Pages

22 March 2014

ANG TUNAY NA PAMATID NG ATING UHAW

Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Jn 4:5-42 (Ex 17:3-7 / Slm 94 / Rom 5:1-2, 5-8)

Alam n’yo na pong 71% ng ating planeta ay tubig.  Pero alam n’yo po bang 2.5% lamang nito ang puwede nating inumin?  Ang napakalaking bahagdan po kasi ng tubig sa mundo ay nasa mga karagatan, nasa Antartica at Greenland sa anyong glaciers at ice caps, at nasa himpapawid bilang mga ulap at singaw.  Ang iba naman po ay hindi ligtas inumin dahil sadyang marumi, gaya ng mga nasa estero at pusali.  At 0.003% ng tubig sa daigdig ay nasa katawan ng mga buhay na nilalang – kabilang po tayo.

Kayo po at ako ay halos tubig ang laman.  Ang sanggol ay 75% tubig samantalang 60% tubig naman ang hindi na musmos.  Bukod sa edad, nakabatay po ang pagbabago ng bahagdang iyan sa kasarian, timbang, at, kung meron, karamdaman ng may katawan.  45% po ng timbang ng taong mataba ay tubig.  At kaya man po nating hindi kumain nang mula dalawampu hanggang apatnapung araw, depende sa kalusugan natin, hindi naman natin kayang mabuhay nang higit sa tatlong araw nang hindi umiinom.

Nakamamatay ang uhaw.  Kaya nga po, sa unang pagbasa natin ngayon, sinumbatan ng mga Israelita si Moises nang ganito: “Inialis mo ba kami sa Ehipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga hayop?”  Pati si Moises hindi po malaman ang gagawin.  Subalit pinatuyan po ng Diyos na hindi Niya pababayaan ang Kanyang Bayan kaya’t, sa pamamagitan ni Moises, pinabulwak Niya ang tubig mula sa malaking bato sa Horeb at napawi ang uhaw ng mga Israelita.

Sa mundong ito, hindi lang po marami ang nauuhaw; marami rin tayong uri ng mga pagkauhaw.  At ang pisikal na pagkauhaw po ang pinakamadaling solusyunan.  Tubig lang ang katapat n’yan.  Ang pinakamahirap po ay kapag uhaw ka sa pag-ibig.  Marami pong napapatay, pumapatay, at nagpapakamatay dahil sa pagkauhaw na pag-ibig.

Hindi naman po ang ating pagkauhaw sa pag-ibig ang tutoong problema.  Normal lang po iyan.  Ang problema ay kapag mali po ang solusyon natin para pawiin ang pagkauhaw na iyan.  May mga tao po kasi, sa kagustuhang ibigin sila ng marami, ay nilalasing ang sarili sa katanyagan.  Meron din po, sa takot na maranasang mauhaw muli, nagpapakalunod sa kapangyarihan.  At marami rin po ang nilalason ang kanilang sarili sa mga bisyo para lamang sa panandaliang pamatid-uhaw.  Pero, hinding-hindi po sila aaming lasing na lasing na sila, lunod na lunod na, o kaya’y nalason na nga.

Napakaganda po talagang nagsisimula ang banal na panahon ng Kuwaresma sa ilang.  Sa ilang, init na init, pawis na pawis, uhaw na uhaw, tuyung-tuyo ang lalamunan.  Pinatitindi ng karanasan natin sa ilang ang iba’t iba po nating pagkauhaw.

Ano po ba ang pinakamatindi ninyong pagkauhaw?  Uhaw din kayo sa pag-ibig, hindi ba?  Sa tutoo po?  Huwag po kayong magsinungaling.  Nilikha po ng Diyos ang bawat-isa sa atin para mahalin at para magmahal.  Lahat po tayo ay may pagkauhaw sa pag-ibig.  Nais nating ibigin tayo at nais din po nating umibig.  Sana po, pawiin natin ang pagkauhaw ng isa’t isa.  Sana po magsilbi tayong pamatid-uhaw, hindi pampalala ng uhaw, ng ating kapwa.  Pero sana rin po, pawiin natin ito sa tamang paraan at tamang pamatid-uhaw.

Ano nga po ba ang tamang paraan para pawiin ang pagkauhaw sa pag-ibig?  Ano po ang tamang pamatid-uhaw?

Sa ating ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, sinabi po ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma na, “sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin”, “ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso”.  Kaya nga po, para sa ating mga tumanggap na ng Espiritu Santo, ang pumapawi sa ating pagkauhaw sa pag-ibig ay ang pag-ibig ng Diyos.  At, ayon pa sa Apostol, ganito raw po ipinakita ng Diyos ang pag-ibig Niya sa atin: namatay si Kristo para sa atin hindi noong tayo ay mga kaibigan ng Diyos kundi nang mga kaaway pa Niya tayo.

Kung gusto talaga nating mapawi ang pagkauhaw natin sa pag-ibig, sumalok po tayo sa balong si Jesukristo.  Sa Jn 6:35, winika Niya, “Ang sinumang manalig sa akin ay hindi mauuhaw kailanman.”  Kaya nga po, sa Ebanghelyo ngayong araw na ito, sinabi ni Jesus sa babaeng Samaritana, “Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipagkakaloob ng Diyos, at kung Sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa Kanya, at kayo nama’y bibigyan Niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”  Na kay Jesus po ang tubig na tunay na nakapapawi ng pagkauhaw natin sa pag-ibig sapagkat Siya mismo ang pag-ibig ng Diyos sa atin.

Subalit, sapagkat hindi huwad ang pag-ibig na ito, ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay hindi mapagkunsinti.  Dahil tutoo ang pag-ibig ng Diyos sa atin, mahigpit din po nitong hinihingi sa atin ang maging makatotohanan lagi.

“Ginoo,” wika ng babaeng Samaritana kay Jesus, “kung gayon po’y bigyan Ninyo ako ng tubig na sinasabi Ninyo….”

Ano pong sagot ni Jesus sa kanya?  “Tawagin mo muna ang asawa mo.”

Pero, ano naman po ang isinagot ng babae kay Jesus?  “Wala akong asawa.”

At ano po ang punch line ni Jesus?  “Korek ka d’yan!  Wala ka nang asawa.  Pero hindi single ang status mo kundi it’s complicated.  Sapagkat lima na ang kinasama mo at kabit ka pa ngayon ng isa.”

Wow, ang tindi po ng uhaw ng babaeng ito!  Naka-anim nang lalaki, hindi pa rin mapatid-patid.

Kapag nagiging personal na ang usapan, ano po ang madalas nating gawin?  Iniiba ang usapan!  Kapag tayo na po ang hot issue, kumakaripas na tayo ng takbo.  Wala pong pinag-iba ang babaeng Samaritana: tinangka niyang baguhin ang topic.  “Ginoo,” biglang sabi niya kay Jesus, “sa wari ko’y propeta Kayo.  Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judyo, na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”  Tingnan n’yo nga naman po ang babaeng ito – inuungkat ni Jesus ang sex-life n’ya pero gusto niyang mag-seminar tungkol sa liturhiya!

Mas madali po sa atin ang pagdiskusyonan ang tungkol sa matatayog na usapin kaysa sa mga yaong tagos-sa-buto natin – tama po ba?  Mas mahilig tayong makipagdebate kaysa suriin ang sarili natin – tama po ba?  Bakit?  Kaya po siguro hindi mapatid-patid ang uhaw natin kasi ayaw nating aminin ang pagkauhaw natin.  Natatakot po tayo na baka tayo pagalitan, kamuhian, parusahan, ibasura, hindi na mahalin – tama po ba?  O, kita po ninyo, uhaw din po kayo sa pag-ibig.

Hindi pakay ni Jesus na saktan ang babaeng Samaritana sa pagbanggit sa lihim nito.  Makatotohanan po ang pag-ibig ni Jesus.  Gusto po Niyang lumaya ang babaeng Samaritana mula sa kanyang matinding pagka-uhaw.  At tanging katotohanan lamang ang nakapagpapalaya.  Pero, sabi po ng nabasa ko, “The truth shall set you free but it will hurt you first.”

Ang sagot ni Jesus sa tanong ng babaeng Samaritan ay tungkol din po sa katotohanan.  Hindi raw ang lugar ng pagsamba ang tunay na mahalaga kundi ang puso ng sumasamba.  Dapat daw pong sambahin ang Diyos sa espiritu at katotohanan.  Ang espiritu ang buhay ng katawan: dapat makita sa ating pamumuhay ang ating pagsamba.  At paano mo nga ba masasamba ang Diyos kung hindi mo hinaharap ang katotohanan tungkol sa sarili mo?  Ang pagsambang hindi lapat sa pamumuhay ay huwad.  Kapag ang pagsamba mo ay hindi nasasalamin sa iyong pag-uugali, hindi ka sumasamba; nagsisinungaling ka.

Napawi ni Jesus ang pagkauhaw ng babaeng Samaritana.  Sa wakas, nakatagpo na po ng  babaeng uhaw na uhaw sa pag-ibg ang taong tunay na nagmamahal sa kanya maging sinuman siya.  Nasaktan siya, oo.  Pero umuwi po siyang napakaligaya, magaang-magaan ang kalooban, nag-uumapaw sa kagalakan.  May isa pong maliit na detalye sa ating Ebanghelyo, pansin n’yo ba?  Ang sabi, “Kaya ang babae, pagkaiwan ng kanyang banga ay naparoon sa lungsod.”  Sa sobrang tuwa, iniwan na po niya ang kanyang banga.  Hindi na siya uhaw.  At hindi rin po n’ya kayang isekreto ang biyayang kanyang tinanggap.  Siya po mismo ang naging Mabuting Balita sa marami pang iba na, sa tutoo lang, uhaw na uhaw din.  Kaya, sa pagtatapos, sinabi po sa Ebanghelyo, “Maraming Samaritano sa bayang yaon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa pahayag ng babaeng nagpatutoo.”

Sa Jn 7:37-38, sinasabing tumindig daw po si Jesus at malakas na sinabi, “Lumapit sa Akin ang sinumang nauuhaw at uminom.  Ang sinumang sumampalataya sa Akin, gaya ng sinasaad sa Kasulatan, ay dadaluyan sa kalooban ng ilog ng tubig na buhay.”  Ganun po pala! Matapos tayong painumin ni Jesus, ang nasa ating kalooban ay nagiging pamatid-uhaw din para sa ating kapwa.  Eh, ano po ba ang nasa kalooban natin?  Sana po tunay na pag-ibig ng Diyos.

No comments:

Post a Comment