Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Lk 15:1-3, 11-32
(Jos 5:9, 10-12 / Ps 34 / 2 Cor 5:17-21)
Ngayon
po ay Laetare Sunday. Kung hindi po tayo
umawit ng entrance song kanina,
babasahin po natin ang entrance antiphon
para sa Banal na Misang ito. At ito po
ang entrance antiphon ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma: “Laetare Jerusalem: et conventum facite omnes
qui diligitis eam: gaudete cum laetitia, qui in tristitia fuistis: ut
exsultetis, et satiemini ab uberibus consolationis vestrae.” Sa Ingles: “Rejoice, O Jerusalem: and come together all
you that love her: rejoice with joy, you that have been in sorrow: that you may
exult, and be filled from the breasts of your consolation.” At sa atin pa po: “Magalak ka, O Jerusalem,
at kayong magtipon kayong lahat na nagmamahal sa kanya: magalak kayo nang may
kaligayahan, kayong nagsipagtangis, upang kayo ay magsipagtalon sa tuwa at
managana mula sa dibdib ng inyong kaaliwan.”
Kaya po ang tawag sa Linggong ito ay Laetare Sunday. Matapos po nating makalahati ang mapagtimping
panahon ng Kuwaresma, pinalulundag tayo sa di mapigil na kagalakan at
pinasisigaw sa malaking kaligayahan. Sa
gitna ng kadilimang bumabalot sa Kuwaresma ng ating pag-amin, pagsisisi, at
pagkamuhi sa ating mga kasalanan, nababanaag na po natin ngayon ang liwanag ng
mapanligtas at masaganang kapatawarang tila sumasambulat mula sa hindi na
kalayuang Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay.
Magalak ka, mahal na mahal ka ng Diyos!
Hindi ka Niya pababayaan. Matuwa ka,
pinatatawad na ng Diyos ang inyong mga kasalanan. Magsimula ka nang muli. Kung dati bawal pumalakpak nang hindi mabasag
ang banal na katahimikan ng Kuwaresma, ngayon po naman palakpakan natin ang
kabutihang-loob ng Diyos sa atin. Sagot
pa nga po natin sa Salmo ngayong Linggong ito: “Taste and see the goodness of the Lord.” Huwag mo lang tingnan, namnamin mo, kapatid,
ang kabutihan ng Panginoon. Bago mo pa
nga makita, nalalasap mo na ang Kanyang kabaitan. Kaya mo nga nakilala ang kagadahang-loob ng
Panginoon ay sapagkat naranasan mo ito. Taste and see the goodness of the Lord!
Sa
ilang, natikman ng ating mga ninuno ang kabutihan ng Diyos nang pakanin Niya
sila ng manna araw-araw. Hindi po Niya
sila pinabayaan. Hindi Niya sila
pinalaya sa Ehipto para lamang mamatay nang dilat ang mga mata sa ilang. At nang marating nila ang Lupang Pangako,
gaya ng isinasalaysay sa atin ng unang pagbasa ngayon, pinakain naman sila ng
Diyos ng bunga ng lupang iyon.
Ang kabutihang-loob
ng Diyos ay laging malinamnam at nakabubusog.
Nalalasap pa po ba natin ito?
Ganito pa rin po ba ang turing natin sa kabaitan ng Diyos? Naipalalasap din po ba natin sa ibang tao ang
kagandahang-loob na ito ng Diyos? Baka
naman tayo lang po ang busog samantalang ang iba ay gutom. Baka rin po panis na ang naibabahagi natin sa
iba? Ipatikim natin sa ating kapwa, lalo
na sa mga dukha sa marami at iba’t ibang aspeto ng buhay, ang tamis ng
pagkalinga ng Diyos.
Kaya
nga po, gitna ng kagalakan ngayong Linggo ng Laetare, dalangin nating patuloy
tayong baguhin ng Diyos. Gaya ng
sinasabi ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa ngayon, tayong na kay Kristo
Jesus nawa ay maging mga bagong nilikha.
Sana po ang luma nating pagkatao na batbat ng anumang pag-uugaling
taliwas sa binyag na ating tinanggap ay tuluyan na nating iwaksi at lubusan na
nating yakapin ang buhay na bago, ganap, at higit na kawangis ni Jesus. Mabilis po ang paalala ni San Pablo, baka
sakali po kasing isipin nating magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating
sariling kakayahan o galing: “Ang lahat ng ito,” wika ng Apostol, “ay gawa ng
Diyos, na, sa pamamagitan ni Kristo, ay pinagkasundo tayo sa Kanya at
pinagkatiwala sa atin ang paglilingkod ng pakikipagkasundo.” Bilang mga bagong nilikha kay Kristo, tayo
po, katulad ng turing ni San Pablo sa kanyang sarili, ay mga sugo ng
pagkakasundo sa ngalan ni Kristo.
Tingnan
po nating mabuti ang ating sarili upang makita ang katotohanan kung sugo nga
tayo ng pagkakasundo o mitsa tayo ng pag-aaway-away. Tayo po ba ay daan ng kapayapaan o balakid
tayo sa tunay na pagmamahalan. Sa salita
at gawa kitang-kita po bang sugo tayo sa ngalan ni Kristo o halatang-halatang
kampon tayo ng kalaban ni Kristo?
Isabuhay na po natin nang lubusan ang ating pagiging bagong nilikha.
Hindi
katulad ng nakatatandang kapatid sa Talinhaga ng Alibughang Anak. Akala po natin iba siya sa nakababata niyang
kapatid. Akala po natin siya na sana ang
ulirang anak ng kanilang ama. Iyon po
pala hindi. Wala rin siyang pinag-iba sa
bunso. Hindi n’ya nga iniwan ang
ama. Pero malayo naman po pala ang
kanyang puso sa kanya. Nakatira pa rin
siya sa bahay nila at masunurin sa ama.
Pero matagal na po pala siyang naglayas – baka nauna pa sa bunso – dahil
hindi pala puso ng anak ang sumusunod sa mga utos ng ama kundi isip ng isang
alipin. Wala na po palang pag-ibig sa
kanyang puso kundi makasariling pakay na lang.
Oo nagpaka-alipin siya pero balang-araw ay maniningil siya. “Look, All these years,” sumbat pa niya sa
ama, “I have slaved for you. Never have
I disobeyed your orders. Yet you have
never given me even a young goat to celebrate with my friends.” Sounds
familiar? Kaya pala mabait kasi may hidden agenda. Kaya pala ubod nang pagkamasunurin kasi may
hinihintay na kapalit. At dahil naunahan
siya ng bunsong kapatid, yamot na yamot siya.
Palagay ko po, dagdag na lang sa galit niya yaong pagkawaldas ng kapatid
sa manang naunahan siyang makuha. Walang
pagbabago. Walang pinag-iba. Pareho lang silang magkapatid.
Tayo
rin po, pare-pareho tayo. Pare-pareho po
tayong bagsak. At gaya nang madalas kong
sabihin, tanging awa ng Diyos lamang ang nagpapasa sa atin. Sabi ni San Pablo Apostol sa Rom 3:23, lahat
daw po tayo ay may atraso sa Diyos at salat na salat sa Kanyang
kaluwalhatian. Sa larangan ng
pagkawalang-bahid, wala po sa ating mas malinis kaysa iba. Wala po sa ating mas magaling kaysa iba kung
pagiging masunurin sa Diyos ang pag-uusapan.
Ang pagkamatuwid ay hindi paligsahang isa laban sa isa. Bagsak po tayong lahat. Pero pumapasa! Kasi nga po pinapasa ng awa ng Diyos. Lahat tayo ay pasang-awa. Kaya nga po nagagalit si Jesus sa mga Pariseo
at mga eskriba na ang tingin sa sarili ay pasado sila samantalang ang mga
publikano at ibang makasalanan ay bagsak.
Baka naman ganyan din po ang tingin natin sa ating sarili. Pasang-awa din lang tayong lahat.
Kung
ang grado mo ay 75 – iyan po ang grado ng pasang-awa, hindi ba? – hindi ba ang
laki na ng pasasalamat mo na hindi ka bumagsak?
Kung pinasa ka pa rin sa kabila ng dapat sana ay bagsak ka, hindi ka ba
lulundag sa tuwa? Kung 74 ang marka mo,
manghihinayang ka, at, naku, hinayang na hinayang ka talaga dahil isang puntos
na lang ay pasado ka pa sana. Pero kung
75, kahit pa menos isang puntos ay bagsak ka na sana, naku, tuwang-tuwa ka na
at abu’t abot ang pasasalamat mo dahil nakapasa ka pa. Kaya, laetare! Magalak ka!
Pero
sana huwag kang sakim sa kagalakan mo.
Alalahanin mo rin sana ang mga nangangailangan ng kapatawaran mo. Sana po ang handog na ating tinanggap mula sa
Diyos ay handog din natin sa iba nang bukal sa loob at taus sa puso. Sa ating pagkatao, sana po, malasap at makita
ng lahat ang kabutihan ng Diyos.
No comments:
Post a Comment