Ikaapat na Araw ng Misa de Gallo
Lk 1:5-25
Si Joey at si Zach – kakaiba ang dalawang ito, pero parehas silang nakapangasawa ng mga kakaiba ring babae.
Lk 1:5-25
Si Joey at si Zach – kakaiba ang dalawang ito, pero parehas silang nakapangasawa ng mga kakaiba ring babae.
Si Joey, katipan ni Mary na nabisto niyang nagdadalantao na bago pa sila ikasal. Kung sabagay wala nang nakabibigla sa mga babaeng ikinakasal na may laman na ang sinapupunan. Ang nakakabigla talaga kay Mary, talagang birhen siya pero nagbuntis pa rin dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa palagay ko, hindi ganoon kadali para kay Joey na tanggapin at paniwalaan iyon. Pero inalalayan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang anghel na dumalaw sa kanyang panaginip para ipaliwanag na ang dinadala ni Mary ay hindi sa ibang tao kundi sa Diyos: Anak ng Diyos. Palagay ko pa rin, mas lalo sigurong nahirapan si Joey nang malaman niya iyon! Hindi biro ang tumayong ama ng anak ng iba, lalo na kung ang ibang iyon ay ang ibang-iba – ang Diyos mismo. Ngunit sa gitna ng kanyang pinagdaraanan, nanatiling tahimik si Joey. Bakit kay, nanahimik si Joey? Dalawang posibleng dahilan: una, wala siyang masabi sa mga nalaman niya at hinihingi nito sa kanya, at, ikalawa, hindi na kailanang may sabihin pa siya dahil ang mahalaga na ay ang tumalima. At naisilang ni Mary si JC: Jesus Christ!
Ito namang si Zach, matagal nang may asawa – si Beth. Sobrang tagal na nila talagang mag-asawa. Kung tutuusin, lola na nga si Beth at lolo na si Zach, pero wala naman silang mga apo. Sa edad, lolo at lola na ang ketegoriya nila. Gustung-gusto nilang magka-anak. Sumpa ang tingin ng mga tao noon sa kawalang-kakayahang magka-anak, kaya isang kahihiyan. Ang walang anak ay walang ambag sa pagpapalapit ng pagdating ng Mesiyas. Pero, tinanggal ng Diyos ang kahihiyan ni Beth at Zach, at pinagkalooban sila ng isang anak. Ang kagitla-gitla ay hindi lamang lagpas na si Beth sa edad ng pagbubuntis, kundi talagang baog siya. Maging si Zach ay hindi makapaniwala sa pagdadalantao ng asawa kahit pa anghel na ng Panginoon ang nagpaliwanag sa kanya. Nawalan siya ng boses at hindi na rin makarinig. Puwedeng hindi siya makapagsalita dahil sobrang tindi ng pagka-shock niya talaga. Biruin mo ba naman kung ikaw yun? Bigla kayang magbuntis ang lola mo? Kahindik-hindik, kagimbal-gimbal, hindi ba? Makapagsalita ka pa kaya? Ipagmamalaki mo ba sa mga barkada mo iyon? “Wala kayo sa lola ko, buntis! O, ha….” Pero malinaw sa ebanghelyo natin ngayon na hindi dahil sa matinding pagka-shock kaya bingi at pipi si Zach. Kaya siya hindi makapagsalita at hindi makarinig dahil pinagdudahan niya ang kagandahang-loob ng Diyos. Humihingi sila ni Beth ng anak sa Diyos pero ngayong binibigyan na sila ng Diyos ng anak, ayaw pa niyang maniwala. Minsan, ganyan din tayo, hindi ba? Dasal tayo nang dasal para sa isang bagay pero ang tagal ibigay ng Diyos, at nang ibinibigay na – ayon sa Kanyang paraan at pasiya – ayaw nating kilalanin. Mag-ingat tayo ha. Gayunpaman, ang pagdududa ni Zach ay hindi naging hadlang sa kabutihang-loob ng Diyos. Isinilang ni Beth si Johnny. At akmang-akma ang pangalan ni Johnny para sa kanya kasi ang ibig sabihin nito ay “Mabait ang Diyos.”
Walang sinabi si Joey bago ang balita sa kanya ng anghel. Wala rin naman siyang sinabi pagkatapos. Si Zach naman, wala nang masabi pagkatapos balitaan din ng anghel. Tahimik na tao talaga itong si Joey; si Zach – pinatahimik.
Nanahimik si Joey at pinatahimik naman si Zach. Kusang-loob ang pananahimik ni Joey; parusa naman ang kay Zach. Ang pananahimik ni Joey ay mapagkumbabang pagtalima sa kalooban ng Diyos. Ang pagpapatahimik kay Zach ay parusang sanhi ng kanyang pagdududa sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Sa isang banda, dahil hindi nagsalita si Joey, lubos na nakapagsalita ang Diyos: ang Salita ng Diyos ay nagkatawang-tao; isinilang si Jesus. Sa kabilang banda naman, bagamat hindi pinagsalita si Zach, naisilang pa rin ang tagapagsalita ng Diyos: Si Juan Bautista.
Talagang napakaraming hiwagang bumabalot sa kuwento ng Pasko. Ngunit hanggang ngayon sa ating kapanahunan, patuloy tayong ginugulat ng Diyos. Binubulaga Niya tayo. At meron sa ating tahimik na nananalig sa ating nasasaksihang mga gawa ng Diyos. Meron din namang pinatatahimik ng kanilang pag-aalinlangan.
Tingnan po ninyo ang katabi ninyo. Siya ba ay tahimik na tao o taong dapat nang tumahimik? Kung siya ay tahimik na tao – dahil kaya tahimik siyang tumatalima sa Diyos o tahimik niyang pinaplano ang pagputok ng Mayon? Kung dapat naman na niyang manahimik – kailangan pa kayang parusahan siya o magkukusa na lang siya bago siya tamaan ng pagputok ng Mayon? Pero, ikaw mismo – tahimik ka ba o dapat ka nang patahimikin. Paano natin maririnig ang anghel kung ayaw nating tumahimik? Paano natin maririnig ang Diyos kung lagi tayong nagsasalita? Paano natin mauunawaan ang kagandahang-loob ng Diyos kung ayaw natin ng katahimikan.
Kaya, mananahimik na muna po ako bago ninyo ako patahimikin. Manahimik tayong lahat at pakinggan natin ang Diyos.
No comments:
Post a Comment