Pages

01 May 2016

PAALAM (ni Jesus)

Ika-anim na Linggo ng Paskong Magmulin-Pagkabuhay
Jn 14:23-29 (Gawa 15:1-2, 22-29 / Slm 66 / Pahayag 21:10-14, 22-23)

Paalam.  Maganda po ang salitang “paalam”, hindi ba?  binabanggit po nito ang dalawa pang kataga: “paa” at “alam”.  “Paa” – nagpapahiwatig ng paglakad, paglalakbay, pag-alis.  At “alam” – ibig sabihin po ay batid, namalayan, nalalaman.  Maganda po ang salitang “paalam” pero walang gustong mamaalam.  Lahat gustong manatili.  Manatili sa nakasanayan na, sa nakagawian na, sa nakamihasnan na.  Ang karanasan po ng pagpapaalaman ay agad nagpapaningas ng mga damdamin ng nostalgia sa nakaraan, kalungkutan sa paghihiwalay, at takot din sa katotohanang hindi mo hawak ang mga susunod na mangyayari.  Babalik pa kaya siya?  Magkikita pa kaya kami?  Magkakasama pa ba kami?  Maganda po ang salitang “paalam” pero walang gustong magpaalam kahit minsan dapat nang magpaalam.  Hanggang puwedeng hilahin ang mga sandali upang ito ay humaba-haba pa, hihilahi’t hihilahin kundi man maiiwasan talagang mamaalam.  Tapos iyakan.

Paalam.  Alin nga po ba ang mas madali: ang magpaalam o ang pagpaalamanan?  Mas mahirap po ba ang umalis o ang maiwan?  Tandang-tanda ko pa po noong batang paslit pa ako, minsan ay nagwala ako nang hindi ako isinama ng nanay ko sa kayang pupuntahan.  Iniwan ako.  Naiwan ako.  At hindi lang yun, iniwanan pa ako: mga bilin!  Mga bilin na hindi ko inintindi dahil ang gusto ko ay ang sumama sa kanya pero iniwan niya ako.  Pero nagbalik din naman si nanay dahil namalengke lang pala siya.  At ang kanyang mga bilin?  Hindi ko nagawa dahil hindi ko po inintindi.  Iba ang gusto kong mangyari.

“Paalam” – magandang salita pero mahirap sabihin.  Higit pang mahirap kung sa iyo sasabihin.

Ngunit kung wala pong “paalam” paano magsisimula ang susunod na kabanata?  Kaya po siguro marami sa atin ang hindi nabubuhay sa dapat nilang kasalukuyan ay dahil ayaw nilang magpaalam sa kanilang nakaraan.  May edad na pero isip-bata pa.  Ochenta na pero kung magdamit parang diez y ocho lang.  May asawa na pero kung makipagkaibigan parang single pa.  Pari na pero kung umasta parang binata pa (Hindi po binata ang pari.  Celibate sya!)  Paano nga po ba tayo liligaya sa ating kasalukuyan kung ayaw nating magpaalam sa bawat yugtong lumilipas sa ating buhay?

Paalam.  Namamaalam po si Jesus sa Kanyang mga alagad.  Ang tagpo ay ang Huling Hapunan.  Bilang na po ang mga oras ni Jesus.  Hinihintay na Siya ng Kanyang krus.  Mabuti pa si Jesus, marunong magpaalam.  Marami po kasi bigla na lang nawawala – hindi marunong magpaalam.  Marunong pong magpaalam si Jesus dahil malinaw sa Kanya na ang Kanyang misyon ay hindi nagtatapos kundi nagbabagong-anyo lamang.  Nagtatapos ang isang yugto ng Kanyang misyon samantalang nagsisimula naman ang bago.  Kailangang gawing malinaw sa Kanyang mga alagad ang pagtatapos at pagsisimulang ito.  Kailangan po sapagkat ang misyong ito ni Jesus ay magpapatuloy sa katauhan nila.  Misyon pa rin po ni Jesus, ngunit sa pamamagitan na nila.  Sa tulong nga at kapangyarihan ng Espiritu Santong isusugo ng Ama sa ngalan ni Jesus, pero sa pagbibigay-saksi na nila kay Jesus.

Baka katulad ko po noong batang-paslit pa ako, hindi nakinig nang mabuti ang mga alagad sa mga bilin ni Jesus dahil lunod na lunod sila sa damdamin ng paghihiwalay.  Kitang-kita po nilang may nagwawakas, ngunit pansin ba nila na may nagsisimula?  Damang-dama po nilang may aalis – si Jesus, pero nakukutuban ba nilang may parating – ang Espiritu Santo?  Paano ang mga bilin ni Jesus?

Tayo po, ano ba ang mas iniintindi natin sa pagsunod natin kay Jesus?  Batid po ba nating si Jesus ay nasa ating puso?  Ramdam po ba  nating, bagamat hindi natin Siya nakikitang pisikal, kasa-kasama pa rin natin Siya?  Na hindi natin nakikita si Jesus sa pamamagitan ng ating paninging pisikal ay hindi po nangangahulugang ang pag-iral Niya ngayon ay hindi na sintindi o sinwagas ng pag-iral Niya noong nakikita pa Siya ng mga alagad.  Ang paglaho po ni Jesus sa paningin ng tao ay hindi Niya pag-alis sa ating piling.  Hindi tayo nilayasan ni Jesus.  Hindi Niya po tayo iniwang ulila.  Hindi Niya tayo pinabayaan.  The ascension of Jesus simply means that Jesus is now present in a different way.  That ‘way’ is in our way of living.  Make a difference for Jesus.

Paalam: “paa” at “alam”.  May maglalakbay at pinababatid po Niya ito sa atin.  Siya si Jesus.  Patungo Siya sa ating puso.  Nandoroon pa po ba Siya?  Patingin nga sa inyong mga gawa.  Pinababatid Niya po ito sa atin.  Alam n’yo ba?  Kaya Siya nagpapaalam.

Nagpaalam po sa atin si Jesus.  Ipaalam po natin Siya sa iba.  Nagbilin po sa atin si Jesus.  Iniintindi po ba natin ang bilin Niya?  Noong nakaraang Linggo, bilin po Niya ay ito: “Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal Ko sa inyo.  Kung may pagmamahal kayo sa isa’t isa, makikilala ng mundo na kayo ay mga alagad ko.”

Pag-uwi po ng nanay ko at nakitang hindi ko ginawa ang bilin niya, napagalitan ako.  Pagbalik po kaya ni Jesus at makita Niyang hindi natin tinupad ang bilin Niya, ano po kaya ang sasabihin Niya sa atin?  “Hindi ba nagpaalam Ako sa inyo?”







No comments:

Post a Comment