Unang Misa de Gallo
Lk 7:19-23
Bakit tayo naririto? Bakit madaling-araw pa lang ay nandito na tayo sa simbahan? Ano ang meron? Bakit? Ano?
Lk 7:19-23
Bakit tayo naririto? Bakit madaling-araw pa lang ay nandito na tayo sa simbahan? Ano ang meron? Bakit? Ano?
Madaling-araw pa lang ay naririto na tayo sa simbahan dahil gusto nating sumamba sa Diyos. Nandito tayo para magsimba. Siyam na araw nating gagawin ito dahil gusto nating ihanda nang mabuti ang ating sarili sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ng Panginoong Jesus. Kung paanong siyam na buwan ding ipinagdalang-tao ni Maria si Jesus, siyam na araw din natin siyang matalik na sasamahan, pasabik nang pasabik, paigting nang paigting. At dahil ang Misa ang pinakadakilang panalangin para sa atin, alam nating walang ibang pinakamabuting paraan ng paghahanda maliban sa pagsisimba. Naririto ako para mag-Misa. Naririto kayo para magsimba. Naririto tayo para mag-Simbang Gabi.
Kaya?
Ito ang sinasabi ng isang awiting pamasko nating mga Pinoy:
Gising na mare! Gising na pare!
Tawag ng kampana sa simbahan.
Umpisa ng siyam, huwag magkukulang
Sa Simbang Gabing kinagisnan.
Magbalabal na kahit na tuwalya.
Kay lamig-lamig doon sa plaza.
Mare at pare, dapat mag-ingat
Nang hindi kayo mapolmunya.
Simbang Gabi – ugali ng Kristiyano
Mas matanda sa ating lolo.
Alay ito sa Birhe’t Santo Niño.
Dinarakila ang Pasko.
At dahil diyan, may nag-text. Ito ang palitan ng text messages.
Texter 1: Eow! Cmba b u?
Texter 2: Yup! Cmba me. Kaw, simba k b?
Texter 1: Uu nmn. May wish aq kea complt q sna cmbang gv.
Texter 2: Me dn. Complt q rn sna pra lagi me ksama u, bhe.
Texter 1: K. San n u? D2 n me. Dali, mgstart na.
Texter 2: Mlpt n me. K lng, si Fr. Bob nmn mag-Mass. Mea p un.
Texter 1: K. Eat tau b2ngka aftr h.
Texter 2: Sure! Bzta kaw, bhe.
Texter 1: Lab u!
Texter 2: Lab u 2!
Biglang may pumasok na pangatlong sender.
Texter 3: Wer u na? Knna p start an Mass.
Texter 1 and 2: Hu u?
Texter 3: Fr. Bob me. C Monsi ang pari ngaun. Sowee!
Talaga bang nagpunta tayo rito ngayon para magsimba? Talaga bang para kay Jesus at Maria ang pagsi-Simbang Gabi natin? Ano nga ba ang Simbang Gabi?
Ayon sa awit kanina, may apat na katangian ang Simbang Gabi.
Una, ito raw ay ugali ng Kristiyano. Hindi ito gawain ng mga Muslim o ng mga Judyo o ng mga Iglesiya ni Kristo o ng sinumang kasapi ng ibang relihiyon. Ugaling Kristiyano ito. Pero ang ugaling ito ay hindi nakukuha sa pangalang Kristiyano lamang o sa pagiging kasapi lamang ng Iglesiya Katolika. Ugaling Kristiyano ba tayo? Kung sa buong taon, hindi naman tayo nagsikap isabuhay ang ugaling Kristiyano, ano’t naririto tayo ngayon? Baka panatisismo lang ang pagsi-Simbang Gabi natin o, masahol pa, pakitang-tao lang. Pero kung sa buong taon ay pinagsikapan nating mamuhay bilang tunay na mga Kristiyano – ginagabayan ng mga pagpapahalaga ng ebanghelyo at taus-pusong tumutugon sa tawag ni Kristo – talagang bahagi nga ng ugali natin ang pagsi-Simbang Gabi. Kung hindi, umuwi na.
Ikalawa, mas matanda raw ito sa ating lolo. Ibig sabihin, hindi tayo ang umimbento nito. Bagamat katangi-tanging kaugalian ito para sa ating mga Pilipino. Minana natin ito. Hindi tayong mga namumuhay sa kasalukuyang henerasyon ang nagpasimula nito. Pamana ito sa atin ng ating mga ninuno. At pamana rin naman natin ito sa ating mga anak at magiging mga anak na ating mga anak. Ang pagsi-Simbang Gabi natin, kung gayon, ay pagpapanatiling buhay ng ating pagiging Katolikong Pinoy.
Katolikong Pinoy, ipakita sa mundo
Nasa Diyos ang buhay mo.
Katolikong Pinoy, ‘wag kang matatakot.
Ipagmaliki mo: Katoliko ako!
Katolikong Pinoy!
Tayong mga kasalukuyang henerasyon ng mga Pinoy, maipagmamalik pa ba tayo ng ating mga ninunong nagpamana sa atin ng ating pananampalatayang Kristiyano? Bahagi nga ng pananampalatayang iyon ang pagsi-Simbang Gabi na pinagpapatuloy pa rin natin magpahanggang ngayon, pero ito na lang ba ang maipagmamalaki nila sa atin? Naiwan na nga lang ba sa mga rituwal ang ating kaugalian? Paano na ang bayanihan, damayan, pagmamahal sa kalikasan, paggalang sa nakatatanda, pag-aaruga sa mga bata, paghuhubog sa mga kabataan, pagkamakabayan, pagiging bayani, at marami pang iba? Kung ang pagsi-Simbang Gabi natin ay isang minanang rituwal na lamang, itigil na.
Ikatlo, alay raw ito sa Birhe’t Santo Niño. Ang daming nagsisimba kapag Simbang Gabi. Kung tatanungin natin siguro ang bawat-isang nagsimba ngayon, sigurado hinihingi iyan kapalit ng pagkumpleto sa siyam na araw ng pagsisimba. Ano ba ito, suhol? Akalo ko ba, alay ito sa Birhe’t Santo Niño? E, bakit, parang alay naman natin ito sa sarili natin? Ano ang dala mo para sa Birhe’t Santo Niño? Hindi sapat ang materyal na handog. Ang kailangan ng Birhen ay pusong pagsisilangan ng kanyang Niño. Uulitin ba natin ang kuwento ng unang Pasko: walang lugar sa bahay-panuluyan para sa kanila. Hanggang ngayon pa ba? Mabuti pa si Bhe, may malaking puwang sa puso mo.
Ikaapat, dinadakila raw nito ang Pasko. Ang siyam na Simbang Gabi ay paghahanda para sa maringal na pagdiriwang ng Pasko. At dahil ang Pasko ang pagsilang ng Panginoong Jesukristo. Dinarakila ng Simbang Gabi, hindi si Father na magaling kumanta o kaya ay magpatawa o kaya ay maghomiliya, hindi ang choir na mahusay umawit, hindi ang mga kagalang-galang na ministro liturhikal, hindi ang bhe mo, hindi ikaw, hindi ako, kundi si Jesus. Ang pagbangon mo ng madaling-araw ay para kay Jesus. Ang paggayak mo, pagligo, pag-ayos ng katawan, pagsuot ng tamang damit, at paglakad mo sa gitna ng ginaw at dilim ay para kay Jesus. Ang pagsimba mo, ang masiglang pakikiisa sa pag-awit, taimtim na pakikinig at pagsagot sa mga panalangin, at pakikibakang huwag makatulog sa Misa ay para kay Jesus. Ang pagdala mo ng mga alay, ang pag-abuloy mo sa simbahan, ang pagbati mo ng kapayapaan para kay Jesus. Ang pag-uwi mo pagkatapos ng Misa, ang pagbili mo ng bibingka para sa iyo at para na rin sa iba, ang pagngiti mo sa mga nakakasalubong mo ay para kay Jesus. Ang pagsisikap mong isabuhay ang aral na narinig, ang pagtulad mo sa mga tauhan ng kuwento ng Pasko, ang pagsimba mo kahit kapag tapos na ang mga Simbang Gabi ay para kay Jesus. Dahil kung hindi, sino ang ba talaga ang dinarakila ng iyong pagsi-Simbang Gabi?
Ang Simbang Gabi ay ugali ng Kristiyano, as matanda sa ating lolo, at alay ito sa Birhe’t Santo Niño, dinarakila ang Pasko. Ito ba ang katotohanan sa kung bakit tayo naririto? Nakikita ba ito sa ating tunay na pamumuhay bilang testigo sa katotohanang ating inaangkin?
Sa ebanghelyo ngayong unang Simbang Gabi, hinahanapan ni Juan Bautista si Jesus ng patunay kung Siya na nga ang Kristo. At ang patunay na tinukoy ni Jesus na Siya nga ang Kristo ay ang Kanyang mga gawa. Maaari bang tumestigo ang ating mga gawa kung tunay nga o huwad ang ating pagsi-Simbang Gabi?
natawa ko sa mga text messages mo fr. bob, kahit wala ka na sa guadalupe at wala na rin ako sa pilipinas pag nababasa ko blog mo para na rin akong nagsimba sa guadalupe at ikaw ang nagmisa. kahit papano nababawasan ang homesickness ko dito. haaayyy, god bless and thank you.
ReplyDeletenatawa ko sa mga text messages mo fr. bob, kahit wala ka na sa guadalupe at wala na rin ako sa pilipinas pag nababasa ko blog mo para na rin akong nagsimba sa guadalupe at ikaw ang nagmisa. kahit papano nababawasan ang homesickness ko dito. haaayyy, god bless and thank you.
ReplyDelete