Pages

11 April 2015

AN EASTER COMMUNITY: A COMMUNITY OF MERCY

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Linggo ng Awa
Jn 20:19-31 (Gawa 4:12-35 / Slm 117 / I Juan 5:1-6)


Maliban sa pagpapakita kay Maria Magdalena noong umaga ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay, wala na pong nasusulat sa Bibliya na pinagpakitaan ni Jesus nang isahan o solo.  Pansinin po ninyo, the Risen Christ always appears in the midst of His disciples.  Sa mga Ebanghelyo, pagkatapos po Niyang magmuling-nabuhay, si Jesus ay lumilitaw lamang sa gitna ng natitipong mga alagad.  Malinaw po ang layunin ng mga sumulat ng Ebanghelyo: makatatagpo natin ang magmuling-nabuhay na Kristo sa ating kinabibilangang community. Kaya kahit ano pang kapintasan ng community natin, hanapin po natin Siya roon!

Tingnan po ninyo si Tomas: hindi lamang sa hindi siya makapaniwala na si Jesus ay magmuling-nabuhay, ayaw niyang maniwala!  Absent po kasi siya sa community niya nang unang magpakita si Jesus sa mga alagad pagkatapos Niyang magmuling-mabuhay. At dahil wala nga siya sa community, hindi nakita ni Tomas si Jesus.

Tayo po ba, lagi ba tayong present sa community natin?  Naku, baka lagi po tayong absent ha!   At hindi po basta kung anong community lang, kundi ang Christian community natin. Ang Christian community natin ay yaong ang sambayanan na kung saan tinawag at hinirang tayo ni Jesus upang mag-ugat, umusbong, lumago, at mamunga nang masagana. Kapag lagi po tayong absent sa Christian community natin, may mga biyayang dapat sana nating natanggap kung naroroon lamang sana tayo pero hindi natin natatanggap kasi palagi tayong wala. At sayang din naman po ang mga biyayang natatanggap sana ng mga kapatid natin sa community pero, dahil absent tayo nang absent, hindi ito makarating-rating sa kanila.  Nakakalungkot po kasi para sa marami bale-wala lang ito. Nagdadahilan pa nga po ang iba: “Ako lang naman ang wala eh; hindi na nila 'yun  mapapansin."  O kaya, "Ngayon lang naman ako uma-absent. Bakit si ganito, si ganun, mas madalas wala?” Tandaan po natin, hindi  agad nakatagpo ni Tomas si Jesus kasi absent siya nang magpakita si Jesus sa mga alagad!

Balikan po natin sandali ang kuwento ni Maria Magdalena at ng dalawang alagad na naglakbay patungong Emmaus.

Nag-iisa nga po si Maria Magdalena sa pribilehiyong pagpakitaan ni Jesus nang solo pagkatapos ng magmuling-pagkabuhay. Ngunit sa Jn 20:17, nang simulang hawak-hawakan ni Maria Magdalena si Jesus, sinabi po ng Panginoon sa kanya, “Huwag mo Akong hawakan… . Sa halip, magpunta ka sa Aking mga kapatid… .” Malinaw na bagamat nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena nang sarilinan, ang pakay pa rin ng Panginoon ay ibalik si Maria Magdalena sa kanyang community. At hindi lamang po siya basta-basta pinababalik ng Panginoong magmuling-nabuhay sa kanyang community, bagkus pinagkatiwalaan pa siya ng napakahalagang misyon: “… at sabihin mo sa kanila… ” wika ni Jesus kay Maria Magdalena. Pinabalik po ni Jesus si Maria Magdalena bibit ang misyong dapat niyang tupdin para sa community: ang magpatutoo sa magmuling-pagkabuhay. Kaya nga po si Maria Magdalena ang tinaguriang unang misyonero ng magmuling-pagkabuhay ng Panginoon, at, kapuna-puna rin po na si Maria Magdalena ang misyonero sa mga apostol.

Kung ikaw ay napapawalay sa iyong community, baka pinababalik ka na po ng Panginoon. Baka ikaw po ang hinihintay Niyang misyonero ng magmuling-pagkabuhay sa sarili mong community. Kuntento ka na ba na nakita mo ang Panginoon sa kung saan at sa kung sino, at ngayon ay ayaw mo nang balikan ang community mo? Ilan po kaya rito ang mga hindi tagarito sa parokyang ito? Hala, bumalik na kayo sa parokya ninyo. Ilan kaya naman po kaya ang mga tagarito pero nasa ibang parokya? Hala, gumawa tayo ng mabuting dahilan para bumalik na sila.

Ang dalawang alagad naman na naglalakbay patungong Emmaus – kahit pa dadalawa lamang sila, munting community na rin sila, hindi po ba?  Nakita rin po nila ang Panginoon, bagamat huli na nang makilala nila Siya. Ngunit, ayon po sa Lk 24:32, matapos nila makilala si Jesus sa paghahati ng tinapay, nawala Ito sa kanilang paningin at naitanong nila sa isa’t isa, “Hindi ba nag-uumapoy ang ating mga puso habang kinakausap Niya tayo sa daan at ipinaliliwanag ang Mga Banal na Kasulatan sa atin?” At para nga pong hindi lang mga puso nila ang nag-umapoy dahil, parang napaso sa kanilang pagkakaupo, nagmamadali silang tumakbo pabalik sa community nila sa Jerusalem. Ang community na iniwan nila ay binalikan nila.  Ang community na tinatakasan nila ay muli nilang niyakap matapos mag-umapoy ang kanilang mga puso. Sinabi ni San Juan Pablo II sa kanyang kahuli-hulihang Apostolic Letter na pinamagatang “Mane Nobiscum, Domine” o “Stay With Us, Lord” – ang mga kataga sa paanyaya sa Panginoon ng dalawang alagad sa Emmaus – na nawala na raw ang Panginoon sa paningin ng mga alagad na yaon dahil hindi na raw po nila kailangan pang makita Siya sapagkat Siya ay nasa sa puso na nila. Si Jesus ay hindi lamang magmuling-nabuhay mula sa libingan, magmuli rin po Siyang nabuhay sa puso ng Kanyang mga alagad.

Nang makabalik na sila sa kanilang community, ayon sa Lk 24:34, sinalubong daw po ang dalawang alagad na ito ng masayang bati: “Tutoo nga! Binuhay nang magmuli ang Panginoon at nagpakita Siya kay Simon.” Wala nang sumbatan. Wala nang sisihan. Wala nang insultuhan. Wala nang pagpapalitan ng maaanghang na salita. Wala nang bintangan. Ang lahat po ay natuon kay Jesus at sa Kanyang magmuling-pagkabuhay. At dahil kay Jesus nakatuon ang lahat, nalampasan po nila ang anumang namagitan sa kanila at ang kanilang community ay pinagpanibago rin ng magmuling-pagkabuhay ni Jesus. Community pa rin, hindi po ba? Ganyan po ang Easter people!  Ganyan ang Easter community.

Easter people po ba tayo? Easter community po ba ang ating parokya, ang kinabibilangan nating church organization, ang ating liturgical ministry, ang ating mga tinatawag na covenanted community? Si Jesus po ba talaga at ang Kanyang magmuling-pagkabuhay ang nagbubuklod sa ating community o pinagbubukud-bukod na tayo ng galit, inggit, sama ng loob, asar, poot, hinanakit, tampo, at pagsususpetsa? Sa halip na makibuklod tayo, baka naman po bukod tayo nang bukod.  Talaga po bang nagkakaisa tayo kay Jesus o may pinagkakaisahan tayong tao o grupo, pero tingin pa rin natin sa sarili natin ay Easter People tayo?  Ay, maling-mali po!  Kung tunay ngang pinag-uumapoy ni Jesus ang ating puso, hindi kaya dapat ay napakaalab at napakadalisay nating magmahal; sapagkat ang apoy ay nakapagpapainit at nakalilinis. At hindi po porke maalab ay dalisay ha, at hindi rin porke dalisay ay maalab na; kaya dapat sabay nating pagsikapang maalab at dalisay tayong magmahal.

Sa lupang ibabaw, wala pong perfect community ngunit, sa kabila noon, minamarapat pa rin ni Jesus na makita, makilala, makatagpo, at maranasan natin Siya sa ating community. And Jesus does not only give us an experience of His resurrection in our community but also for our community, so that having met Him in our community we may strive to make our community more and more a community of Easter people. Thus, our community should both express and nourish our Easter experience. Otherwise, we may call our community anything except a Christian community.

Napakamakahulugan po na sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ay ipinagdiriwang din natin ang Linggo ng Awa o Mercy Sunday. Ngayon po ay kapistahan ng Divine Mercy o Mabathalang Awa. Kabilang po sa panawagan ng kapistahang ito ay ang  pagsikapan nating gawing sambayanan ng awa ang ating community. Ang awang ito ay kailangang pong maipadama natin hindi lamang sa pamamagitan ng pagiging mapagpatawad kundi pati rin sa pagiging mapagmalasakit natin sa isa’t isa at maging sa mga hindi kabilang sa ating community. Ang patunay na tayo nga po ay Easter people ay nasa ating pagiging isang merciful community. Sa pamamagitan po ng personal at sama-samang pagsisikap nating isabuhay ang pagkamaawain, pagkamahabagin, at pagkamapagmalasakit sa kapwa, marami pang mga Tomas ang makatatagpo, makakikilala, at makasasampalataya kay Jesus na magmuling-nabuhay.

We are an Easter people. We are an Easter community. And so, we must be a merciful community, too.

Wala nga si Jesus sa libingan. Nasaan Siya? Nasa merciful community!







No comments:

Post a Comment