Ika-apat na Linggo ng Adbiyento at Panlimang Misa de Gallo
Lk 1:39-45
Hindi talaga lilipas ang Pasko nang hindi tayo binibisita o hindi tayo bumibisita. At dahil diyan, may nagtext: “Pakitingnan mo ang katabi mo at batiin ng good morning. Tapos, tanungin, ‘May dalaw ka ba?’” Anong sagot? Meron o wala? Kung ayaw sumagot, malamang dinalaw na iyan ng antok. Pakigising po.
Lk 1:39-45
Hindi talaga lilipas ang Pasko nang hindi tayo binibisita o hindi tayo bumibisita. At dahil diyan, may nagtext: “Pakitingnan mo ang katabi mo at batiin ng good morning. Tapos, tanungin, ‘May dalaw ka ba?’” Anong sagot? Meron o wala? Kung ayaw sumagot, malamang dinalaw na iyan ng antok. Pakigising po.
Mukha bang may dalaw ang katabi mo? Bakit po kanina pa kayo natatawa? Ano bang dalaw ang nasa isip ninyo; ke aga-aga! Naalala ko tuloy nang minsang nasa labas ako ng simbahan ng Quiapo. Ang dami talagang paninda roon; sari-sari pa. Nagulat po ako nang may kumalabit sa akin: “Sir, sir, bili na po kayo.” Tiningnan kong mabuti ang iniaalok sa akin. “Ano kayang ugat ito?” tanong ko sa sarili ko. “Bakit kaya nakababad sa tsaa?” “Ano po ba iyan, ale?” sabi ko sa tindera. “Gamot po,” sagot sa akin. “A, gamot,” patangu-tango kong inulit ang sinabi ng ale. “E, gamot po saan?” tanong ko ulit. “Gamot po ito para sa babaeng gustong magkaroon ng dalaw,” sagot niya. “Me ganun?” sabi ko. May gamot na pala para sa gustong magkaroon ng dalaw. Sinong walang dalaw dito. May gamot pala diyan! Kaya lang, bakit pambabae lang? At doon ko unang nalaman na pampalaglag pala iyon ng bata. Nakakatakot!
Pero nang magpakumpisal ako sa Manila City jail noong nakaraang linggo, hindi ako natakot. Akala ko nakakatakot – biro n’yo magpakumpisal ka kaya ng mga puro tattoo – pero hindi pala. Nakakaawa. Awang-awa ako sa mga maraming taon nang nakalipas nang wala man lang kahit isang dalaw. Naghahalo ang pagdaramdam nila at pag-unawa sa mga pamilya nilang hindi na sila dinadalaw. Noong unang mga buwan daw, madalas pa ang dalaw; pero, nang inabot na ng taun-taon ang pagdinig sa kaso nila, dumalang na raw ang dalaw nila hanggang sa tuluyan nang mawala. Nagdaramdam sila dahil pakiramdam nila ay pinabayaan na sila ng mga inaasahan nila. Pero nauunawaan din naman daw nila dahil sino raw ang may gustong makilalang may kamag-anak sa loob.
Pati mga nasa loob ng Mandaluyong (kami po taga labas ha), naghihintay ng dalaw. At noong mga seminarista pa kami sa minor, inaabangan din namin ang dalaw namin tuwing Linggo, pati na rin ang dalaw ng iba, lalo na kapag may kapatid na maganda.
E, bakit nga po ba panahon ng mga pagdalaw ang Pasko?
Ang Diyos ang unang dumalaw. Dinalaw Niya minsan ang tao sa hardin, pero hindi Niya ito natagpuan agad kasi nagtago ito sa Kanya. At naitala sa Bibliya (Gn 3:9) ang unang tanong ng Diyos sa tao: “Nasaan ka?” Bakit nagtatago ang tao sa Diyos? Sinuway kasi niya Siya. Pero isinisi naman niya ang pagsuway niya sa babae. At iyon ang simula ng malaking kalungkutan nating lahat: pumasok ang kasalanan sa sangkatauhan.
Pero dinalaw ulit tayo ng Diyos. Dinalaw Niya tayo sa mismong kalikasan natin. Nagkatawang-tao ang sarili Niyang bugtong na Anak na si Jesus. Ang tindi ng dating Niya: nakisalo Siya sa ating pagkatao para makasalo tayo sa Kanyang pagka-Diyos. Naging tulad natin sa lahat ng bagay si Jesus, maliban sa paggawa ng kasalanan; pero, tinamo Niya sa Kanyang kabanal-banalang katawan ang mga sugat ng ating pagkakasala. Dinanas Niya ang kamatayan, bagamat walang-sala. Iba Siya talaga! Hindi lang pala Siya dumalaw, nakipamuhay na Siya sa atin. Hindi lang Siya naging Kasambahay; Kasambuhay natin Siya – kasa-kasama sa buhay, kaisa sa buhay, karamay sa buhay, mismong buhay natin Siya. Sa Banal na Eukaristiya, patuloy nating nararanasan ang Kanyang pagiging Kasambuhay natin. Ika pa ni Papa Juan Pablo II sa kahuli-hulihan niyang sinulat bago pumanaw, ang Apostolic Letter na pinamagatang “Mane Nobiscum Domine,” “Christmas is Jesus coming to us, but the Eucharist is Jesus staying with us” (Ang Pasko ay si Jesus dumarating sa atin, pero ang Eukaristiya ay si Jesus nananatili sa atin.”
Kung paanong pinagtaguan Siya ng tao nang una Niyang dinalaw ito, tinanggap naman at pinatuloy Siya ni Maria nang dinalawa Niyang muli tayo. Si Maria ang unang tumanggap at nagpatuloy sa Kanya. At hindi lamang naging una Niyang tahanan si Maria, si Maria rin ang una niyang tagapagdala.
Matapos sabihan ng anghel na maging ang pinsan niyang si Elizabeth – sa kabila ng katandaan at pagiging baog nito – ay nagdadalantao, kara-karakang umalis si Maria at nagmamadali niyang pinuntahan ang pinsan para sa dalawang dahilan: una, para makita ang pruwebang ibinigay ng anghel sa kanya – ang milagrosong pagbubuntis ni Elizabeth, at, ikalawa, para damayan niya siya.
Kakaiba rin ang dating ni Maria, dahil nang marinig pa lang ni Elizabeth ang tinig niya, lumundag na sa tuwa ang ipinagdadalantao nito. At bakit nga ba naman hindi? Ikaw kaya ang dalawin ni Lord. Sino rito ang gustong dalawin ni Lord? Si Maria, dala-dala si Jesus sa kanyang sinapupunan, ay parang tabernakulo ng Banal na Eukaristiya. At nang manatili pa si Maria nang tatlong buwan para alalayan si Elizabeth, larawan siya ng kung ano ang dapat gawin sa atin ng Eukaristiya: itulad kay Jesus na naparito hindi para paglingkuran kundi upang maglingkod.
Sa buhay natin – hindi lamang kapag Pasko kundi sa anumang sandali – madalas tayong dumalaw at marami tayong dinadalaw. Sana ang pagdalaw natin ay gaya ng pagdalaw ng Diyos kay Maria at ng pagdalaw ni Maria kay Elizabeth: ang pagdalaw na naghahatid kay Jesus sa mga taong dinadalaw natin, naglalapit kay Jesus – hindi naglalayo – sa mga taong nakasasalamuha natin.
Pero huwag po nating kalilimutan, para tayo makadalaw, kailangan nating maglakbay, katulad ni Maria na naglakbay patungong bulubundukin ng Judah kung saan nakatira si Elizabeth. Hindi niya nadalaw si Elizabeth habang nakaupo lang siya o nagkukulong sa Nazareth. At para makapaglakbay, kailangan muna nating umalis. Si Maria nga, ayon sa ebanghelyo, nagmamadali pa. Comfort zone niya sana ang sariling tahanan sa Nazareth, lalo na’t nagdadalan-tao na rin siya, pero nilisan niya ito agad. Sa ating buhay, ano ang mga comfort zone natin na kailangan nating lisanin? Ano sa buhay natin ang dapat nating iwan para tayo makapaglakbay na at maihatid na si Jesus sa ating kapwa? Hangga’t hindi tayo umaalis, hangga’t hindi natin iniiwan ang dapat nating iwan, hindi tayo makadadalaw, hindi makadaramay, hindi maihahatid si Jesus sa iba.
Hindi sapat ang tanong na “may dalaw ka ba”. Dapat ay “may dadalawin ka ba?” Pakitapik na po ang katabi ninyo at baka dinalaw na iyan ng antok; may kailangan din siyang dalawin. Tanungin n’yo kung sino.
No comments:
Post a Comment