Pages

16 October 2011

PARA SA DIYOS ANG LAHAT

Ikadalawampu’t Siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 22:15-21

          Dalawang magkatunggaling pangkat ang nagkaisa ngayon: ang mga Pariseo at ang mga alipores ni Herodes.  Nagkaisa silang pagkaisahan si Jesus.  Minsan nga po, ganyan: magkaaway pero biglang nagkakasundo kasi may susugurin silang kapwa nila kaaway.  Nakakalungkot, hindi po ba?  Pinagkakaisa ng galit; nagkakasundo para may awayin.  Sa halip na pagmamahalan ang magbuklod, pagkamuhi.  Imbes na kabutihan ang pagsang-ayunan gawin, kasamaan ang napagkayariang magkasamang isagawa.
          Galit ang mga Pariseo sa mga Romanong nanakop sa kanilang bansa.  Kaya naman, hindi sila sang-ayong magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma na kung tawagin ay Caesar.  Para naman sa mga alipores ni Herodes, ayos lang ang magbayad ng buwis sa Caesar.  Bakit po?  Kasi si Herodes ay tuta ng Emperyo ng Roma. Si Herodes ay puppet king ng mga Romano.  Dahil diyan, maingat na maingat si Herodes, ang kanyang angkan, at ang kanyang mga alipores na huwag sasalungatin ang Caesar sa anumang bagay; kundi, patay kang bata ka – isang pitik lang ng Caesar kay Herodes, talsik siya mula sa trono at lagpak sa kangkungan.  Pero, kataka-taka, hindi po ba?  Nagkasundo sila ngayon, magkasama at nagkaisa laban kay Jesus.
          Naranasan n’yo na po ba ang mapagkaisahan?  Napagkatuwaan na po ba kayo?  Nakakaasar, hindi ba?  Pero si Jesus, cool na cool lang. 
“Ibigay n’yo sa Caesar ang sa Caesar at sa Diyos ang sa Diyos” – ito ang sagot Niya sa mapansilong tanong ng mga Pariseo at mga alipores ni Herodes kung matuwid na magbayad ng buwis sa Caesar o hindi.  Akala nila masisilo nila Siya ha!  E, hindi po ba, sila na rin ang nagsabi, “Guro, alam naming isa kang taong makatotohanan at itinuturo mo ang paraan ng Diyos ayon sa katotohanan.  At hindi mahalaga sa Iyo ang sabi-sabi ng mga tao, palibhasa ay balewala sa Iyo ang estado ng tao sa buhay.”  O, e di iyan  po, nakatikim sila nang di oras.  Gusto nilang siluhin si Jesus pero sila mismo ang nahulog sa sarili nilang patibong.
Mag-ingat ang mga mahilig mansilo ng kapwa.  Baka kayo ang mabihag ng nililikha ninyong bitag.  Ang tunay na naghahanap sa katotohanan ay dapat tapat din sa kanyang paraan ng paghahanap.
“Ibigay sa Caesar ang sa Caesar at sa Diyos ang sa Diyos” – kung tapat ka nga sa iyong paghahanap ng kasagutan, madaling maintindihan iyan.  Ano nga ba ang sa Caesar na hindi sa Diyos?  Wala, maliban sa isa: ang kanyang mga kasalanan.  Sa katunayan, ang lahat ng sa Caesar – maliban nga ang kasalanan ng Caesar – ay sa Diyos.  Sa katunayan, sa Diyos din pati ang Caesar mismo.  Walang merong anumang mabuti ang Caesar na hindi sa Diyos.  Pero maraming meron ang Diyos na hindi sa Caesar.  Samakatuwid, kung bayaran din lang ang pinagtatalunan (kuno) ng mga maninilong ito, dapat pagkatapos mong ibigay sa Caesar ang sa kanya, ibigay mo naman ang Caesar sa Diyos sapagkat ang sa Diyos ay sa Diyos nga at ang Caesar ay sa Diyos pa rin.
Ang lahat ng sa atin ay sa Diyos, maliban ang ating mga kasalanan.  Sa katunayan, pati tayo ay sa Diyos.  Ang lahat ng mabubuting bagay ay biyaya ng Diyos.  Sa Kanya natin dapat ibigay ang lahat.  Ipasailalim natin sa Kanyang kapasiyahan ang tanan sa ating buhay.  Ipagkaloob natin sa Kanya ang ating buong pagkatao.  Ibuwis natin ang ating buong buhay sa Kanya.
Pero, tingnan nating mabuti at suriin ang ating puso.  Baka naman may mga Caesar din sa ating buhay na sa alam man natin o hindi ay pinagbubuwisan natin ng ating buhay.  Baka pati ang para sa Diyos ay ibinibigay na rin natin sa iba’t ibang Caesar sa buhay natin.  Baka alipin tayo ng kung sino o kung anong Caesar sa buhay.  Sino nga ba at ano nga ba ang mga Caesar sa buhay natin?  Huwag na huwag nawa nating ibibigay sa mga Caesar na ito ang para sa Diyos.  Para sa Diyos ang lahat.  At sa lahat na iyon, kasama pati ang Caesar.

No comments:

Post a Comment