Pages

22 October 2010

SALAMIN SA MATA, SALAMIN NG PUSO

Biyernes ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 12:54-59

Nasa high school pa lang ako, nagsasalamin na ako. Pero malinaw na malinaw pa ang mga mata ko noon. Kinailangan ko lang magsalamin dahil sa astigmatism. Madalas nga akong biruin ng ilang mga kaklase ko noon na “astig-maporma” raw ang dahilan ng paggamit ko ng mga salamin sa mata. Pero ngayong, cuarenta y tres aƱos na ako, ang pagsasalamin ko ay hindi na talaga pamporma-porma. Malabo na mga mata ko. Hindi ko mabasa ang mga kataga nang malapitan. Kailangan ko pang ilayo sa akin ang sakramentaryo at leksyonaryo kapag nagmi-Misa nang walang salamin. Ang dating astigmatism lang, far-sightedness na. Kaya kong basahin kapag malayo pero nahihirapan ako kapag malapit na. Doble-vista na ang grado ko.

Nakadepende sa talas ng ating mga mata ang ating kakayahang makabasa ng mga salita, mga pangungusap, mga talata, at anumang nakalimbag. Ngunit saan nakasalalay ang kakayahan nating makabasa ng mga tanda ng panahon? Hindi sa mata. Sa puso.

Ang mga mata ay para sa mga titik. Ang puso naman ay para sa mga tanda ng panahon. Pagkilala sa mga titik ang gawain ng mga mata upang maintindihan natin ang ipinahihiwatig pangkat ng mga salita sa pamamagitan ng mga pangungusap. Pagdama naman ang sa puso para makilatis natin ang sinasabi sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng mga tanda. Ngunit paano kung manlalabo ang kakayahang ito ng puso? Hindi nagsasalamin ang puso. Ang salamin ay para sa mata lang.

Maraming sakit ang puwedeng dumapo sa ating mga mata. Mula sa panlalabo, maaaring humantong ito sa pagkabulag. Naririyan ang astigmatism, near-sightedness, far-sightedness, glaucoma, at iba pa. Kaakibat na rin daw ng pagtanda ang pagkakaroon ng katarata.

Marami ring sakit ang maaaring dumapo sa ating puso. Higit pa sa pisikal na kalagayan, ang espirituwal na kondisyon ng ating puso ay sadyang napakahalaga. Tinutukoy ni Jesus sa ebanghelyo ngayong araw na ito ang nangyayari kapag malinaw ang mata pero malabo ang puso ng tao: “Kapag nakakita kayo ng namumuong ulap sa kanluran, agad ninyong sinasabing uulan, at gayon nga ang nangyayari. At kapag ang ihip ng hangin ay mula sa timog, sinasabi ninyong magiging maalinsangan ang panahon, at gayon nga ang nangyayari. Alam ninyo kung paanong unawain ang anyo ng lupa at langit. Paanong hindi ninyo alam unawain ang panahong ito?” Ang hatol ni Jesus: mapagbalatkayo.

Ang pusong mapagbalatkayo ay pusong sinungaling at mapagkunwari. Wala sa pusong ito ang katotohanan. Paano nga mababasa ng pusong ito ang katotohanan na itinatanda ng mga panahon, ang mga tandang ipinadarama ng Diyos sa kanya? Sa pagbabalatkayo ng pusong ito, pinaniwalaan na niya pati sariling kasinungalingan, pati sariling pagkukunwari. Wala ngang kakayahang maunawaan ng pusong mapagbalatkayo ang mga tanda ng panahon kahit pa kayang-kaya nitong basahin ang mga paggalaw ng langit at lupa. Ang pusong mapagbalatkayo ay maaaring mag-ulat ng lagay ng panahon pero hindi niya kayang unawain ang panahong kinalalagyan.

Malubha talagang karamdaman ang pagbabalatkayo, at hindi ito sa mata dumadapo kundi sa puso. Kapag manlabo ang mata, puwedeng magsuot ng salamin sa mata. Pero hindi nagsasalamin ang puso. Sa halip, dapat manalamin ang puso para makita ang tunay na kalagayan nito.

Nagsasalamin ka na ba?

Nananalamin ka ba?

No comments:

Post a Comment