Pages

20 December 2013

MERON AKONG KUWENTO: ANG PAGLALAKBAY (Sama kayo?)

Ika-anim na Misa de Gallo
Lk 1:39-45 (Awt 2:8-14 at Slm 32)

Good morning!  Handa na ba kayo?  Hindi po ba ang sabi ko sa inyo, maglalakbay tayo ngayong umagang ito?  Opo, may pupuntahan tayo.  May dadalawin tayo.  Sasama ba kayo?  Tara sa daan na lang po tayo magkuwentuhan!

Halikayo at samahan po natin si Marya.  Dadalaw siya sa pinsan niya.  Kina Zabeth.  Kilala n’yo po ba si Zabeth?  Iyon pong asawa ni Zekarias.  Elizabeth talaga ang pangalan niya, pero Zabeth for short.  Opo, siya pong iyong nagdalantao sa kabila ng kanyang katandaan.  At hindi lang po siya matanda ha; baog pa siya!  Alam n’yo po ang nanay ko, kerami nilang magkakapatid: labinpito!  O, wala kayo sa lola ko!  Pero wala po kayo kay Zabeth – nagbuntis kahit baog.  Kaya naman ito pong si Marya, nagmamadali papunta kina Zabeth.  At tayo ang sabit.  Tara, samahan po natin si Marya.  Dalawin natin si Zabeth, mga ka-sabit!

Naku po, malayo ang lalakbayin natin ha.  144.7 kilometro po mula sa Nazareth.  Ayon po sa kalkulasyon ko, mga isang oras at apatnapung minuto…kung magko-kotse tayo.  Eh kaso, maglalakad lang po tayo!  Si Marya na lang po ang pasakayin natin sa asno.  Buntis s’ya, remember?  Iyon na nga po, nag-aalala ako para kay Marya.  Aba, paano kung makunan siya?  Hindi lang po iyon, napakamapanganib kayang maglakbay, lalo na kung wala tayong makasabay.  Akala n’yo po ba dito lang sa atin may mga holdaper, isnatcher, at kidnaper?  Ha, nagkakamali kayo.  Marami rin po niyan kina Marya.  Parang prostitusyon, mga lumang trabaho na po ‘yan!  Hindi lang po iyon, naisip n’yo po bang baka may makasalubong tayong mababangis na hayop sa mga ilang na daan?  Pero hindi po mapigilan itong si Marya.  Ganyan siya talaga, halos mistulang pabaya na sa sarili basta pagdamay sa kapwa ang pinag-usapan.  Hindi lang po siya tumutulong, nagsasakripisyo siya.  Kaya, kung tayo po ay sanay sa klase ng pagtulong na walang personal na pagsasakripisyo, hay naku, huwag na po tayong sumama sa kanya.  Malamang maiiwan niya tayo.

Sanay naman po tayong dumalaw hindi ba?  At mahusay po tayo basta pagdalaw ang pag-uusapan.  Lagi tayong may bitbit.  Ang nakakatawa nga po, kapag dumadalaw tayo, dumarating tayong may bitbit; pag-alis natin, may bitbit pa rin!  O, sasama kayo kay Marya pagbisita kay Zabeth, eh ano pong bitbit n’yo?  Ano basta lang sasabit, walang bitbit?

Si Marya wala rin pong bitbit.  Kasi naman po hindi niya bitbit ang pasalubong n’ya kina Zekarias at Zabeth.  Dala-dala n’ya na po sa sinapupunan niya ang regalo n’ya sa mag-asawa.  Hindi po ba ipinagdadalantao na niya ang Itinakda?  Opo, ang Itinakda mismo ang pasalubong niya sa kanila.  At pag-uwi niya po, sa halip na magbitbit pa siya ng kung ano pauwi, iiwan ni Marya ang grasya sa mag-asawang pinsan.  Sana hindi po tayo madisgrasya sa daan.

O, handa na ba kayo?  Teka, baka po pagdating natin kina Zabeth, magmamadali kayong umuwi ha.  Hindi po ganun.  Kung magmamadali rin lang kayo, maiwan na lang po kayo.  Tatlong buwan po tayo roon.  Ang plano po kasi ni Marya, tatlong buwan samahan ang pinsan.  Paano naman po, ika-anim na buwan na pala ng pagbubuntis nitong si Zabeth; kaya, sa ikatlong buwan, kabuwanan na niya.  Hehe…hindi pa po ba ninyo gets?  Hindi bakasyon ang ipupunta ni Marya kina Zabeth.  Hindi lang po siya dadalaw.  Dadamay siya.  O, sama pa po kayo?  Ano po – dadalaw lang ba kayo o dadamay?

Masarap dumalaw, hindi po ba?  Lalo na kung sandali lang, kung puwede ka agad-agad umalis kapag bagot ka na, kung bakasyon lang ang pakay mo o pangangamusta kaya.  Pero paano na kung hinihingi ng pagdating mo ang pananatili nang matagal-tagal o talagang matagal na matagal?  Paano kung hindi bakasyon ang daratnan mo pagdating mo kundi pagsisilbi?  Ilang beses na po natin nasabi ang ganito “Bakasyon ako; bawal ako istorbohin” o “Day off ko ngayon; huwag ninyo akong gambalain” o kaya po ganito “Akala ko pa naman bakasyon grande na ako, ‘yun pala hindi: trabaho pa rin!”  Naku po, kung ganyan kayo, huwag na kayong sumama sa amin ni Marya ha.  Baka makunsumi lang kami sa inyo.

Pero marami pong ganyan ang ugali pero gustung-gusto naman laging sumama.  Basta may lakad, sasama.  Kahit saan, sasama.  Basta makakasabit, kakapit.  Kapag sarap, ayos; pero kapag hirap na, adios!  Hehe…kahit sa simbahan, maraming ganyan, hindi ba?  Batu-bato sa langit, ang tamaan sana naman po magising na.

O paano, sasama pa po ba kayo?  Hala, tara na po, para bago magtanghali, malayu-layo na rin ang nalakad natin.  Huwag tutulog-tulog ha.  Manatiling gising.  Nakakita na po ba kayo ng naglalakad nang tulog?  Mukhang zombie, di ba?  Tingnan n’yo po ang katabi n’yo, inaantok ba siya?  Naku, iwan na po natin ‘yan.  Nagmamadali po si Marya.  Sa tutoo nga po, hindi eksakto ang katagang “nagmamadali” para ilarawan ang paglalakbay na ito.  Alam n’yo po, ayon sa orihinal na pagkakakuwento – sa wikang Griyego po ang orihinal na pagkakakuwento – ang paglalakbay ni Marya ay sinasabing meta spoudes.  Alam n’yo po ba kung ano ang ibig-sabihin ng meta spoudes?  Hindi lang po iyon basta “nagmamadali”.  Kapag naglalakbay ka nang meta spoudes, ibig-sabihin, punung-puno ka ng pag-aalala.  Opo, hindi lang nagmamadali itong si Marya, alalang-alala siya para kay Zabeth.  Ngayon kung tayo po ay walang pag-aalala para sa pupuntahan natin, dadalawin natin, dadamayan natin, tutulungan natin, hay naku, wag na lang po tayong sumama.  Maiwan na lang tayo.  Magiging pabigat pa tayo sa ibang punung-puno ng pag-aaala sa pagmamadaling makarating sa dapat marating.

Pero, teka pala, ano nga pong bitbit ninyong pasalubong para kina Zabeth?  Baka tsismis ha.  Naku po, parang hindi nawawala iyan sa mga paborito nating pasalubong.  Huwag na pong tsismis.  Alam n’yo po, may suggestion si Pope Francis.  Ang palagi raw po nating ipansalubong sa lahat ay ang evangelii gaudium.  O, alam n’yo po ba kung ano ang evangelii gaudium?  Hindi po iyan regalong nabibili sa mall.  Ang ibig-sabihin ng evangelii gaudium ay “kagalakan ng ebanghelyo”.  At ang evangelii gaudium ay hindi “ano” kundi “sino”.  Ang evangelii gaudium ay ang Itinakda mismo: si Jesus, laging si Jesus, tanging si Jesus.

Dalhin po natin si Jesus sa marami pang mga Elizabeth at Zekarias sa mundo.  Tulad ni Marya, isilang po natin ang Itinakda sa buhay ng marami pa nating mga kamanlalakbay.  Tayo mismo ay maging mga evangelii gaudia, ang “mga kagalakan ng ebanghelyo” sa pamamagitan ng ating nakapagbibigay-buhay na pagdamay sa kapwa, lalung-lalo na ang mga dukha, mga maykapansanan, at mga nagdurusa.  Ipadama po natin sa kanila – bagamat minsan ay wala rin tayong magawa upang maibsan na nang tuluyan ang paghihirap nila – na hindi sila nag-iisa at hinding-hindi sila mag-iisa.  Pinuntahan natin sila.  Hindi lamang dinalaw; bagkus ay dinamayan talaga.

Hindi na po ako magsasalita.  Maglakbay na po tayo.  Tahimik.  Nakikiramdam.  Nakaantabay kay Marya.  Dadalhin natin ang Itinakda saanman tayo akayin ni Marya.

No comments:

Post a Comment