Pages

16 October 2010

KULITIN ANG DIYOS

Ikadalawampu’t Siyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lk 18:1-8


Ang babae raw ay dapat makapangasawa bago mahuli sa biyahe. Kung mahuli raw ang babae sa biyahe, malamang hindi na ito makapag-asawa. Sa usapin ng pag-aasawa raw ng babae, depende raw sa edad ang dasal.

Kapag 20 años raw ang babae, ganito ang dasal: “Lord, bigyan mo naman ako ng mapapangasawa. ‘Yung pogi at mayaman ha.” Kapag 25 años naman, ganito ang dasal: “Lord, bigyan mo ako ng mapapangasawa ha. Kahit hindi mayaman basta may trabaho please”. Kapag 30 na, ganito raw: “Lord, please bigyan Mo po ako ng mapapangasawa. Kahit hindi pogi basta mabait, okay na.” At kapag 35 at pataas na ang edad, ganito ang dasal: “Lord, naman, kahit na sino, ibigay Mo na.”

Kahanga-hanga talagang manalangin ang iba sa atin, hindi ba? Hindi sila sumusuko. Wala silang kapaguran. Hindi pinanghihinaan ng loob gaano man katagal o kahirap makamit ang hinihingi nila sa Diyos. Minsan pa nga po, talagang imposible ang prayer request nila, hindi ba? Pero matibay ang kanilang pag-asa sa Diyos. Matatag ang kanilang pananampalataya sa Kanya.

Sa ating unang pagbasa ngayong Linggong ito, narinig natin ang makabagbag-damdaming halimbawa ng pagsubok sa katatagan. Matapos silang lumaya mula sa pagka-alipin sa Ehipto, lubos na nahirapan ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. Kinaharap nila ang maraming panganib, kabilang ang pakikipagdigma sa iba’t ibang tribo. Ang unang pagbasa natin ngayon ay kuwento ng unang pakikipagdigmaan ng mga Israelita. Inatasan ni Moises na pamunuan ni Joshua ang mga Israelitang mandirigma samantalang nagtungo siya sa tuktok ng isang burol upang manalangin. Hangga’t nakaunat paitaas ang mga braso ni Moises, nananalo ang mga Israelita; ngunit kapagg bumabagsak, natatalo naman sila. Kaya’t inalalayan ng mga kasama ang mga braso ni Moises para manatiling nakaunat. At natalo nga ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway: unang digmaan, unang tagumpay para sa Bayang Pinili ng Diyos.

Bagamat hindi kasing drama ng unang pagbasa, panalo rin naman ang babaeng balo sa ebanghelyo. Matapos ang pangungulit niya, nakamit din niya sa wakas ang hinihingi niyang katarungan mula sa hukom.

Ayon sa tradisyong Judyo, ang hukom ay inaaasahang walang kinikilingan maliban sa tatlong uri ng tao: ang mga babaeng balo, ang mga ulila, at ang mga dayuhan. Dahil ang tatlong uri ng taong ito ay namumuhay sa kawalan ng pamilyar na pag-ibig at pagtangkilik, nanganganib sila sa isang lipunang pinaghaharian ng salapi at kapangyarihan. Inaatas ng Judaismo na ang isang hukom ay may likas na pagkiling sa kanila at itaguyod sa ikatatagumpay ang kanilang kapakanan para matiyak ang kanilang mga karapatan. Ito pa nga ang nasasaad sa batas relihiyoso ng mga Judyo: “Kung gagawan ninyo sila ng masama at dadaing sila sa Akin, tinitiyak Ko sa inyong diringgin ko ang hinaing nila” (Ex 20:22).

Sa talinhaga ni Jesus ngayong araw na ito, nagtagpo ang isang hukom at isang babaeng balo sa isang sandali ng krisis. Wala tayong alam tungkol sa babaeng balo, pero may alam tayo tungkol sa hukom. Ang hukom ay hindi naiimpluwensyahan ng panuntunang relihiyoso ni ng opinyon ng publiko. Sa kanyang pagtrato sa babaeng balo, parehong wala ang pagkamakatarungan at pagmamalasakit. Ang babaeng balo naman ay walang mga kaibigang maimpluwensya para sana kumbinsihin ang hukom. Wala rin siyang pera para suhulan kaya siya. Dalawa lamang ang mayroon siya: ang pagkamakatuwiran ng kanyang ipinaglalaban at ang sarili niyang katatagan.

Pero para sa hukom na yaon, hindi sapat ang pagkamatuwiran ng ipinaglalaban ng babaeng balo. Sa mahabang panahon, tinanggihan niya ang pagsusumamo ng babeng balo. Pero hindi sumuko ang babaeng balo. Sumuko ang hukom.

Sa paglalahad ni Jesus ng talinhagang ito, hindi Niya layuning itulad ang Diyos sa hukom na yaon na ipinagkaloob lamang ang hinihingi ng babaeng balo para matahimik na siya. Sa halip, ipinakikita ni Jesus ang kaibahan ng Diyos sa hukom na yaon. Kung ang isang taong malupit gaya ng hukom na yaon, sa kalaunan, ay nagiging mapagbigay din naman, gaano pa kaya nakahihigit ang Diyos. Pinakikinggan at tinutugon ng Diyos ang panalangin ng mga nananalig sa Kanya. Subalit may sariling panahon ang Diyos.

Maging matatag sa pananalangin at huwag panghihinaan ng loob. Sa ating panahon ng mga “instant”, wala tayong tiyagang maghintay. Lagi tayong nagmamadali. Pati Diyos minamadali natin. Hindi natin puwedeng madaliin ang Diyos. Pero puwede natin Siyang kulitin.

Nakipagkulitan ka na ba sa Diyos?

3 comments:

  1. Bubut1:51 PM

    Lord Jesus, alam kong makulit ako sa mga dasal ko pero naniniwala ako na ito ay ibibigay mo sa tamang panahon..God bless po.

    ReplyDelete
  2. Buenas noches father, truly the Lord listens to our prayers...kailangan lang kulitin natin Siya tulad ng sinabi mo. I thank the Lord for giving me the grace to listen to His words through your reflections... thank you father for this "crumbs", despite my distance from SJM church of manuguit i could still listen to your homily. Maraming salamat po.

    ReplyDelete
  3. Anonymous10:46 PM

    Lord Jesus, thank you for giving us the gift of faith.From our faith in You stems persistence..... persistence in all that we need in order to live.

    When I pray, when we pray, I always carry in my heart that my prayers will be granted.

    You never said No to me, Lord,...may all that i do be for Your greater glory. Amen.

    -----
    Thank you for your Homily Fr. Bobby. Though,it seems to be distant, but actually it's not because of your posting Homilies.

    God bless you and family.

    -rory

    ReplyDelete