Pages

18 April 2010

DOMINUS EST!

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay Jn 21:1-19

Kung halimbawa, may taong makapagbibigay sa iyo ng buhay na walang-hanggan, isang buhay na walang bahid ng anumang paghihirap, isang buhay na walang-kamatayan, hindi mo ba susundan ang taong iyon? Malamang, hindi ka na hihiwalay sa taong iyon. Sino nga ba ang ayaw ng gayong buhay?

Marahil, maitatanong natin kung meron bang taong hindi susundan ang sinumang may kapangyarihang magbigay ng buhay na walang-hanggan. Pero meron! Hindi kasi ganun kasimple iyon. Hindi lamang iyon tungkol sa pagkakaalam o pagsamapalataya. Minsan silang nakaaalam at nananampalataya ang hindi sumusunod.

Tingnan natin si Simon Pedro. Bagamat siya ang hinirang ni Jesus na mamuno sa labindalawang apostol, bagamat sa kanya itinayo ni Jesus ang Santa Iglesiya, bagamat siya ang kauna-unahang Sto. Papa, napakahirap ng pinagdaanan niya sa pakikibakang ganap na sundan si Jesus. Ilang beses siyang pumalpak. Naririyang tinawag siyang “satanas” ni Jesus, pagkatapos na pagkatapos lamang ng tawagin siyang “Pedro” ni Jesus at sabihing sa ibabaw ng batong yaon ay itatayo ni Jesus ang Kanyang Iglesiya. Nariyan din ang pagtanggi ni Simon Pedro na hugasan ni Jesus ang kanyang mga paa, tapos ang labis namang paghingi kay Jesus na hugasan ang buo niyang katawan, noong Huling Hapunan. Nariyan pa ang nakatulog siya nang makailang ulit sa Hardin ng Gethsemane, gayong binilinan siya ni Jesus na huwag matutulog. Tapos, alam nating lahat, tinatwa pa niya si Jesus, hindi lamang isang beses kundi tatlo pa. Iniwan niya si Jesus nang mag-isa sa krus. Marahil marami pang kapalpakan itong si Simon Pedro pero hindi na naisama sa mga ebanghelyo. Ngunit ang mga nabanggit pa lamang ay sapat na para magkaroon tayo ng malinaw na larawan sa ating mga isipan ng tunay na pakikipagtunggali ni Simon Pedro sa kanyang sarili sa pagsunod kay Jesus. Kung tayo ay tapat, aaminin nating ang pakikibaka sa sarili ni Simon Pedro ay karanasan din natin sa araw-araw nating pamumuhay sa mundong ito na batbat ng mga tukso. Hindi ba kilala natin si Jesus at sinasabi nating sumasampalataya tayo sa Kanya? Pero tutoo bang palagi nating sinusundan Jesus?

Simula nang magmuling-nabuhay si Jesus, marami nang nangyari sa loob lamang ng ilang araw. Nakita ni Maria Magdalena, Simon Pedro, at Juan ang libingang walang-laman. Nagpakita na si Jesus kay Maria Magdalena, tapos sa mga apostol. Nakipagkuwentuhan at nakisalo na Siya sa dalawang alagad na patungong Emmaus. Matapos ang walong araw, nagpakitang muli Siya sa mga apostol at naroroon na si Tomas na noong unang pagkakataon ay absent. Ibig sabihin, alam na ng mga alagad na si Jesus ay nabuhay nang magmuli. Sigurado na silang ang nakikita nila ay hindi lamang multo ni Jesus, kundi si Jesus mismo. Inatasan na rin sila ni Jesus na sundan Siya, at ibinigay sa kanila ang kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan, tapos isinugo Niya sila upang ipangaral ang Mabuting Balita. Dahil dito, inaasahan nating abala na sana sila sa gawaing ibinilin sa kanila ni Jesus. Pero ano ang ginagawa nila ngayon?

Nangingisda sila! “Mangingisda ako,” sinabi ni Simon Pedro. “Sama kami!” sabi ng mga alagad. Kaya, kasama ni Simon Pedro, si Tomas, Nathaniel, Santiago, Juan at dalawa pang hindi pinangalanang alagad ay natagpuan nating nangingisda ngayon. Parang walang malalim na kahulugan ang pangyayaring ito, hindi ba? Pero meron. Hindi ba, si Simon Pedro, Santiago, at Juan ay mga bihasang mangingisda bago sila tinawag ni Jesus? Hanap-buhay nila ang pangingisda. At nang tawagin sila ni Jesus, tinawag Niya sila palayo sa lambat ng kanilang ama tungo sa pagiging mamamalakaya ng mga tao. Malaon pa, si Simon Pedro ang pinuno ng mga apostol at lahat ng mga alagad. Si Jesus mismo ang nagtalaga sa kanya. Pero ngayon, bumabalik si Simon Pedro sa pagiging mangingisda at sumusunod sa kanya ang iba pang mga alagad. May kasabihan sa Iglesiya Katolika, “Ubi Petrus, ecclesia est” (“Kung nasaan si Pedro, naroroon ang Iglesiya”). Kaya, nasaan ang Iglesiya ngayon? Nasa lawa, nangingisda.

Kamusta naman ang kanilang pangingisda? Bokya. Nagbalik sila sa lawang kanilang kinagisnan pero hindi sila winelcome ng mga isda. Wala silang nahuli magdamag. At pagsapit ng madaling-araw, sila ang nahuli ni Jesus. Nakakatawang isipin na marahil ay nakangiti si Jesus at sinasabi sa sarili, “Hoy, huli kayo! Ang mga ito talaga! Anong ginagawa ninyo rito sa lawa? Nalimutan ba ninyong may pinagagawa ako sa inyo?” Ayon sa ebanghelyo, sumigaw si Jesus, “Mga anak, meron ba kayong nahuling makakain?” At siyempre ang sagot nila, “Wala po.” “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makahuhuli kayo,” payo ng Karpintero sa mga bihasang mangingisda. Gayun nga ang ginawa nila at nakahuli sila ng napakaraming mga isda.

Meron po ba kayong naaalala? Noong unang tawagin ni Jesus si Simon Pedro, nangingisda rin siyang kasama si Santiago at Juan at wala rin silang huli magdamag. Ganitong-ganito rin ang mga pangyayari, hindi ba? Ininutos ni Jesus na pumalaot muli at mangisda. Bagamat sa una ay bantulot si Simon Pedro, pumalaot na lang din ulit. At nakahuli sila ng napakaraming isda na halos lumubog daw ang kanilang bangka. Nang magkagayon, lumuhod si Simon Pedro sa paanan ni Jesus at sinabing, “Layuan po Ninyo ako, Panginoon. Ako’y isang makasalanan.” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa Akin. Gagawin kitang mamamalakaya ng mga tao.” Hindi kaya sinadyang maulit muli ang lahat ngayong matapos na magmuling-mabuhay si Jesus? Muling tinatawag ni Jesus ang mga apostol na nang-iwan sa Kanya at muli rin Niyang hinihirang si Simon Pedro – sa kabila ng marami na nitong mga kapalpakan – para maging pinuno nila. At nang magkagayon, sinabi ni Juan, ang Minamahal na Alagad, “Dominus est!”

Pagsapit nila sa pampang, nakita nilang may iniihaw nang isda at nilulutong tinapay. Tinapay at isda – ang himala ng pagpaparami ng tinapay at isda ay muling nakatitig sa mga apostol. Alam na alam nila iyon. Si Jesus ang makapagkakaloob ng kanilang mga pangangailangan. Si Jesus ang makapupuno sa kanilang mga pagkukulang. Bagamat tumpak sila sa kanilang iniisip, sinabi pa rin ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng isdang nahuli ninyo”. Akala ko ba, may iniihaw na? Bakit kailangan pang humingi ni Jesus ng isdang nahuli nila? Itinuturo ni Jesus sa mga apostol na bagamat Siya nga ang pupuno sa anumang kulang sa kanila at sa anumang mga pagkukulang nila, kailangan pa ring makipagtulungan sila sa Kanya. Dapat nilang dalhin kay Jesus anumang meron sila. At ganito rin naman sa ating mga makabagong alagad ni Jesus. Hindi tayo pababayaan ni Jesus pero dapat tayong makipagtulungan sa Kanyang biyaya. Sa ating pakikibakang sundan si Jesus araw-araw, kailangan nating dalhin kay Jesus ang anumang meron tayo. May kasabihan, “Grace builds on nature.” Kung kaya’t ibigay natin kay Jesus ang anumang meron tayo at buong pagtitiwalang hayaang natin Siyang gamitin ito sa paraang pinagpasiyahan Niya.

Nakakabagbag-damdaming maalala na noong unang nagpakita si Jesus sa mga alagad noong gabi ng Magmuling-Pagkabuhay, ang mga apostol ang nagbigay kay Jesus ng isda na siya namang kinain ni Jesus sa harapan nila bilang patunay na hindi siya multo o guni-guni lamang. Ngayon, si Jesus na ang nagbibigay ng pagkain sa kanila bilang patunay ng pagmamalasakit Niya sa kanila sapagkat minamahal Niya sila nang higit sa kanilang inaakala. At matapos nilang mag-almusal, hinarap ni Jesus si Simon Pedro at nakipag heart-to-heart talk sa kanya. Muling pinagtibay ni Jesus ang pagiging pinunong pastol ng Kanyang Iglesiya si Simon Pedro. Hindi hadlang para kay Jesus ang mga kapalpakan ni Simon Pedro para gawin siyang unang Sto. Papa. Hindi laging matagumpay ang pakikibaka ni Simon Pedro sa kanyang pagsunod kay Jesus, ngunit nanatiling tapat si Simon Pedro kay Jesus. Ayon kay Bl. Teresa of Calcutta, “God does not expect us to be successful, but to be faithful.” Hindi sumuko si Simon Pedro sa pakikibaka ng pagsunod kay Jesus, gaano man karami at kalaki ng mga kapalpakan niya. Ang lahat ng tao ay nadarapa, pero hindi lahat bumabangon. Ang pagbangon, hindi ang hindi pagkadarapa, ang higit na malalim na tanda ng katapatan.

Si Simon Pedro ay tulad nating lahat. May mga kapalpakan sa buhay. Tumulad tayo kay Simon Pedro. Huwag sumuko sa mga kapalpakan natin sa buhay. Muli, ang lahat ng tao ay nadarapa ngunit hindi lahat ay bumabangon. Ang pagsunod kay Jesus ay buhay ng muli’t muling pagbangon. Misyon din nating tulungan bumangon ang mga gustong bumangon. At sa pagtutulungan nating makabangong muli, makikita natin sa isa’t isa ang Panginoong Jesus at masasabi rin natin, “Dominus est!”

No comments:

Post a Comment