Kapistahan ng Señor Santo Niño
Mk 10:13-16 (Is
9:1-6 / Slm 97 / Ef 1:3-6, 15-18)
Noong
Setyembre nang nakaraang taon, pinasimulan po nila ang kanilang letter-writing campaign na pinamagatang
“Even us!” At nang magtungo sa Vatican
ang Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Kardinal Tagle, Arsobispo ng Maynila,
para sa Synod on Family nang sumunod na buwan, bitbit po niya ang kanilang
isanlibong sulat at isang video na naglalahad ng kanilang pamumuhay sa mga
kalsada sa kamaynilaan at iba pang lugar sa Pilipinas. Sila po ang tatlondaang bata na dating mga
palaboy sa kalye na ngayon ay kinakalinga at binibigyan ng bagong pagkakataon
sa buhay ng Anak-Tulay Ng Kabataan Charitable Foundation dito sa Arkediyosesis
ng Maynila.
Pagkatapos
niya pong mag-Misa noong Biyernes, si Papa Francisco ay hindi agad nakita ng
mga taong nag-aabang sa kanya sa labas ng Manila Cathedral. Kaya po pala, meron pa siyang dinalaw. Tumawid pala siya patungong gusali sa tapat ng
gilid na bahagi ng katedral: ang tahanan ng Anak-Tulay ng Kabataan Charitable
Foundation. Binisita ni Papa Francisco
ang mga dating batang-kalye na nagsabing “Even us!”
Sa Ebanghelyo po natin ngayong Kapistahan ng Señor
Santo Niño, napagalitan ni Jesus ang mga alagad. Pinagbabawalan po kasi nila ang mga bata na
lumapit kay Jesus. Sa halip na sila ang
maging daan para makalapit ang mga bata sa Panginoon, sila pa po ang pumipigil
sa kanila. Sa halip na hikayatin nila
ang mga gustong makalapit kay Jesus, pinagsabihan pa po nila sila. Marahil, hindi naman po sa pinagdadamot ng
mga alagad ang Panginoon sa mga batang nais makapiling si Jesus. Marahil, wala naman po silang balak na masama
o makasarili kung bakit pinagbabawalan nila ang mga bata na lumapit kay
Jesus. Siguro, nakita po nilang pagod si
Jesus at kailangan nang magpahinga.
Siguro, batid po nilang kailangan muna ni Jesus ng katahimikan. Siguro, alam po nilang nagdarasal si
Jesus. Ayaw po nilang maistorbo si Jesus
kaya pinagsabihan nila ang mga bata at ang mga nagdala sa kanila na huwag
maingay, huwag makulit, huwag mapilit, huwag mangarap makalapit sa Kanya.
Ngunit sabi ng mga dating batang-palaboy na ngayon ay nasa Anak-Tulay ng Kabataan Charitable Foundation: “Even us!”
Para sa ating bansang ipinagmamalaki ang mga kabataan bilang pag-asa ng bayan at para sa ating iglesiya-lokal na masidhi ang debosyon sa Niño Jesus, ano nga po ba ang dating ng “Even us!” mula sa mga batang-kalye? Hindi po kaya sa tindi ng mga dagok sa buhay na, sa murang edad, ay nalasap na ng mga batang ito sa paglaboy nila sa mga lansangang mabangis para sa sinuman, ang “Even us!” nila ay pahayag ng sama ng loob dahil sila ay napabayaan natin? Hindi po kaya dahil, sa mga lansangan natin, naging napakapangkaraniwan na nila sa ating paningin kaya hindi na natin sila nakikita at kailangan pa nilang ipagsigawan ang “Even us!” upang tingnan naman natin sila talaga? Hindi po kaya ang “Even us!” ng mga batang ito ay pagsusumamong maaalala, mapansin, at maibilang natin sila?

At hindi nga po sila binigo ni Papa Francisco. Narinig niya sila. Dininig niya sila. Napansin niya sila. Pinansin niya sila. Sinadya sila ng Santo Papa. Binulaga niya sila. “Even us!” sabi ng mga dating batang-kalye
mula sa Anak-Tulay ng Kabataan Charitable Foundation. Sa biglang pagdating ni Papa Francisco sa
piling nila, wari’y sinasabi niya sa kanila, “Yes, even you! All are my children, even you! All I pray for, even you! All I love, even you!” At ginawa po niya ito nang lingid sa mga mata
ng tagahanga. Sila lamang nang mga
bata. Personal at wagas ang
pagmamalasakit ni Papa Francisco.
“Even us!”
Bagay din po sa atin ang pahayag na ito.
Ngunit hindi para tawagin ang pansin ng Santo Papa. Hindi para magpahiwatig ng sama-ng-loob,
pagdududa, o pagsusumamong pansinin at ituring na kabilang. Kundi upang tumugon sa hamong sundan ang
halimbawa ni Papa Francisco. Even us, dapat dinggin, pansinin, at
sadyain ang maliliit at mga minamaliit ng lipunan. Even us,
dapat lagyan ng malasakit ang habag. Even us, dapat gawing personal at wagas
ang pagmamalasakit sa kapwa. What Pope Francis does, even us should do. Even us,
dapat tularan si Jesus na tinutularan din naman ni Papa Francisco: “Pabayaan
ninyong lumapit sa Akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin….”
Bilang mga alagad ni Jesus, pagsikapan po nating
huwag maging hadlang kaninuman sa paglapit sa Kanya. Sa halip na maging mga pader sa pagitan ni
Jesus at ng ating kapwa, maging tulay po tayo sa salita at gawa. Kung hindi po, pagagalitan ni Jesus hindi
lamang ang mga alagad noong unang panahon kundi even us!
No comments:
Post a Comment