Pages

24 December 2012

MALIGAYANG PASKO!


Solemnidad ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
Jn 1:1-18 (Is 52:7-10 / Slm 97 / Heb 1:1-6)

Maligayang Pasko po sa inyong lahat!  Maligaya ba talaga kayo?  Talaga po bang maligaya ang Pasko n’yo?  Bakit kayo maligaya?  Bakit po maligaya ang inyong Pasko?

Kaya po ba kayo maligaya ngayong Pasko kasi malaki ang inyong napamasko?  Dahil ba sa mga bagong damit at masaganang pagkain kaya maligaya ang Pasko n’yo?  Marami po ba kayong natanggap na mga regalo at napuntahang mga party ngayong Pasko kaya maligaya kayo?  Kasi nanalo kayo sa Christmas raffle, may 13th month pay na may bonus pa, at long weekend ngayong taon ang Pasko kaya maligaya kayo?

Bakit po kayo maligaya ngayong Pasko?  Marami po kayong puwedeng isagot sa tanong ko.

Ngunit, huwag naman pero sakaling malungkot ang Pasko ninyo ngayong taong ito, maligaya pa rin ang Pasko.  Laging maligaya ang Pasko.  Bakit po palaging maligaya ang Pasko?  Ang madaling sagot po sa tanong ko ay “dahil birthday ngayon ni Jesus.  Tumpak po!  Eh, pero bakit nga po dapat maligaya tayo ngayong Pasko?

Kaya maligaya ang Pasko kasi maligayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos Ama ang Kanyang kaisa-isang bugtong na Anak.  Hindi lang po Niya Siya ipinagkaloob sa atin, ipinaubaya Niya sa atin si Jesus.  At, ang mahalaga, maligaya Niya itong ginawa.  Hindi Siya napilitan.  Hindi Niya kailangan.  Wala tayong ginawa para ipagkaloob Niya sa atin si Jesus.  Ni hindi tayo karapat-dapat.  Pero ibinigay pa rin Niya sa atin si Jesus.  Kusang-loob Niyang ibinigay sa atin si Jesus.  Nang maligaya.

Kaya maligaya ang Pasko dahil maligaya ring nagkatawang-tao si Jesus.  Ang Anak ng Diyos ay nakibahagi sa ating pagkatao upang makabahagi tayo sa Kanyang pagka-Diyos.  Hinubad Niya ang Kanyang pagka-Diyos at nakisalo sa ating pagkatao: sa Kanya ay nakikita natin ang kapakumbabaan ng Diyos na lumikha sa tao ngunit natutong magpakatao.  Pinasok Niya ang ating karanasan, napabilang sa ating kalikasan, at tinanggap ang lahat ng limitasyon ng marupok nating pag-iral, maliban sa paggawa ng kasalanan.  At ang nakapupukaw sa ating puso ay maligaya itong ginawa ni Jesus.  Hindi Siya itinulak ng Ama para mahulog sa lupa.  Hindi Siya biktima kundi handog.  Ni hindi Siya binigyan ng mainit na pagsalubong ng sankatauhang lubos Niyang mahal.  Pero maligaya pa rin Siyang nagkipagkapwa-tao sa atin.

Maligaya ang Pasko kasi maligayang tumalima sina Jose at Maria sa kalooban ng Diyos.  Hindi po iyon nangangahulugang naging malinaw at madali ang lahat para sa kanila.  Hindi po iyon nangangahulugang wala silang mga tanong, takot, at agam-agam.  Subalit sa kabila ng lahat, nagtaya sila nang kanilang sarili, tumalima at tumalima nang maligaya.  Hindi sila sumunod sa kalooban ng Diyos nang nakasimangot o bubulung-bulong o reklamo nang reklamo o may halong kahambugan.  Hindi po, kasi ang ligaya sa pagtalima nila sa kalooban ng Diyos – na yumanig at ganap na bumago sa kanilang mga plano sa buhay – ay bunga ng kanilang pananamapalataya sa Diyos.  Isinuko nila ang lahat sa Diyos at isinuko ito nang maligaya.

Ngayon, alam na po ninyo kung bakit maligaya ang Pasko.  Kasi maligayang tayong niregaluhan ng Diyos, hindi lang basta niregaluhan.  Kasi maligayang nagpakatao si Jesus, hindi lang basta naging tao.  Kasi maligayang tumalima si Jose at Maria sa kalooban ng Diyos, hindi lang sila basta tumalima.

Sa palagay ko po, ito ang kailangan natin: ang gawin ang dapat nating gawin nang maligaya lagi.  Parang sakit ang kalungkutan, nakakahawa.  Pero mas matinding virus ang kaligayahan, nahahawa nito kahit ang malungkot na.  Pagsikapan nating mamuhay ng maligaya at bumuhay ng kapwa nang maligaya.

Dahil sa kasalanang ating kinasadlakan, nawala sa ating kalikasan ang pagiging maligaya.  Hindi na tayo likas na maligaya.  Kaya nga po, ipinaalala sa atin ng Diyos kung paanong lumigaya.  Ipinakita Niya sa atin kung ano ang gamot sa ating kalungkutan: maghandog, magpakatao, at maging mapagtalima sa Kanya.  Binigyan Niya tayo ng karanasan ng Pasko para humilom ang ating kalungkutan.  Ang gamot sa ating karamdaman ng kalungkutan ay si Jesus.  Kaya nga po si Jesus ang “Joy to the world”.

Ang sabi ng iba, maligaya raw sila hindi dahil sa sila ang tumatanggap kundi dahil sila ang nagbibigay.  Makabagbag-damdamin po ang bukambibig na ‘yan kaya maraming nagkakagustong gawing motto sa buhay, pero hindi ka tunay na maligaya kung hindi ka marunong tumanggap.  Tinanggap muna natin ang ligaya sa Diyos bago tayo tutoong nakapagpapaligaya sa kapwa-tao.  Tanggapin nating buung-buo si Jesus: nasa Kanya ang tunay nating ligaya.

Ang sabi nga po ng iba, maligaya raw sila dahil sila ang nagbibigay at hindi ang binibigyan.  Hindi po porke tayo ang nagbibigay, garantisadong mas maligaya tayo kaysa sa binibigyan natin.  Puwedeng bigay lang tayo nang bigay pero hanggat hindi maligaya ang pagbibigay natin, malungkot pa tayo sa binibigyan natin.  Si Jesus ang lagi nating ibigay sa ating kapwa, at kung sakaling may materyal tayong ibibigay sa kanila, siguraduhin sana nating isinasalamin talaga ng regalo natin si Jesus, hindi taliwas sa mga pagpapahalaga ni Jesus, laging maaalala ng bibigyan natin na magpasalamat kay Jesus.

Maligayang Pasko po!  Sana, tutoong maligaya kayo hindi lang ngayong Pasko kundi sa buong buhay ninyo.  Hindi po ninyo kailangang mamuhay sa kalungkutan.  Tingnan ninyo ang katabi n’yo: hindi bagay sa kanya ang nakasimangot.  Mas lalo na sa ‘yo!  Ibinalik na ng Diyos ang kaligayahan natin.  Pinaligaya na Niya tayo.  Kaya utang-na-loob po natin sa Diyos na panatilihin natin ito sa ating buhay at hawahan natin ang iba ng kaligayahang ito.

Maligayang Pasko po!

No comments:

Post a Comment