Kapistahan ng Banal na Mag-anak
Lk 2:41-52 (Sir
3:3-7, 14-17a / Slm 127 / Col 3:12-21)
Ipinagdiriwang natin ngayong araw na
ito ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose. Ang kapistahang ito ay talaga namang
pangkapaskuhan dahil ang Sanggol na sentro ng ating pagdiriwang ay hindi putok
sa buho o basta lumagpak na lang mula sa langit; Siya ay isinilang sa isang
pamilya. Sinabi nga ni Beato Juan Pablo
II, na siyang nagpasimula ng tinatawag na “World Day of Families”, ang mag-anak
daw ang ginamit na wari baga’y “pintuan” ng Diyos upang makapasok at mapabilang
Siya sa sankatauhan, at, sa pamamagitan ng ginawa Niyang ito, ang lahat ng mga
pamilya ay pinaging banal Niya. Kaya
nga, dahil banal ang mag-anak nila Jesus, Maria, at Jose, banal din ang pamilya
natin. Banal nga ba ang pamilya natin? Kung “pintuan” nga ng Diyos ang pamilya,
anong uri ng “pintuan” ang ating pamilya para sa Diyos – entrance o exit – at,
kung entrance door ang pamilya natin
para sa Diyos, pinapapasok ba natin talaga Siya sa ating buhay, sa ating
bahay? Hanggang saan? At kung makapasok na Siya, bilanggo na ba
natin ang Diyos o ibinabahagi rin natin Siya sa iba? Tularan natin ang mag-anak ni Jesus, Maria,
at Jose.
Pinatuloy ni Maria at Jose sa kanilang
pamilya ang Diyos nang tanggapin nila si Jesus, ang Anak ng Diyos, sa kanilang
buhay, sa kanilang bahay. Ang Panginoon
ang nagpaging tahanan sa kanilang bahay.
At hindi lamang nila Siya pinatuloy, kinupkop, inaruga, minahal,
ibinahagi sa iba, at pinagtanggol laban sa anumang makapaghihiwalay sa kanila
sa Kanya.
Subalit
napawalay din si Jesus kay Maria at Jose.
Ang Ebanghelyo ngayong taong ito para sa kapistahan ng Banal na Mag-anak
ni Jesus, Maria, at Jose ay ang pamilyar na kuwento sa atin mula sa Lukas 2:41-52. Ito ang ikalimang Misteryo sa Tuwa ng Santo
Rosaryo. Kadalasan itong pamagatang “Ang
Pagkawala at Pagkakatagpo kay Jesus sa Templo” o “The Lost and Finding of Jesus in the Temple”. Hindi ako sang-ayon sa pamagat na ito dahil
sa aking palagay ay hindi naman talaga nawala si Jesus. Para sa akin, ang tamang pamagat ng
pangyayaring ito ay “Ang Pagkawalay sa Isa’t Isa at Muling Pagkakasama ng Banal
na Mag-anak”. The Gospel does not say
that Jesus was lost, neither does it tell us that Mama Mary and St. Joseph
lost Jesus. I believe that Mama Mary and
St. Joseph found Jesus precisely because they did not lose Him, though they
were separated from Him. Hindi naman
kasi lahat ng natatagpuan natin ay nawawala natin. Baka kaya nga nakikita nating muli kasi hindi
naman talaga nawawala; baka naiwanan lang, baka nalimutan lang, baka sadyang
nagpaiwan.
Iyon
nga ang nangyari sa kuwento ngayon sa Ebanghelyo, hindi po ba? Sadya raw nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem, at
hindi nga raw ito napansin agad ng Kanyang mga magulang dahil inakala ng
bawat-isa na kasama ng Siya ng isa. Iyan
naman ang mahirap sa mga aka-akala.
Hindi naman kasalanan ang mag-akala pero madalas ang maling akala ay
nauuwi sa hindi maganda.
Ngunit
ang pag-aakala nila Maria at Jose ay nauwi sa maganda: naging Mabuting Balita
ito para sa atin. Sapagkat nang matanto
nilang mali pala ang kanilang inaakala, agad nilang binalikan Siya sa
Jerusalem. Hindi sila nag-away. Hindi sila nagbangayan. Hindi sila nagsisihan. Hindi rin sila nagmatigas sa kanilang maling
akala. Sa halip nga ay binalikan nila si
Jesus sa Jerusalem at natagpuan nila Siya sa Templo. Saan nakita ni Maria at Jose si Jesus? Sa Templo. Saan muling nabuo ang kanilang pamilya? Sa Templo.
Sa tahanan ng Diyos. Sa Diyos.
Napakahalagang paalala sa atin ito. Kapag dumaranas ng pagkakahiwa-hiwalay ang
ating pamilya, sa Templo tayo magpunta at doon ay bubuuin tayong muli ng
Diyos. Kapag tila may kulang sa ating
buhay-pamilya, sa Templo tayo maghanap: baka Diyos ang kulang. Kapag humaharap ang ating pamilya sa kung
anu-anong banta ng pagkawatak-watak at tuluyang pagkawasak, sumilong tayo sa
Templo sapagkat ang Diyos ang ating tanggulan.
At ano nga ba ang Templo ng Diyos sa ating buhay-pamilya? May Templo ba talaga ang Diyos sa buhay natin?
Hinahayaan ba natin Siyang makialam sa atin?
Ang Templo ng Diyos ay ang tahanan ng
Diyos. Saan nakatira ang Diyos para sa
atin? Saan natin Siya matatagpuan? Saan natin Siya malalapitan? Hanggang saan natin Siya hinahayaang makalapit
sa atin?
Ang Santa Iglesiya ang Templo ng
Diyos. Ang tinutukoy ko ay hindi lamang
ang gusaling simbahan – ang lugar ng ating pagtitipon para sa pagsamba – kundi
ang Banal na Bayan ng Diyos. Ang ating
pamilya ay kabilang sa higit pang malaking pamilya: ang angkan ng Diyos. Huwag tayong lalayo o wawalay sa Santa
Iglesiya. Ang bale-walain ang ating
pagiging kabilang sa Banal na Bayan ng Diyos ay kapahamakan hindi lamang para
sa ating kani-kaniyang kaluluwa kundi maging sa ating pamilya. Hindi lamang tayo sama-samang nananalangin at
humuhugot ng lakas sa isa’t isa bilang Iglesiya. Hinuhubog din tayo sa ating pakikinig sa
Salita ng Diyos na ipinangangaral sa atin ng mga inordenahan para sa
ministeryong ito. Binubuhay tayo ng
ating pagsasalo sa Banal na Katawan at Dugo ni Kristo sa Eukaristiyang
ipinagdiriwang natin bilang mga anak ng Diyos.
Magsimba tayo hindi isa-isa kundi sama-sama. Eh, sino po ba ang kasama nating magsimba? Kasama mo ba ang pamilya mo? Kung hindi, bakit? Kung kasama mo, pamilya mo ba talaga ‘yan? Kaninong pamilya ‘yan?
Ang ating budhi ay Templo rin ng Diyos. Talaga bang nakikinig tayo sa ating konsensya? Tutoo bang sinusunod pa natin ito? May konsensya pa ba talaga tayo? Pakinggan natin at sundin ang ating konsensya
sapagkat nangungusap din ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng nito, nagsasabing, “Gawin ang mabuti at iwaksi ang masama”. Pero, taka lang, anong uring budhi ba meron
tayo? Binigyan na nga tayo ng Diyos ng budhin,
ngunit kailangan pa rin nating pagsikapang hubugin ito. Ang budhin ba natin ay formed conscience o distorted
conscience? Sa usapin ng dating
panukalang batas na ngayon ay batas na (dahil pinirmahan pala nang palihim ng Pangulo,
noong ika-21 ng Disyembre, habang abala’t puyat tayong lahat sa pagmi-Misa de
Gallo), ang Reproductive Health, tumpak ang sinabi ng isang senadora na sinabi
raw ni Papa Benito XVI na ang ating budhi ang final arbiter sa usaping moral subalit hindi binanggit ng
senadorang ito ang konteksto ng tinutukoy ng Santo Papa: informed and formed conscience, hindi lang basta-basta conscience. Informed
ba ang conscience natin? Formed
ba ang konsensya natin? Baka distorted naman. At kung formed
nga, sino naman ang nag-form sa conscience natin – ang mundo o si
Kristo? Matatagpuan lamang natin si
Jesus sa ating budhi kung si Jesus din ang humubog dito. Nakalaang Templo ng Diyos ang ating
konsensiya subalit kung taliwas ang mga pagpapahalaga nito sa kalooban ng
Diyos, temple of doom ito at hindi temple of God.
Ang isa’t isa ay Templo ng Diyos. Nang mapansing nawalay sa kanila si Jesus,
ang hinanap ni Jose at ni Maria, ang binalikan nila sa Jerusalem, ang natagpuan
nila sa Templo ay si Jesus.
Naturalmente. Si Jesus ang
nawalay kaya’t si Jesus ang nakasamang muli.
Mabuting tanungin natin ang ating sarili: Hinahanap ba natin ang mga
napapawalay sa pamilya natin o ipinagdarasal na mawala na sana? Binabalikan ba natin ang mga naiiwan nating
kamag-anak o sadyang iniiwan?
Kinatatagpo ba natin sila o inililigaw?
Pansin ninyo, lantad na lantad ang pangunahing kaabalahan ng Banal na
Mag-anak: si Jose at Maria ay alalang-alala naghahanap kay Jesus samantalang si
Jesus naman ay abalang-abala sa mga gawin ng Diyos, na Kanyang Ama. Kaya nang natagpuan nila si Jesus, hindi
lamang nila Siya muling nakasama; mas lalo pa Niya silang nailapit sa Diyos. Sana, ganyan din tayo. Huwag nating pababayaang mapawalay na lang
nang tuluyan ang sinuman sa ating kapamilya, kapuso, kaparokya, kapanalig,
kaibigan. Sana kapag natatagpuan natin
ang mga napapawalay sa atin mas lalo rin nating natatagpuan si Jesus. At lagi rin sana nilang natatagpuan si Jesus sa
atin.
Kapag nagkakawatak-watak tayo, balikan
natin si Jesus. Baka naiwan natin
Siya. Sa Santa Iglesiyang nagnanalangin,
nakikinig, at nagsasalu-salo – iyon ang Templo ng Kanyang Ama. Sa budhing hinubog ng mga pagpapahalaga ni
Jesus – Templo iyon ng Diyos. Sa isa’t
isa – matatagpuan din natin si Jesus at kapag natatagpuan natin si Jesus, natatagpuan
natin ang Diyos. Sa Templo nabuong muli
ang Banal na Mag-anak ni Jesus, Maria, at Jose.
Sa Templo ng Diyos mananatiling buo ang ating pamilya. At, sakaling magkawalay-walay man tayo ng ating
mga kapamilya o tuluyang magkawatak-watak, sa Templo pa rin ng Diyos tayo mabubuong
muli. Sapagkat ang pamilya ay Templo rin
ng Diyos. At ang sumira sa Templo ng Diyos,
sa Diyos mananagot.
No comments:
Post a Comment