Pages

07 March 2015

AGRESIBO KA BA?

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Jn 2:13-25 (Ex 20:1-3, 7-8, 12-17 / Slm 18 / 1 Cor 1:22-25)


Mga kapatid, agresibo po ba kayo?  Sa ano at kanino kayo agresibo?

May kilala po ba kayong napaka-agresibo?  Sa ano at kanino ba siya o sila napaka-agresibo?

Marami po sa atin ayaw sa taong agresibo.  Makulit po kasi ang taong agresibo, hindi ba?  Mapilit.  Minsan pa nga, marahas din.  Gagawin ang lahat makamit lang ang nais o mangyari lang ang gusto.  Kapag ang isang tao ay talagang agresibo, walang makapipigil sa kanya.

Gayunpaman, naniniwala po ang marami sa atin na dapat may pagka-agresibo tayo, sapagkat kung papatay-patay ka, kung lampa ka, kung babagal-bagal ka, kung passive ka, lagi kang talo sa buhay na ito.  At walang taong gustong laging talunan, hindi ba?  Kailangang panindigan kung ano talaga ang gusto mong makamit o mangyari, kung hindi aapakan ka lang, pagsasamantalahan, dadayain.  Subalit bantulot pa rin po tayong gamitin ang salitang “agresibo” para ilarawan lalong-lalo na ang sarili nating pag-uugali.  Pilit po nating itinatago ang ating pagka-agresibo sa likod ng malumanay na pagsasalita at magalang na pagkilos.

Marahil ang isa pong dahilan kung bakit ayaw nating masabing napaka-agresibo natin ay ang halos ekslusibong pag-uugnay sa konsepto ng pagiging agresibo sa katangiang mapanira o mapanwasak.  Halos sabay po kasing pumapasok sa ating isipan ang larawan ng pananakit sa kapwa o panlalamang sa iba.  Pero ano nga po ba talaga ang ibig sabihin ng katagang “agresibo”?

Ang salitang “agresibo” ay nagmula po sa wikang Latin: aggredi.  Ang tahasang kahulugan ng aggredi ay “sumulong, lumapit, kumilos palaban gaya ng pakikibaka”.  Kaya nga po, sa orihinal na kahulugan at paggamit sa salita, ang “agresibo” ay isang mapambuo at hindi mapanirang katangian.  Kung paanong may destructive aggression, meron din naman pong constructive aggression.  At ang constructive aggression ay mas nauna pa pong pakahulugan sa aggredi kaysa sa destructive aggression.

Ano po ba ang constructive aggression?  Ang constructive aggression po ay ang masidhing pagtataguyod sa kung ano ang tunay na mahalaga.  Ang constructive aggression ay pakikibaka laban sa kapangyarihang bumabale-wala sa ating mga pagpapahalaga sa buhay.

O, agresibo na po ba kayo?  Ayos na po sa inyong masabihang napaka-agresibo ninyo?  Gusto n’yo na po ba ng mga kaibigang agresibo?  Pero saan nga at kanino agresibo?

Agresibo si Jesus.  Hindi po Siya papatay-patay sa pakikibaka laban sa mga lumalapastangan sa Diyos.  Hindi po Siya bantulot magsalita laban sa paggamit sa Diyos para sa makasariling layunin, kahit sinuman ang tamaan ng Kanyang maaanghang na salita, kahit pa ang mga pari sa Templo o ang mga matatanda ng bayan o ang iginagalang na mga Pariseo at eskriba.  Mariin at panay ang pagtuligsa ni Jesus sa pang-aapi ng kapwa sa kapwa.  Hindi po Siya nag-atubiling punahin ang mga taong mapagmatuwid ng sarili samantalang minamaliit ang iba.  Agresibo po si Jesus sa pagsusulong ng mga pagpapahalaga ng kaharian ng Diyos.  At agresibo si Jesus hindi lamang sa Kanyang pagkamaka-Diyos, agresibo rin po Siya sa pagiging kaibigan ng mga makasalanan, pagkamakamahirap, at pagiging kapanig ng mga minamaliit sa lipunan.

Agresibo si Jesus.  Napakasidhi po ng Kanyang pagtutol sa labis na rituwalismo ng relihiyon gayong salat na salat naman sa bundhing panlipunan.  Kaya nga po ang nakikita nating Jesus sa Ebanghelyo ngayong ikatlong Linggo ng Kuwaresma ay ibang-iba sa nakikita nating Jesus sa ating mga estampita.  Kung tutuusin, may pagkamarahas pa nga!  “Gumawa Siya ng isang panghagupit na lubid,” ika sa Ebanghelyo, “at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa.  Isinabog Niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag.  Sinabi Niya sa mga nagbibili ng kalapati, ‘Alisin ninyo rito ang mga iyan!  Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng Aking Ama!’”

Oo nga naman.  Kayo po, gusto ba ninyong gawin naming palengke ang bahay n’yo?  Hindi po ba kayo magagalit kung binababoy ang tahanan n’yo?  Hindi po ba kayo mayayamot kung binabalasubas na ang pagkatao n’yo, ang pamilya n’yo, ang mga pagmamay-ari n’yo?  Hindi n’yo po ba ipagtatabuyan ang mga lumalapastangan sa inyo?

Kung agresibo tayo para sa atin, agresibo rin po ba tayo para sa Diyos?  Kapag nilalapastangan Siya, maninindigan rin po ba tayo?  Kapag winawasak ang Kanyang nilikha, makikibaka rin po ba tayo para ipagtanggol ito?  Kung bumagsak na ang Kanyang tahanan, papayagan po ba natin iyon?

Ang unang pagbasa po natin ngayong araw na ito ay ang Sampung Utos ng Diyos.  Sa pagsunod sa Sampung Utos, agresibo rin po ba tayo?  Sabi po natin sa Salmong Tugunan, nasa Panginoon ang mga salitang bumubuhay.  Pero sa pagkikinig at pagsasabuhay sa salita Niya, agresibo rin po ba tayo?  Sa ikalawang pagbasa naman po, ipinahahayag ni Apostol San Pablo na si Kristong ipinako sa krus ang kanyang ipinangangaral.  At agresibung-agresibo po si San Pablo sa pangangaral na iyon.  Tayo po, ano po ba ang agresibung-agresibo tayong ipangaral?  Ano rin naman po kaya ang agresibung-agresibo tayong matutunan?

Sinusukat po ng Kuwaresma ang ating pagiging agresibo para sa mga pagpapahalaga at mga pinahahalagahan ng Diyos.  Sa pamamagitan ng pananalangin, pagsasakripisyo, at pagkakawang-gawa – sa madaling salita, mga paraang tumutulong sa ating lampasan ang ating mga sarili – ang tawag ng Kuwaresma tungo sa pagpapanibago ng sarili ay humahamon po sa ating hubugin ang sarili na maging higit pang agresibo sa pagsasabuhay ng ating pananampalatayang Kristiyano.  Hahantong po ang banal na panahong ito sa paggunita natin sa pasyon ni Jesus.  Tandaan po natin: The passion of Jesus is His passion for God.  May ganito rin po bang passion ang buhay natin?
“Disturb us, Oh Lord,
when we are too well please with ourselves;
when our dreams have come true
because we have dreamt too little;
when we have arrived in safety
because we sailed too close to the shore.

Disturb us, Oh Lord,
when with the abundance of things we possess
we have lost our thirst for the Water of Life;
when having fallen in love with time,
we cease to dream of eternity;
and in our efforts to build a new earth,
have allowed our vision for the New Heaven to grow dim.

Stir us, Oh Lord,
to dare more boldly,
to venture on wider seas,
where storms shall show Thy mastery,
when losing sight of land we shall find the stars.

In the name of Jesus Christ,
who pushed back the horizons of our hopes
and invited the brave to follow Him.
Amen.”
                           -       “Disturb Us, Oh, Lord” ni Sir Francis Drake




2 comments:

  1. Anonymous12:58 PM

    I really like the prayer you've shared by Sir Francis Drake, thank you Father. I sure will keep it, this prayer will remind me always to keep on ground.
    When everything is going according to what you have dreamed or desired of, God will have a way to stabilize things.

    ReplyDelete
  2. Anonymous1:26 PM

    I almost forgot, Happy Birthday Father. Live the life you should be, the life you have chosen, the life Jesus lived.. Be happy and healthy always and find a way to smile no matter what. Stay holy and strive to be more like Him..

    This is what I'm saying to myself, life seems complicated but it's actually simple cause His with us always..

    ReplyDelete