Ikadalawampu’t
Tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 14:25-33 (Kar 9:13-18 / Slm 67 / Flm 9-10,12-17)
Minsan hirap
na hirap po tayong unawain ang mga pangyayari sa ating buhay. Minsan hirap na hirap tayong maintindihan ang
mundo. Pati nga po ang isa’t isa, minsan
hirap na hirap din tayong unawain, hindi ba?
Sa katunayan po, minsan pati sarili natin hindi natin maintindihan. Kaya nga po, hindi na tayo nagugulat sa
pahayag ng unang pagbasa ngayong araw na ito.
Nagtatanong po ng may-akda ng Aklat ng Karunungan: “Sinong tao ang
makatatarok sa kaisipan ng Diyos? Sino
ang makaaalam sa kalooban ng Panginoon?”
Sino nga po ba?
Kung ang mga pangyayari nga po sa buhay natin,
kung ang mundo nga pong natin, kung ang isa’t isa nga po, at kung ang sarili na
rin nga po natin mismo ay hirap na hirap na tayong unawain, ang Diyos pa
kaya? Pero, baka hindi po natin
napansin, sinagot din ng may-akda ng Aklat ng Karunungan ang kanyang
tanong. May makatatarok daw po sa
kaisipan ng Diyos at may makaaalam sa Kanyang kalooban. Ngunit ang kakayahan daw pong ito ay hindi
likas sa tao kundi grasya ng Diyos.
“Walang makaaalam ng Iyong kalooban malibang bigyan Mo siya ng Iyong
karunungan, at lukuban ng Iyong diwang banal mula sa kaitaasan,” wika ng
may-akda sa Diyos. Samakatuwid, may
“taong makatatarok sa kaisipan ng Diyos at makaaalam sa kalooban ng
Panginoon”. At ang taong yaon ay ang
kasiyahan ng Diyos ng Kanyang karunungan at diwang banal. Malinaw din po ang layunin ng Diyos kung
bakit ibinibigay Niya sa tao ang kakayahang maunawaan ang Kanyang kaisipan at
malaman ang Kanyang kalooban. “Sa
ganitong paraan lamang,” patuloy ng may-akda sa pakikipag-usap sa Diyos,
“maiwawasto Mo ang mga tao sa matuwid na landas.” Pagwawasto sa tao ang pakay ng Diyos at tuwid
na landas ang nais niya para sa tao.
Gusto po ba ninyo ang grasyang ito? Nais ba po ninyong bigyan kayo ng Diyos ng
Kanyang karunungan at diwang banal? Kung
gayon, hingin po ninyo sa Diyos. Subalit
kailangan din ninyong hanapin ang karunungan at diwang banal ng Diyos sa lahat
ng pangyayari sa buhay ninyo, sa bawat sulok ng lipunang kinabibilangan ninyo,
sa mga kapwa-taong nakasasalamuha ninyo, at sa mismong sarili ninyo. Kaya nga po, napakahalagang tanungin kung
tutoo bang hinihingi natin sa Diyos ang grasyang ito at ang grasyang ito ba
talaga ang hinahanap natin? Baka po kasi
hindi. Baka lang naman po.
Ang Karunungan
ng Diyos ay si Jesus. Ang Diwang Banal
ng Diyos ay ang Espiritu Santo, at ang Espiritu Santo ay pangako ni Jesus mula
sa Ama. Kausapin natin si Jesus. Dinggin natin si Jesus. Sundin at sundan po natin si Jesus. Seryosohin po natin ang ating pagiging mga
alagad ni Kristo Jesus.
Pero hindi
biro ang pagsunod kay Jesus. Mabigat po
ang hinihingi nitong kapalit. Mahirap
ang hamon nito sa atin. Ang pagsunod sa
Jesus na walang krus ay kasinungalingan at ang pagpasan sa krus na walang Jesus
ay kaparusahan. Hindi sinungaling si
Jesus at ayaw Niya po tayong parusahan; kaya nga may krus si Jesus na ating
sinusundan at may Jesus ang krus na dapat nating pasanin.
“Hindi
maaaring maging alagad Ko,” wika ni Jesus sa Ebanghelyo, “ang sinumang umiibig
sa kanyang am at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili
niyang buhay nang higit sa Akin. Ang
sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa Akin ay hindi maaaring
alagad Ko.” Kayo po ba ay mga alagad ng
Jesus na ito? Kung gayon, sino po bang
katapat ni Jesus sa buhay ninyo? Kayo po
ba ay tagasunod ng Kristong ito? Ipakita
nga po ninyo ang krus ninyo. May Jesus
po ba ito? Pinapasan po ba ninyo
ito? Paano? Gusto po ba ninyong ipagpalit ang krus na
pasan ninyo sa pagsunod kay Kristo?
Kanino? Sa ano? Bakit?
Sa maraming
pagkakataon, ang pinakamabigat na krus na hinihinging pasanin natin ay hindi
ang kailangan nating yakapin kundi yaong dapat nating bitiwan alang-alang sa
pagsunod natin kay Jesus. Sa pagsunod po
natin kay Jesus, sa pagnanais po nating tumulad sa Kanya, madalas ang
isinasaaang-alang natin ay yaong mga dapat nating gawin. Paano naman po yaong dapat nating hindi gawin
para wagas at ganap nating mapasan ang ating krus sa araw-araw? We
often consider Christian discipleship in terms of what we must do so much so
that we forget what needs to be undone in us.
We need to undo everything in us that makes Jesus merely secondary in
our life. We must undo every attachments
we have so that we may cling to Jesus, only Jesus, always Jesus. In fact, we need to undo our selves and
surrender our whole being to the grace of God that re-creates us, re-invents
us, re-animates us. Kailangan po
nating mamatay sa ating sarili upang tayo ay maging mga bagong nilikha kay
Kristo Jesus. Tulad po ni Onesimus, na
pinababalik ni San Pablo Apostol sa dati nitong among si Filemon, na narinig po
natin sa ikalawang pagbasa ngayong araw na ito, mga bagong tao na tayo,
pinalaya sa dating kaalipinan sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay
Jesukristo. Sa isa pang sulat ni Apostol
San Pablo, winika niya, “Ako’y napako sa krus na kasama si Kristo; at hindi na
ako ang nabubuhay, kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na
ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya sa Anak
ng Diyos na sa akin ay umibig at ibinigay ang Kaniyang sarili dahil sa akin”
(Gal 2:20).
Ano po ba ang
dapat nating bitiwan para kay Jesus? Sino
po ang kailangan nating bitiwan para mahigpit tayong makakapit kay Kristo?
Napakabigat, napakahirap, napakaradikal, hindi po
ba? Lalo na po kapag “sino” na ang
tinatanong na kailangan nating bitiwan.
Kaya naman po, ibinigay sa atin ni Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na
ito ang dalawang talinhaga na kapwa binibigyang-diin ang kahalagahan ng
palagiang pangingilatis para sa isang tunay na alagad ni Jesus. Huwag po tayong pabigla-bigla sa paggawa ng
malalaking desisyon sa buhay nating bilang mga alagad ni Jesus. Laging sinasabi ng mga magulang ko sa aming
magkakapatid, huwag padaskul-daskol.
Huwag padadala sa bugso ng damdamin kapag gumagawa ng mabigat na pasya. Mangilatis!
At hindi po tayo makapangingilatis kung hindi tayo marunong manahimik,
mataimtim manalangin, madalas magnilay, matiyagang mapagmasid, at makatotohanan
sa sarili.
Matatarok po
natin ang kaisipan ng Diyos at ang Kanyang kalooban ay malalaman natin kung
ibibigay ng Diyos sa atin ang Kanyang karunungan at diwang banal. Sa mapanalanging pangingilatis ibinubuhos ng
Diyos ang grasyang ito. Mag-umapaw po
nawa sa atin ang grasyang ito.
My eyes are open...
ReplyDelete