IKADALAWAMPU’T ISANG LINGGO SA KARANIWANG
PANAHON
Lk 13:22-30 (Is
66:18-21 / Slm 116 / Heb 12:5-7,11-13)
Noong nag-aaral pa po kami sa
seminaryo, nabanggit sa amin na itinuturo raw ng teolohiya ang tamang sagot
samantalang itinuturo naman ng pilosopiya ang tamang tanong. Malamang, hindi po nag-aral ng pilosopiya ang
taong nagtanong kay Jesus sa Ebanghelyo ngayong araw na ito. Gayunpaman, ibinigay pa rin ni Jesus sa kanya
ang tamang sagot.
“Ginoo,” may nagtanong kay Jesus,
“kakaunti po ba ang maliligtas?” Alam po
ninyo, para sa mga tagapakinig ni Jesus napakahalaga ng tanong na ito dahil
hindi maganda ang sagot na natatanggap nila mula sa kanilang mga
lider-relihiyoso. Maraming mga eskriba
noong kanilang panahon ang nagtuturo na ang kaligtasan ay hindi para sa lahat
ng tao. Sa halip, ang kaligtasan ay para
lamang sa mga Judyo pero marami pa ring mga Judyo ang hindi maliligtas. Ayon po sa namamayaning katuruan noon, ang maliligtas
ay yaon lamang mga Judyong buong higpit na tumutupad sa daan-daang batas na
nalikha ng mga eskriba mula sa Sampung Utos na kaloob ng Diyos sa kanila sa
pamamagitan ni Moises. At lubhang napakabigat
po niyon para sa karamihan sa mga Judyo.
Mga Judyo lang daw ang maliligtas,
sabi ng mga eskriba. At maging mga Judyo
ay hindi siguradong maliligtas lahat. Paano
pa po kaya tayo? Hindi tayo mga
Judyo. Para sa mga Judyo, tayo ang mga
Hentil. Kung susundin ng Diyos ang
pamantayan ng mga Judyo tungkol sa kaligtasan, impiyerno tayong lahat.
Pero mali po ang tanong. Hindi na po mahalagang malaman kung kakaunti
o marami ang maliligtas. Ang tunay na
mahalaga raw po, ayon mismo sa Panginoong Jesus, ay ang pagsikapan nating
pumasok sa makipot na pintuan. “Sinasabi
Ko sa inyo,” patuloy pa Niya, “marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi
makapapasok.” Kapag isinara na rin daw
po ang pintong yaon, hindi na ito bubuksan kahit kumatok pa tayo nang
kumatok. At pansinin po ninyo, walang
binanggit ang Panginoon na mga Judyo lamang ang maliligtas. Sa halip, para pa ngang binabalaan Niya ang mga
Judyo: “…darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at
timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may
nauunang mahuhuli.” Samakatuwid,
ipinahihiwatig ng Panginoon na ang kaligtasan ay hindi lamang para sa mga Judyo
kundi para sa lahat at silang mga Judyong naunang pinagpahayagan ng Diyos ay
possible pang mahuli sa langit. Kaya
naman po, ang dapat pagtuunan ng pansin at pagsisikap ng lahat ay ang maligtas
at hindi ang malaman kung ilan ang maliligtas.
Ayon
po sa 1 Tim 2:4, “Kalooban ng Diyos na maligtas ang lahat”. Pero may dapat pa rin po tayong gawin. Ano?
Apat na bagay po.
Una,
ang pintuan ng kaharian ng Diyos ay makipot.
Opo, bukas ang pinto, pero masikip daw ang lagusan. Ang ibig sabihin po ng “pagsikapan” (o strive o try sa pagkakasalin sa wikang Ingles ng Ebanghelyo ngayong araw na
ito) ay hindi lamang pagtitiyaga kundi pakikibaka, hindi lamang po simpleng
subukang makapasok kundi paghirapang makapasok.
Ito ang madalas nating malimutan o pilit na tinatakasan: ang pakikibaka,
ang paghihirap. Wala pong bayad ang
pagpasok sa langit. Wala pong ticket
dapat bilhin para makapasok ka sa kaharian ng Diyos. Pero, bukod sa awa ng Diyos unang-una sa
lahat, kailangan din po natin ng disiplina sa pamumuhay, ng pagsupil sa mga maling
hilig, ng paglinang sa mga kakayahang kaloob sa atin ng Diyos, at ng pagkamatay
sa sarili na sinasagisag ng pagpasan sa ating krus araw-araw.
Ang
sabi po natin, “Kapag maigsi ang kumot, dapat matutong mamaluktot.” Gayundin naman po, dahil ang pintuan ng
kaligtasan ay makipot huwag na po tayong magdala ng kung anu-ano pang mga abubot. Suriin po natin ang mga kolorete natin sa
buhay, ang mga ka-ek-ekan natin, ang mga bagahe natin – talaga po bang
nakatutulong ang mga ito sa atin?
Magliligtas po ba ang mga ito sa atin o humahadlang ito para ganap
nating masundan si Jesus papasok sa kaharian ng Diyos?
Ikalawa,
hindi laging nakabukas ang pinto ng kaligtasan.
Ngayon po ay bukas pa, pero isasara rin ito pagdating ng takdang
oras. Ang Panginoon po mismo ang nagsabi
nito sa Ebanghelyo – “Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan,
magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok.” Kailangan din po nating gamitin nang mabuti
ang panahong kaloob sa atin ng Diyos.
May hangganan ang lahat – ilista po natin isa-isa, ang una sa ating
listahan ay ang buhay natin mismo. Kapag
pinagpabukas-bukas po natin ang tunay na mahahalaga para sa ating kaligtasan,
kapag nagpa-“bandying-bandying” po tayo, kapag tsaka na lang tayo nang tsaka na
lang sa tawag na manalangin tayo, magpatawad tayo, magmalasakit tayo, magsimba
tayo, makipagkasundo tayo, magmahal tayo, malamang po aabutan tayo ng pagsara
sa pinto nang hindi man lamang natin nasubukang pagsikapang makapasok. Limitado lang po ang panahon natin. Huwag sana nating sayangin.
Sabi
po natin, “Daig ng maagap ang taong masipag”.
Tama po iyan sa usapin ng kaligtasan.
Bakit po natin ipagpapabukas ang mga bagay na sinhalaga ng ating
kaligtasan? Bakit po natin sasayangin
ang pagkakataong kaloob ng Diyos sa atin ngayon gayong hindi naman po tayo talaga
sigurado sa bukas? Mahirap pong kalaban
ng kaligtasan ang katamaran, kawalang-pagkabahala, at kawaldasan. Tamad po ba tayo? Wala po ba tayong paki? Waldas po ba tayo?
Ikatlo,
pantay-pantay po tayong lahat sa harap ng pintuan ito. Hindi po ako mauunang pumasok kasi pari ako. Hindi po porke pari ako ay mas madadalian o mas
mabibilisan akong makapasok sa langit kaysa sa inyo. Hindi po pampadulas sa Diyos ang pasiya kong
magpari. At, kung sa awa ng Diyos at
pakikipagtulungan ko sa grasya Niyang kaloob ay makapasok ako sa pintuang
makipot bago ito isara, hindi pa rin po nangangahulugang mas maganda ang
kalalagyan ko kaysa sa inyo dahil ako ay pari.
Bagamat higit na marunong magpasalamat ang Diyos kaysa sa atin at
bukas-palad po Siya sa pagsukli sa ating mga pasiyang ginawa para sa Kanya, pantay-pantay
po tayong lahat sa di-malirip na kaloob na kaligtasang handog Niya sa atin.
Wala
po tayong maipagmamalaki sa Diyos. Wala
rin tayong dapat ipagmalaki sa ating kapwa para sabihin nating tayo lang ang
maliligtas o maliligtas din kayo pero una ako at mataas ang luklukan ko kaysa
sa inyo. Ang lahat ay biyaya,
lalung-lalo na po ang ating kaligtasan.
At tayong lahat po sana ay bagsak, pero pinasa po tayo ng awa ng Diyos,
hindi ba? Kaya nga’t wala pong
nakapapasok sa langit kundi yaon lamang mga pasang-awa.
Ikaapat,
sa kabila ng pintuan ng kaharian ng Diyos ay may mga surpresang naghihintay sa
atin. Ang sabi po ng Panginoon sa
Ebanghelyo, “Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.” Kaya huwag po tayong pakaseguro: marami sa
ating mga inaakala at mga pagkakalkula ang babaliktarin o tuluyang
pawawalang-saysay. Ang mga dukha sa
buhay na ito ay maaring mga maharlika sa kabila. Ang mga minamaliit sa lupa ay maaaring sa
langit ay pinakadakila. Ang mga
makasalanan ay maaaring maging higit pang maningning kaysa mga deboto. Kaya, huwag pong maging kampante sa mga haka-hakang
natutunan natin mula sa mga pamantayan ng mundo. At hindi rin po natin dapat ituring ang
sarili na mas mataas, mas banal, at mas karapat-dapat kaysa iba. Pagpanaw po natin sa mundong ito, babaliktad
ang ating mundo.
Kung
gayon, hindi na po natin dapat itanong ang mga hindi mahalagang tanong gaya ng
sino ang maliligtas o marami bang makapapasok sa langit. Sa halip, gawin po nating kaabalahan lagi ang
hamon ni Jesus na pagsikapan nating makapasok sa pintuang makipot bago ito
isara. Seryosohin po natin ito. Tandaan natin, nasa huli ang pagsisisi. Huwag po nating sayangin ang mga pagkakataong
ibinibigay sa atin ng Diyos. Tutoo po, our God is the God of many second chances
but remember there is always a last chance.
At kung nakararanas tayo ng pagdidisiplina ng Diyos, isa-isip po natin
ang narinig nating sulat sa mga Hebreo sa ikalawang pagbasa: “Anak, huwag kang
magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon, at huwag panghinaan ng loob
kapag ikaw ay pinarurusahan Niya. Sapagkat
pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig Niya, at pinapalo ang itinuturing
Niyang anak.”
Importante
pong itanong ang mga tamang tanong. Pero
huwag lang po tayo tanong nang tanong.
Ngayong ibinigay na po sa atin ni Jesus ang tamang sagot, dapat nating isabuhay
iyon.
No comments:
Post a Comment