Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 10:27-30
Dito sa Pilipinas, bibihira tayong makakita ng tupa sa tunay na buhay. Para sa karamihan sa atin, sa mga larawan at pelikula lamang sila nakakakita ng tupa. Pero may mga tupa tayo dito sa Pilipinas. Noong nag-aaral pa ako sa Ateneo, nakakakita ako ng ilang mga tupang pinapastol sa bakanteng lote ng U. P., Diliman, doon sa kahabaan ng Carlos Garcia road. Sa Bukidnon, may mga tupa rin. Ang ganda roon! Ang mga bulubundukin sa Malaybalay ay parang alps na sa halip na puting niyebe ay berdeng damo ang nakalatag. May mga tupa roon. Dahil siyam na buwan ako tumira sa Bukidnon para sa aking rural exposure noong seminarista pa ako at palagi akong pumupunta sa mga parokya sa kabundukan, nagkaroon ako ng pagkakataong obserbahan ang mga tupa nang malapitan. Narito ang tatlo sa mga pangunahing obserbasyon ko sa mga tupa.
Jn 10:27-30
Dito sa Pilipinas, bibihira tayong makakita ng tupa sa tunay na buhay. Para sa karamihan sa atin, sa mga larawan at pelikula lamang sila nakakakita ng tupa. Pero may mga tupa tayo dito sa Pilipinas. Noong nag-aaral pa ako sa Ateneo, nakakakita ako ng ilang mga tupang pinapastol sa bakanteng lote ng U. P., Diliman, doon sa kahabaan ng Carlos Garcia road. Sa Bukidnon, may mga tupa rin. Ang ganda roon! Ang mga bulubundukin sa Malaybalay ay parang alps na sa halip na puting niyebe ay berdeng damo ang nakalatag. May mga tupa roon. Dahil siyam na buwan ako tumira sa Bukidnon para sa aking rural exposure noong seminarista pa ako at palagi akong pumupunta sa mga parokya sa kabundukan, nagkaroon ako ng pagkakataong obserbahan ang mga tupa nang malapitan. Narito ang tatlo sa mga pangunahing obserbasyon ko sa mga tupa.
Una, nearsighted sila. Talagang hanggang dulo lang ng kanilang mga ilong ang kayang makita ng mga tupa. Dahil dito, madali silang maligaw.
Ikalawa, masunuring hayop ang mga tupa. Kahit sa katayan na inaakay, susunod pa rin sila. Dahil dito, napakadali nilang mabiktima ng mababangis na hayop at ng mga magnanakaw.
Ikatlo, sa kabila ng kanilang pagiging nearsighted at pagkamasunurin, matalino sila. Hindi sila sumusunod sa hindi nila kilala. Dahil dito, kilalang-kilala nila ang kanilang tunay na pastol.
Sapagkat shortsighted at masunurin silang hayop, kailangan ng mga tupa ang pastol. Maliligaw sila kapag walang pastol na gumagabay. Mananakaw sila o kaya ay makakain ng mababangis na hayop kapag wala silang pastol na nagtatanggol. Magugutom sila kapag walang nagpapastol sa kanila. Ang pastol ang kanilang mata, bisig, at pag-asa.
Pero, paano nakikilala ng mga tupa ang kanilang pastol? Nakikilala ng bawat tupa ang kanyang pastol sa pamamagitan ng tinig ng pastol. Kahanga-hanga pero tutoong mahirap linlangin ang tupa sa pamamagitan ng paggaya sa tinig ng tunay niyang pastol. Hindi sumusunod ang tupa sa hindi niya pastol.
Dahil sa aking malapitang obserbasyon sa mga tupa, higit kong naunawaan kung bakit ginamit ni Jesus ang imahe ng pastol at tupa sa pagturo Niya sa atin tungkol sa ating relasyon sa Kanya. Siya ang ating Pastol at tayo ang Kanyang mga tupa. Mabuting Pastol si Jesus. Mabuting tupa ba tayo?
Sa maraming pagkakataon sa buhay, nearsighted din tayo. Hindi natin makita nang ganap ang bukas. Maaari tayong bumuo ng mga haka-haka; at maging ang mga siyentipikong spekulasyon natin tungkol sa maaaring mangyayari pa lang ay nananatiling tentatibo hanggang hindi nangyayari ang mga yaon. Lagi tayong nangangailangan ng paggabay.
Sapagkat kailangan natin ng paggabay, dapat masunurin tayo. Maaari lamang tayong gabayan kung susunod tayo sa naggagabay. Maliban na lamang kung tayo ay susunod, hindi tayo magagabayan. Maaaring ipakita sa atin ang daan, ituro sa atin ang mga paraan, at ipaliwanag sa atin ang dapat nating malaman, ngunit kailangan pa rin tayong magtiwala at aktuwal na maglakbay sa ipinakikitang daan, gawin ang itinuturong paraan, at pag-aralan ang ipinaliliwanag sa atin. Hanggat hindi tayo nagtitiwala, hindi tayo susunod. Hanggat hindi tayo sumusunod, hindi tayo talaga nagtitiwala.
Subalit paano tayo susunod kay Jesus kung hindi natin kilala ang Kanyang tinig? Ang tinig ni Jesus ay laging nagpapahiwatig ng pag-ibig – tunay na pag-ibig, walang-hanggang pag-ibig, mapagmalasakit na pag-ibig, pag-ibig na nagbibigay-buhay. Ang anumang tinig na taliwas sa ganitong uri ng pag-ibig ay hindi kay Jesus. Mag-ingat nang hindi malinlang ng mga bulaang pastol sapagkat marami sila at napakatuso rin. Iisa lamang ang Mabuting Pastol na dapat isalamin ng bawat tunay na pastol.
Ngayong Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ay tinagurian ding “Linggo ng Mabuting Pastol”. Nag-aalay tayo sa Diyos ngayong Linggong ito ng natatanging mga panalangin at mga sakripisyo para sa mga pastol ng Santa Iglesiya. Harinawa, ang ating mga pari at mga Obispo ay manatiling mga pastol na naaayon sa puso ni Jesus, ang Mabuting Pastol mismo.
Gayunpaman, inuudyukan tayo ng Ebanghelyo ngayon na manalangin at mag-alay ng mga sakripisyo sa Diyos para sa mga tupa rin. Lahat sana ng napapabilang sa kawan ni Jesus ay makinig sa Kanyang tinig at sundan at sundin Siya nang may buong pagtitiwala at pagkabukas-palad. Wala sanang mapariwara sa kawan.
Yayamang ipinagkakatiwala ni Jesus ang Kanyang kawan sa mga pastol na Kanyang pinipili at hinihirang, lahat nawa ng napapabilang sa Kanyang kawan ay mahalin at sundin ang kanilang mga pastol gaya ng pagmamahal at pagsunod nila kay Jesus. At ang bawat pastol nawa ng kawan ni Jesus ay magmahal gaya ni Jesus. Samantalang kailangan ng mga tupa ang mabubuting pastol, kailangan din naman ng bawat pastol ang mabubuting tupa.
No comments:
Post a Comment