Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Mt 17:1-9 (Gen
12:1-4 / Slm 32 / 2 Tim 1:8-10)
Ang buhay ng tao ay isang paglalakbay. Gumugugol po ito ng mga panahon at dumaraan sa iba’t ibang lugar. Bagamat may nakakasabay ka, kanya-kanya pa rin po tayo sa paglalakbay. Walang ibang makapaglalakbay para sa iyo. Lakbay mo lakbayin mo.
Sa buhay ninyo, kayo pa po ba talaga ang naglalakbay para sa sarili n'yo o inaasa na lang ninyo ito sa iba? May pakialam po ba kayo kung saan kayo mapadpad o padala na lang po kayo sa agos? Hapung-hapo na po ba kayo kaya’t pinapasan na kayo ng iba o kinakaladkad na lang kayo? Pasulong po ba o paurong ang paglalakbay ninyo?
Normal po na kapag tayo ay maglalakbay, inaalam po muna natin ang ating destinasyon at kung paano natin ito mararating. Kung hindi, bakit pa nga po ba tayo maglalakbay? Kapag basta na lang tayo naglalakbay nang hindi muna inaalam kung saan at kung paano makararating sa dapat nating marating, tiyak po maliligaw tayo.
Madalas po ba kayong maligaw? Madali po ba kayong maligaw? Bakit?
Pero kapag tayo ay naligaw, madali lang po iyan. Tingnan ang mapa! Kaya lang, paano kung walang mapa?
Hindi po madaling mabuhay sapagkat hindi lang po paglalakbay ang buhay. Paghahanap din! Minsan pa nga po, sa paghahanap natin sa tamang landas patungo sa dapat nating marating, kailangan nating mangapa sa dilim. At bagamat, sa pakiwari natin, tuwid ang landas na ating tinatahak, may mga pagkakataon pa rin pong humahantong tayo sa saradong daan. Meron pa nga riyan, tuwid na daan daw po pero baka naman dead end ang hantungan. Maliban na lang po kung talagang gusto nating hanggang dead end na lang tayo, kailangan nating tumuklas ng ibang daan para patuloy na makapaglakbay. Sa ating paglalakbay sa buhay, nararanasan po natin ito. Sa maliit o malaki mang paraan, nagbago na rin po tayo ng direksyon sa buhay at pikit-matang tinahak ang isang landas na hindi tayo pamilyar.
Iyan nga po ang karanasan ni Abram. Sa ating unang pagbasa ngayong ikalawang Linggo ng Kuwaresma, muli po nating narinig ang kuwento ng pagtawag ng Diyos sa kanya. At sa pagtugon niya sa tawag na ito, kinailangan lisanin ni Abram ang bayang tinubuan, ang mundong pamilyar sa kanya. At wala po siyang pinanghawakan maliban pananalig sa Diyos. Iyan nga po ang tunay na pananampalataya: mapagtaya sa Diyos. Kaya nga’t si Abram ang ating ama sa pananampalataya.
Ang pananampalataya ay pagiging palataya. Mahilig po ba kayong tumaya? Saan po – sa sugal o sa Diyos? Kung tutoo pong kayo ay may pananampalataya sa Diyos, ipakita po ninyo ang itinataya ninyo sa ngalan ng inyong pananalig sa Kanya. Aba, kung wala po kayong maipakikita, paano po ninyo nasasabing kayo ay “mananam-PALATAYA”?
Alinsunod sa utos ng Diyos, naglakbay si Abram nang walang mapa. Saan po siya papunta? Kung saan daw po ituro ng Diyos. Huh, saan po ba iyon? Basta, ituturo na lang daw po ng Diyos sa kanya. Wow! Ganun?
Nang tawagin ng Diyos si Abram, si Abram ay pitumpu’t limang taong gulang na. Matanda na siya pero, kahit po isa, wala silang anak ng asawa niyang baog. Gayon pa man, ipinangako ng Diyos sa kanya na ang mga anak niya ay magiging sindami ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa dalampasigan. Kaya nga po, ang bayan daw pong ituturo ng Diyos sa kanya ay mapapasakanyang lahi. Wow! Mas wow! #amazing!
Pero kung baliw ang Diyos, mas baliw po si Abram. Naniwala po siya sa Diyos, nanalig, at tumalima. Nagbago siya ng direksyon, nilisan ang bayang tinubuan, at naglakbay. At wala po siyang mapang dala-dala. Basta, ituturo raw ng Diyos sa kanya ang dapat niyang puntahan. Aba, ang Diyos ang mapa niya!
Kayo po, sa tutoo lang, sino ang mapa ng buhay n’yo?
Ganito rin po ang karanasan ni Apostol San Pablo na sumulat ng ikalawang pagbasa natin ngayon. Dati siyang si Saul na masugid na taga-usig ng mga alagad ni Jesus. Akala nya kasi, ang mga alagad ni Jesus ay mga kalaban ng Diyos ng Israel. Ngunit nabubulagan na pala po siya. Maniwala kayo, nakakabulag po talaga ang panatisismo. Sa sobrang tindi ng pagmamalasakit niya sa Diyos, nabulag na si Pablo. Kaya nga po siguro nang liwanagan siya ni Jesus sa daan patungong Damascus, nabulag na nang tuluyan ang kanyang mga mata. At nang panumbalikin ng Diyos ang kanyang paningin sa pamamagitan ni Ananias, hindi lamang po paningin niya ang gumaling, gumaling din po ang kanyang pagtingin. Nagsimula po siyang tingnan ang lahat sa liwanag ni Kristo Jesus. Nagbago siya ng direksyon sa buhay: binago ni Jesus ang buhay niya. Pero wala rin po siyang tangan-tangang mapa sa bagong paglalakbay na ito. Basta, simula po noon. si Jesus na lang ang kanyang sinundan. Si Jesus ang mapa ng kanyang buhay!
Kaya naman po, sa ating ikalawang pagbasa, ipinakikita ni San Pablo Apostol sa kanyang kamanggagawa sa ubasan ng Panginoon, si Timoteo, naging obispo ng Ephesus, ang tanging mapa para sa lahat ng mga alagad ni Jesus, ang mga nagtataya para sa Diyos. “Makihati ka,” ika ni San Pablo kay Timoteo, “sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin… sa pamamagitan ni Kristo Jesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa Kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa nagsimula ang panahon. Nilupig Niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.” Samakatuwid, para po sa atin, si Jesus din ang mapa ng buhay natin.
Pero, hindi po ako magmamagaling, kinakabahan po ako sa binabagtas natin, gamit ang Mapang ito. Sa ating Ebanghelyo ngayon, ikinukuwento po ni San Mateo na, kasama sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok at doon Siya ay nagbagong-anyo. Kinakabahan po ako hindi dahil sa pag-akyat nila sa mataas na bundok kundi dahil sa pupuntahan nila pagkababa nila sa bundok na iyon. Kinakabahan po ako hindi dahil sa kagila-gilalas na pagbabagong-anyo ni Jesus kundi dahil sa mangyayari sa Kanya pagkatapos niyon. Bago pa ang kabanata ng Ebanghelyong binasa natin, sinabi na po ni San Mateo kung saan papunta si Jesus. Sa Jerusalem. Iniulat na rin po niya kung ano ang mangyayari kay Jesus doon. Si Jesus ay darakpin ng Kanyang mga kaaway, pahihirapan, papatayin, at sa ikatlong araw ay mabubuhay nang magmuli. Tapos, may hamon pa si Jesus: “Kung may ibig sumunod sa Akin, talikdan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at Ako ay sundan.” Sa madaling-sabi, dapat po nating sundan si Jesus magpahanggang kamatayan. Kung tutoo pong nagbago tayo ng direksyon para tupdin ang kalooban ng Diyos, tutularan po natin si Jesus maging sa kamatayan: ang kamatayan natin ay kailangang nagbibigay-buhay sa iba.
Kung kay Abram ang itinuro ng Diyos ay isang malayong bayan, itinuturo naman po Niya sa atin ang kaganapan ng buhay. Sa paglalakbay po natin patungo sa buhay na yaon, si Jesus at si Jesus lamang ang Mapang ibinibigay sa atin ng Diyos. “Ito ang minamahal kong Ama na lubos kong kinalulugdan,” wika Niya. “Pakinggan ninyo Siya.”
Pero kung tayo man po si Simon Pedro, malamang baka sasabihin din natin kay Jesus, “Panginoon, dito na lang po tayo. Napakaganda po rito. Pagod na rin po kami. Tumigil na po tayo sa paglalakbay. Huwag na po tayong tumuloy sa Jerusalem.” Kaya lang po, sayang! Bakit po? Kasi hindi ba “X marks the spot”? Nasa Jerusalem po ang “X”, wala sa tuktok ng bundok ng Pagbabagong-anyo. Sa halip, kaya nga po nagbagong-anyo si Jesus para ipakita sa atin ang naghihintay sa atin sa ibayo ng Jerusalem.
Ngayong Kuwaresma, higit po nating dinggin ang tawag ng Diyos sa atin na iwan natin ang ating comfort zones at magtaya para sa Diyos tulad ni Abram, baguhin ang direksyon ng ating buhay kung kinakailangan tulad ni San Pablo Apostol, at sundan si Jesus magpahanggang kamatayan. Sa pagtuklas po natin sa tunay na Mapa ng buhay – si Jesus – magsilbi rin po sana tayong mga mapa para sa iba patungo kay Kristo. Mahirap pong maglakbay ng walang mapa. Pero tutoo po bang wala tayong mapa?
No comments:
Post a Comment