatid na Talampaz mula Tayabas, Quezon na nagtatag ng ordeng Dominikano para sa mga katutubong babaeng Filipina at ngayon ay inaayos na rin ang pagiging mga santa, si Richie Fernando na kapanahon natin – isang seminaristang Jesuita na nag-alay ng buhay sa Cambodia para iligtas ang isang may kapansanan mula sa pagsabog ng granada at ngayon pa lang ay kinikilala na ng maraming nakaaalam ng kanyang kuwento bilang isang makabagong martir, at marami pang iba.
Ngunit sa kabilang banda, parang mga bata pa rin ang marami sa atin. Hindi pa rin lumalago ang pananampalataya. Ang iba pa nga, talagang ayaw na nilang lumago. Mahirap kasing lumago; kakailanganing balikatin ang mga pananagutan ng pagiging hindi na musmos. Kaya, marami pa ring panatisismo ang pagka-Katoliko. Minsan nga halu-halo na: magkabilaan ang imahen ng Sto. Niño at imahen ni Buddha sa kanilang altar. Meron pang kuntento na lang sa padebo-debosyon, paprusi-prusisyon, paluhud-luhod, at padipa-dipa; pero kapag pagkakawanggawa, paglilingkod, pag-aabuloy, pagsasakripisyo, at pagmamalasakit sa iba ang hinihingi ng pagkakataon, next time na lang daw at magnonobena pa sila. May mga napako na lang sa mga hima-himala – kung saan may marinig na may himala, takbo agad sila roon – at meron din namang parang naghihimalang nagpapapako sa krus taun-taon. At kung Sto. Niño din lang ang pag-uusapan, naririyan daw ang sumasayaw, naggagala, naglalaro, kumakain, nagtatampo, tumatawa, sumasanib sa tao, nagpapawis, at nagwiwiwi pa! Meron na ring iba’t ibang uri ng Sto. Niño: may Sto. Ninong bumbero, pulis, doktor, basurero, kaminero, kartero, magsasaka, mangingisda, mangangalkal, at marami pang iba. Para ngang sinadya ng ilan sa atin na hindi na palakihin ang Sto. Niño; sa halip, pinarami na lang Siya. At kapag marami na, may kompetisyon pa kung alin sa iba’t ibang uri ng Sto. Niño ang pinaka-cute, pinaka-antigo, at, higit sa lahat, pinakamilagroso. Hay, naku nga naman, Pinoy na Pinoy talaga! Hindi ko tuloy mapigilang tanungin, na-napadadalisay nga ba ng Kristiyanismo ang mga gawi natin o dinudumihan lang natin ang Kristiyanismo?
At bakit nga kaya tayong isang bansang Kristiyano ay isa rin sa mga nangungunang bansang tiwali sa buong mundo? Bakit kaya sa kabila ng katotohanang karamihan sa mga pinuno at mga may sinasabi sa ating lipunan ay nag-aral at nagtapos sa mga pangunahin at mahuhusay na pamantasang Katoliko sa buong Pilipinas, talamak pa rin ang kasakiman, nakawan, patayan, kidnapan, at marami pang kasamaan? Bakit nga kaya? Puwedeng-puwede nating gamitin tungkol sa atin ang minsang sinabi ni Dom Helder Camara: “Why is life so cheap in a land so rich in Christian heritage?”
Posible kayang hindi talaga lumago ang tunay na pananampalatayang Kristiyano sa ating indibidwal na pagkatao at pagiging isang bansa? O baka lumalago naman pero sadyang napakabagal lang talaga?
Ang imahen ng Sto. Niño sa Cebu ay hindi lumalaki dahil kahoy lang ito. Subalit si Jesus, na inilalarawan ng Sto. Niño, ay lumaki dahil buhay Siyang tutoo. Ang pananampalataya kaya nating mga Pinoy?
2 Comments:
Dear Jesus, You were once a child. I know that children have a special place in Your heart. I pray for all the children who cannot see the beauty of life. Lift them up Lord and pave the way for them to have the chance of improving their lives. To leave poverty, greed and evil from the hearts of others. Have pity on them, Lord. Amen . - rory
Father God, bless our childish faith. I pray that our country and as well every Filipinos will grow in their faith, values and love. Show us that we will be more helpful to our fellow Christians.
God bless po...
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home