Pages

09 October 2011

BAKIT GANUN?

Ikadalawampu’t Walong Linggo sa Karaniwang Panahon
Mt 22:1-14

          Tayong mga Pilipino ay masarap imbitahan kapag may party, hindi ba?  Hindi tayo makatangi!  Hirap na hirap tayong tumanggi.  Gagawa’t gagawa tayo ng paraan para makadalo.  Hahanap tayo ng dahilan para makapag-leave o maka-uwi nang maaga  mula sa trabaho, magpapaliban ng ibang gawain, makikipag-unahan sa traffic, at kung anu-ano pa, mapagbigyan lang ang nag-imbita sa atin.  Mahalaga sa atin ang makadalo.  Hindi dahil sa pagkain o inumin, hindi dahil sa kantahan o sayawan, kundi dahil sa pagkakakaibigan.  Kadalasan naman kasi, kaibigan o kamag-anak ang nag-iimbita sa atin.  Ayaw nating may masabi silang hindi maganda tungkol sa atin.  Napapahiya tayo kapag nasabihan tayong “Ikaw talaga, ang hirap-hirap mong maimbita.”  Ayaw din nating masira ang pinagsamahan natin.  Hiyang-hiya tayo kapag hindi tayo makapunta sa mahahalagang okasyon ng kaibigan natin.  Kaya nga, kapag tayo ay inimbitahan, noventa y nueve porsiyento, darating tayo.  At, hangga’t maaari, hindi tayo darating nang walang anumang bitbit, hindi ba?  Ang nakakatuwa pa, minsan pag-uwi natin mula sa party, may pabitbit pa sa atin.
          Kaya po, siguro para sa isang Pinoy, medyo mahirap maka-relate sa inasal ng mga naunang inanyayahan ng hari sa kuwento ng Ebanghelyo natin ngayon.  Grabe naman sila!  Hindi po ba?  Hari na nga ang nag-imbita e. ini-snub pa nila.  Mabuti nga’t inimbitahan pa sila e, hindi ba?  Siguro po, kung tayo ang inimbitahan ng haring iyon, malamang magkakandarapa pa tayong pumunta sa kasal ng prinsipe.  Excited na excited tayo at bilang nang bilang kung ilang tulog pa bago dumating ang takdang araw ng imbitasyon.
          Pero sa tutoo lang po, marami rin naman sa atin ang katulad ng mga unang inimbitahan ng haring iyon.  Hindi na nga po kung sinong hari lang ang nag-iimbita sa atin kundi ang Diyos na mismo, pero iilan lang sa atin ang tumutugon sa imbitasyon Niya.  Iilan na nga lang ang tumutugon mas lalo pang iilan lang ang sabik na sabik sa pagtugon.  May narinig na po ba kayong excited na excited magsimba araw-araw?  May nakita na po ba kayong sabik na sabik magrosaryo o kaya ay mag-ayuno o kaya ay mag-abuloy sa Simbahan?  Nagbilang na po ba kayo ng kung ilang tulog na lang bago kayo makapangungumpisal muli?  Nagkandarapa na po ba kayo sa pagbisita sa matatanda at mga maysakit?  Ilan kaya sa atin ang hindi mapakali hangga’t hindi nakadaramay o nakatutulong sa kapwang nagdurusa?  Gayung sa tuwing tayo ay nagsisimba, nagdarasal, nagsasakripisyo, at nagmamalasakit sa kapwa, ang paanyaya ng Hari ng mga hari mismo ang ating tinutugunan, ang Diyos mismo ang ating dinarakila.
          Iyon na nga po, mabuti pa sa kapwa-tao nating nag-iimbita sa atin, nahihiya tayong humindi.  E, bakit po sa Diyos hindi?
          Heto pa po, kapag tayo ay pinatawag sa Malacañan, kahit di pa ang pangulo ang haharap sa atin, tiyak, mabibihis tayo nang disente.  Mahihiya tayong pumasok ng palasyo nang nakatsilenas o naka-jersey shorts kaya o naka-sando lang.  Malamang magko-cologne pa tayo at magge-gel bago humarap sa kung sinuman ang nagpatawag sa atin sa Malacañan.  Hindi natin hihiyain ang pangunahing tahanan ng ating bansa.  E pero, bakit po sa tahanan ng Diyos, ayos lang sa iba sa atin ang magsimba nang naka-tsinelas na pambanyo, nakapambahay na shorts at sando, o kaya ay magmukhang parang kababangon lang kundi man sa higaan ay, ang iba, parang sa libingan.  Meron pa nga pong iba dyan, mag-a-abroad lang, sasakay lang ng eroplano, naka-americana pa e.  Bakit po kaya ganun?  Kung sa Diyos, para sa marami sa atin: “Ayos na ‘yan!”  Pero kapag sa kung sinong Poncio Pilato: “De numero tayo.”
          Kapag aakyat ng ligaw, di malaman ang gagawing pagsuklay sa buhok.  Kapag mag-a-apply ng trabaho, pakikintabin pa ang sapatos na susuutin.  Kapag may board exam, maagang matutulog at maaga ring gigising.  Kapag manonood ng concert, hahanap ng paraang maka-upo sa malapit sa entablado.  Kapag may gimik, ayos lang mapuyat.  Kapag malaki ang jackpot sa lotto, di baleng bawasan ang pambili ng bigas, makataya lang.  Kapag Inglesero ang kausap, napakagalang itrato.  Kapag may inoobserbahan, hanggang tenga ang ngiti.  Kapag may darating na VIP (Very Important Person), makikipag-unahang makipagkamay.  Kapag may mahalagang taong gustong makipag-usap, mabilis pa sa a las cuatro.
          E bakit nga po ba kaya ganun?  Kapag para sa Diyos, wala na, ubos na, kulang pa.  Kapag tungkol sa Diyos, bukas na lang, sila na lang, kayo na lang, wag na lang.  Kapag sa Diyos, puwede na yan, okay lang yan, maiintindihan N’ya yan.  Bakit po ganun?
          Napakaraming makabagbag-damdaming nagsasabing, “Mahal kita, Panginoon!”  Pero marami rin sa mga napakaraming iyon ang namumuhay na optional ang Diyos sa mga kaabalahan nila, kundi man pangalawa lang o panghuli sa iba’t ibang prayoridad.  Marami nga po riyang nagsasabing mga Katoliko sila, pero nagsasama nang hindi kasal sa simbahan.  Mahal daw nila ang Diyos, huwag lang daw pong pagkekelaman ng Diyos ang laman ng bulsa nila.  Hindi raw sila mga panatiko, pero hanggang debo-debosyon lang sila, walang sangkap na sakripisyong nakapagbibigay-buhay sa kapwa ang kanilang espirituwalidad.  Mahal daw nila ang Sto. Papa, pero ayaw pakinggan at ayaw tumalima sa aral ng Santa Iglesiya tungkol sa likas na kasamaan ng mga artificial contraceptive at mga abortifacient na paraan ng pagpaplano ng pamilya.  Minsan pa po, bakit ganun tayo sa Diyos?
          Kahit kailan, hindi naging sapat ang anyayahan tayo ng Diyos.  Kailangan po nating tumugon sa paanyaya Niya.  Sabi nga ni San Agustin, “God who created us without consulting us will not save us without asking us.”  Pero hindi pa rin po sapat ang tumugon sa Diyos.  Kailangan pa rin nating pagsikapang karapat-dapat tayo sa paanyayang tinanggap at tinugunan natin.  Ayaw nating matulad sa lalaking ipinatapon ng hari sa labas ng bulwagan ng kasalan, hindi po ba?  Bagamat awa pa rin ng Diyos ang tutulong sa atin para maging karapat-dapat, dapat pa rin nating makipagtulungan sa Kanyang grasya upang matagpuan Niya tayong handa at nababagay sa kasalang piging.
          Ang sabi po ng teacher ko noon sa elementarya, “The enemy of the best is the worst.”  Tama po sya, kung English grammar ang pag-uusapan.  Pero sa usapin ng ating pagiging alagad ni Jesus, the enemy of the best is not the worst.  The enemy of the best is the good.  Marami at madali tayong makahahanap ng magagandang dahilan para tumanggi o tumugon nga pero hindi naman pagsikapang maging karapat-dapat sa paanyaya ng Diyos.  If good reasons are what we need for us not to accept and not to do what God offers us, the devil will never run out of those and will never shy not to give us more than one.
          Will you settle for the good or will you rather strive for the best?  Kayo po, ano po bang meron kayo – ang pinakamagandang alok ng Diyos o magagandang pagdadahilan lang?

1 comment:

  1. Anonymous2:04 PM

    Dalawang bagay lamang po iyan, it's either, tanggapin ang imbetasyon ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban (tulad ng mga sinabi ni Fr. Bob) O ang pagtanggi o pagsuway sa kalooban ng Ama, na nangangahulugang pag-ayon sa kalooban ng kaaway, si Satanas, na ninanais na mawalay tayo sa ating Ama..

    Ipanalangin po natin na tayo, bilang kawangis ng Diyos at Kanyang mga anak ay huwag mabuyo ng kaaway; nang sa gayon matanggap natin ang mga grasya at pagpapala ng ating Panginoon.

    ReplyDelete