Ikalawang Misa de Gallo
Mt 1:1-17
Wala po akong ibang maisip-gawin para maging medyo exciting naman sa pandinig ninyo ang ebanghelyo ngayong ikalawang Misa de Gallo, kaya kinanta ko na lang po. Naku, basahan ka ba naman ng listahan ng mga pangalang pagkadami-dami sa gitna ng madaling-araw! Malamang kung binasa ko lang po ang ebanghelyong ito sa inyo, marami sa inyo ang maghihikab at baka ang ilan pa ay mapahalik sa lupa dahil sa antok.
Mt 1:1-17
Wala po akong ibang maisip-gawin para maging medyo exciting naman sa pandinig ninyo ang ebanghelyo ngayong ikalawang Misa de Gallo, kaya kinanta ko na lang po. Naku, basahan ka ba naman ng listahan ng mga pangalang pagkadami-dami sa gitna ng madaling-araw! Malamang kung binasa ko lang po ang ebanghelyong ito sa inyo, marami sa inyo ang maghihikab at baka ang ilan pa ay mapahalik sa lupa dahil sa antok.
Ang ebanghelyo sa ikalawang araw ng ating Misa nobenaryo para sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Jesus ay ang Kanyang tala-angkan. Sa gayong paraan, tila agad ipinagdiriinan sa atin ang katotohanang si Jesus ay hindi lamang Diyos na tutoo bagkus tao rin namang tutoo. May mga ninuno Siya. Hindi Siya basta lumagpak na lang mula sa langit. At mas lalo namang hindi Siya putok sa buho. Taong-tao si Jesus, bagamat Siya ay Diyos na tutoo. Hindi 50% Diyos at 50% tao; kundi 100% Diyos at 100% tao. Iyan ang napakahiwagang persona ni Jesukristo. Pero huwag na nating pahiwagain pa. Sa halip, pagnilayan na natin kung ako ang sinasabi nito sa atin.
At dahil diyan, may nag-text: “Kung puwedeng gawing teleserye ang ebanghelyong pinagpilitan mong kantahin, Father, ang dapat ipamagat ‘Katorse’”.
Ayon kay San Mateo, ilang henerasyon daw mula kay Abraham hanggang kay Haring David? Katorse. Mula kay David hanggang sa pagkakatapon sa Babylonia? Katorse. At mula sa pagkakatapon sa Babylonia hanggang kay Kristo? Katorse. Kaya, ano pa nga ba ang bagay na pamagat? E di, “Katorse”.
Ang katorse ay dalawang siete. Ang tatlong katorse ay cuarenta y dos. At ang cuarenta y dos ay anim na siete. Ang numerong siete para sa mga Judyo ay numbero nang kaganapan. Nang matapos likhain ng Diyos ang lahat, Siya ay namahinga noong ikapitong araw. Ikapitong araw ang Sabbat. At tuwing ikapitong taon ay taong jubileo para sa mga Judyo: pinalalaya ang mga alipin, pinatatawad ang mga utang, at pinagpapahinga ang lupa. Sa muling pagsisiyasat sa bilang ng mga henerasyon bago isinilang si Kristo, naka-anim na taong jubileo. At ang unang henerasyon ng ikapitong jubileo, ang jubileo nang mga jubileo, ay nagsisimula sa kapanganakan ng Mesiyas na si Jesukristo. Sinasabi sa ating si Jesus ang nagdadala ng ganap na paglaya sa ating kaalipinan, ng ganap na kapatawaran sa ating pagkakautang, at ganap na kapahingahan ng ating mga lupaypay na katawan at kaluluwa.
Subalit ang Kristong ito, bagamat mula sa Diyos, ay mula rin naman sa tao. Meron siyang angkang pinagmulan – mga magulang, mga lolo at lola, mga tiyo at tiya, mga pinsan, mga lolo sa tuhod, mga lola sa kalingkingan, mga ninuno. Ang paglaya, kapatawaran, at kapahingahan ay bunga ng pagtutulungan ng Diyos at ng tao.
Sa unang dinig para ngang nakababagot ang ebanghelyong ito, pero kung aalalahanin lamang natin ang kahit kakauting alam na natin tungkol sa kahit ilan man lamang sa mga pangalang binabanggit, masasabi nating, “Aba, napakamakulay pala ng angkang pinagmulan ni Jesus.” Binubuo ito ng mga banal at mga makasalanan. Aasahan sana nating, dahil si Jesus ay Anak ng Diyos, malinis ang pangalan ng angkan Niya. Pero hindi. Kung paanong ninuno Niya ang mga banal na patriarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob, kanunununuan din ni Jesus si Tamar na sumiping sa biyanan niyang lalaking si Judah. Lolo rin ni Jesus ang butihing si Jesse na ama ni Haring David, pero lola naman sa talampakan ni Jesse si Rahab na isang patutot. Oo nga po’t dugong bughaw talaga si Jesus dahil kalololohan din Niya si Haring David na kinalugdan ng Diyos ngunit nakiapid naman kay Bathsheba at pinapatay ang asawa nito na tapat niyang heneral – si Uriah. Ibinunga naman ng paglalarong ito ng apoy ng lolo at lola ni Jesus si Solomon na kinasiyahan din naman ng Diyos at biniyayaan ng karunungan ngunit, dahil sa dami ng mga asawa, nadala rin sa pagsamba sa mga diyus-diyosan ng mga misis niya. Mahaba pa ang listahan ng mga pangalan at makulay pa ang mga kuwentong bumabalot sa kanila. Pero ano ang aral na dapat nating baunin at isabuhay mula sa katotohanang ito ng tala-angkan ni Jesus?
Una, hindi tutoong boring ang ebanghelyo ito. Hindi tutoong ito ay isang malamig na listahan lang ng mga weird na pangalan. Ang mga tao sa likod ng mga pangalang narinig natin ang mismong Mabuting Balita. Sila ang patutoo ng awa at kapangyarihan ng Diyos na hindi kayang hadlangan o tuluyang wasakin ng kasalanan ng tao. Bagamat may mga kahinaan, mga kapintasan, mga pagkakamali, gaya ng sinuman at lahat ng tao, naging daan pa rin ang mga ninuno ni Jesus para matupad ang pangako ng Diyos sa sangkatauhan. Maging angkan ni Jesus ay hindi perfect; at naniniwala akong sinadya iyon ng Diyos. Sa gitna ng ating maliliit at maging malalaking mga pagkakamali o pagkakasala hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at lakas ng loob na bumangon at, dala ang mga aral ng ating mga pagkakamali at mga pagkakasala, magpatuloy sa buhay. Ang mahalaga ay maging laging bukas sa pagkilos ng Diyos sa ating buhay at isabuhay ang mabuti.
Ikalawa, hindi nagmadali ang Diyos. Ang tagal kaya ng cuarenta y dos na henerasyon bago isilang si Jesus. Kung gayon na lamang kahalaga ng pagsilang Niya, sana minadali na lang Niya para matapos agad ang pagliligtas sa atin. Pero, ang Diyos ay hindi tulad nating mga laging nagmamadali. Katulad ng iba diyan, gustong-gustong magsimba ng madaling-araw nagmamadali naman kasi babalik sa higaan – basta masabi lang na nakapunta siya sa Misa de Gallo ngayon at wala pa siyang mintis. Napakahalaga para sa Diyos ang paghihintay. Maging Diyos ay naghintay. Ayon sa Sulat sa mga Hebreo, hinintay Niya ang kaganapan ng panahon bago Niya isinugo ang Kanyang sariling bugtong na Anak. Ayaw ng Diyos ang hinog sa pilit. Hindi Niya istilo ang matuloy lang kahit ipagpilitan pa. Marunong Siyang sumunod sa batas na mismong Siya ang nagtakda sa takbo ng kalikasan at pag-inog ng panahon. Kahanga-hanga talaga ang Diyos. Pero hindi lang Siya dapat hangaan. Dapat Siyang tularan. At sa pagtulad natin sa Kanya, mahalagang leksyon ang pag-unawa sa karunungan ng paghihintay at paggalang sa batas ng kalikasan.
Ikatlo, laging may bulaga ang Diyos. Akala mo puro lalaki lang ang bida ha. Sa tala-angkan ni Jesus, panay “si ganito ang ama ni ganito”, at kung may babae mang binabanggit, parang paningit lang. Pero nabago ang lahat pagdating sa huli dahil sa halip na sabihing “si Jose ang ama ni Jesus”, ang sinasabi ay “si Jose ang asawa ni Maria na siya namang ina ni Jesus na tinawag na Kristo.” Parang matapos tayong makampante sa karaniwang kalakaran, bigla tayong binulaga ng Diyos. Senyales ito ng mga dakilang bagay na magaganap pa lang. Ang mismong babaeng ito – si Maria – ang hudyat ng malaking kabaguhan na magdadala ng pinakadakilang pagapapala. Ngayon pa lang sa bahaging ito ng ebanghelyo ni San Mateo, nagsisimula na ang kabaguhan at pagpapalang ito. At babaliktarin ng pagdating ng Mesiyas ang nakasanayang kalakaran. Hindi itatakda ng nakalipas ang Mesiyas; sa halip, ang nakaraan ay matatanglawan ng Kanyang liwanag. Binubulaga tayo ng Diyos, handa ba tayong magpabulaga sa Kanya? May sapat ba tayong pananalig sa Kanya para hayaan nating bulagain Niya tayo? Maraming mga biyayang hindi makarating-rating sa atin kasi natatakot tayong mabulaga. At marami pang mga biyayang nasa saatin na na nasasayang na lamang dahil ayaw nating magpabulaga.
Tila nakababagot ngang listahan ng mga pangalan, pero napakahalagang hamon pala sa atin: tayo mismo ang maging Mabuting Balita, matuto tayong maghintay, at hayaan nating bulagain tayo ng Diyos.
O, hindi ba kayo nabulaga, ganito pala ang talaangkan ni Jesus? Ganyan nga po.
Hello Fr!Nice homily.Hindi na gaano bored mga kabataan kasi nakakarelate na sila.Anyway, un pong tala-angkan ni Jesus, mas madali nang naintindihan ng mga bata . Usually kasi Jesse Tree lang ang inaaral nila ngayon.
ReplyDeleteTill next simbang gv.God bless u po!