Pages

02 January 2010

ANG PAGHAHANAP

Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Mt 2:1-12

Ang daming mga paghahanap na nangyari noong unang Pasko, hindi po ba? Una, naghanap ang Diyos ng sinapupunan para sa Anak Niya. Natagpuan ng Diyos si Maria. Ikalawa, hinanap ni Jose kung sino ang tatay ng ipinagdadalantao ng katipan niyang si Maria. Natagpuan ni Jose ang Diyos. Ikatlo, inihanap ni si Jose si Maria ng lugar upang pagsilangan kay Jesus. Sabsaban ang kanyang natagpuan. Ikaapat, hinanap ng mga pastol ang bagong silang na Sanggol. Natagpuan nila si Jesus, ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel. Ikalima, dumating sa Jerusalem ang mga pantas mula sa silangan, hinahanap ang bagong silang na Hari ng mga Judio. Natagpuan nila Siya sa piling ng kanyang ina. Di nagtagal, si Herodes naman ang nagpahanap kay Jesus. Natagpuan ba niya si Jesus? Hindi.

Sinumang tunay na naghahanap sa Diyos ay makatatagpo sa Kanya. Sinumang humahanap sa Diyos nang may pag-ibig sa kanyang puso – hindi galit o inggit o takot – matatagpuan ang Diyos.
Ipinagdiriwang po natin ngayong araw na ito ang Dakilang Kapistahan ng Epifania. Ang salitang “epifania” ay mula sa wikang Griyego at ang ibig sabihin ay “maluwalhating pagpapakita”. Maluwalhating ipinakikita ni Jesus, ang Anak ng Diyos, ang Kanyang sarili. Hinayaan Niyang matagpuan siya ng tao.

Kung tutuusin, ang buong panahon po ng Kapaskuhan ay magpapakita ng Diyos. Sa araw mismo ng Pasko, unang ipinakita ni Jesus ang Kanyang Sarili sa mga Judio, ang mga kababayan Niya. Kasabay noon ang pagpapakita niya sa mga dukha na kinakatawan ng mga pastol. Nagpakita rin siya sa matandang Simeon at balong si Ana sa Templo. Ngayong araw namang ito, sa Dakilang Kapistahan ng Epifania, hinayaan ni Jesus na matagpuan Siya ng mga Hentil – silang mga hindi Judyo – na kinakatawan ng mga pantas mula sa silangan, sa gawing ito ng mundo. Kung gayon, si Jesus ay hindi lamang para sa mga Judyo. Si Jesus ay para sa lahat ng mga tao.

Sa ikalawang pagbasa ng Banal na Misang ito, ipinaliliwanag po ni San Pablo Apostol ang kahulugan ng ating ipinagdiriwang: “Ipinahayag sa akin ang lihim na panukala ng Diyos na hindi inihayag sa nakaraang salinlahi; nangangahulugan ito na ang mga Hentil ay kabahagi na ng mga Judio sa iisang pamana, sila ay mga kasapi ng iisang katawan, kasalo sa iisang pangako kay Kristo sa pamamagitan ng Mabuting Balita.”

Bakit po napakahalaga para sa atin ng pahayag na ito ni San Pablo at ng epifania ng Panginoon? Napakahalaga po para sa atin ng pahayag na ito ni San Pablo at ng mismong epifania ng Panginoon kasi hindi naman tayo mga Judyo. Mga Hentil tayo. Hindi tayo kabilang sa Bayang Pinili ng Diyos sa Lumang Tipan. Bago pa naging Kristiyano ang ating mga ninuno, sila ay sumasamba sa mga diyus-diyosan. Kung kaya’t sa katauhan ng mga pantas mula sa silangan, nakikita natin ang ating mga sarili: hinayaan ni Jesus na matagpuan din natin Siya. Kung tutuusin nga po, ngayon pa lang Pasko para sa atin.

Sa Pilipinas, napakaraming mga paghahanap. Sa simula pa lamang ng ating kasaysayan bilang isang bansa, nadiskubre ang ating mga dalampasigan dahil sa isang paghahanap. Naghahanap si Ferdinand Magellan ng mga spices na matatagpuan talaga sa India, pero sa Limasawa, Cebu sila napadaong. Akala pa nga nila ito na ang India; kaya nga’t tawag pa nila sa mga katutubo ay Indio.
At mula po noon, kung anu-ano nang mga paghahanap ang naganap at nagaganap pa sa buhay nating mga Pilipino. Hinahanap ni Sisa sina Basilio at Crispin hanggang ngayon. Hinanap din ang tunay na nagpapatay kay Andres Bonifacio – si Emilio Aguinaldo nga ba talaga? May naghahanap pa hanggang ngayon sa nakabaong kayamanan ni Yamashita. Duda pa rin ang marami kung nahanap na talaga ang lahat ng natatagong nakaw (daw) na yaman ng dating diktador at ng kanyang Unang Ginang. Napakarami pa sa mga hinahanap na mga dinukot na tao noong bago, habang, at pagkatapos ng martial law, hanggang ngayon hindi pa natatagpuan. Ang tunay na pumatay at nagpapatay kay Ninoy, nahanap na ba talaga? Kinamatayan na ni Cory ang paghahanap na iyan. Si Gringo – matagal-tagal ding hinanap; sasabihin ko sa inyo ang isang sekreto: habang pinaghahanap siya, naroroon siya sa dati kong parokya sa Fairview pamutor-motor lang, parishioner ko sya. Ang tunay na Jose Velarde at Jose Pidal – nakihanap din tayong lahat. Si Garci, hinanap din. Nasaan na siya? Hello, Garci dati; ngayon goodbye Garci na kasi may bago na at mas marami nang galamay sa pandaraya sa eleksyon. At nakita natin ang mukha ng isa sa mga galamay na iyon – isang halimaw pala na inalagaan, inarmasan, at pinaboran ng naghaharing kapangyarihan kung kaya’t di mabilang ang mga malapalasyong mansyon kahit pa sa pangalawang pinakamahirap na lalawigan natin at walang konsensyang pumapatay sa tao na parang baboy lang sa katayan. Noong makauwi na sa Pilipinas si Mancao, hindi ba akala nating lahat mahahanap na kung sino ang talagang nagpapatay kay Bubi Dacer at sa driver niyang si Corbito, pero anong nangyari’t wala na tayong narinig ulit. Kaya naman po, hindi natin masisisi ang karamihan sa atin na ayaw nang maghanap. Pagod na pagod na sila. Akala mo nahanap mo na, hindi pa pala. Pero ito ang pinakamasaklap: nahanap mo na nga, pinakawalan pa! Hindi ba nauwi na lang sa isang malaking joke ang paghahanap kay Jokjok?

Marami pa tayong ganyang kuwento ng paghahanap – mga paghahanap sa gitna ng dilim. Pero tanging sa dilim din naman lamang napapansin ang mga bituin. Sila kasi ang nagsisilbing mumunting liwanag para sa ating mga nangangapa sa kadiliman. At mumunti man sila, hindi matatawaran ang kanilang halaga sapagkat kung wala sila sadyang ganap na ang kadiliman. Sa paghahanap at pangangapap natin sa dilim, lubos na nagniningning ang mga talang katulad ni Corazon Aquino, ni Jun Lozada, ni Efren PeƱaflorida – ang lagalag na guro sa kariton na pinarangalan bilang 2009 CNN Hero, at marami pang iba. Sila ang mga tala sa makabago at kasalukuyang paghahanap ng mundo kay Kristo.

Ang tunay na kapangyarihan ay walang bala kundi tala. Ang tutoong maganda o makisig ay wala sa pagdadala kundi sa pagiging tala. Ang talagang mapalad ay hindi ang salapi ay pinapala kundi ang sarili ay nagsisilbing tala sa iba. Ang tunay na karunungan ay hindi bula kundi tala.

Tularan natin ang mga pantas na nakatagpo kay Jesus. Buong-tapang nilang sinuong ang paglalakbay patungo sa kanilang hinahanap. Binasa nila ang mga pangyayari sa paligid at sa kalikasan. Nagtanung-tanong sila. Nag-alay sila ng kanilang nakayanan. At higit sa lahat, nakinig sila at sumunod sa pasabi ng Diyos sa kanila.

Kapag natagpuan na natin si Jesus tayo naman, kahit gaano kahirap o kalungkot o kapanganib pa ng ating pinagdaraanan, ang maging mga tala sa gitna ng malalim na kadiliman ng ating lipunan. Huwag tayong padadaig: piliin natin ang liwanag. Huwag tayong susuko: makibaka para sa katotohanan. Huwag tayong matatakot: kakampi natin ang Diyos. Huwag tayong tutulog-tulog: kilatisin ang mga tanda ng panahon. Maging tala ni Jesus sa mundo. Marami pang naghahanap sa Kanya. At ang nais nilang matagpuan, makita, at makasama ay “nobody, nobody, but Him”.

3 comments:

  1. as the saying goes, "life is not the candle, but the wick". keep the fire burning and the light shining. happy epiphany sunday father!

    ReplyDelete
  2. Anonymous7:04 PM

    Happy Epiphany Sunday Fr. Bob!

    Thank you for bringing the San Jose de Manggagawa Parish back into action. Mahaba pa at madawag ang daan ng pagsasaayos tungo sa kaliwanagan pero sabi ninyo nga, wag tayong mapapagod,huwag tayong matatakot. Huwag tayong susuko.God bless you po!

    ReplyDelete
  3. Anonymous9:01 AM

    Fr. Bob ngayn ko lang po napuntahan itong blog site nyo. Kakaunti pa lamang ang aking nababasa nguni't sa aking pakiwari ay hindi ito ang huli pagsulyap sa inyong site. Hindi ko po alam kung papaano ko po sisimulan muli ang pagharap sa PANGINOON ng buong tapang. Sana po sa inyong gabay ay magawa ko po na harapin ito. Maraming Salamat po.

    ReplyDelete