Kaspistahan ng Pagbibinyag sa Panginoong JEsukristo
Lk 3:15-16.21-22
“Dear, natatandaan mo pa ba noong una tayong nagkita?” tanong ni misis kay mister.
Lk 3:15-16.21-22
“Dear, natatandaan mo pa ba noong una tayong nagkita?” tanong ni misis kay mister.
“Naku, napakatagal na noon, Dear,” sagot ni mister.
“Oo nga, napakatagal na pero sigurado ako natatandaan mo pa. Ang baduy-baduy mo noon – jologs na jologs. Kulay berde ang polka dots mong polo at lavender naman ang pantaloon. At ang salamin mong kulay puti ang frame, pagkalaki-laki. May tighiyawat ka pa sa noon sa ilong. Yaks!
“Talaga?” natatawang sabi ni mister.
“Talaga,” sabi ni misis, “at torpeng-torpe ka pa. Ni hindi ka makatingin sa akin nang tuwid. Lagi kang nakatungo. Pero nang magkatinginan tayo, nginitian kita. Ngumiti ka naman; iyong nga lang sa sahig. O, tanda mo na? Mabuti na lang at ako ang gumawa ng unang hakbang – kung hindi malamang hindi tayo nagkatuluyan.
“Malamang nga, Dear,” sabi ni mister.
Minsan ang mga pagsisimula ay hindi natatandaan dahil tila hindi naman sila importante nang mga sandaling iyon. Subalit, may ilang mga pangyayari sa buhay natin ang nagiging mahalaga dahil nakikita natin sa kalaunan na noong mga sandaling yaon nagsimula ang isang bagay. At kapag naaalala natin ang pangyayaring iyon, binibigyan iyon ng kahulugang wala naman doon nang mga sandaling iyon.
Siyempre, may mga pagsisimulang agad nating alam na mahalaga – gaya ng binyag, kumpil, first communion, kasal, o ordinasyon. Nilalagyan natin ng mga palatandaan ang mga pagsisimulang ito, kung kaya’t ipinagdiriwang natin ang mga ito sa pamamagitan ng mga rituwal. Iniimbitahan ang mga kamag-anak at kaibigan, kumukuha ng mahusay na photographer o videographer, may pari o obispong namumuno sa pagdiriwang, binibigkas ang mga sagradong salita sa saliw ng magandang musika, at ang namamayaning damdamin ay kagalakan.
Pero gaano man kabonga ng pagsisimulang ginagawa, tiyak na may kaba pa rin, lalo na sa damdamin ng nagsisimula. Magiging mabuting Kristiyano kaya itong batang ito? Magiging tapat kaya sa isa’t isa ang bagong kasal? Mananatiling pari kaya siya hanggang kamatayan? Matutupad kaya ang mga binitiwang pangako? Ang lahat ng pagsisimula ay pagtataya. Ang lahat ng nagsisimula ay nangangailangan ng tulong.
Naisip na ba natin si Jesus bilang nagsisimula? Naisip na ba nating kailangan din Niya ng tulong? Ngayong Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus, ipinagdiriwang natin ang dalawang bagay na ito: pinasisimulan ni Jesus ang Kanyang ministeryo, at tinatanggap Niya ang tulong sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Sang-ayon ang apat na ebanghelyong meron tayo na si Juan Bautista ay napakahalaga sa buhay ni Jesus. Sa pagitan ng kubling buhay ni Jesus at ng Kanyang hayagang ministeryo, nakatayo ang dakila at walang-takot na propetang si Juan Bautista – ang pinakahuli sa Lumang Tipan at pinakauna rin naman sa Bagong Tipan. Bago nagpunta si Jesus kay Juan, si Jesus ay kilala lamang bilang anak ng karpinterong taga-Nazareth. Matapos Niyang makasama si Juan, si Jesus ay nakilala na ng marami bilang isang lagalag na mangangaral na may natatanging misyong tulad ng sa mga propeta. Malinaw na may kung anong nangyari kay Jesus habang kasama Siya ni Juan, isang pangyayaring nagbigay ng bagong direksyon sa Kanyang buhay.
Sa ikalawang pagbasa ngayong kapistahang ito, sinabi ni San Pedro Apostol: “Si Jesus na taga-Nazareth ay nagsimula sa Galilea matapos ipangaral ni Juan ang pagbibinyag.” Gayon na lamang kahalaga si Juan sa buhay ni Jesus para sabihin Niya, “sa lahat ng mga sanggol na isinilang ng mga babae, wala nang hihigit pa kay Juan” (Lk 7:28). Malaon pa, ang mga unang alagad ni Jesus, ayon sa ikaapat na ebanghelyo, ay mga dating alagad ni Juan.
Sa katunayan, gayon kahalaga si Juan Bautista para sa ilang mga tao at inakala pa nila, ayon kay San Lukas sa ebanghelyo ngayon, na siya ang mesiyas! Isa sa mga dahilan para akalain iyon ay dahil, gaya ng maraming mga tao, si Jesus ay nagpunta rin kay Juan para magpabinyag. Malamang, ito ang dahilan kung bakit sa pagkukuwento sa atin ni San Lukas, binabanggit niya muna na si Juan Bautista ay ikinulong ni Herodes bago niya ikinuwento ang pagpapabinyag ni Jesus kay Juan. Nais tiyakin ni San Lukas sa kanyang mga mambabasa na si Jesus ay di hamak na higit na dakila kaysa kay Juan. Si Jesus ang pinakamamahal na Anak ng Diyos.
Ang pagbibinyag sa Panginoong Jesus ay isinulat din nila San Mateo at San Marko, pero may kakaibang diwa ang pagsasalaysay ni San Lukas. Ayon kay San Lukas na sumulat ng ating ebanghelyo ngayon, si Jesus ay nananalangin nang nabuksan ang langit at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Kay San Mateo at San Marko may pagbubukas din ng langit, tinig ng Ama, at pagpanaog ng Espiritu Santo, pero walang pagbanggit sa pananalangin ni Jesus. Tanging si San Lukas lang ang bumabanggit tungkol sa pagdarasal ni Jesus. Nang tila naulit pa ang tagpong ito na may tinig mula sa langit at pagniningning ni Jesus, ang Kanyang pagbabagong-anyo, si San Lukas din lang ang nagsabing si Jesus ay nananalangin nang ito ay mangyari. Sa katunayan, labindalawang beses na binabanggit ni San Lukas na si Jesus ay nananalangin.
Sa pananalangin nakasasalok si Jesus ng kinakailangan Niyang tulong sa pagsisimula at pagpapatuloy ng Kanyang ministeryo. Nagtatapos din ang Kanyang hayagang ministeryo sa Kalbaryo nang nananalangin Siya at makailang ulit na tinawag ang Diyos bilang “Ama”. Ang panalangin ang di masaid na balon ng kalakasan ni Jesus sapagkat sa pananalangin napagtitibay, napananariwa, at naipagdiriwang Niya ang Kanyang pagiging Anak ng Diyos at ang pagiging Ama naman ng Diyos sa Kanya. Sa pakikipagkaniig Niya sa Diyos Ama sa pamamagitan ng taimtim na panananalangin, nararanasan Niyang hindi Siya nag-iisa, at ngayong ginugunita natin ang pagbibinyag sa Kanya, pinasisimulan ni Jesus ang Kanyang paglalakbay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo at sa pag-ibig ng Ama. Nagsisimula Siya sa masalimuot na landas na, alam na nating, hahantong sa krus; ngunit hindi siya nagsisimula nang hindi nananalangin.
Samantalang ipinagdiriwang natin ang simula ng hayagang ministeryo ni Jesus, tingnan din natin ang ating sariling mga pagsisimula. At kung sakaling makita nating ang ilan sa ating mga pagsisimula ay tila tumamlay o naging malabnaw na, hinihikayat tayo ng diwa ng ating pagdiriwang at ng mensahe ng ebanghelyo ngayong kapistahang ito na magsimulang muli. Maaaring magsimulang muli – iyan ang Mabuting Balita. Maaaring magsimula muli at magsimulang mabuti – iyan ang hamon sa atin. At alam na natin kung saan tayo dapat sumalok ng lakas: sa pananalanging katulad ni Jesus.
No comments:
Post a Comment