Pages

14 March 2015

LUMAPIT SA LIWANAG

Ika-apat na Linggo ng Kuwaresma
(Linggo ng Laetare)
Jn 3:14-21 (2 Kr 36:14-16, 19-23 / Slm 136 / Ef 2:4-10)


Ang Kuwaresma ay parang isang paglalakbay.

Noong Unang Linggo ng Kuwaresma, sumama po tayo kay Jesus sa ilang.  Kung paanong ang bahaghari sa kuwento ni Noah, sa aklat ng Genesis, ay tanda ng katapatan ng Diyos sa Kanyang pangako na hindi na Niya muling wawasakin ang mundo sa pamamagitan ng baha, gayun din naman si Jesus, sa nakadadarang na ilang, ay nagmistulang bahaghari sa Kanyang katapatan sa Diyos: hindi Niya isinuko ang laban para sa Diyos.  Sa Kanyang pananaig laban sa tukso ni Satanas, larawan din po si Jesus na posible para sa atin ang maging tapat sa Diyos.  Si Jesus po ay bahaghari ng katapatan ng tao sa Diyos kung paanong bahaghari Siya ng katapatan ng Diyos sa tao.  Sa krus, may haring nakapako.  Sa krus, may bahag.  Sa krus, may bahaghari: si Jesus.  Sa gitna po ng mga pagsubok sa buhay, si Jesus ang matingkad na paalala ng katapatan ng Diyos sa atin.  Sa harap ng matitinding tuksong tumalikod sa Diyos, si Jesus din po ang palagiang halimbawa sa atin ng katapatan sa Diyos.  Manalig.

Noon naman pong Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, umakyat tayo ni Jesus sa tuktok ng bundok.  Doon ay nasaksihan po natin ang Kanyang maluwalhating pagbabagong-anyo: sa kabila ng Kanyang pangkaraniwang anyo bilang tao, lumitaw ang Kanyang pagka-Diyos.  Narinig din po natin ang tinig mula sa alapaap na nagsabing, “Ito ang pinakamamahal Kong Anak na kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya.”  Kung tila isang awit na walang-patid ngayong Kuwaresma ang sinasabi ng ikasiyamnapu’t limang Salmo – “Kung ngayo’y marinig ninyo ang Kanyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso” (If today you hear His voice, harden not your hearts) – si Jesus ang Salitang binibigkas ng tinig na iyon.  Makinig po tayo.

Subalit paano po tayo  makapakikinig sa tinig ng Diyos kung lunod na lunod na tayo sa ingay?  “Umakyat” po tayo ng bundok.  Opo, “mamundok” tayo: hanapin natin ang katahimikan, naisin natin ang katahimikan, kaibiganin natin ang katahimikan, namnamin natin ang katahimikan, danasin natin ang katahimikan.  Sa katahimikan po natin maririnig, mararamdaman, mararanasan ang Diyos na, sa kabila ng lahat, nagsasabi sa atin, “Ikaw ang anak kong kinalulugdan.”  At mamumulat po tayo sa katotohanan ng kaluwalhatian natin bilang mga anak din ng Diyos.  Kapag pinakinggan po natin ang tinig ng Diyos, si Jesus na Kanyang Walang-Hanggang Salita, ay makapagkakatawang-tao sa buhay natin.  Ang Kuwaresma ay natatanging panahon para hasain ang ating pakikinig sa Diyos.  Makinig.

Noong nakaraang Linggo, ang ikatlo ng Kuwaresma, pumasok po tayo ng Templo kasama ni Jesus.  Naku po, nagulantang tayong lahat: ang bagsik si Jesus!  Yamot na yamot.  Nag-uumapoy sa galit.  Nasaksihan po natin hindi lamang kung paano Siya magalit kundi na nagagalit din pala Siya!  Gumawa pa Siya ng hagupit, pinagtabuyan ang mga manininda, pinagtatataob ang mga lamesa ng mga mamamalit ng salapi, at nagsisisigaw: “Alisin ninyong lahat ang mga iyan!  Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama.  Gibain ninyo ang Templong ito at itatayo Kong muli sa loob ng tatlong araw.”  Sa nasaksihan natin kay Jesus, nakita po natin ang isang halimbawa ng tinatawag na “matuwid na galit” o righteous anger.  Agresibo si Jesus para sa Diyos.  Hindi po Siya magsasawalang-kibo kapag nilalapastangan ang Diyos.  Walang-takot Siyang makibaka para sa Diyos.  Opo, si Jesus ay banayad at mababa ang kalooban, subalit hindi iyon nangangahulugang ayos lang sa Kanyang babuyin ang Diyos.  Iyan po ang passion ni Jesus.  Passionate na passionate Siya pagdating sa Diyos.  Kaya nga po, humantong sa madugong passion ang Kanyang passion for God.  Hindi lamang po tayo nililinis ni Jesus bilang mga Templo ng Kanyang Espiritu, pinagbabaga rin po Niya ang apoy ng ating pag-ibig para sa Diyos.  Hindi po sapat na malinis nga tayo bilang buhay na tahanan ng Diyos pero sinlamig naman tayo ng yelo pagdating sa mga bagay ukol sa Kanya.  Tinatanong po tayo ng Kuwaresma: May passion pa ba tayo para sa Diyos?  Gaano tayo ka-passionate sa Diyos?  Handa ba tayong mamatay para sa Kanya?  Handa ba tayong mamatay kasama ni Jesus?

Ngayong Linggo pong ito ay Laetare Sunday.  Tinagurian po itong “Linggo ng Kagalakan” sapagkat napakalapit na ang mga Mahal na Araw ng ating katubusan.  Hindi magtatagal at ipagdiriwang na nating muli ang Dakilang Kapistahan ng Magmuling-Pagkabuhay ng mahal nating si Jesus.  Ang ating tagumpay kay Kristo ay abot-tanaw at abot-kamay na po natin.  Rosas o pink ang kulay ng Linggong ito.

Ngunit nasusulat po sa Jn 3:2 na nang bisitahin ni Nicodemus si Jesus sa Ebanghelyong binasa sa Banal na Misang ito, gabi noon.  Hindi po nakasuot ng pink itong si Nicodemus.  Si Nicodemus ay nababalot ng kadiliman.  Lumapit ang dilim sa Liwanag!  Lumapit si Nicodemus kay Jesus.

Ngayon pong Ika-apat na Linggo ng Kuwaresma, kasama ni Nicodemus, lumapit tayo kay Jesus.  Lumapit po tayo sa Liwanag.

May mga tao pong takot sa liwanag.  Kakaiba po iyan!  Mauunawaan po natin ang musmos na takot sa dilim pero hindi ang may edad na na takot sa liwanag.  Ang batang paslit ay natatakot at umiiyak sa dilim sapagkat wala pa siyang kakayahang harapin ang kadiliman, ngunit ang taong may sapat na gulang na na iwas nang iwas sa liwanag ay nakababahala at nakapagsususpetsa.

May kasabihan pa nga po tayo na may mga taong takot maski sa sarili nilang anino.  Subalit napakadali naman pong pawiin ang takot sa sariling anino.  Humarap sa liwanag!

Humantong po ang paglalakbay natin ngayong Kuwaresma hindi sa isang lugar na tulad noong mga nagdaang Linggo.  Dinala po tayo ng ating banal na paglalakbay sa kaibuturan ng ating pagkataong maaaring binabalot ng kadiliman.  Tinatawag po tayo ng Liwanag: “Humarap ka sa Akin!  Lumapit ka sa Akin.”  Si Jesus nga po ang Liwanag na ito.

Sa harap ng liwanag, mahahayag po ang tunay nating anyo, ang tutoong kulay natin, ang wagas nating pagkatao.  Kaya po siguro ayaw ng mga pangit sa liwanag kasi mabubukong pangit sila.  Gusto po ng mga pangit laging madilim.  Bakit?  Kasi sa dilim, walang maganda at wala ring pangit, lahat maitim.  Hindi po kasi nagsisinungaling ang liwanag: sa liwanag, maliwanag talaga.

Wala po tayong maitatago kay Jesus.  Siya ang Katotohanan, hindi ba?  Alam na alam N’ya po ang tutoo sa atin.  Kapag humarap tayo sa Kanya, kapag lumapit po tayo sa Kanya, magiging malinawag ang lahat hindi lamang para sa atin kundi tungkol din sa atin.  Kitang-kita kung ano tayo, kung sino tayo, kung bakit tayo, kung paano tayo, kung para saan tayo, kung para kanino tayo, kung para sa ano tayo, kung tayo nga ang sinasabi natin at ipinakikita nating tayo.

Medyo nakakatakot po ba?  Medyo nakakahiya po ba?  Medyo alanganin na po ba kayong magpatuloy sa ating banal na paglalakbay?  Ginigising po tayo ng Kuweresma sa maling pag-aakalang madaling maging alagad ni Jesus.  Nangangailangan po ito ng pagharap at paglapit sa Liwanag sapagkat si Jesus ang Liwanag ng sanlibutan.  Ngangangailangan po ito ng pagtanggap sa katotohanan sapagkat si Jesus ang Katotohanan, kung paaanong Siya rin ang Daan at ang Buhay.

Subalit inaalalayan po tayo ng pinatunayan nang pag-ibig ng Diyos sa bawat-isa sa atin.  “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan,” wika ni Jesus kay Nicodemus, “kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak….”  Minamahal po tayo ng Diyos nang higit sa ating inaakala.  At ito po ang nagbibigay sa atin ng lakas-ng-loob na humarap at lumapit sa Liwanag at tanggapin ang Katotohanan.  Kapag wala ang paunang pag-ibig na ito ng Diyos, hinding-hindi po natin talaga kakayanin.  Kaya nga po kahit pa sa gitna ng Kuwaresma, meron tayong Linggo ng Kagalakan, at ang kulay itim ng gabi ay unti-unti nang naliliwanagan kaya’t nagkukulay rosas.








No comments:

Post a Comment