Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 20:1-9 (Gawa
10:34, 37-43 / Slm 117 / 1 Cor 5:6-8)
Magandang buhay po sa inyong
lahat! Iyan po yata ang usong pambati
ngayon. Napakadalas ko na pong marinig
ito at makailang beses na rin akong nabati nang ganito. Magandang buhay po muli sa inyong lahat!
Mapa-umaga, tanghali, o gabi,
magandang buhay nga po sa inyong lahat.
Iyan naman po talaga ang ibig sabihin natin kapag bumabati tayo ng
magandang umaga o magandang tanghali o magandang gabi, hindi ba? Ninanais po natin ang isang magandang buhay
para sa binabati natin. Hinahamon din po
natin siyang gawing higit pang maganda ang buhay niya at ng kanyang kapwa. Ang magandang buhay ay pangarap at misyon
nating lahat.
Ano nga po ba ang magandang buhay?
Ang magandang buhay ay hindi po
buhay ng taong maganda. Maraming
magaganda nga pero pangit naman po ang pamumuhay, hindi ba? Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng
taong mayaman. Hindi po lahat ng mayaman
ay maganda ang ikinabubuhay, hindi ba?
Ang magandang buhay ay hindi po buhay ng taong makapangyarihan. Hindi po porke makapangyarihan ay ginagamit
ang kapangyarihan para sa ikagaganda ng buhay ng iba, hindi ba? Ang magandang buhay ay hindi po buhay na
walang pagsubok, walang tiisin, walang kasalatan, walang kahinaan.
Ang
magandang buhay ay buhay na maka-Diyos, buhay na para sa Diyos, buhay na
nakatalaga sa Diyos, buhay na nag-uumapaw ng Diyos, buhay na mahalimuyak sa
Diyos, buhay na inialay sa Diyos, buhay na tulad ng sa Diyos. Ang magandang buhay ay buhay ng Diyos. Palibhasa, ang Diyos po ang batayan natin ng
kagandahan. Mas malapit sa Diyos, mas
maganda dahil mas malapit sa Kagandahan mismo.
Mas malayo sa Diyos mas pangit dahil mas malayo sa Kagandahang
mismo. Ang magandang buhay ay buhay po
ng Diyos. Ang magandang buhay ay ang pamumuhay po tulad ni Kristo.
Sa
sariling kakayahan, hinding hindi po natin kayang makamit ang magandang
buhay. Sapagkat ang magandang buhay ay
buhay nga po ng Diyos, tanging Diyos din lamang ang makapagbibigay sa atin ng
buhay na maganda. Maliban po sa buhay ng
Diyos, pangit na ang lahat ng buhay.
Kaya nga po nag-uumapaw ang kagalakan at pasasalamat natin ngayong Pasko
ng Magmuling-Pagkabuhay ni Kristo, sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang
magmuling-pagkabuhay, naipagkaloob sa atin ni Jesus ang buhay ng Diyos, ang
tunay na magandang buhay. Sa Kanyang
magmuling-pagkabuhay, binabati po tayo ng Panginoon. Sinasabi Niya sa atin: “Magandang
buhay!” Ibinibigay Niya sa atin: Magandang
buhay! Isinusugo Niya tayo: Magandang
buhay! Ang bati, kaloob, at atas sa atin
ni Jesus na magmuling-nabuhay ay “Magandang buhay!”
Dahil
sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus, tayo po ay naging “Bayan ng Magandang
Buhay”. Isabuhay po natin ang magandang
buhay na magmuling-pagkabuhay ni Kristo.
Huwag po sanang manatiling pagbati lamang para sa atin ang “Magandang buhay”;
sa halip, ito po sana ang tunay na maging buhay at pamumuhay natin. Ito rin po sana ang maging layunin natin sa
buhay: ang gawing maganda ang buhay ng ating kapwa, lalong lalo na po ang buhay
ng mga maralita. Sana po, kung paanong
hinanap ni Maria Magdalena si Jesus, hanapin din natin ang mga dukha: huwag na
po nating hintaying sila pa ang lumapit sa atin; lapitan natin sila. May ilan sa kanila ang lapit nang lapit pero
higit pa pong marami ang hindi makalapit-lapit sa atin, nahihiyang makihalubilo
sa atin, nagdadalawang-isip kumausap sa atin, nanliliit tumabi sa atin,
natatakot makiusap sa atin. Sana po,
kung paanong nag-alala si Maria Magdalena sapagkat nawawala si Jesus, mabagabag
naman tayo kapag walang laman ang hapag ng mga dukha, kapag walang mapasukang
maayos na trabaho ang mga nagnanais namang maghanap-buhay nang tama, kapag
walang disenteng tirahan ang mga maralita, kapag walang nakikinig sa hinaing ng
mahihirap, kapag walang nagsisilbing tinig para sa karapatan ng mga api, kapag
walang Jesus na makita ang mga maliliit at minamaliit sa lipunan sapagkat
walang nagmamalasakit sa kanila. Kapag
nawawala ang mga dukha sa pagtitipon natin bilang parokya, bilang iglesiya,
bilang Bayan ng Diyos, mag-alala rin po sana tayo, tanungin kung bakit, at sunduin
natin sila. Sana po, kung paanong nagmamadali
sina Simon Pedro at Juan para puntahan si Jesus, magmadali rin naman tayo kapag
kapakanan ng mahihirap ang kailangan nating pagtuunan. At sana rin naman po, katulad ni Juan, kapag nakita
ng mga dukha ang pagsisikap nating tulungan silang gumanda ang buhay nila, maniwala
silang si Jesukristo ay nabuhay ngang magmuli. Magagawa natin ito sapagkat, sa pamamagitan ng
Kanyang magmuling-pagkabuhay, pinagkalooban na po tayo ni Jesus ng magandang buhay.
Magandang
buhay po sa inyong lahat! Magtulungan po
tayong pagandahin ang buhay ng ating kapwa.
No comments:
Post a Comment