Pages

12 July 2014

ANO NGA PO BANG URI NG LUPA TAYO?

Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 13:1-23 (Is 55:10-11 / Slm 64 / Rom 8:18-23)


Minsan natatauhan po tayo sa katotohanang may malawak palang pagitan sa sinasabi natin at ginagawa natin.  Magkaiba po pala ang ating asal sa ating salita.  Taliwas ang ating ugali sa sinasabi nating sinasampalatayanan natin.  Agad po natin itong napapansin sa ibang tao, pero, sa tutoo lang po, ugali rin natin ito.  Sa malaki o maliit mang paraan, sa madalas o madalang, nakapagsisinungaling tayong lahat, may mga pangako po tayong ipinapako at mga salitang binitiwan na sadyang tinatalikuran.  Minsan wala po tayong iisang salita; sa halip pa nga, sankaterba ang burloloy ng ating mga pagdadahilan kapag pinagtatakpan natin ang ating kasinungalingan o mga maling ginawa.  Kaya naman po, hirap tayong makita kung ano ba talaga ang tutoo at ano naman ang huwad.  Mahina po ang ating salita.  Opo, kahit itaga pa natin ito sa bato.

Subalit, iba ang Diyos.  “Ang ulan at niyebe paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik, aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig, kaya may pagkai’t butil na panghasik.  Ganyan din ang Aking salita, magaganap nito ang lahat Kong nasa,” wika ng Panginoon sa unang pagbasa natin ngayon.  Ang salita ng Diyos ay laging pong tapat kaya’t natutupad nito ang ipinahahayag.  Ang salita ng Diyos ay lagi pong taos kaya’t makapangyarihan ito.  Ang salita ng Diyos ay lagi rin pong mapagmahal kaya’t ito ay mapanlikha.  Nasusulat pa sa Aklat ng Mga Bilang 23:19: “Hindi tao ang Diyos para Siya ay magsinungaling, hindi anak ni Adan para bawiin Niya ang Kanyang salita.  Ugali ba Niyang magpahayag at hindi kumilos, magsalita tapos hindi ito tupdin?”

Sa Diyos, ang salita at gawa ay iisa.  Ang Kanyang sinasabi at ginagawa ay laging magkabuklod.  Ipinaliliwanag ng Kanyang salita ang Kanyang gawa at pinatutunayan naman po ng Kanyang gawa ang Kanyang salita.  Hindi lang po laging may laman ang salita ng Diyos, talagang malamang-malaman din po ito.

Tayo po, may laman ba talaga ang sinasabi natin sa tuwing bumubukas ang bibig natin?  Malaman po ba talaga ang ating mga pahayag?  Ano naman po kaya ang laman?  Tapat din po ba tulad ng sa Diyos?  Taos din po ba gaya ng sa Diyos?  Mapagmahal din po ba para nang sa Diyos?  Pinatutunayan nga po ba ng ating gawa ang ating salita?  Pinaliliwanag ba ng ating salita ang ating gawa?

Hindi po sapagkat nagsasalita tayo ay talagang may laman ang sinasabi natin.  Baka naman po puro hangin lang.  Mabuting paalala sa amin ng aming mga propesor noon sa kolehiyo at magandang babala rin sa inyo: “Kayo, mga Atenista kayo, mahuhusay kayong magsalita.  Masarap kayong pakinggan magsalita.  Kapag nagsalita na kayo, parang may sinasabi kayo kahit wala naman talaga at parang laging tutoo ang sinasabi ninyo kahit hindi naman pala.”  Pero alam po nating hindi lang mga Atenista ang puwedeng maging ganyan, hindi ba?  Maraming mga taong madadaldal: dada nang dada kahit wala namang kabuluhan ang mga pinagsasasabi.  Puro kabag lang ang laman.

Pero puwede rin naman pong may laman nga ang pananalita natin kaya lang ay panay basura naman: kasinungalingan, kahalayan, kamunduhan, kasamaan, paninira sa kapwa, pagmamayabang, panlalait ng kapwa, pagdudunung-dunungan, panggagatong sa away, pagmumura, at iba pang tulad nito.  May laman nga – at, naku po, malamang-malaman talaga! – pero masangsang naman ang amoy, malansa, mabaho, nakakasuka.  Mas mabuting huwag na lang magsalita.

Ngunit ang salita ng Diyos ay laging kaaya-aya, kahali-halina, kay ganda, anong buti, at mahalimuyak.  Bakit po?  Kasi nga po ang Diyos ay may iisang salita: tapat, taus-puso, at mapagmahal.  Pinatutunayan ng Kanyang gawa ang Kanyang salita at ipinaliliwanag naman ng Kanyang salita ang Kanyang gawa.  At sa tuwing nangungusap ang Diyos ito po ay hindi para sa Kanyang sarili kundi para sa ikabubuti ng mga nakikinig sa Kanya.

Nakikinig po ba talaga tayo sa Diyos?  Kung sinu-sino po ang pinakikinggan natin, pero baka naman sa Diyos pa tayo hindi nakikinig.  Dapat sa Diyos tayo una at laging nakikinig.  Kung anu-anong pananalita ang ating pinaniniwalaan, baka naman po ang salita pa ng Diyos ang hindi natin pinananaligan.  Huwag ganun.  Dapat, isabuhay po natin ang sinasabi ng Slm 119:105, “Tanglaw sa aking mga paa ang Iyong salita, liwanag sa aking landas.”

Iyan naman din po kasi ang gustung-gusto ng Diyos: ang tanglawan tayo, paliwanagin ang ating tinatahak na landas, at gabayan tayo patungo sa kaganapan ng buhay.  At ito ang gustung-gusto ng Diyos hindi lamang para sa piling mga tao kundi para sa ating lahat.  Kaya naman po, inihahasik Niya ang Kanyang salita sa puso nating lahat.  Kaya nga po, kung ang Diyos ay magsasaka, ang paraan Niya ng paghahasik ay ang sabog-tanim.  Nais po kasi Niyang mapunla ang Kanyang salita sa lahat ng tao.  Kaya lang po, depende pa rin sa uri ng lupa kung ang Kanyang salita ay mamumunga talaga at mamumunga nang masagana.

Kaya, alin po ba talaga tayo sa mga uri ng lupang binabanggit ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito?  Tayo po ba ang tabi-tabi ng daan?  Tayo po ba ang lupang mabato o baka bato na lang talaga tayo?  Tayo po ba ang lupa sa dawagan?  O tayo po ang matabang lupa na namunga nang masagana?

Kung tayo ang gilid-gilid ng daan, naku po, ni hindi magtatagal sa atin ang salita ng Diyos sapagkat, mabilis pa sa a las cuatro, mananakaw lang sa atin ang kaloob ng Diyos.  Bakit naman po kasi tayo nasa gilid lang?  Bakit hindi po tayo sumama at makiisa sa malawak na lupain?  May mga tao pong ganyan, hindi ba?  Mahilig sa tabi.  Ayaw ma-involved.  Kontento na sila sa gilid-gilid.  Hindi po ba ganyan kapag pasimba-simba lang tayo at ayaw nating makihalo, makihalubilo, makiisa sa kabuuang sambayanang Kristiyano?  Dumadalo po ba tayo kapag tumawag ng sama-samang pag-aaral ng salita ng Diyos at paghuhubog sa pananampalataya ang ating parokya, ang ating diyosesis, ang Mahal na Inang Iglesiya?  Kung hindi, madali po tayong matanggay ng mga maling aral.  Kapag nakapakinig tayo ng turo ng ibang relihiyon, bigla nating pagdududahan ang aral ng Santa Iglesiya Katolika at sasabihin nating parang tama ang narinig natin sa iba.  Kapag gayon, maling-mali po tayo; hindi lang talaga natin alam ang pananampalatayang tinanggap natin mula sa mga Apostol.  Bakit?  Kasi po baka hindi tayo na dumadalo kapag tinatawag tayo ng ating parokya para sa mga gawaing paghuhubog, mga rekoleksyon, retreats, at iba pang tulad nito.  Pasimba-simba lang tayo sa tabi-tabi.

Kung tayo naman po ang lupang mabato, mababaw daw po tayo, sabi ni Jesus.  Kulang daw po tayo sa lalim kaya hindi rin nagkakaugat sa atin nang malalim ang salita ng Diyos.  Ngayon excited na excited , high na high, “Praise the Lord” nang “Praise the Lord” pero bukas-makalawa, dahil pangkaraniwan na, wala nang gana, hindi mo na makita; dahil natauhan na na may limitasyon pa rin pala ang anumang sambayanang Kristiyano sa lupa at ang mga kasamahan sa kinabibilangan ay mga tao rin palang may mga kahinaan at mga kasalanan, marami nang pintas, panay reklamo na.  Dati ang pakiramdam ay parang lahat ng mga kasama ay mga anghel, pero ngayon ang tingin sa mga kasama ay mga demonyo na at siya lang ang anghel.  Si Jesus na rin nga po ang nagsabi, kapag ganyan tayo, hindi talaga nag-uugat sa atin ang salita ng Diyos: mababaw, ningas-kugon, puro emosyon.  Bonggang-bonga ang kuwento ng conversion pero mabilis din naman ang naging deterioration.  Hindi pinag-ugatan ng salita ng Diyos, kaya madaling bumigay, konting kibo suko na agad, nakadepende sa tao hind lang ang commitment sa Diyos kundi pati rin ang kaligayahan sa paglilingkod.

Kung tayo ang lupa sa dawagan, maaaring lumago nga sa atin ang salita ng Diyos subalit napakarami naman pong balakid sa buhay natin para patuloy itong mabuhay at mamunga nang masagana.  Maraming karibal ang Diyos sa buhay.  Parang mga tinik ang mga karibal na ito ng Diyos, at walang-sawa nilang iniinis at unti-unting pinapatay ang salita ng Diyos na nakapunla sa atin.  Dito, talagang maganda pong suriin nating mabuti ang buhay natin at makatotohanang sagutin ang tanong: “Sino ba ang karibal ng Diyos sa puso ko?  Ano ba ang kaagaw ng Diyos sa buhay ko?”  At kung seryoso po tayo sa pagnanais nating mabuhay at mamunga ang salita ng Diyos sa buhay natin, dapat nating bunutin agad ang mga tinik na iyan.  Masakit po iyon – matutusok ka, magdurugo – pero lalaya kang ganap.

Ngayon, kung tayo naman po ang matabang lupa, ang salita ng Diyos ay tulad ng binhing nalalaglag sa atin, nagkakaugat sa atin, nabubuhay sa atin, at namumunga sa atin nang masagana.  Paano nga po ba nagiging mabuti ang lupa upang tamnan para sa magandang ani?  Kailangan po nito ng pataba at pagbungkal.  Ang pataba po ang bitamina ng lupa at ang pagbungkal naman ay upang maging malambot ang lupa para magandang tamnan.  Ganito rin naman po para sa ating buhay-espirituwal.  Ang pataba natin ay ang panalangin at ang pagbungkal naman ay ang mga pagsubok sa buhay natin.  Manalangin po tayo sa tuwina, hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kundi sa pamamagitan din ng tahimik ngunit mulat na pagdama sa pagkilos ng Diyos sa ating buhay.  Akuin din po natin ang saloobin ni San Pablo Apostol sa ikalawang pagbasa tungkol sa ating mga pagdurusa, lalo na yaong mga pagdurusa alang-alang sa Mabuting Balita.  Sa halip na panghinaan tayo ng loob, kapag tayo ay dumaraan sa anumang pagsubok, ituring po natin ito na parang pagbubungkal ng Diyos sa ating puso upang higit na maging handa tayo sa mas lalong mga dakilang bagay.  “Mga kapatid,” wika ni Apostol San Pablo, “sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag na kaluwalhatiang sasaatin.”  At alinsunod sa diwa ng mensahe ng Apostol, sa halip na pasikipin ng pagsubok ang buhay natin at patigasin nito ang ating puso, isabuhay po natin ang pag-asang kaloob sa atin ng Espiritung tinanggap natin mula sa Diyos.

Minsan, wala po tayong iisang salita, pero pinahahalagahan pa rin natin ang sinasabi ng bawat-isa.  Dapat, mas lalo po nating pahalagahan ang salita ng Diyos sapagkat Siya lang ang laging may iisang salita.  Sana po, huwag nating sayangin ang salita ng Diyos na inihahasik Niya sa atin.  Sabi po natin, “Magtanim ay di-biro….”  Tama po iyan!  Pero mas lalo pong hindi biro ang pagsunod kay Kristo.


No comments:

Post a Comment