Pages

24 January 2015

BITIWAN ANG SARANGGOLA: HARAPIN ANG TAWAG NI JESUS

Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mk 1:14-20 (Jon 3:1-5, 10 / Slm 24 / 1 Cor 7:29-31)


Isa po sa napakamakulay na kuwento sa Banal na Biblya ay ang kuwento tungkol kay Jonas, ang propetang tumatakas.  Inutusan po siya ng Diyos na pumunta sa lungsod ng Nineveh at bigyang-babala ang mga tao na wawasakin sila ng Diyos matapos ang apatnapung araw. Kaya lang, alam na alam po ni Jonas na napakamahabagin ng Diyos kaya ayaw niyang maniwalang tototohanin ng Diyos ang pagpuksa sa mga taga-Nineveh.  Dahil dito, nakikini-kinita na ni Jonas na magmumukha lang siyang tanga kapag ginawa niya ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos sa Nineveh.  Kaya, hayun po, pilit niyang tinakasan ang Diyos.  Sa halip na magpunta sa Nineveh, naglayag si Jonas patungong Espanya, sa pag-aakalang mapagtataguan niya ang Diyos doon.

Ngunit nagkamali si Jonas.  Akala niya may hindi kayang abutin ang Diyos.  Pero iyon po pala, sa gitna pa ng dagat siya sasalubungin ng Diyos.  Basang-basa si Jonas!

Samantalang natataranta na ang mga kasama niya sa barko, natutulog daw po itong si Jonas.  Hindi kapani-paniwala.  Nakakatawa, hindi ba?  Paano po makatutulog si Jonas habang hinahagupit ng napakalakas na bagyo ang barkong sinasakyan nila?  Sa tindi pa nga po ng takot nila, hindi malaman ng mga kasama niya kung anong dasal ang dapat nilang dasalin.  Pero natutulog si Jonas?  Panic mode na nga po ang lahat sa barko at itinatapon na nila ang mga kagamitan nila sa dagat para hindi sila lumubog.  Pero si Jonas natutulog pa rin?  Di nga?  Ah, baka nagtutulug-tulugan lang!

Ginising nila si Jonas at pinagsabihan daw pong magdasal din siya sa Diyos niya.  Pero paano po magdarasal si Jonas sa Diyos gayong pinagtataguan nga niya ang Diyos?  Paano kakausapin ang Diyos kung tumatakas ka nga sa kanya?

Kaya umamin na lang po itong si Jonas: “Ako.  Ako na.  Ako ang nagdala ng trahedyang ito sa inyo.  Itapon na lang ninyo ako sa dagat.”  Sa una raw po ay ayaw gawin ng mga kasama ni Jonas ngunit nang higit pang tumindi ang hagupit ng bagyo sa barkong sinasakyan nilang lahat, napilitan din sila.  Inihulog nila si Jonas at humupa ang bagyo.  Samantala si Jonas daw po ay nilamon ng isang dambuhalang isda na siyang nagluwal sa kanya sa mismong dalampasigan ng lungsod ng Nineveh.  Wala siyang kawala!

Nasubukan n’yo na po bang takasan ang Diyos?  Hanggang saan po kayo nakalayo sa kanya?  Hindi kalayuan, hindi ba?  Saan Niya po kayo naabutan?  Tinatakasan n’yo pa po ba ang Diyos?  Bakit?  Hanggang kailan po ninyo gagawin iyan?

Sa inyo pong personal na pakikipag-usap ninyo sa Diyos, ano ang mga topic na sadyang iniiwasan ninyong mapag-usapan ninyo?  Kelan at saang bahagi ng pag-uusap ninyong dalawa ninyo nililihis ang topic?

Nakakapagod po ang iwas nang iwas, hindi ba?  Nakakahapo ang takbo nang takbo.  Nakakapagod ang takas ng takas.  Lalo na po kung sa Diyos tayo umiiwas at tumatakas sapagkat hindi tayo makapagtatago at wala rin tayong maitatago sa Kanya.  Pahuli ka na sa Diyos.

Ilang beses na rin po kaya tayong nagtulug-tulugan, nagbingi-bingihan, nagbulag-bulagan sa Diyos?  Hanggang kailan po natin balak gawin iyan?

Sino po ba ang mas mahirap gisingin: ang taong tutoong tulog o ang taong nagtutulug-tulugan lang?  May mga taong tutoong tulog-mantika – naku po, talaga namang napakahirap nilang gisingin!  Pero paano po ba gigisingin ang taong nagtutulug-tulugan lang gayong gising naman siya?

Sabi nila para magising ang natutulog na ayaw magising, buhusan mo ng tubig.  Ilang baldeng tubig po kaya ang kailangang ibuhos taong tulog-mantika?  Pero kapag nagtutulug-tulugan lang, makuha po kaya sa patubig-tubig lang?  Kay Jonas epektib!  Sa atin po kaya?  Ano po ang gigising sa taong umiiwas sa Diyos?

Sa kanyang pamamalagi ni Jonas nang tatlong araw sa loob tiyan ng dambuhalang isda, parang nag-retreat po siya.  Kaya hinarap na rin niya ang misyong ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanya.  Kung tutuusin po, si Jonas mismo ang unang nakaranas ng talagang gustong mangyari ng Diyos sa mga taga-Nineveh: magsisi at magbalik-loob sa Kanya, hindi wasakin at parusahan.  Kung tutuusin, ang mensahe ni Jonas ay ang mismo niyang karanasan.

Gayun din naman po ang kay San Pablo Apostol.  Ang mensahe po niya sa atin mula sa ikalawang pagbasa ngayon ay nilalagom ng larawan ng pagbitiw.  Pinapayuhan po tayo ng Apostol na huwag tayong maging alipin ng anumang relasyon gaano man ito kabuti, ng anumang damdamin gaano man ito kainam, at ng anumang bagay gaano man ito kaganda.  “Sapagkat ang lahat ng bagay na ito’y mapaparam” (ika ni San Pablo) matuto tayong bumitiw at manatiling malaya para sa Diyos.  Anuman po ang ating bokasyon, gawin nating panuntunan sa buhay ang panuntunan ni Apostol San Pablo: “…ang lahat ng bagay na aking pinakikinabangan noong una ay pinawawalng-kabuluhan ko ngayon alang-alang kay Kristo.  Sa katunayan, ang lahat ng bagay ay inaari kong walang halaga, kung ihahambing sa pinakamahalagang bagay, ang makilala si Kristo Jesus, na aking Panginoon.  Alang-alang sa Kanya tinanggap ko ang pagkawala ng lahat ng bagay at itinuturing kong dumi ang lahat makamtan ko lamang si Kristo at mapisan sa Kanya…” (Fil 3:7-9).  Ang kahandaan pong ito ni San Pablo Apostol na bumitiw sa lahat ay bunga ng malalim niyang karanasan ng awa at malasakit ng Diyos.  Dati rin po siyang makasalanan, alam natin iyan.  Sa 1 Tim 1:16, buong kababaang-loob na pahayag ni Apostol San Pablo, “Kinahabagan ako upang sa akin – akong sukdulang makasalanan – ay maipamalas ni Kristo Jesus ang Kanyang hindi malirip na pagmamalasakit sa mga sasampalataya sa Kanya at tatanggap sa buhay na walang hanggan.”  Dahil sa kapatawarang tinanggap niya, handa si San Pablo Apostol na bumitiw sa lahat.

Tayo po, ano ang kaya nating bitiwan para kay Jesus?

May batang dukhang-dukha.  Iisa lang po ang kanyang laruan: isang saranggola.  Dahil gusto po niyang maipaabot sa Diyos ang mga kahilingan niya para sa isang simple pero maginha-ginhawa sanang buhay, naisip niyang sumulat sa Diyos at ikabit ito sa buntot ng kanyang saranggola.  Nang pinalipad na niya ang saranggolang kinabitan niya ng sulat niya para sa Diyos, napansin po niyang mababa ang lipad nito.  Kaya, hinabaan niya ang tali ng kanyang saranggola.  Ngunit kapos pa rin po at hindi makaabot sa langit ang sulat niya.  Sapagkat ito nga pong saranggola niya ang nag-iisang laruan niya, mahal na mahal niya ito.  Subalit, ibinulong niya, “Jesus, napakahalaga para sa akin ng saranggolang ito, ito po ang nag-iisa kong laruan, kaya mahal na mahal ko ito, pero bibitiwan ko na po ang tali nito at pakakawalan kung iyan ang kinakailangan para ang sulat kong ito ay makarating sa iyo.”

Ano po kaya ang saranggola natin sa buhay na kailangan nating bitiwan?  Sa ano po kaya o baka kanino po kaya natin kailangang palayain ang ating sarili upang makatugon tayo sa tawag ng Diyos ayon sa nararapat?  Sa anu-ano at kani-kanino po kaya tayo kailangang bumitiw upang matupad natin ang kalooban ng Diyos?

May binitiwan din po sila Simon, Andres, Juan, at Santiago nang sundan nila si Jesus.  Ang mga saranggola po nila ay yari sa lambat at hugis nang kani-kanilang pamilya.  Hindi man sila mayayamang tao, napakalaki rin po ng kanilang itinaya sa pagharap sa misyong ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus.  Binitiwan nila ang lahat.  Itinaya nila ang kanilang buong-buhay.

Tayo po, ano na ba talaga ang binitiwan natin para kay Jesus?  Kung wala pa, paano natin nasasabing mahal na mahal natin Siya?  Ano ang itinataya natin para sa Kanya?  Ang sagot natin ang susukat sa katotohanan ng ating pagiging mga alagad Niya.

Huwag po tayong tatakas.  Magsisi at magbalik-loob sa Diyos.  Matuto po tayong bumitiw sa mga dapat nating bitiwan.  At sumunod tayo kay Jesus.








No comments:

Post a Comment