Pages

22 December 2013

MERON AKONG KUWENTO: SI YOHANAN (יוֹחָנָן)

Ikawalong Misa de Gallo
Lk 1:57-66 (Mal 3:1-4, 23-24 at Slm 24)

Gandang morning po!  Mas maganda po pala talaga kayo pag-umaga!  Puyat pa kayo n’yan ha.  Biro n’yo, walong araw na po tayong puyat.  Pero ayos lang kasi, sabi nga po natin sa kanta, “…alay ito sa Birhe’t Santo Niño, dinarakila ang Pasko….”

Ang lapit na po talaga ng Pasko!  Dalawang tulog na lang.  Panwalong Misa de Gallo na po natin ito.  Walong beses na tayong nagku-kuwentuhan.  Medyo nalulungkot na nga po ako eh.  Malapit ko na rin kasing hindi na naman makita ang marami sa inyo.  Ang iba talaga sa atin, oo, kaya naman palang magsimba nang madaling-araw – nang sunud-sunod pa ha – pero hindi magawang magsimba kahit araw man lang ng Linggo.  Sana, kahit hindi na po Misa de Gallo, magsimba pa rin kayo kapag Linggo.  Wala nang makikinig sa mga kuwento ko.

Ano nga po bang kuwento ko sa inyo ngayong araw na ito?  Ah, oo nga pala, nandito pa po tayo sa Ein Kerem, sa bahay nila Zekarias at Zabeth.  Tatlong buwan na rin po pala tayo rito.  Hindi ninyo namalayan, ano?  Busy kasi kayo.  Parang kararating lang po natin nila Marya, hindi ba?  Pero hindi po, nanganak na nga po si Zabeth eh!  At salamat sa Diyos, normal naman po ang bata at ang lola, este, ang ina pala.  Sobrang nakakatuwa po, buong barangay nagdiwang, parang pista!  Eh biro n’yo naman po, hindi lang sa matanda na itong mag-asawang Zekarias at Zabeth ha, baog pa nga po si Zabeth.  Pero sa kabila noon, ayun, naglihi, nagdalantao, at nanganak si Zabeth.  At lalaki pa!

Opo, gaya ng sinabi ng anghel kay Zekarias, lalaki ang naging anak nila ni Zabeth.  At ngayon araw pong ito ay tutuliin na ang bata.  Lahat po ng mga lalaking Judyo ay tule.  O, huwag po kayong tatawa ha.  Walang malisya ito.  Kasi po, ang patutule ay napakasagrado para sa mga Judyo.  Ito po ang tipan ng Diyos kay Abraham at kanyang mga kaapu-apuhan na nakasulat sa balat, ika nga.  Ang lahat ng mga lalaking itinuturing na kabilang sa tipan ay tinutule.  Eh ang mga babae po?  Ah, pasensya na po, mga ate, para sa mga Judyo, halos bale-wala kayo.  Eh ang mga lalaki namang hindi tule?  Ah, marumi ang turing sa kanila – marumi hindi sa aspetong kalinisang pangkatawan kundi sa aspetong espirituwal.  Sino po ba ang mga hindi tule?  Huwag po kayong magtaas ng kamay, hindi kayo ang tinatanong ko.  Ang mga hindi tule ay ang mga hentil.

Kaya lang, hindi po ako sang-ayon sa ganyang pananaw eh.  Meron na rin po kasi akong mga nakilala na mga hentil pero ang ugali daig pa ang Kristiyano.  Meron ding tule nga pero namumuhay na parang hindi sila kabilang sa tipan.  Ang tingin kasi nila sa pagtutule ay pankalinisang pangkatawan lang.  Alam po ninyo, tama ang sinabi ni Ka Pablo – siya po iyong naging apostol ng Itinakda para sa mga hentil.  Marami po siyang sinulat, at sa kapitolo 2, bersikulo 29 ng sulat ni Ka Pablo sa mga Taga-Roma, sinabi niya, ang kailangan daw po natin talaga ay ang pagtutule ng puso – iyon po bang paglilinis ng puso, pagtanggal sa puso ng anumang karumihan upang maging karapatdapat para sa Itinakda.  O, ayan, sa ganyang pag-unawa, puwede na nating tanungin ang isa’t isa, “Tule ka na ba…sa puso?”

Bueno, ito na nga po, tutuliin na ngayon ang sanggol na isinilang ni Zabeth.  Ibig sabihin din po noon, bibigyan na ito ng pangalan.  Sa Judaismo po kasi, sa ikawalong araw matapos isilang ang sanggol na lalaki ay dapat nang tuliin at sa pagtutuli ibinibigay ang magiging pangalan nito.  At teka lang po ha, huwag puwedeng basta-basta pangalan lang!  Sagrado rin po ang pagbibigay-ngalan at ang mismong pangalan ng tao, para sa mga Judyo.  May kaisipan nga po sila na puwede kang magkaroon ng kapangyarihan sa isang tao kapag alam mo ang pangalan nito.  Para sa mga Judyo, nilalagom ng pangalan ng tao ang kanyang buong pagka-siya.  Kaya nga po, pinipili nilang mabuti ang kanilang ipinangangalan sa mga anak nila.

Kayo po, anong pangalan ninyo?  Pakitanong nga po ninyo ang katabi n’yo, “Anong pangalan mo?”  O, sagrado ba?  Ang mga tao nga naman ngayon, kung anu-ano na lang po ang ipinapangalan sa mga anak nila.  Meron akong kilala, ang pangalan ng tatay ay Victor, tapos ang nanay naman po ay Timmie.  Ayun, ipinangalan po nila sa anak nila, VicTim – pinagsama ng kulokoy na mag-asawa ang panglan nilang dalawa; kaya ang anak nila victim na victim nga.  Minsan din po hindi bagay ang mukha sa pangalan, di ba?  Naku po, maraming ganyan!  Apple ang pangalan pero mukha namang Durian.  Peaches daw, peaches, pero kulay Duhat naman.  Heto pa nga po, dati noong taga-Manuguit pa, Tiburcio, nakatuntong lang sa Amerika, Steeve na.  Nakakatawa po, di ba?  Sinong pinagtatawanan natin?  Eh di sarili po natin.  Kasi naman po eh, para sa marami sa atin, wala nang kahulugan ang pagbibigay-ngalan at mismong pangalan ngayon.  Kung ano ang uso, siyang ipinapangalan.  Noong diyakono po ako, sikat na sikat si Marimar, ang dami ko pong nabinyagang Marimar ang ipinangalan kahit mukha namang Fulgoso.  Ah, wala po kayo sa mga tiya ko sa pinsan ng tatay ko.  Taal pong pong Laguna ang tatay ko, kaya, naku po, kelalim manangalog.  Pangalan pa lang, mabulaklak na’t hitik sa kahulugan: Luningning, Liwayway, Bituin, Dalisay, at iba pa.  Noong alam ko na pong may Pipong darating sa akin, pero parating pa lang, ang balak ko sanang ipangalan sa kanya “Kidlat”.

Pero ang mga tauhan po sa kuwento ko, sagrado talaga ang mga pangalan nila kasi laging may kaugnayan sa banal.  Siguro po kaya lumaki silang banal.  Para nga po sa ilan sa kanila, ang Diyos pa mismo ang nagpasiya kung ano ang ipangangalan sa kanila.  Katulad po nitong mahiwagang anak ni Zekarias at Zabeth.  Ipagdadalantao palang po ni Zabeth, ibinigay na ng anghel kay Zekarias ang dapat ipangalan sa bata.  Yohanan – ang gandang pangalan, di po ba?  Yohan for short.  Iyan daw po ang dapat ipangalan sa sanggol nila Zekarias at Zabeth, ayon sa anghel.  At swak na swak naman po talaga ang pangalang Yohan para sa anak nila.  Bakit po?  Kasi ang kahulugan po ng Yohan sa wika nila ay “kagandahang-loob ng Diyos”.  Eksakto!  Iyan nga po ang sanggol nila Zekarias at Zabeth: kagangahang-loob ng Diyos.  Yohanan.  יוֹחָנָן.

Si Yohan nga po ang tugon ng Diyos sa pagkatagal-tagal nang dalangin nila Zekarias at Zabeth.  Siya ang kagandahang-loob ng Diyos sa mag-asawang tapat sa Diyos.  Si Yohan din po ang maghahanda sa mga tao para sa pagdating ng Itinakda sa pamamagitan ng pagsisisi sa kasalanan at pagbibinyag.  Siya po ang kagandahang-loob ng Diyos sa mga magbabalik-loob sa Diyos.  Ang gandang pangalan: Yohan.  Ang ganda rin pong programa sa buhay: maging kagandahang-loob ng Diyos.  Sana, kahit anupang pangalan natin, ganyan din ang programa natin sa buhay natin.

Pero wala pa po kasing ganung pangalan sa angkan nila Zekarias.  Kaya, siniguro pa raw po ng mga kabarangay nila Zekarias at Zabeth kung talagang Yohan nga ang ipangangalan sa baby nila.  Dahil hindi pa po makarinig ang ama ng bata, sinenyasan nila si Zekarias para itanong kung anong gusto niyang ipangalan sa hijo niya.  At dahil hindi pa rin siya makapagsalita, humingi raw si Zekarias ng masusulatan at isinulat ang ganito: “Yohanan nga!  Yohan!  Paulit-ulit?  Paulit-ulit?”

Hala!  Bigla raw pong nakapagsalita na ulit itong si Zekarias.  Hindi lang basta nagsalita, umawit pa!  Ang saya po, hindi ba?  Double celebration agad!  Siguro naman po, nakarinig na rin siya ulit, ano?  Hindi po kasi nabanggit sa kuwento eh.  Ang nabanggit po, natakot daw ang mga ocheserang kapitbahay nila at pinagtsismisan na sa buong barangay ang mga pangyayaring ito.  Ang malaking tanong nila: Paglaki ng batang ito, magiging ano kaya siya?  Alam n’yo po kung magiging ano si Yohan paglaki niya?  Ako po, alam ko ang kuwento.  Pero ang malinaw po sa lahat kakaiba talaga itong si Yohan dahil sumasakanya raw ang diwa ng Itinakda.

O, ayan, ayan na po ang kuwento ko sa inyo para ngayong araw na ito.  Magbantay po kayo kasi maliwanag na may ginagawang bago ang Diyos.  Inihuhudyat na po ng Diyos ‘yan hindi lamang sa pangalan ni Yohan kundi si magiging buhay nito.  Sige na nga, bago ko po tapusin ang kuwento ko, sasabihin ko na nang mabilis.  Kung ang tatay ni Yohan, si Zekarias, ay pari, ah, si Yohan po ay magiging lagalag na tagapangaral naman.  Sa templo ang gawain ng tatay, pero sa disyerto naman po ang templo ng anak.  Taga-alay ng kamanyang at mga susunuging handog ang tatay, ang anak naman – si Yohan – sariling buhay mismo ang ihahain sa Diyos.  Nagsisimula na po ang kabaguhan!  At hinding-hindi na po ito mapipigilan.  Natutupad na ang isinulat ni Tandang Malakias – ang propetang narinig natin kanina sa unang pagbasa.  Si Yohan po ang katuparan ng hula ni Tandang Malakias.  Wow, exciting!

Sana magdala rin po tayo ng excitement sa buhay ng maraming tao: tayo mismo ang maging kagandahang-loob ng Diyos sa buhay nila, tayo po mismo ang maging magandang pagbabago sa buhay nila.  Pag-uwi n’yo po sa pamilya n’yo, excited pa ba sila sa inyo?  Pagdating n’yo sa umpukan ng magkakaibigan, na-e-excite pa ba sila sa inyo?  Ma’am, pagpasok mo sa classroom, excited ba ang mga estudyante?  Father, kapag ikaw ang magmi-Misa, excited pa ba ang mga nagsisimba?

O sige po, hanggang dito na lang muna po ulit ha.  Haba na ng kuwento ko eh.  Uuwi na kaya tayo ni Marya sa Nazareth bukas?  Medyo nag-aalala na rin po kasi ako sa kanya eh.  Parang humihilab na rin yata ang tiyan.  Kaso ang dinig ko po, may kantahan pa raw bukas bago tayo magpaalam.

No comments:

Post a Comment