Pages

19 July 2014

KAGAGAWAN NINO?

Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 13:24-43 (Kar 12:13, 16-19 / Slm 85 / Rom 8:26-27)


“Kagagawan ito ng isang kaaway,” ang sabi ng may-ari ng bukid sa Ebanghelyo nating ngayong araw na ito.  Nagkaroon na po ba kayo ng ganyang kaaway?  Halimbawa, may kapitbahay po kayong inggit na inggit sa magagandang rosas sa hardin ninyo.  Tapos, isang gabing madilim, habang ang lahat ay himbing na himbing, dahan-dahan po siyang pumasok ng bakuran ninyo at binuhusan ng asido ang mga rosas na pinakaaala-alagaan ninyo.  Wow, ang sama-sama naman po ng kapitbahay ninyo!  May kapitbahay po ba kayong ganyan?  Kayo po, ganyan ba kayong kapitbahay?  Sana po hindi naman.

Kahit na ano pong galit natin, hindi likas sa atin ang manalbahe ng kapwa.  Hindi po natural sa atin na sadyaing gawan ng masama ang ibang tao.  Bakit po?  Kasi ayon sa Gen 1:27, nilikha raw po tayo ayon sa sariling wangis at anyo ng Diyos.  Kaya, mas natural po sa atin ang pagiging mabuti, mabait, at mahabagin tulad ng Diyos.  Talaga po bang mabait kayo?

Tahimik po tayo sandali.  Tapos, pakinggan n’yo po ang tibok ng puso ninyo.  Ano pong sinasabi?  “Gawin ang mabuti.  Iwasan ang masama.”  Budhi po ang tawag diyan.  Iyan po ang munting tinig ng Diyos sa kaibutran ng bawat-isa sa atin.  At dahil kawangis at kaanyo nga po tayo ng Diyos, may higit po tayong pagkiling sa mabuti kaysa sa masama.

Kaya lang, sapagkat malaya pa rin po tayong magpasya kung alin sa sinasabi ng ating budhi ang ating pipiliin – at malaking bagay din kung ang budhing ito ay nahubog o hindi – lagi ring posibleng pumanig tayo sa masama kaysa sa mabuti.  At ang mga kumakampi sa masama ay binabansagang maitim ang budhi, walang konsensya, halang ang kaluluwa, kampon ng demonyo, at iba pang mga panturing na hinding-hindi bagay sa nilikhang kawangis at kaanyo ng Diyos.

Huwag po kayong lilingon sa katabi n’yo ha, may sasabihin po ako sa inyo: Tutoo ang demonyo.  Sa katunayan, mahihirapan po tayong gumawa nang masama kung walang demonyong tutulong sa atin.  Hindi po kathang-isip ang diyablo.  Kaya nga sabi po ni San Pedro, “Be alert, be on watch, for your enemy, the devil, is prowling around like a roaring lion, looking for someone to devour” (1 Pd 5:8).  Kaya, mag-iingat po kayo, baka masakmal kayo ng kaaway, ang demonyo.  (Pumapasok din po ang demonyo sa loob ng simbahan!)

Siya – siya nga po ang tunay na kaaway nating lahat: ang demonyo.  Gagawin po niya ang lahat para mamatay ang salita ng Diyos na ipinula ng Diyos sa ating puso.  At kung sakaling, sa kabila ng kanyang mga ginawa na para mamatay ito, nabuhay pa rin ang ipinunla ng Diyos sa atin, kung anu-ano pa pong mga taktika at estratehiya ang gagamitin ng demonyo para hindi ito tuluyang makapamunga.  At kung makapamunga pa rin ito, hindi pa rin po tayo lulubayan ng demonyo.  Marami po siyang mga paraan para gawing kakaunti lang ang mga bunga ng salita ng Diyos sa buhay natin o kaya’y tuluyang masayang na lang ang mga iyon.

Kita ninyo, hindi po ang kapitbahay n’yo ang kaaway n’yo.  Ang demonyo.  Ano po ba ang ginagamit ng demonyo para wasakin at patayin kayo?

Sa talinhaga po ni Jesus ngayong Linggong ito, damo ang ginamit ng kaaway.  Muli, ang sabi po ng may-ari ng bukid sa Ebanghelyo, “Kagagawan ito ng isang kaaway.”  Ang ganda po, hindi ba?  Damo ang ginamit ng kaaway laban sa may-ari ng bukid.  Damo ang ipampapatay ng kaaway sa mga trigo.  Bakit ko po nasabing maganda ang imahe?  Kasi po lapat na lapat ito sa isa sa malulungkot na karanasan ng tao sa mundo.

Sa ating panahon, hindi na lang kabayo ang nagdadamo.  Marami na rin pong mga taong nagdadamo!  Hitit dito, hitit doon ng damo.  Batak dito, batak doon ng shabu.  Tulak dito, tulak doon ng droga.  At pagkatapos mong humitit ng damo, bumatak ng shabu, at magtulak ng droga, ano ka na?  Bato!  Biro n’yo yun, hindi ka na tao, bato ka na?  At kapag talaga namang sugapang-sugapa ka na, ano ka na po?  Eh di, batung-bato!  At sa pagkasugapa, hindi lang po ang sugapa ang nawawasak, kundi pati lahat ng mga nasa paligid niya – pamilya, kaibigan, asawa, mga anak, kapitbahay, kamag-anak, at maging mga di-kakilala.

Kaya mag-ingat po tayo: sa tulong ng Diyos, huwag na huwag nating pai-iskorin ang kaaway natin kahit isang puntos.  Kaaway po natin ang demonyo, hindi kaibigan.  Huwag po tayong makipaglandian sa kanya.  Kapag nakita na natin, layuan na natin siya.  Huwag po tayong makipagharutan sa demonyo.  Huwag natin siyang hahabul-habulin.  Wawasakin n’ya po tayo.

Pero bakit nga po ba hinahayaan ng Diyos na magkasamang mabuhay sa mundo ang mabubuti at masasama?  Madalas pa nga po ang mabubuti ang naapi, ang hirap na hirap sa buhay, ang talunan, ang pinagtatawanan at kinukutya, ang inuusig, ang pinapatay, samantalang ang masasama naman ang sikat, makapangyarihan, ma-impluwensya sa lipunan, mayaman, at hinahangaan ng marami.  Isa nga po sa masasakit at nakababagabag na tanong ng salmista sa Banal na Bibliya ay “Why do the righteous suffer while the wicked prosper?”  Minsan tuloy, napakalakas po ng tukso at parang gusto na rin nating maniwala sa kasabihang “if you can’t beat them, join them”.  Pagdadahilan pa ng marami: “Nakikisama lang naman ako” o “Huwag ka lang kakanta at makakalusot ito” o “Tikim lang naman, subok lang, isang beses lang.”

Talaga pong mananatiling mahiwaga sa atin kung bakit hinahayaan ng Diyos na magkasamang umiral ang mabuti at masama sa mundo.  Ngunit sakaling agad-agad nga pong bunutin ng Diyos ang mga damo sa mundo, gaya ng gusto ng mga taong mapagmatuwid sa sarili, may matitira bang mga trigo?  Sigurado po ba naman tayong kasama tayo sa mga trigo at hindi sa mga damo?  Sa pamantayan ng kaharian ng Diyos, hindi po kaya, sa tutoo lang, mga damo rin tayo?

Marami na rin pong noong una’y mga damo pero naging trigo pa rin.  Kung bubunutin na lang agad ng Diyos, sayang naman, hindi ba?  Dati pariwara na ang buhay ngunit natauhan at nagpasiyang mamuhay nang tama.  Nagsisi.  Nagbalik-loob sa Diyos.  Nagsikap bumangon.  Nanatiling bukas sa Espiritu Santo.  Kinilatis ang kalooban ng Diyos.  Tumugon sa tawag ni Kristo.  Ngayon, santo!  Magandang halimbawa po nito si San Pablo Apostol na maraming inusig at pinatay na mga alagad ni Jesus ngunit, matapos siyang pagpahayagan ng Diyos sa daan sa Damacus, nagbagong-buhay at naging Apostol pa sa mga Hentil.  Kaya nga po kapag sinasabi ni San Pablo ang sinabi niya sa ikalawang pagbasa natin ngayon – “Mga kapatid, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan” – batid na batid niyang tutoo iyon sapagkat karanasan niya iyon mismo.  Si San Agustin na anak ni Sta. Monica ay isa pang napakagandang halimbawa ng damong naging trigo.

Kaya nga po tutuong hanggang may buhay, may pag-asa.  Wala pong makapagsasara at wala pong may karapatang magsara sa aklat ng ating buhay kundi tanging ang Diyos lamang.  Ika nga po ng unang pagbasa nating ngayon mula sa Kar 12:19, “…binibigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan, sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.”

Kung tayo po ay damo, binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong maging trigo.  Sana, huwag po nating sayangin ang pagkakataong ito.  Bagamat tunay ngang “Our God is the God of many second chances”, tandaan po natin, meron pa rin pong “last chance.”

Kung tayo naman ay trigo, biyaya pa rin pong maituturing ang mamuhay sa gitna ng mga damo.  Tutoo po, mahirap ngunit gamitin natin ang hamong ito upang tayo ay maging higit na matatag ang ating pagkatao, malalim ang pagkakaugat sa Diyos, at mahabagin sa kapwa-tao.  Kapag wala pong mga damo, baka maging “papuwede-puwede na ‘yan” na lang tayo sa pagtupad natin sa kalooban ng Diyos at malasado sa ating pagiging alagad ni Kristo.

Tularan din po natin ang Diyos.  Sa unang pagbasa natin ngayon, sabi po sa Diyos ng sumulat ng Aklat ng Karunungan, “Walang hanggan ang kapangyarihan Mo ngunit mahabagin Ka kung humatol.  Maaari Mo kaming parusahan kailanma’t ibigin Mo, ngunit sa halip ay pinamamahalaan Mo kami nang buong hinahon at pagtitimpi.  Sa pamamagitan ng ginawa Mong iyan ay itinuro Mo sa mga taong makatarungan na dapat din silang maging maawain.”  Pero, aminin po natin, minsan kulang na kulang tayo sa habag.  Hingi po tayo nang hingi ng awa sa Diyos pero tayo mismo walang awa.  Hindi tayo handang umunawa.  Nakadapa na nga, tinatadyakan ka.  Kaya naman, may mga kapwa-tao tayong hindi na nakaahon-ahon sa burak ng pagkakasala; pero, kung mas inunawa lang sana natin sila, mas pinakinggan lang sana natin sila, mas pinag-aksayahan lang sana natin sila ng panahon, mas hinayaan lang sana silang makabawi sa nagawang pagkakamali, mas sinuportahan lang sana natin sila, mas pinatawad lang sana natin sila, mas minahal lang sana natin sila, nagsisi na po sana sila, nagbalik-loob, bumangon, nagbagong-buhay, at baka naging santo pa sana.

Kung trigo po tayo, maging trigo tayo para sa iba hindi para sa sarili.  Tandaan po natin, ang trigo ay ginagawang tinapay para makain ng mga nagugutom.  Hindi po siya naging trigo para lait-laitin ang damo.  Naging trigo ang trigo para kanin siya.

Dahil may mga damo pong lumitaw sa bukid ng mga trigo, “Kagagawan ito ng isang kaaway,” ang sabi ng may-ari sa Ebanghelyo,  Ngunit sakaling sa madamong bukid naman po ay may mga trigong lumago, Diyos lang po ang gagawa noon.

Tayo po, kagagawan ba tayo nino?

No comments:

Post a Comment