Pages

21 April 2013

MAKINIG AT TUMALIMA

Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 10:27-30 (Gawa 13:14, 43-52 / Slm 99 / Pahayag 7:9, 14b-17)

Ngayon po ay Linggo ng Mabuting Pastol.  At limampung taon na po ang nakararaan nang ideklara ng Santa Iglesiya na tuwing Linggo ng Mabuting Pastol ay Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon.  Ang bokasyong tinutukoy po ay ang tawag sa pagpapari.  Si Jesus na Siyang Mabuting Pastol ay hindi lamang huwaran ng lahat ng mga tinawag sa bokasyong binanggit; Siya rin po, unang-una sa lahat, ang tumawag sa kanila.  At kaya po sila naging pari ay dahil nakinig sila at tumugon sa tawag ng Mabuting Pastol.

Iyon din po ang tema ng Ebanghelyo ngayong araw na ito, hindi ba?  Ang pakikinig.  Sa Ebanghelyo, sinabi po ng ating Mabuting Pastol na ang Kanyang mga tupa ay nakikinig at sumusunod sa Kanya.  Kilala raw Niya sila at binibigyan daw po Niya sila ng buhay na walang-hanggan.  Hindi raw po sila mapapahamak at hindi maaagaw ninuman sa Kanya.  Kapansin-pansin din po, ang mga tupa ni Jesus ay hindi nag-apply para mapabilang sa Kanyang kawan, ni hindi rin aksidenteng sila ay mga tupa Niya, sapagkat, ayon mismo sa Kanya, ang Ama raw Niya ang nagbigay sa kanila sa Kanya.  Kaya’t kung tutuusin po, pananagutan ni Jesus sa Diyos Ama ang Kanyang mga tupa.

Ang mga pari ay tupa rin bago pastol.  Kabilang po sila sa kawan ni Jesus at mula sa kawang yaon ay tinawag at hinirang.  Pagkatapos na sila ay hubugin, sila po ay ibinabalik sa kawan upang pagpastulan ito sa ngalan ni Jesus na Mabuting Pastol.  Napakahalagang huwag kalilimutan ng mga pari ang katotohanang ito sapagkat kapag malimutan niyang tupa rin siya, hindi lamang pastol, nagiging “asong-lobo” sila at pagsasamantalahan ang kawan sa halip na alagaan at mahalin ito.

Mahal ni Jesus ang bawat-isang pari nang may katangi-tanging pag-ibig.  Pananagutan po Niya silang lahat sa Diyos Ama na Siyang nagkaloob sa kanila sa Kanya.  Wala, ni isa man, sa kanila ang nais ni Jesus na mawala at magwala.  Kaya huwag po natin aagawin ang mga pari kay Jesus.  Marami pong nang-aakit sa pari.  At sa halos labinwalong taon ko na pong pari, nakita ko na po na hindi lang ganda ang ginagamit ng mga gustong mang-akit ng pari.  Minsan, pera.  Minsan din po, pati kabaitan – isang katangiang tila walang kamalis-malisya, pero meron din pala minsan.  Subalit ang pari ay hindi po inaakit.  Hindi siya parang hinog na prutas na masarap sungkitin at tikman.  Ang pari po ay ipinagdarasal.  Sa tutoo lang po, siya ay fragile kaya please handle him with care.  Don’t give him any kind of care except the care of Jesus.  Don’t handle him by any other way except the way Jesus handles him.  Don’t love him in just any way; love him not only as Jesus loves him, love him, too, like Jesus.  Ang pari ay hindi inaagaw kay Jesus.  Ang pari po ay higit pang inilalapit kay Jesus.

Ang pari ay ipinagdarasal.  Subalit dapat ding nagdarasal ang pari mismo.  Kailangan po niyang makinig sa tinig ng Mabuting Pastol araw-araw.  Dapat siyang tumulad sa Kanya.  Ipagdasal po natin ang mga pari na lagi sana silang nagdarasal.  Ipagdasal po nating hindi lamang sila makapanatiling pari kundi makapanatiling mga paring banal.  At para sa mga magpapari pa lang, huwag po tayong dasal nang dasal lang na marami sanang magpari; sa halip, ang dasalin po natin sa tuwina ay sana banal ang lahat ng mga magpapari pa.

Subalit ang mga pari nga po ay tinawag at hinirang na tumayong mga pastol sa kawan ni Jesus na ipinagkakatiwala sa kanila upang mahalin, paglingkuran, at pagpastulan.  Ang mga tupa kaya sa kawan ay nakikinig pa talaga sa kanila?  Sumusunod po kaya ang mga tupa sa kanila?  Baka naman po kahit anong pagsisikap ng mga pari na huwag mapahamak ang mga tupang ipinagkakatiwala sa kanila, ang mga tupa na mismo ang humahanap ng ikapapahamak nila.  Pananagutan din nga po ng mga paring-pastol ang mga tupang ibinigay sa kanila ng Ama, ngunit hindi rin naman maaaring idahilan iyon kung ang tupa mismo ay sobrang tigas ng ulo at puso kaya’t naaagaw ng mga huwad na pastol o nasasakmal ng mga asong lobo.  Maniwala din po kayo o hindi, meron ding mga tupang nawawala na ayaw naman talagang matagpuan sila.  At meron din pong mga tupang sinasadyang magwala talaga kasi akala nila sikat sila kapag palagi silang hinahanap.

Ngayong Linggo po ng Mabuting Pastol at Ikalimampung Taon ng Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon, samantalang ipinagdarasal po natin sa May-ari ng ubasan na magsugo pa Siya ng maraming banal na manggagawa sa Kanyang ubasan, magkaisa rin po tayong hilingin sa natatanging Mabuting Pastol na si Jesukristo ang biyaya ng pakikinig.  Matuto po sana tayong makinig sa Kanya na nasa bawat-isa sa atin: pastol at tupa.  Sana po, makinig muna tayong tutoo bago tayo magsalita, makinig tayo nang may kababaang-loob, at makinig tayo para tumalima hindi para kumontra.

Alam po ba ninyong mahina ang mga mata ng tupa?  Tila ang kita lang po nila ay hanggang dulo ng kanilang ilong.  Pero kung ano naman po ang hinina ng kakayahan nilang makakita ay siya namang nilakas ng kanilang pandinig.  Kaya nga po, ang mga pastol ng kawan ay gumagawa ng tunog na katangi-tanging kanila o kaya ay nagsasabit ng patunog sa kanilang tungkod na siya namang pinakikinggan ng tupa at sinusundan.

Kaya nga’t sadya pong napakahalaga para sa tupa ang pakikinig.  Kapag hindi siya nakinig at sumunod sa kanyang pastol, siya po ay tiyak na maliligaw at mapapawalay sa kawan.  Magugutom din siya dahil hindi niya kita kung saan ang luntiang pastulan at mauuhaw siya dahil hindi rin niya kita kung saan ang batis na inuman.  At ang nakasisindak po sa lahat, mamamatay siya sa pangil ng mababangis na hayop.

Subalit ang pastol ay dapat ding makinig sa tupa.  Ang iyak ng tupa ay dapat niyang pinakikinggan upang kanyang mahanap kung naligaw, mapakain kung nagugutom, at maipagtanggol kung nasa panganib.  Kung paanong ang tupang ayaw makinig sa kanyang pastol ay masamang tupa, masamang pastol din ang hindi nakikinig sa kanyang tupa.

Mahirap pong makinig, hindi ba?  (Maniwala po kayo, kahit sa pari minsan ay mahirap din  ang pakikinig.)  Kaya, magdasal po tayo.

No comments:

Post a Comment