Pages

13 March 2016

AWA ANG "PASSION" NI KRISTO

Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Jn 8:1-11 (I 43:16-21 / Slm 126 / Phil 3:8-14)

May tsismis po ako.  Ayon po sa pinakamatanda at mapagkakatiwalaang mga kasulatan, gayun din sa mga sinaunang patutoo, ang Jn 7:53 hanggang 8:11 ay wala sa dating sipi ng Ebanghelyo ayon kay San Juan.  Napapaloob po sa mga bersikulong ito – Jn 7:53 hanggang 8:11 – ang Ebanghelyo ngayong Ikalimang Linggo ng Kuwaresma: ang kuwento ng pagtatagpo ng kasalanan at habag, ng babaeng nahuling nakikiapid at ni Jesus.

Hindi po ba kayo nababagabag o na-iintriga man lang?  Ang binasa nating Ebanghelyo ngayong Linggong ito ay wala sa sinaunang ebanghelyo ayon kay San Juan!  Pero wala nga po ba o nawawala o nawala?  Hindi kaya winala?

Ang sabi ng ilang mga dalubhasa sa Banal na Bibliya, hindi raw po agad isinama sa Ebanghelyo ayon kay San Juan ang kuwentong ito ng pagpapatawad ni Jesus sa babeng nahuling nakikipid at ang kadahilan ika ay sapagkat tila nahihirapan ang maraming mga Kristiyano noon na tanggapin ang mistulang pagkamaluwag ni Jesus sa babaeng nagkasala.  At ang pagka-alibughang ito ni Jesus sa Kanyang pakikitungo sa babaeng makasalanan ay taliwas na taliwas naman po sa napakahigpit at marahas na pagpepenetensya ng marami noon sa sinaunang Iglesya.  Eh iyan nga po ang problema ng maraming tao kay Jesus, hindi ba?  Napaka-weird ng Kanyang habag.  Napakadali Niyang magpatawad.  Napakamaawain po Niya sa mga makasalanan.

Napakaraming beses ko na pong ikinuwento ito, isa po kasi ito sa mga paborito ko, kaya’t hayaan n’yo po sana akong muli itong isalaysay sa inyo.  Sa gitna raw po ng isang matinding digmaan, may isang batang kawal na Frances ang tumiwalag sa hanay ng mga mandirigma ni Napoleon.  Ngunit agad din naman daw po siyang nadakip ng sariling tropa.  Patay siyang batang siya!  Sapagkat kamatayan daw po ang parusa ni Napoleon sa mga kawal niyang nahuhuli matapos tumitiwalag sa digmaan.

Nang marinig daw po ng ina ng kawal na ang kanyang anak ay pinatawan ng parusang kamatayan, nagmamadali itong pumunta kay Napoleon at ipagmakaawa ang buhay ng anak.

“Mahabag po kayo, O Ginoo,” pagsusumamo ng babae.  “Patawarin n’yo na po sana ang anak ko.  Maawa po kayo sa kanya.”

“Awa?” tanong ni Napoleon.  “Ginang, ang anak mo ay hindi dapat pamarisan at lalong hindi siya karapatdapat kaawaan.”

“Opo, Ginoo,” wika ng ina, “ang anak ko ay hindi karapatdapat kaawaan.  Sapagkat kung sa awa siya ay karapatdapat, hindi na po iyon awa.”

Natauhan daw po si Napoleon at noong araw ding iyon ay naligtas mula sa tiyak na kamatayan ang isang nagkasala.

Noong nakaraang Linggo lang po, pinakita na ito sa atin ng Salita ng Diyos: ang dapat sana sa atin ay kaparusahan subalit ang iginawad sa atin ay kapatawaran; nararapat tayo sa kamatayan ngunit ang ibinigay sa atin ay habag.  Lahat po tayo ay bagsak pero nakapapasa pa rin dahil sa awa ng Diyos.  Tayong lahat, opo, tayong lahat, walang exempted, ay mga pasang-awa.  At hindi po tayo karapatdapat sa awang ito.

Ang awa ay para lamang po sa mga hindi karapatdapat.  Ang dapat po sa mga karapatdapat ay gantimpala.  At hindi po gantimpala ang awa.  Bakit mo kaaawaan ang karapatdapat?  Bigyan mo siya ng premyo!  Sabitan mo siya ng medalya!  Ipagpagawa mo siya ng rebulto!  Ngunit ang nagkasala, gagawaran mo siya ng premyo, aabutan mo ba siya ng plake, ipagtatayo mo ba siya ng bantayog?  Hindi.  Lilitisin mo siya.  Hahatulan.  Parurusahan.  Ang nararapat sa nagkasala ay parusa.  Subalit maaari mo rin siyang patawarin, tulungang bumangon, at bigyan ng pagkakataong magsimulang muli.  Awa po ang tawag doon.  At malinaw na ang awa ay hindi gantimpala kaya naman po, ang awa ay para lamang sa mga hindi karapatdapat sa awa.

Ikaw, karapatdapat ka ba sa awa?  Hindi.  Huwag mo po sanang sabihing dapat ka lang kaawaan dahil madasalin ka, mapag-ayuno, mapanlimos.  Hindi gantimapala ang awa ng Diyos.  Huwag mo po sanang isiping dapat ka ngang kaawaan dahil malaki ang bigay mong tulong sa simbahan.  Hindi nabibili ang awa ng Diyos.  Huwag mo po sanang ipangalandakang mas dapat kang patawarin kaysa iba sapagkat mas kaunti at mas magaan ang mga kasalanan mo kaysa sa kanila.  Pasang-awa ka rin, maniwala.  Wala pong nakapapasok sa langit na summa cum laude ang grado ng buhay.  Tanging awa po ng Diyos ang nagpapapasok sa atin sa langit.  Ikaw at ako ay mga pasang-awa ng Diyos.

Ito po ang nalimutan ng mga eskriba at mga Pariseo na kumaladlad sa babaeng nahuling nakiapid para hatulan ni Jesus.  Ito rin po ang madalas nating malimutang lahat.  May hawak silang bato para batuhin ang babaeng nagkasala hanggang sa ito ay mamatay.  Tayo, ano ba ang hawak-hawak natin?  Madalas, patago pa natin itong tangan-tangan.  Ayon sa batas, ang mga babaeng katulad ng nahuli ng mga eskriba at Pariseo sa Ebanghelyong binasa natin ngayon ay dapat batuhin sa labas ng bayan hanggang sa mamatay.  Pero ayon sa Panginoon, “Ang sinumang walang sala sa inyo, siya ang unang pumukol ng bato.”  Kamatayan ang hatol ng tao at ang bukambibig pa ay dura lex sed lex (“marahas ang batas pero iyan ang batas”).  Ngunit ang ang tugon ng Diyos ay kapatawaran at ang hamon Niya sa pinatawad ay “Humayo ka at huwag nang magkasalang muli.”  Ang gustong-gusto ng mga tao ay parusahan ang nagkasala subalit ang ninanais ng Diyos ay tulungan ang nagkasala na mabuong muli ang nawasak nitong pagkatao.

Tayo po, ano gusto natin?  Madalas kung tayo ang nagkasala, ang nais natin ay kaawaan tayo, pero kapag iba na ang nagkasala, lalo na po kung tayo ang naagrabyado, ang sigaw natin ay katarungan.  Baka may nalilimutan po tayo.

Sa tuwing babasahin ko ang Ebanghelyong ito, hindi ko maalis sa isip ang ilang tanong.

Sino po kaya ang maninilip o mga maninilip?  Nahuli raw po kasi sa mismong akto ng pakikiapid ang babaeng babatuhin nila.  Kung gayon, may nanonood o mga nanonood samantalang nangyayari ang mismong akto ng pangangalunya.  Nasaan ang mga maninilip na ito?  Hindi kaya kasama rin sila sa mga may hawak ng bato?

At nasaan din naman po kaya ang lalaking kalaguyo ng babaeng ito?  Memoryado ng mga eskriba at mga Pariseo ang sinasabi ng Batas ni Moises sa mga babaeng katulad ng nahuli nila – batuhin hanggang mamatay – subalit tila limot nila ang hatol ng parehong Batas sa lalaking kalaguyo.  Nasasaad sa Deut 22:22, “Kung ang isang lalaki ay makipagtalik sa asawa ng iba, pareho silang dapat mamatay, nakiapid at nagpa-apid, at nang gayon ay mawala sa Israel ang peste.”  Nasaan ang kalaguyong ito?  Hindi po kaya isa rin siya sa mga may hawak ng bato?

Ang Ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag pong “Passiontide”.  Paigting nang paigting na po kasi ang mga sirkumstansya ng pasyon ni Jesus.  Parang kati o tide, pataas nang pataas na po ang tension.  Pero kitang-kita po nating lahat na ang paigting nang paigting na pasyon ni Jesus ay hindi ang paghihirap Niya kundi ang pagkamahabagin Niya.  Awa ang passion ni Kristo.  Itinuro Niya po ito sa atin noong nakaraang Linggo sa Talinhaga ng Alibughang Anak.  Ipinakita Niya po ito sa atin ngayong araw na ito sa pagpapatawad Niya sa babaeng nakiapid.  At sa Kalbaryo, paulit-ulit Niya po itong sasambitin at gagawin: “Ama, patawarin Mo po sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”; “Tunay na tunay Kong sinasabi sa iyo, ‘Ngayong araw ding ito, makakasama Kita sa paraiso.’”  Passion po ni Jesus na maawa.  Passion Niya pong magpatawad.  Passion Niya pong magbigay ng maraming pagkakataon sa mga makasalanan.  Kayo po, ano ba ang passion n’yo?  Is mercy your passion, too?  Gayun di po ba kayo ka-passionate kung mahabag at magpatawad?

Para n’yo na pong awa, maawa tayo.  Una tayong kinaawaan ng Diyos.  Magpatawad po kung paanong pinatatawad Niya tayo.
           



No comments:

Post a Comment