Pages

19 December 2013

MERON AKONG KUWENTO: SI MARYA

Misa de Gallo 5
Lk 1:26-38 (Is 7:10-14 at Slm 23)

Aba, nandito pa po kayo?  Salamat naman.  Good morning po!  Kalahati n’yo na po ang Misa de Gallo.  Congratulations!  Ngayong umagang ito, itinatawid po natin ang ating sinimulan noong nakaraang Lunes.  Nasa kalagitnaan na po tayo ng Misa de Gallo.

Alam n’yo po ba na may natatanging tawag sa Misang ito?  Ito po ang Misa Aurea.  Sino rito ang favourite subject sa eskuwela ay chemistry?  Alam n’yo po ban a si Pope Francis ay isang chemist?  Kabisado ba ninyo ang periodic table?  Ano ang element na ang atomic number ay 79 at ang symbol ay Au?  Gold!  Eh bakit po Au, di ba dapat ay Go?  Kaya po Au kasi aurea na ang ibig-sabihin sa wikang Latin ay “ginto” o gold.  Ang Misa pong ito, ang panlima at gitna ng Misa de Gallo, ay “Ginintuang Misa”.

Bakit tinatawag na “Ginintuang Misa” ang Misa sa pangitnang araw ng Misa de Gallo?  Kasi po sa araw na ito, ang kuwento ay tungkol na sa pagkakatawang-tao ng Itinakda.  Ibig-sabihin, malapit na malapit na talaga Siyang isilang.  Kaya nga po napakahalaga ng araw na ito, nakapa-espesyal, parang ginto kumbaga.  At ito po ang kuwento ko sa inyo ngayong umagang ito.

Pero bago po ako magkuwento ulit, mabanggit ko lang po: Napansin ko, kayang-kaya n’yo palang magsimba ng alas-tres nang umaga kahit araw-araw!  Ano po kaya, gawin na natin itong permanenteng iskedyul ng Misa sa ating parish church?  Kahit tuwing Linggo lang po.  Ano pong tingin ninyo?  Sang-ayon ba kayo?  Sino pong sang-ayon, pakitaas ang kamay.  Meron po bang nagtaas ng kamay?  Palagay ko, may insomnia ‘yan.  Pero wala pong halong biro, hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga taong kayang-kayang magsimba nang sunud-sunod na madaling-araw pagsapit ng panahon ng Misa de Gallo pero hindi naman nagsisimba kapag araw ng Linggo.  Sana po, simula ngayon, lahat kayo ay magsisimba na tuwing Linggo para madalas ko kayong makuwentuhan.  Alam n’yo po, may kuwento ako linggu-linggo!

O, heto na po ang kuwento ko ngayong araw na ito para sa inyo.  Noong panahong iyon, may isang dalagang taga malayong probinsya.  Ang pangalan niya ay Marya.  Sa mata ng mga tao, pangkaraniwang babae lang siya.  Pero sa puso ng Diyos, napaka-espesyal n’ya pala.  Napakaganda po nitong si Marya, sa loob at labas.  Kaya naman po, hindi kataka-takang marami siyang mga manliligaw.  Pero, sorry na lang sa kanila, kasi iisa lang po talaga ang type ni Marya: ang Diyos.  Kaya, bata pa lang daw po ay itinalaga na ni Marya ang buo niyang sarili sa Diyos.  Mahal na mahal ni Marya ang Diyos.

Pero hindi po uso ang hindi nag-aasawa noon.  At parang hindi nga po maganda ang tingin ng mga tao sa hindi pag-aasawa.  Bakit po?  Kasi po kapag hindi ka nag-asawa, hindi ka magkaka-anak, at kapag hindi ka magka-anak, wala kang ambag sa ikadarating ng Itinakda.  Siguro po para sa atin, ang tinatawag na mga “modernong tao”, katawa-tawa naman ang kaisipang iyan, hindi ba?  Kung noon po ay hindi uso ang hindi pag-aasawa para magka-anak, ngayon naman po kasi ay usung-uso na ang nanganganak nang hindi nag-aasawa.  Sa mapantayan ng modernong mundo, laos na po sa uso ang mga pagpapahalaga ng mga sinaunang tao.  Nakakabagabag, hindi po ba?  Habang umaansenso ang buhay ng tao, nalulugi naman ang kanyang pagkatao.  Pataas ang pagka-moderno pero pababa naman ang pagkamaka-Diyos.  Huwag po tayong magbingi-bingihan; may naririnig po tayong munting tinig sa kalooban natin na nagsasabing may malubhang pagka-hindi tama sa ganitong pagbabago.

Balik po tayo kay Marya.  Mahilig pong magdasal itong si Marya: ang pagdarasal ay buhay niya.  At tulad ng lahat ng mga taong madasalin noon, laging kasama sa dasal  ni Marya ang pagdating ng Itinakda.  Marami rin pong babae noong panahong iyon na nangangarap na maging ina ng Itinakda.  Pero hindi po kasama si Marya sa mga babaeng iyon.  Sa kanyang kababaang loob, ni hindi nga po sumagi sa isip ni Marya na  i-presenta ang sarili sa Diyos para maging ina ng Itinakda.  Pero, hindi niya alam, siya pala talaga ang napupusuan ng Diyos.  Siya po pala ang nakatakdang magiging ina ng Itinakda.  Alam n’yo, magandang gabay po iyan sa pagpili ng taong bibigyan ng mataas na posisyon at malaking pribilehiyo: dedmahin ang atat na atat sa kapangyarihan; ang pansinin ay ang walang ka-ambi-ambisyong pumusisyon.  Ganyan po kadalasan ang gawi ng Diyos, hindi ba?

Bueno, sa kabila ng kanyang pribadong pagtatalaga ng sarili sa Diyos at manatiling birhen, ito pong si Marya, gaya ng lahat ng mga dalaga noong panahong iyon, ay naitakdang pakasal kay Jose.  Opo, kay Jose nga po!  Natatandaan n’yo po ba siya?  Siya po iyong pinagkuwentuhan natin noong kamakalawa.  Opo, siya nga po “Ang Karpintero”!  Siya po iyong tahimik, matuwid, mabait, at mababang-loob na ilang beses kinausap ng Diyos sa panaginip para bigyan ng mahahalagang misyon sa buhay ng Itinakda.  Siya nga po ang pinalad na masungkit ang matamis na “oo” ni Marya.  Sabihin po ninyo: “Jose, ikaw na!”  Alam n’yo po ang sagot ni Jose?  “Hindi, Tito Boy, hilaw pa.”  Huh?  Bakit hilaw pa?  Kasi po, nabatid niya, kung kelan ikakasal na sila ni Marya, na buntis na pala itong si Marya at hindi kanya ang bata!  Pero sa kabila noon, pinakasalan pa rin niya si Marya at, ayon po sa kuwento, hindi niya ito ginalaw.  Sa kabila noon, ibinuhos ni Jose ang buo niyang sarili sa pagkalinga, pagtataguyod, at pagpoprotekta kay Marya at sa Itinakda.  Siguro, kaya po mahal na mahal ni Jose si Marya kasi mahal na mahal si Marya ng Diyos.  Ganun naman po talaga dapat, hindi ba?  Kung talagang mahal mo ang Diyos, mamahalin mo rin ang mga minamahal Niya.  Tingnan n’yo po ang katabi n’yo.  Mahal na mahal iyan ng Diyos.  Mahal n’yo rin po ba siya?  Sa mga mag-asawa, ganyan din po dapat.  Mahalin n’yo po ang asawa n’yo dahil mahal na mahal iyan ng Diyos.

Naku po, palagay ko, hindi iilan sa mga kabarangay ni Marya ang tumuring sa kanya bilang disgrasyada.  Alam n’yo naman po, may mga taong kegagaling humusga sa kapwa na para bang kelinis-linis nila.  Ang bilis makakita ng disgrasya sa buhay ng iba pero bulag sila sa sariling grasa.  At marammi rin pong mga tsismoso at tsismosa kahit noong unang panahon pa.  Ang hindi lang po alam ng mga kabarangay ni Marya, ang ipinagdadalantao niya ay hindi disgrasya kundi grasya.  Sabi nga po ng anghel na isinugo kay Marya, “Napupuno ka ng grasya!”  KecharitomeneFull of grace.  Siya pa nga po ang magdadala ng grasya sa mga nagmamagaling humusga sa kanyang disgrasyada siya.

Pero hindi po naging madali ang lahat para kay Marya.  Bukod sa hindi siya makapaniwala sa Grasyang dumating sa buhay niya, marahil nanginig din siya sa hamon ng pagiging ina ng Itinakda.  Ang hindi rin naman po alam ni Marya, bago pa siya isinilang, nasa puso na siya ng Diyos at inihanda na siya para sa napakalaking misyong ito.  Sa sinapupunan pa lang ng kanyang inang si Ana, si Marya ay pinag-umapaw na ng Diyos ng grasya kaya hindi po siya nabahiran ng anumang grasa.  Gayunpaman, hindi po iyon nangahulugang walang nang sariling pasya itong si Marya.  Opo, inihanda nga siya ng Diyos pero inihanda pa rin ng Diyos ang Kanyang sarili anuman ang magiging sagot ni Marya sa Kanya.  Lagi pong malaya si Marya.  Ang ganda nga po ng tagpo sa kuwento ngayon: parang tumigil ang lahat, nabalot ng nakabibinging katahimikan ang buong mundo, at kinakabahang naghintay ang sankatauhan sa isasagot ni Marya sa panliligaw ng Diyos sa kanya.  At nang ibigay na ni Marya sa anghel ang sagot niya sa Diyos, ito ang kanyang sinabi: “Ako’y alipin ng Panginoon.  Mangyari sa akin ang iyong sinabi.”  Palakpakan!

Alam ninyo may lihim po ang kuwento ko.  Iisa lang ang sekreto nitong si Marya: ang pananampalataya niya sa Diyos.  Napakalakas, napakawagas, napakalalim, napakatibay, napakabuo, at napakamababang-loob ng pananampalataya niya sa Diyos.  Nagbunga po ang pananampalatayang ito ng pagtitiwala at pagtalima ni Marya sa Diyos, kahit hindi niya maunawaang ganap ang lahat, kahit isuko pa niya ang kanyang sariling mga plano sa buhay, kahit ipain pa niya ang sariling katawan, kahit pag-isipan pa siya ng masama ng kapwa, kahit husgahan pa siya nang mali ng mga tao.  Talagang wala pong karibal ang Diyos sa buhay ni Marya.  Tayo po, may karibal ba ang Diyos sa buhay natin?  Sino?  Ano?  Ah, kung meron po, tayo ang disgrasya.

Tatapusin ko na po muna ang kuwento ko bago pa ako madisgrasya.  Pero ihinga ko lang po ito sa inyo bago ako maupo: medyo balisa ako sa wakas ng kabanatang ito eh.  Pansinin po ninyo, sabi ni Lukas na nagsulat ng kuwentong ito, pagkatapos daw pong makuha ng anghel ang matamis na “oo” ni Marya sa Diyos, nilisan nito si Marya, iniwan nito si Marya.  Ah, eh, sa tindi ng hinihingi ng Diyos kay Marya, hindi po kaya dapat hindi na umalis ang anghel sa tabi n’ya?  Tutal siya na nga po ang ina ng Itinakda, bakit pa siya iniwan ng anghel?  Dapat pa nga po tumawag ang anghel ng re-inforcement eh: marami pang mga anghel para maging bodyguards ni Marya.  Di ba ganun ang marami sa mga pulitiko natin?  Kahapon lang nga po, balitang-balita yung tungkol sa isang mayor na “utak wang-wang” pa rin.  Napakabata pa namang mayor.

Nilisan daw ng anghel – ganun?  Hindi po ba puwedeng sumama na lang si Marya sa anghel para mas ligtas siya?  Ah, kung tayo po ang susulat ng kuwentong ito, malamang ganun nga po ang ending.  Pero hindi po kasi tayo ang sumulat eh.  Ang Diyos.  At salamat, hindi tayo ang sumulat ng kuwentong ito, kundi baka walang Pasko.

Sa palagay ko po, kaya lumisan na ang anghel kasi hindi na siya talaga kailangan ni Marya.  Bakit?  Nandoon na si Jose para alagaan siya.  Ganoon din po sa atin: ipinagkakatiwala tayo ng Diyos sa isa’t isa.  Umaasa po ang Diyos na hindi natin pababayaan ang isa’t isa.  Pero higit pa po kay Jose, nasa sinapupunan na ni Marya ang Diyos, hindi ba?  Nilisan nga siya ng anghel pero nililiman naman siya ng Diyos.  Iniwan nga siya ng anghel pero nanahan naman sa kanya ang Diyos.  Tayo po kaya – nakaninong lilim tayo?  Sino o ano ang nananahan sa atin?  Sana po lagi ang Diyos.

O paano po, napahaba na naman ang kuwento ko.  Dito na lang po muna ulit ha.  Huwag po kayong mag-alala, hindi pa tapos.  Bukas ulit.  May sequel pa po ang kuwento tungkol kay Marya.  Bukas may pupuntahan siya.  Huwag po kayong mawawala ha, sasamahan natin si Marya bukas maglakbay.  May bibisitahin po tayo bukas!

1 comment:

  1. Hello FrBobby!
    Very inspiring reflection.
    God bless you always!

    Merry Christmas!

    Love,
    Don & Gigi (Yebra)

    ReplyDelete