Ikasiyam na Misa de Gallo
Lk 1:67-79 (Sam
7:1-5, 8-12, 14, 16 at Slm 88)
Magandang morning po sa inyong
lahat! Ayan na! Heto na!
Ito na nga po ang ikasiyam na Misa de Gallo ngayong taong ito. Ang lahat ng mga nakakumpleto, binabati ko po
kayo ng isang masigabong congratulations! Sa sa inyo pong lahat na nagparanas sa akin
ng pitong Kapaskuhan dito sa Manuguit, maraming, maraming salamat po. Pero, teka lang po, hindi pa ito ang mismong
araw na pinakahihintay natin ha. Bukas
pa po! Pero magsisimula na ang
napakasaya’t napakabanal na panahon ng Kapaskuhan mamayang gabi sa pagdiriwang
natin ng Christmas Eve Mass. Baka naman
po, nakumpleto nga ninyo ang Misa de Gallo pero makalimutan ninyong magsimba sa
mismong birthday ng Itinakda. Huwag naman po sana.
Saan na nga po ba tayo sa kuwento
ko? Ah, nandito pa po tayo sa bahay nila
Zekarias at Zabeth. Katutuli lang ni
Yohanan, ang mahiwagang anak nila.
Salamat sa Diyos, nabuksan nang muli ang lalamunan at mga tainga ni Zekarias. At umawit pa!
Alam ninyo, nagduda man noong una
itong si Zekarias tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos, hindi naman po siya
masamang tao. Napakamaka-Diyos nga po
nila ni Zabeth eh. Sadyang hindi lang po
siya talaga makapaniwala noong una niyang marinig ang ipinasabi sa kanya ng
Diyos sa pamamagitan ng anghel. Hay,
naku, ganyan po talaga ang Diyos, hindi ba?
Mahilig manggulat. Ang mga grasya
Niya ay bumubulaga sa atin. Kaya dapat
pagsikapan nating laging mulat sa mga pagkilos ng Diyos sa buhay natin ha.
Tara, magpaalam na po tayo kina
Zekarias at Zabeth. Hindi ko na po
ipaliliwanag pa ang kinanta ni Zekarias ha.
Ipinaliliwanag ba ang kanta?
Hindi. Inaawit ang kanta. Isinasabuhay din, kaya nga po may mga kantang
tinatawag na theme songs. Kayo po, ano ang theme song ng buhay n’yo?
Pabalik na po tayo ni Marya sa
Nazareth. Excited ba kayo? Malapit nang isilang ang Itinakda. Pero tiyak ko po, mag-uusap muna nang masinsinan
itong si Marya at si Jose. Huwag po
kayong mag-alala, mauuwi sa mabuti ang lahat.
“God works for good for those who love Him,” sabi ni Ka Pablo sa Rom
8:28. Hindi pinababayaan ng Diyos ang
mga tapat sa Kanya. At wala naman pong
kaduda-duda, tapat na tapat sa Diyos itong si Jose at Marya. Tayo po, tapat ba tayo sa Diyos? Sana, katulad po ni Jose at Marya, walang
katapat ang Diyos sa buhay n’yo.
Wala po akong balak tapatan si
Zekarias ha, kaya hindi na po ako kakanta.
Tutula na lang. Opo, itutula ko
ang kuwento ko sa inyo ngayong umagang ito.
Mga minamahal kong madlang Faithful ni Kristo,
binabati ko po kayo nang
tagos sa buto
‘pagkat inyo nga pong tunay
na nakumpleto
ang siyam na araw ng
pagmi-Misa de Gallo.
Kung wala ang Poon, hindi
natin kakayanin
ang siyam na umagang
pagpupuyat natin.
Kaya naman po mahal na Poong
butihin
Sa masigabong palakpakan ay
pasalamatan natin.
Nitong walong araw na
mabilis na nagdaan,
akin pong ikinuwento sa
inyo ngang tanan,
batay sa ‘king alam at abang
kakayahan,
ang tungkol sa Itinakdang isinilang
para sa tanan.
Lahat ng paraan akin pong
sinubukan:
nangusap, kumanta, at
nakipagbiruan
para lamang ako ay huwag
ninyong tutulugan
at iwang mag-isang sarili
ang kakuwentuhan.
Ngayong ikasiyam sa ating
huntahan,
paglalahad ko po’y sa
makatang paraan.
Pagpasensyahan n’yo sana
ang aking nakayanan:
parangal sa Itinakda at
Inang matimtiman.
Noong unang araw, si Juan
Bautista ang salaysay.
Siya raw po ay ilaw na
maningas na tunay.
Nangaral at nagbinyag na
ang nag-iisang pakay
tuwirin ang daraanan ng
Itinakdang mabubuhay.
Nang kinabukasan, ang kuwento
ko po naman
Ay tungkol sa mga
babaeng mula sa tala-angkan
ng Itinakdang gagapi sa
lahat ng kasalanan
ngunit minarapat mapabilang
sa angkang may kahinaan.
Ikatlong araw ng huntahan,
atin pong pinag-usapan
ang magiging ama-amain ng
Itinakdang isilang.
Jose ang pangalan,
karpintero pong tinuran,
matuwid at tahimik na kay
Marya ay katipan.
Ikaapat na kuwentuhan, si
Zekarias po ang tauhan,
asawa ni Elisabeth na baog
at may katandaan
subalit pinagdalantao ng
Diyos na makapangyarihan.
Silang dalawa nga po mga
magulang ni Yohanan.
Ikalimang araw naman po nang
itinanghal si Marya,
huwaran ng kapakumbabaan,
pananalig, at pagtalima.
Siya po ang babaeng pinag-umapaw
ng Diyos sa grasya
upang sa Itinakada ay
maging marapat na ina.
Noong ika-anim na araw, tayo
po ay naglakbay,
sinamahan si Marya upang sa
pinsan ay dumamay.
‘pagkat baog man at matanda
tunay pa ring nanganay
itong misis ni Zekarias na
Zabeth nga ang palayaw
Ika-apat na Linggo ng
Adbiyento ang ikapitong araw ng aking kuwento.
Dapat daw nating muling
tingnan si Jose, ang sabi ng liturhiya po.
Tulog pa rin po sa sobrang
pag-iisip at pagtatrabaho
ngunit napaliwanagan din ng
Diyos itong si Joseng karpintero.
Sa ikawalong araw ng ating
kuwentuhan
Ang paksa po ay tungkol sa masayang
kapanganakan
at kung bakit nga po ang
ibinigay na pangalan
sa anak ni Zakarias at Zabeth
ay Yohanan o Juan.
Ang araw pong ito ang
ikasiyam na kabanata
sa kuwento ko sa inyo na
tutoong mahiwaga.
Pagsilang ng lubhang
makapangyarihang Itinakda
ay di na magtatagal at
bukas na bukas na nga.
Ang dating pipi ay bigla pong
nagkapagsalita,
yayamang natupad na ang ipinasabi
sa kanya.
Si Zakarias, ama ni Yohan,
nakalagan nga po ang dila,
at, nagpupuri sa Diyos,
umawit siyang karakaraka.
May dalawa pong bahagi ang matimyas
n’yang kanta:
ang una ay paglingon,
pagtanaw naman ang ikalawa.
Inawit ni Zekarias ang mga
dati nang ginawa
at mga gagawin pa ng Diyos
na tapat sa mga pangako Niya.
Dalawa man ang bahagi, iisa
lang po ang pakay
ng mapagpalang pagkilos ng
mabathalang kamay
sa buong kasaysayan ng
bayan Niyang tinawag, pinalaya, at inakay
para maging lahing
kabibilangan ng Itinakdang magtatagumpay.
Katapatan sa pangako – ito
ang buod ng aking kuwento
Na pinagsikapan ko pong
isalaysay araw-araw sa inyo.
Katapatan sa pangako – ito
ang aral na tutoo
Na hatid sa atin ng
Itinakdang naparito.
Ang Diyos ay tapat sa
Kanyang salita.
Pangakong binibitiwan tinutupad
N’ya pong talaga.
Gaano man katagal at
kamasalimuot ng mga kabanata,
Katapatan ng Diyos ay
mananaig na dakila.
Yayamang laging tapat ang
Diyos na mahiwaga,
tunay na dapat sa Kanya
lagi tayong manalig at umasa.
At kapag bahagi natin ay
tunay po nating ginagawa,
ang Dakilang Itinakda sa
tuwina’y ating kasama.
Sa gitna ng kadilimang
pasakit ng kasalanan,
nagbubukang-liwayway sa
buong sankatauhan
ang matinding pag-ibig sa
atin ngang tanan
ng Diyos na tapat at tunay
na maaasahan.
Ang Bukang-liwayway ay ang
Makapangyarihang Itinakda,
Siyang Evangelii Gaudium, ika ni
Francisco na Papa.
Jesus ang ngalan, kagalakan
ng Mabuting Balita
at Mabuting Balitang
kagalakan ang sa lahat ay dala.
Salitang katuparan ng Diyos
na Ama,
sa lubhang katapatan ay
nagkatawang-tao na nga.
Kagalakan ng pag-ibig na
higit po sa ‘ting inaakala:
sa kabila ng mga sala,
biyaya pa rin ating napala.
Bagamat ang Itinakda ay isinilang
sa sabsaban
Ang puso naman natin ang
nais Niyang maging tahanan.
Ito po lagi ang regalong
sabik Niyang inaabangan
mula sa ating lahat na
Kanyang pinag-alayan.
Siya po ay nakibahagi sa
ating pagkatao
Upang sa Kanyang
pagka-Diyos makabahagi tayong tutoo.
Sa ating kaibuturan
nananahan ang Kanyang Espiritu
upang tayo rin naman ay
maging kagalakan ng mundo.
Ito po ang aking kuwento na
kuwento rin ninyo.
Kuwento ito ng Diyos at atin
rin pong kuwento.
Patuloy nating ikuwento sa lahat
ng mga tao
sa pamamagitan ng salita at
pamumuhay natin po.
Hindi pa po tapos ang aking
pagkukuwento.
Sana po kayo ay magbalik kahit
tapos na ang Misa de Gallo.
Ang aking salaysay ay di lamang
tungkol sa Pasko;
kaya’t aasahan ko po kayo sa
Misa ko linggu-lingo.
Sa iisang Diyos na may tatlong
pagka-persona,
at ang sa aking kuwento ang
tunay na may-akda,
ang lahat ng papuri, pasasalamat,
at pagsamba
noon at ngayon at magpasawalang-hanggan.
Siya nawa.
No comments:
Post a Comment