Pages

28 April 2013

PATI MGA PAA NI JUDAS


Ikalimang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon
Jn 13:31-33a, 34-35 (Gawa 14:21b-27 / Slm 114 / Pahayag 21:1-5a)

Ang ganda ng Ebanghelyo ngayon: bungad na bunga pa lang po, binabanggit na kaagad si Judas!  Pero papasok pa lang po tayo sa silid ng Huling Hapunan, papalabas na siya.  Mistulang nasalubong natin siya habang papasok tayo at papalabas naman siya sa piging ng pag-ibig.  Baka nga po nagkabanggaan pa tayo sa may pintuan ng hapunan ng Panginoon.

Pero maganda pa rin po talaga ang simula ng Ebanghelyo: ipinakita agad sa atin ang mukha ng taong walang pag-ibig.  Sa wakas nga po ng Ebanghelyo, sinabi ni Jesus, makikilala raw ng lahat na tayo ay mga alagad Niya kung tayo ay mag-iibigan.  Ito po ang tinalikuran ni Judas: ang pagiging alagad ni Jesus.  At ang tanging naiwan na lang sa ating alaala ay ito: si Judas ang nagkanulo sa Panginoon.  Hindi na po siya kinikilala bilang alagad ni Jesus.  Ang alam ng lahat: siya ang nagbenta kay Jesus sa halagang tatlumpung pirasong pilak.  Wala na pong nababakas na pag-ibig sa kanya.  Sa anumang larawan ng Huling Hapunan, ang palatandaan na lang po natin kay Judas ay ang supot na naglalaman ng kanyang kinita sa pagkakanulo sa Panginoon.

Pero maganda po talagang nagsisimula ang Ebanghelyo ngayong araw na ito sa pagbanggit kay Judas.  At maganda nga po ito hindi dahil kay Judas kundi dahil kay Jesus.  Dahil sa pag-ibig ni Jesus.

Ang Ebanghelyo po ng Misang ito ay hango sa ikalabintatlong kapitulo ng Ebanghelyo ayon kay San Juan.  Ito po ang kabanata ng paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng mga apostol.  Ang Ebanghelyo po ngayong araw na ito ay mula ikatatlumpu’t isang bersikulo hanggang ikatatlumpu’t lima.  Ang paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng mga apostol ay mababasa naman po natin mula unang bersikulo hanggang ikalabing-anim ng kapitulo ring ito.  Sa madaling sabi, nang hugasan po ng Panginoon ang mga paa ng mga apostol, naroroon pa’t kasama nila si Judas.  Hindi pa siya umaalis.  Umalis po siya sa ikatatlumpu’t isang bersikulo pa.  Samakatuwid, meron po tayong madalas na hindi nabibigyang pansin sa kuwento ng paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng Kanyang mga apostol: hinugasan po ng Panginoon pati ang mga paa ni Judas!  Pinaglingkuran din po ni Jesus si Judas na magkakanulo sa Kanya.

Malaon pa, ipinahihiwatig ng ikadalawampu’t isang bersikulo hanggang ikatatlumpo, na siyang kagyat na sinusundan ng mga bersikulo ng Ebanghelyo natin ngayon, na alam na alam po ni Jesus ang malagim na balak ni Judas.  Batid na po ng Panginoon, habang hinuhugasan Niya ang mga paa ni Judas, na ang mga pang yaon ang nagparu’t parito sa mga kaaway Niya upang Siya ay ibenta at ang mga paa rin pong iyon ang susundo sa mga kawal na dadakip sa Kanya.  Ang mga paa ring yaon ang maglalakad patungong Hardin ng Gethsemane para ituro sa mga kawal na sinundo kung sino si Jesus na dapat nilang dakpin.  Ang mga pang yaon ay marumi!  Kung marurumi ang mga paa ng mga apostol nang hugasan sila ng Panginoon, ang kay Judas ang pinakamarumi.  Hindi lamang mga alikabok ang dumi ng mga paa ni Judas kundi pati rin ng kasamaan laban sa kapwa niya, na sa pagkakataong yaon ay ang Panginoong Jesus.  Pero, biro po ninyo, hinugasan pa rin ni Jesus ang mga paang iyon!  Naku po, kung tayo si Jesus, baka, sa halip na hugasan ng tubig, asido ang ibuhos natin sa mga paa ni Judas.  Imbes na sabon ang gamitin nating panlinis, sand paper ang ipangkuskos natin sa mga paa ni Judas.  Baka nga lumpuhin na lang natin si Judas eh, kung tayo po si Jesus, para hindi na niya matuloy ang maitim na balak niya laban sa atin.

Sabihin po ninyo sa akin, kapag binabasa natin ang kuwento ng paghuhugas ng Panginoon ng mga paa ng mga apostol, hindi naman po natin talagang nabibigyan ng pansin ang katotohanang pati ang mga paa ni Judas ay hinugasan Niya.  Ni hindi pa po siguro ninyo napagninilayan na hinugasan ng ni Jesus pati ang mga paa ni Judas samantala’t bagamat alam na alam ni Jesus na ipinagbili na Siya nito sa mga kaaway.  Kadalasan po, ang binibigyang-diin lamang natin sa kuwento ng paghuhugas ng Panginoon ng mga paa ng Kanyang mga apostol ay ang mapagkumbabang paglilingkod na inihahalimbawa at inaasahan Niya sa ating lahat.  Bibihira po, kung sakali man, na binabanggit natin na ang mapagkumbabang paglilingkod na ito ay hinihingi ni Jesus na ipagkaloob din natin maging sa mga taong may masamang binabalak gawin sa atin o may pakanang manlaglag sa atin o may ikinakalat na paninira sa atin o maging may planong tayo ay itumba at iligpit.  Ang mapagkumbabang paglilingkod na ito – na siyang matingkad na patunay ng pag-ibig katulad ni Jesus – ay hindi lamang po para sa mga taong madali, masaya, at masarap paglingkuran.  Ang pag-ibig na iniaatas sa atin ni Jesus ay pag-ibig para sa lahat ng uri ng tao, hindi lamang po para sa mga kapamilya lang natin, kaibigan na natin, at kakilala natin.  Ang pag-ibig na siyang nagpapakilala na tayo nga ay mga alagad ni Jesus ay pag-ibig din para sa kaaway, kasamaan ng loob, katungali, at karibal.  Ang umibig tulad ni Jesus ay ang umibig hindi lamang sa mga marunong magpasalamat at magpahalaga sa ginagawa o binibigay mo sa kanila, kundi maging sa mga walang utang-na-loob sa ‘yo, abusado sa ‘yo, at papatay sa ‘yo.

Kahit pa si Judas ay Judas, mahal siya ni Jesus.  Kahit pa manghu-Judas si Judas, pinaglingkuran pa rin siya ni Jesus nang buong kababaang-loob.  At kahit pa nang-Judas si Judas, patatawarin pa rin sana siya ni Jesus.  Pero si Judas, hindi lamang walang pagmamahal sa kapwa, wala rin po siyang pagmamahal sa sarili niya kaya’t nagpatiwakal.  Kung walang pag-ibig si Judas sa kapwa at sa sarili, masasabi po ba nating may tunay pa siyang pag-ibig sa Diyos?  Kung sa kapwa at sarili na kitang-kita mo ay wala kang pag-ibig, paano mo masasabing iniibig mo ang Diyos na hindi mo pa nakikita?

Pag-ibig na tulad ng kay Jesus ang tema ng mga pagbasa ngayong araw na ito.  Sa katunayan po, paulit-ulit na tema ito ng mga pagbasa at liturhiya sa buong taon.  Yaon ay sapagkat makikila nga tayong mga alagad ni Jesus sa pamamagitan lamang ng ating pag-ibig natin sa isa’t isa at sa lahat ng tao.

Sa Banal na Misang ito, ipanalangin po natin ang mga nang-Judas sa atin at mga kasalukuyang Judas sa buhay natin.  Mahalin natin sila gaya ng pagmamahal ni Jesus sa Judas Niya.  At magbantay po tayo na hindi tayo maging Judas kay Jesus at kaninuman.  Sa halip, tulad nila Pablo at Bernabe sa unang pagbasa, patatagin po natin ang kalooban ng sinumang humaharap sa pagsubok at tulungang manatiling tapat sa pananampalataya sa Diyos ang dumaranas ng kapighatian.  Sa pamamagitan ng ating pag-ibig nang tulad ni Jesus, baguhin nga po sana natin ang lahat ng bagay.

Hindi nakasalo si Judas sa unang Misa sapagkat umalis nga po siya sa silid ng Huling Hapunan.  Nahugasan man ni Jesus ang mga paa niya, hindi naman po niya natanggap ang Panginoon sa Banal na Eukaristiya.  Kayo po, nagmamadali rin ba kayong umalis?  Hindi n’yo na po masasalubong si Judas.  Pero, tiyak, makakasabay n’yo siya.

No comments:

Post a Comment