Pages

03 April 2016

DUDA

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay
Jn 20:19-31 (Gawa 5:12-16 / Slm 118 / Pahayag 1:9-11, 12-13, 17-19)

Kay rami pong mga kaduda-duda ngayon.  Kung talagang nag-iisip po tayo, tiyak magdududa talaga tayo.  Pasintabi po, ilang halimbawa.  Madalas ko pong marinig ngayon – at masakit na nga sa tainga – sa loob daw po ng anim na buwan, wala nang kurapsyon, kriminalidad, at katiwalian sa Pilipinas.  Siyempre, gustong-gusto po natin iyan.  Pero, sa tutoo lang po, posible ba talagang malilinis ang bulok na sistema ng bansa sa loob lamang ng anim na buwan?  Napakalalim po ang ugat ng katiwalian at kriminalidad sa sistema ng ating lipunan; nangangailang ito ng napakalalim ring pagpapanibago sa isip at puso ng bawat Pilipino.  Heto pa po, magiging libre raw ang pagpapagamot, pag-aaral, at kung anu-ano pa – dahil kung nagawa sa Makati, eh kayang-kaya rind aw gawin sa buong bansa (at aalis na raw ang buwis sa kumikita nang tatlumpung libong piso lamang o mababa kada buwan.  Maganda po iyan, pero posible ba talaga?  Iyong isa naman po, panay ang sabing hindi raw siya ang kahapon (tinutukoy ang rehimen ng kanyang ama) pero hindi naman tayo bobo para maniwalang hindi siya nakinabang sa kahapong iyon.  At sa katunayan, wala po siyang ngayong kung wala ang kahapong iyon.  Hindi n’yo po ba pagdududahan ang motibo n’ya?  Meron pa po akong naririnig na hindi n’ya raw tayo bibigyan ng drama, trabaho lang.  Pero pikon naman.  Pumapatol sa drama ng iba.  May nangangako pa ng isang gobyernong may puso pero nasa Pilipinas po ba talaga ang puso n’ya kung mismong asawa at anak niya ay hindi siya maiboto dahil pusong Kano.  Maniniwala ka ba talaga?  At meron pang malusog daw siya para tumakbong pangulo pero kitang-kita namang nanghihina na siya.  Nakakaduda kung bakit pa siya tatakbo, hindi ba?  Hay, naku!  Mga pulitiko nga naman, kahit ano ipapangako, makapuwesto lang.  Ah, meron pa gustong maging senador pero apat na beses pa lang pong pumasok sa kongreso!  Kaduda-duda po talaga.  Wala kang mapili.  Lahat kaduda-duda, hindi ba?

Tayo po kaya, kaduda-duda rin?  Ano po ba ang kaduda-duda sa atin.  Magaling po kasi tayong magduda pero galit na galit tayo kapag tayo ang pinagdudahan.  Kailangan din po nating tanungin sa ating sarili kung may tutoong batayan ang pagdududa ng iba sa atin.  Dapat po nating harapin ang pagdududang iyan sa pamamagitan ng katotohanan.

Ang sagot po sa pagdududa sa atin ng iba ay hindi paghahamon ng suntukan o kaliwa’t kanang paninira sa pagkatao ng nagdududa sa atin.  Katotohanan ang sagot sa pagdududa kaya nga po kung may nagdududa sa atin dapat tayong magbigay-patutoo.  Patotohanan po natin na mali ang kanilang pagdududa.  Ipakita po natin sa gawa ang kamalian ng kanilang pag-aalinlangan.

Sa nagdududang Tomas, nagpakita ang magmuling-nabuhay na Jesus.  Ang mga sugat Niya sa Kanyang mga kamay at tagiliran ang patutoong si Jesus nga po ang kaharap ni Tomas.  Ngunit ang hayaan pa po ni Jesus na mahawakan ni Tomas ang mga marka ng mga pako sa Kanyang mga kamay at maipasok ang kamay sa tagiliran Niyang sinibat ay patunay na hindi multo, hindi guni-guni, at hindi kathang-isip ang magmuling-pagkabuhay ni Jesus.

Tayo po ba, paano natin pinapawi ang pagdududa ng iba sa atin?

Ngayong ikalawang Linggo ng Pasko ng Magmuling-Pagkabuhay ng Panginoon ay siya ring Linggo ng Awa o Divine Mercy Sunday.  Higit pa pong tumitingkad ang Linggong ito ng Awa samantalang tayo ay nasa Extraordinary Jubilee of Mercy.  Sana po, maawa rin tayo sa mga nagdududang Tomas sa ating buhay.  Sa halip na hamunin sila ng away o gawan ng kung anu-anong kuwento para sila rin ay pagdudahan, mahinahon po sana natin silang akaying makita ang kamalian ng kanilang pagdududa sa atin.  Pagharian po nawa ang ating sambayanan ng tunay na awa at hindi away.

At sakali pong tayo naman ang nagdududa, huwag naman po sana tayong magpadalus-dalos sa paghusga sa pagkatao ng ating pinagdududahan.  Huwag po nating isasara ang aklat ninuman at sabihing “Ganyan talaga siya!  Walang pagbabago.  Sinabi ko na sa inyo, kaduda-duda ang taong iyan.”  Sa halip, sakaling, katulad ng nangyari kay Tomas, tayo po ay mapatunayang nagkamali sa ating pagdududa, sana marunong din tayong tumanggap ng ating pagkakamali at pagsikapang buuing muli ang ating pagtitiwala.

Napakarami na pong kaduda-duda sa mundo.  Lubhang kailangan ng lahat ang awa ng katulad kay Kristo.  Tanging ang pagkamaawain po natin sa isa’t isa ang hihilom sa ating mga sugat at papawi ng ating mga pagdududa.  Sa ating pananampalataya sa magmuling-pagkabuhay ni Kristo tayo po nawa ay magmuling-maging kapani-paniwala at magmuling-magtiwala sa isa’t isa.  Maawa na po tayo sa mga pinagdududahan natin: huwag natin silang ibilang sa mga patay gayong sila ay nagsisikap nang magmuling-mabuhay.  At sa mga nagdududa naman sa atin, maawa rin tayo: ipakita po natin sa kanila ang ating mga sugat sapagkat ito ang katotohanan.

No comments:

Post a Comment